Dean’s PoV
PAGKABABA ko pa lamang ng kotse ko ay nakita ko na kaagad si Shyra na nakahalukipkip habang nakaupo sa may bench na nasa pool at tila hinihintay niya ako. Gumagalaw pa ang mga tuhod nito habang naka-de kuwatro ng upo na tila isang lalaki.
Nagkaroon ng problema sa site ng project namin sa Tarlac kaya naman nagtungo ako roon kanina para ayusin iyon. Nakapamulsa ang isang kamay ko sa pants na suot ko at hawak naman ng isang kamay ko ang suit na inalis ko.
Nilampasan ko si Shyra at hindi na ito pinansin.
“Bossing!” biglang sambit nito sa akin.
Huminto ako sa tapat ng fountain at saka binalingan ito. “Yes? May kailangan ka ba? Kung hindi iyan importante bukas mo na lang sabihin dahil pagod ako,” masungit na sagot ko rito. Muli akong humakbang ngunit nabigla ako nang humarang ito sa daraanan ko.
Nakalukikip ito at masamang nakatingin sa akin.
“Ano bang problema mo? Hihirit ka bang bumale sa akin? Hindi kita mapagbibigyan kung iyan ang gusto mo. Hindi ka rin p’wedeng mag-absent kung iyon ang binabalak mo.”
Tumaas ang isang kilay ni Shyra habang nakatingin sa akin. “Hindi ko kailangan na bumale, bossing. Wala rin akong balak na humingi ng day off dahil malapit na ang day off ko.” Nginisihan ako ni Shyra at saka tumingin sa akin mula ulo hanggang paa. “Hindi ka naman guwapo sa paningin ko, tsk.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. Talagang ipinamukha nito sa akin na hindi niya ako gusto!
“Nanggaling dito ang nobya mo, bossing. Nagwawala at hinahanap ka sa amin. Minura kami dito pati na sina Kuya Lindo at Manong Celso na umaawat pinagbantaan pa ang buhay. At nagpupumilit na hanapin ka sa loob ng bahay mo dahil akala niya itinatago ka namin. Sinabi ko sa kanya na hintayin ka sa may gate at---”
Nagkasalubong ang mga kilay ko sa sinabi nito. “Bakit mo iyon ginawa kay Channel? Ano ang karapatan mo para utusan siya na maghintay sa gate?”
Bumuka ang mga bibig ni Shyra at nasapo ang noo. “Bossing? Binastos niya kam---”
“Hinayaan na lang sana ninyo! Kung anuman ang ginawa niya sa inyo nararapat lang iyon dahil pinagbawalan ninyo siya na pumunta rito. Shyra, Yaya ka lang at ako ang boss mo! Dapat naiintindihan mo iyon at hindi ka dapat nagdesisyon na hindi muna ipinapaalam sa akin ang sitwasyon!”
Tinaasan niya ako ng isang kilay. Halatang naiinis ito sa mga sinasabi ko.
“Sige, bossing. Tatandaan namin lahat ng mga sinabi mo. Okay lang na bastusin kami at tratuhin ng ganoon ng nobya mo. Sige… hindi na ako magrereklamo tutal ikaw na rin ang nagsabi.” Inirapan niya ako bago talikuran. Sinipa pa nito ang steel table and chairs na naroon sa may gilid ng fountain.
“Shyra! Huwag mong pagdiskitahan ang mga gamit ko rito!”
“Babayaran ko!” malakas na sigaw nito sa akin. “Kahit na magkano pa!” muling sigaw nito habang palayo sa akin.
Sinundan ko siya na nagtungo sa may laundry area. Hinila ko ang kamay niya at mahigpit na hinawakan iyon.
“Bitiwan mo nga ako!” malakas niya akong itinulak. “Ikaw ang boss kaya ikaw lang dapat na nasusunod? Ano namang klaseng patakaran iyan?! Hindi na tao ang turing mo sa amin kun’di isang manika na de susi at walang emosyon!”
“Dahil binabayaran kita kaya wala kang karapatan na magreklamo!”
Hinatak ni Shyra ang kuwelyo ng long sleeves na suot ko at itinulak niya ako sa may pader ng laundry area. Matangkad lang ako ng isang inches kay Shyra kaya magkapantay lang kaming dalawa.
Inilapit nito ang mukha sa mukha ko at saka ako nginisihan. “Kung ganoon din lang pala, aalis na ako rito! Ora mismo! Hindi ko rin naman kayang pagtiisan ang masamang ugali mo!” masama niya akong tinignan sa mga mata. “Mas malala ka pa sa dragon mong girlfriend! Bagay na bagay nga talaga kayo dahil pareho kayo ng ugali!” marahas na binitawan ni Shyra ang kuwelyo ng long sleeves ko. Umatras ito at ikinuyom ang mga kamay. “Tsk!” malakas na sambit nito bago sipain ang monoblock na silya. “Nakakainis!”
“Kung aalis ka, umalis ka na ngayon!” naiinis din na sabi ko rito.
“Talagang aalis na ako! Ang sama ng ugali mo!”
“Wala kang alam tungkol sa akin! Hindi mo ako p’wedeng sabihan ng ganyan na para bang kilalang-kilala mo na ako!”
Tinaasan niya ako ng isang kilay. “Nagagalit ka?” Bumuga ito ng hangin. “Nakakagalit din pala? Samantalang iyong ginawa sa amin ng nobya mo, wala kaming karapatan na magalit ganoon ba? Ayaw mo pa lang hinuhusgahan ang pagkatao mo ng ibang tao! Ganoon din ang nararamdaman namin! Mabuti nga nakapagtimpi pa ako kanina! Hindi rin ninyo ako kilala para husgahan, marami kang CCTV dito ‘di ba? Makikita mo ang mga nangyari kanina. Ang nobya mo ang nag-eskandalo rito at hinamak kami!” giit ni Shyra. Talagang hindi ito nagpapatalo at sinasabi nito ang gusto nitong sabihin sa akin.
“Nobya ko pa rin si Channel!”
Hindi ito makapaniwala sa sinabi ko dahil nagawa ko pa iyong sabihin dito ngayong nagagalit na nga ito sa ginawa ni Channel kaninang wala ako.
“Kung ganoon dapat updated ka sa kanya! Sabihin mo lahat sa kanya para hindi ka niya hinahanap dito ng alanganing oras! May cellphone naman kayo ‘di ba? Wala ba kayong mga load?! Sabihin mo sa kanya lahat ng mga ginagawa mo pati pag-jebs! Ganoon ang nagmamahal dapat updated sa kanyang minamahal! Dahil kung hindi ka rin naman concern sa kanya, hiwalayan mo na lang!”
Naningkit ang akong mga mata at tumingin dito. “May alam ka ba sa pagmamahal? Bakit napakadali para sa iyo na sabihin na hiwalayan ko si Channel? Ano bang alam mo sa pagmamahal ha?”
Kinagat nito ang ibabang bibig at inayos ang suot na scrub suit.
“Hindi ka makasagot dahil hindi mo pa naranasan na magmahal at masaktan!”
Umangat ang sulok ng mga labi nito. “Masaktan? Sa pag-ibig? Iyon lang ba ang pagmamahal para sa iyo? Tungkol sa damdamin ng isang babae at isang lalaki? Kung ganoon lang na pag-ibig ang alam mo wala kang alam sa pag-ibig na naranasan ko! Wala kang alam sa buhay!”
Natigilan ako sa sinabing iyon ni Shyra sa akin. Kitang-kita ko ang pamamasa ng mga mata nito matapos nitong magsalita sa harapan ko.
“Hindi lang tungkol sa mutual feelings ang pag-ibig, bossing. Kung sakit lang na maiwan ng nobya ang sinasabi mo, wala kang alam,” madamdaming pagpapatuloy nito. “Aalis na ako! Huwag mo na akong pigilan!”
Tinalikuran ako no Shyra at nagtungo ito sa tapat ng pinto.
Bumuga ako nang malalim at saka tumingin dito.
“May hawaiian chessy overload pizza akong binili, nasa likod ng kotse ko.”
Biglang natigilan sa pagpihit ng seradura si Shyra. Nilingon niya ako na nagpapahid ng luha sa mga mata.
Tinalikuran ko naman siya ngunit ibinaba ko sa ibabaw ng washing machine ang susi ng kotse ko.
“Sorry," mahinang sabi ko rito bago humakbang palayo rito na may ngiti sa aking mga labi.
Hindi ko siya mapapayagan na umalis dahil nag-aalala ako para sa kanya. Lalo na’t may gusto rito ang kaibigan kong si Luigi. Baka mabiktima lang si Shyra sa matatamis na salita ng kaibigan kong pulis.
Naisuklay ko ang aking kanang kamay sa buhok ko habang naglalakad ako patungo sa loob ng bahay ko. Napailing na lamang ako habang nag-aalala kay Shyra.
Ano ba itong nararamdaman ko? Naguguluhan na ako. Ngayon lang ako nagkaganito sa isang babae.
Hindi ko kayang pigilan ang aking sarili.
Hindi kami okay ni Channel kaya niya ako kinukulit. At pinag-iisipan ko na ring tapusin ang ugnayan naming dalawa. Kahit pa maapektuhan ang pagpapatayo ko ng subdivision sa Talavera. Sigurado ako na iuurong ni Mister Chen Lowcas ang investment nito kapag nalaman nitong makikipaghiwalay na ako kay Channel.
Nakasalubong ko sa may hagdan si Manang Berry na iba ang ngiti sa mga labi. Mukhang narinig nito ang pagtatalo namin ni Shyra sa may laundry area.
“Manang, pumunta ba rito si Channel?”
“Opo, sir. Mukhang nakainom po at hinahanap po kayo. Panay din ang tawag niya noong nakaraang araw dahil hindi rin kayo sumasagot sa mga tawag at text niya sa inyo, sir.”
“Na-Nakipag-away ba si Shyra?”
Umiling naman ang matanda. “Kalmado po si Shyra, sir. Kinausap niya ng maayos si Ma’am Channel kaso nagmatigas at pinagmumura kaming lahat dito. Pati nga ho si Ice naabala sa pagtulog dahil pinilit po ni Ma’am Channel na pumasok dito sa bahay. Binato pa nga po kami ng mga flower vase, mabuti na lang at sinalo ni Shyra ang mga iyon kaya hindi tumama sa akin.”
Natigilan ako sa sinabi nito at tumingin dito. “Nasaktan si Shyra?”
Malungkot naman ito na tumango. “Ang sabi niya okay lang ho siya, sir.”
Mabilis akong pumihit palabas ng main door. Sa may garden natanaw ko si Shyra na naka-squat at kumakain ng binili kong pizza. Mukhang tuwang-tuwang pa ito na nakaharap sa pagkain na ipinatong nito sa may bench.
Bumuga ako nang malalim at napailing.
“Mula noong dumating siya dito, sir. Naging maagaan ang lahat ng trabaho namin dahil siya ang maagang nagigising at gumagawa ng mga trabaho na dapat para sa amin. Mabuting tao si Shyra, sir. At isa rin siyang tapat na Yaya. Ngayon lang ako nakakilala ng isang tao na may mabuting puso na katulad ni Shyra. Alam mo, sir. Kinikilig ako sa inyo ni Shyra kapag nag-aaway kayong dalawa."
Napaubo ako sa sinabi ni Manang Berry.
“Matutulog na po ako,” seryosong sabi ko rito na hindi mapigilan ang pangiti ng aking mga labi.