Dean’s PoV
NAKATINGIN ako kay Shyra habang nasa tabi ko siya. Binitawan ko na rin ang kamay niya dahil hinila niya iyon sa akin. Dumistansiya ito sa akin at nakiusyoso sa mga home owners na naroon.
Nakilala ko ang isang nakasibilyan na pulis na naroon sa loob ng bahay ni Rigo. Hindi ito kasama ng mga police officer na nakasalubong namin kanina ni Shyra.
Si SPO2 Luigi Fernandez, kaibigan namin siya ni Marlon. Sa kanya ako kumukuha ng mga impormasyon tungkol kay Don Simon.
Binalingan ko si Shyra na nakikipagdaldalan sa mga matatanda. Napailing na lamang ako dahil hindi lang ito loka-loka, napakatsismosa din pala.
“Bossing, napano ba iyang mga hinuli ninyo?” kaagad na tanong ni Shyra sa mga pulis. Nakatingin ito sa mga nakaposas na sina Rigo at mga kasama nito na tila wala sa mga sarili.
Hindi naman ito sinagot ng mga pulis dahil abala ang mga ito sa pagsasakay kina Rigo sa sasakyan.
Nagkandahaba ang leeg ni Shyra habang nakasilip sa bahay ni Rigo. Mayamaya ay lumabas si SPO2 Fernandez at nakita niya ako. Lumapit siya sa akin at napansin ko na sinulyapan din niya si Shyra.
“Sir, sino iyong concern citizen na nagsumbong sa inyo?” kaagad na tanong ni Shyra dito.
Napansin ko ang kakaibang pagtitig ni SPO2 Fernandez dito. Tumikhim ako habang nasa tabi ako ni Shyra.
“Hmm… kailangan itong maimbestigahan, SPO2 Fernandez. Exclusive ang subdivision na ito pero marami din pala ang drug addicts dito,”, seryosong sabi ko na panay ang tingin kay Shyra na mukhang natulala kay SPO2 Fernandez.
“Iyon naman ang ginagawa ng mga kapulisan natin, Mister Dean.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinagot nito. Alam ko naman na iyon ang ginagawa ng mga kapulisan ngayon pero bakit ba iyon ang sinabi ko?
Naiinis na tumingin ako kay SPO2 Fernandez nagawa pa talaga niya akong sagutin ng ganoon. Hinintay ko na na umalis sina Rigo kasama ang mga pulis para dalhin ang mga ito sa presinto. Umalis na rin ang mga taong nakikiusyoso.
Binalingan ko si SPO2 Fernandez na kausap ni Shyra. Muli akong tumikhim bago lumapit sa mga ito. “Hindi mo ba duty? P’wede kitang maimbita ng merienda sa bahay?”
“Bossing, kilala mo ang poging pulis na ito?” hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Shyra.
“Magkaibigan kaming dalawa, Shyra. Sa bahay ka pala ni Dean nakatira?” tanong pa nito na nakatitig sa mga mata ni Shyra.
Pumagitna ako sa kanilang dalawa. “Halika na sa bahay.” Inakbayan ko si Luigi at nauna kaming naglakad patungo sa aking bahay.
Nilingon ko si Shyra na biglang natigilan. Kaagad din itong sumunod sa amin ni Luigi. Na-love at firsts sight pa yata si Shyra sa aking kaibigan.
Inalis ko ang pagkaka-akbay ko kay Luigi at saka malakas na hinampas ang braso nito. “Sa susunod huwag kang pilosopo kapag sumasagot ha!” sermon ko sa aking kaibigan.
Tinawanan lamang ako nito at saka nito sinulyapan si Shyra. “Ang ganda naman ng kasama mo. Ano mo siya, Dean?”
Bumuga ako nang malalim. “Yaya siya ng pamangkin ko na si Ice. Hinayaan ko lang siya na maglibot-libot dito kapag umaga para mag-exercise.”
“Ganoon ba?” muli nitong tinignan si Shyra. “Baka naman miyembro siya ng akyat-bahay gang kaya naglilibot dito tuwing umaga. Hindi ako tiwala sa babaeng iyan, ‘tol.” Ipinamulsa nito ang mga kamay sa suot na jacket. “Mukha siyang hindi mapagkakatiwalaan.”
Akala ko pa naman may gusto ito kay Shyra iyon pala nagdududa lang ito. Napangiti ako bigla dahil sa mga sinasabi nito.
“Alam ba ito ng nobya mo?” biglang tanong pa nito sa akin habang paliko kami sa daan patungo sa tapat ng bahay ko.
“Oo, nagkakilala na silang dalawa noong nakaraang araw. Tiwala naman ako sa kanya dahil wala siyang bad record sa mga pulis dahil pinaimbestigahan ko na siya kay Aljon.” Tukoy ko sa isang NBI Agent na kaibigan din namin ni Luigi.
Nasapo nito ang noo dahil sa sinabi ko at saka napailing. Hindi na ito umimik hanggang sa makarating kami sa bahay ko at magtungo kami sa may garden. Kaagad kaming inasikaso ni Manang Berry at si Shyra naman nagtungo na sa loob ng bahay para asikasuhin si Ice na gising na.
“Sigurado ka ba talaga na pinaimbestigahan mo na si Shyra?” muling tanong sa akin ni Luigi habang magkaharap kami na nakaupo sa may kubo.
Inilapag ni Manang Berry sa lamesa ang tray na may dalawang tasa ng kape at saka sandwich.
“Naghahanda pa lamang kami ng pagkain sa kusina, Sir Dean. Heto na lang po muna habang nagluluto po kami,” nakangiting sabi naman nito.
“Ayos lang po ito, manang. Hindi rin po ako kumakain ng kanin sa umaga kun’di sandwich at kape lang.” Ngumiti si Luigi dito. Sadyang mabait ito sa aking mga katulong kaya naman minsan kapag wala itong pasok ay madalas ito sa bahay ko. Ngunit hindi na nitong mga nakalipas na buwan dahil madalas na itong abala sa buhay at trabaho.
“Bakit? Pinaghihilaan mo ba si Shyra na masamang tao?” mahinang tanong ko sa kanya.
“Sa totoo lang ‘tol. Ayoko kay Shyra. Hindi ko talaga gusto ang nararamdaman kong ito para sa kanya… pero may kasabihan tayo na the more you hate… the more you---”
“Shut up!” biglang putol ko sa sinasabi ni Luigi. Kasasabi lang nito na hindi nito gusto si Shyra pero mukhang tinamaan naman ito sa kagandahan ng Yaya ko.
“Single pa rin ako, ‘tol. P’wede ko ba siyang mas kilalanin pa?” pagpapaalam nito sa akin.
Napalunok ako sa paraan ng pagtitig nito sa akin na para bang binabasa ang nasa isip ko.
“Huwag mong sabihin na---”
“Wala akong gusto sa babaeng iyon, Luigi!” naiinis na sambit ko. Humigop ako ng kape ngunit mabilis ko rin iyong iniluwa. Napaso ang dila ko.
“See? Base on your actions.” Nginisihan lang ako ni Luigi. “Tungkol nga pala sa anak ni Don Simon na ipinapahanap mo kay Aljon? Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagpapakita sa bahay ni Don Simon. Hindi rin nag-e-exist ang pagkakakilanlan niyang sinabi ni Don Simon. Wala kaming mahanap na Luna Arces ang pangalan. Wala ring maipakita na larawan ng kanyang anak si Don Simon. Sa tingin ko, gusto ka lamang paikutin ng matandang iyon para mabili mo ng malaki ang lupa niya. Bakit mo pa ba kasi gustong bilhin ang lupa ni Don Simon?”
Hindi ko sinagot si Luigi. Gusto kong mapanatiling lihim ang mga plano ko.
“Binigyan ko siya ng dalawang linggo para mabili ko ang lupa niya ng doble mula sa kabuuang presyo nito at mahabang panahon na iyon para makilala ko ang anak niya.”
“Para saan?”
“Ayoko munang pag-usapan ang tungkol doon, Luigi. Huwag mo na sanang pakialaman si Aljon dahil usapan na naming dalawa iyon. Sino nga pala iyong concern citizen na nagsumbong sa inyo?”
“Confidential na iyon, ‘tol. Hindi ko na dapat iyon sinasabi sa iyo dahil sumusunod ako sa mga protocols. Mag-ingat ka na lang kay Shyra at bantayan mo ang mga kilos niya baka mamaya magnanakaw ang babaeng iyon.”
Hindi ko na nagawang humigop ng kape dahil humahapdi ang aking dila. Si Luigi ang umubos ng aking kape at mga sandwich na nasa harapan naming dalawa.
“Hindi ka ba naghapunan?”
Tumatawa itong umiling. “Hindi na ako naghapunan mula noong araw na hindi ko na nakita si Diwata. Ngunit ngayon na may diwata ulit akong nakita… bigla akong ginanahan na kumain.” Tumingin ito sa kaliwa. Napatingin din ako sa direksyon na tinitignan nito.
Tinutukoy nito si Shyra.
Nakasuot na ito ng ternong pink na scrub suit at kasama nito si Ice. Nagkukuwentuhan ang dalawa sa may tabi ng mga tanim na santan.
“Mukhang mapapadalas ang pagdalaw ko sa inyo para masigurado ko na safe kayo,” sabi nito na nakatingin pa rin kay Shyra.
“Kaya namin ang aming sarili SPO2 Fernandez. Hindi ko na kailangan ng iyong tulong,” naiinis sabi ko rito. Binalingan niya ako at saka tinawanan.
“Nagseselos ka ba?”
Bigla akong napatayo sa aking kinauupuan. “Damn!”
“Maganda siya… sexy at…”
Kinalampag ko ang lamesa at nalaglag ang tray na wala ng laman.
Natatawang nagtaas ng mga kamay si Luigi.
“Sir Dean, may tawag po sa telephono!” humahangos na sabi ni Manang Berry.
“Sino daw po?” naningkit ang mga matang tanong ko.
“Si Ma’am Aicel, sir.”
Bumuga ako nang malalim bago tumingin kay Luigi. “Tol, kailangan kong sagutin ang tawag niya. Dito ka na lang muna,” sabi ko bago umalis ng kubo at sundan si Manang Berry na papasok sa loob ng bahay.
Marahil sasabihin na naman nito sa akin na hindi pa nito makukuha si Ice dahil kasama pa rin nito si Cedric ang ama ni Ice. Gusto kong sermunan ang aking pinsan dahil may asawa na si Cedric ngunit nagagawa pa rin nitong makipaglapit dito dahil sa tinatapos na trabaho nito sa Cebu bilang isang wedding event organizer.
Sinulyapan ko si Shyra na nakatingin sa gawi ni Luigi. Mukhang may gusto rin si Shyra dito dahil napapansin ko na kanina pa ito hindi mapakali.
Bigla akong nakaramdam ng kirot sa aking puso.