Luna’s PoV
“Tsk, akala naman niya uubra sa akin itong pizza niyang malaki!” naiinis na sabi ko pagkatapos kumagat ng pizza na binili ni Dean. Masarap, malutong, ma-chezzy at maraming toppings. Bukod pa roon at may malamig na coke in can.
Tumaas ang sulok ng aking mga labi at saka napailing. “Aalis pa rin ako!” sabi ko bago muling kumain ng pizza.
Nakita sina Kuya Lindo at Manong Celso na nakatingin sa akin. Nasa guard house ang mga ito at nakaupo habang magkaharap sa may maliit at pabilog na lamesa.
Isinara ko ang kahon ng pizza at linapitan ang mga ito na naroon sa may guard house. Inilapag ko ang kahon ng pizza sa ibabaw ng lamesa at humila ako ng upuan at saka tumabi sa mga ito. Pumagitna ako sa kanilang dalawa.
“Ayst! Mas masarap sana itong pizza kung alak ang panulak natin.” Dinukot ko sa aking bulsa ang isang libong piso. “Heto, may malapit na convenience store akong nakita dito, Manong Celso. Bumili ka ng pulang kabayo para may panulak tayo.” Sabay tapik sa balikat ng matandang nasa tabi ko.
“Eh, Shyra…” Nagkamot ito ng batok na tila naguguluhan. “Magagalit sa atin ang boss natin at baka sinsantehin tayo sa trabaho,” nag-aalalang sabi pa nito.
Napailing ako sa sinabi nito. “Manong, ako na bahala kapag masisante ka o kayong dalawa ni Kuya Lindo. P’wede ko kayong ipasok na dalawa sa Asukal De Ruiz, malakas ako sa anak ng may-ari no’n,” nakangising sabi ko sa mga ito.
Nagkatinginan ang dalawa. “Hi-Hindi ba’t iyon ang… ang malaking planta sa San Miguel?”
Pinatunog ko ang akong hintuturo at hinlalaki sa harapan ng dalawa. “Mismo! Alam ninyo, kung ganoon kasama ang boss natin hindi na dapat natin pinagtitiiisan. Hindi tayo magawang maipagtanggol sa nobya, e. Paano na lang kung mag-asawa na sila? Mas malala ang aabutin nating mga tauhan lang nila at katiwala, ‘di ba?”
Nagtanguhan naman ang dalawang matanda na mukhang sang-ayon sa aking sinabi.
“Itabi mo na itong pera mo, Shyra. May alak kami diyan ni Lindo, tuwing ganitong oras kasi nag-iinuman kaming dalawa.” Ibinigay sa akin ni Manong Celso ang pera ko.
Hayst! Mabibilang lang sa kamay ko ang ginagawa kong panlilibre pero natatanggihan pa rin.
Tumayo si Manong Celso at kinuha ang malaking bote na may lamang malabnaw na kulay puting likido. Napakunot ako ng noo dahil hindi ako pamilyar sa inumin na nasa harapan ko.
“Lambanog ito, Shyra. Gawa ito mula sa niyog at padala pa ito ng anak ko sa akin galing Bicol,” nakangiting sabi ni Manong Celso. Inalis nito ang pizza at ibinigay iyon sa akin bago ipatong ang malaking bote sa may lamesa.
Kumuha ito ng isang maliit na baso at ang maliit nitong kaserola na may laman na sinigang sa sampalom na bangus na bagong luto. Sa usok pa lamang ay nakakatakam na dahil maraming sili.
Tumayo ako at inilagay sa may guard house ang kahon ng pizza. May natitira pang apat na slice na kakainin ko na lang bukas ng umaga.
Tumingin ako sa aking de keypad na cellphone. Alas dose na ng gabi. Naka-lock na ang gate at naka-on ang monitor ng CCTV sa loob ng guard house. Doon nakatingin si Kuya Lindo dahil ito ang security guard.
“Oh, dahan-dahan lang sa pagtagay, Shyra. Matapang ang alak na ito at baka malasing ka,” paalala ni Manong Celso sa akin.
Ngumisi naman ako sa sinabi nito dahil alam ko sa aking sarili na hindi ako mabilis na malasing. Sinalinan nito ang maliit na baso at saka ibinigay nito iyon sa akin.
“Ikaw na ang mauna, Shyra.”
Nagkatinginan ang dalawang matanda na para bang natatawa. Inirapan ko ang mga ito at saka ko nilagok ang alak sa baso. Mainit at maanghang sa lalamunan ang lambanog. Hindi naman matapang ang amoy at matamis pa nga ngunit malakas ang epekto nito.
Nasamid ako pagkatapos uminom ng alak.
“Tama na iyan, hindi mo ito kaya dahil pangmatatanda lang ang inuming ito,” natatawang ani Manong Celso.
Sinaway ko ang dalawang matanda. “Matanda na rin ako, mga manong. Ngayong gabi na lang ninyo ako makakasama sa pag-iinom dahil aalis na ako bukas ng umaga. Hindi na ako magtratrabaho dito.” Sinalinan ko muli ang baso ko at pinuno ko iyon bago inumin. “Kumuha na kayo ng ibang baso ninyo mga manong dahil sa akin na lang ito,” nakangising sabi ko sa mga ito. Humigop na din ako ng sabaw ng sinigang na bangus na inilagay sa mangkok ni Kuya Lindo. Sinarili ko iyon at hindi pinakuha ang dalawang matanda.
Walang nagawa ang mga ito kun’di kumuha ng bagong tagayan at mangkok para sa pulutan.
“Shyra, bakit ka naman aalis? Sinisante ka na ba ng boss natin?” tanong ni Manong Celso na nag-alis na ng damit pang-itaas. Lumabas tuloy ang malaki nitong tiyan.
Nangalumbaba ako sa lamesa at malungkot na tumango. “Ma-Masama ang u-ugali niya!” naiinis na sabi ko. Ramdam ko ang pag-iinit ng magkabilang pisngi ko at nauutal na rin ang pagsasalita ko. Limang beses pa lamang naman akong tumatagay.
Itinuro ko ang dalawang matanda. “Nga… ngayon lang ako… nala… sing.” Malakas akong tumawa at kinalampag ang ibabaw ng lamesa. Muntik pang malaglag ang mangkok dahil sa ginawa ko. Iyong bote ng lambanog na nasa tatlong litro ang laman nakalahati na namin.
Kaming dalawa ni Manong Celso ang tinamaan dahil napakadaldal na rin nito. Pati ang panliligaw nito noong kabataan ay sinasabi na nito sa akin. Habang si Kuya Lindo naman mukhang hindi pa lasing dahil diretso pa rin ito sa pagsasalita.
“Pag… ibig?” Nginisihan ko si Manong Celso habang nagsasalita. “Walang… for… ever! Manong, kayong dalawa ng asawa mo… nakaligtas sa sumpa ng pag-ibig kaya… nalam… pasan ninyo ang forever.” Pumalakpak ako at saka muling nagseryoso. “Iyong boss natin… tsk! Iyong pag-ibig niya… hindi forever! Sumpa ang tawag don!” naiinis na sabi ko at saka sumandal sa inuupuan ko.
Naningkit ang aking mga mata at tumingin sa aking katabi. “Ma-Manong Celso! Nakikita ko ba ang masungit at walang pusong boss natin, ha? Nasa…” Pinisil ko ang ilong ng lalaki sa aking tabi. “Magkamukha na kayo.” Tumawa ako ng malakas.
Nahihilo na ako at hindi na malinaw ang aking mga nakikita. Naduduling na ako at umiikot na ang aking paligid.
“Galit ka sa boss mo?” tanong ng lalaki na kaboses ni Dean.
Nginisihan ko siya at saka malakas na sinuntok sa may dibdib. “Ha… lata ba? Ma… Manong, kaboses mo na rin si… Boss Dean…” Napailing ako ng mabilis. “Demon! Devil! Deanonyo!” Tumawa ako ng malakas at kinalampag ang tapat ng ang aking puso. “Masakit magsalita… ang Deanonyo na iyon. Kaya naman… kaya na… man… aa-aalis na ako,” sumisinok na sambit ko.
“Baka naman kasi gusto mo siya?”
Naningkit ang aking mga mata at hinatak ang batok nito. “Ako? Ga… gag* ba siya?! Hindi ko siya… gusto, manong!” Naamoy ko ang mabangong hininga nito at ang pabangong gamit nito. Basa pa ang buhok nang mahawakan ko.
Nanaginip yata ako!
Si Dean ba ang nasa harapan ko?
Ang demonyong boss ko?!
Narinig ko ang boses ni Manong Celso na kumakanta ng My Way. Papalayo ang tinig nito sa aking pandinig.
“Bakit hindi mo siya gusto?” mahinang tanong sa akin ng lalaki sa tabi ko. Baka si Kuya Lindo ang kausap ko.
Binitawan ko siya at ipinasya kong tumayo ngunit natumba ako. Napaupo ako sa kandungan niya at saka ako napailing.
“Putch*!”
Naramdaman ko na tumayo ito at binuhat ako. Talagang nahihilo ako at kapag iminumulat ko ang aking mga mata mas nahihilo ako.
“Ka… Katapusan ko na!” umiiyak na sabi ko habang nakahawak sa batok nito.
“Shyra!” malakas na sabi nito sa akin.
“Mawawala na ang… virginity ko!” nagsusumigaw na sabi ko habang nararamdaman na naglalakad ito.
Napahinto ito sa paglalakad. “Virgin ka pa?”
Lalo akong napaiyak nang malakas. “Pa… papatayin kita sa oras na may ginawa kang masama sa akin, Kuya!”
Natawa nang malakas ang lalaking nagbuhuhat sa akin. Wala naman akong nagawa kun’di umiyak nang malakas. Hindi na talaga ako iinom ng lambanog!
“Lasing na lasing ka tapos papatayin mo pa ako? Ibang klase ka talaga, Shyra.” mahinang sabi ng lalaki.
Nagpumiglas ako ngunit lalo lamang akong nahihilo.
“Magsabi ka nga ng totoo. Gusto mo ba ang boss mo?”
Naiinis ako kapag tinatanong iyon nito. “Hi-Hindi ko siya gusto! Ku-Kuya Lindo, tina… tinatanong mo ba iyan da-dahil gusto m-mo ang b-boss natin?”
Hindi ito sumagot sa tanong ko sa kanya. Nagpatuloy ito sa paglalakad hanggang sa nararamdaman ko na parang paakyat ito sa may hagdan.
Confirmed! Beks talaga si Kuya Lindo!
Namigat ang talukap ng aking mga mata at tahimik na lamang akong umiyak. Inilagay ko ang magkabilang palad ko sa aking mukha.
Paalam na!
Katapusan na ng Bataan!