TINULUNGAN ako ni Matthew sa pag-asikaso sa burol ng dalawa. Doon na rin ako nagkaroon ng pagkakataong makita ulit ang kapatid kong bunso dahil sa pangalawang araw ay sumulpot si Tita Donna kasama ito. “Jaypee!” masayang salubong ko sa aking kapatid. Halos tatlong taon ko siyang hindi nakita at kung hindi siguro kay Joshua ay dadamdamin ko ang pagkakawalay rito. “Ate, akala ko di na kita makikita.” Na-guilty ako sa sinabi nito. “Sorry, Jaypee! Hindi na kita nabalikan no'n. Hindi ko na inalam ang naging buhay n'yo. Kumusta ka na? Nakakapag-aral ka ba?” “Oo, Gigi." Si Tita Donna ang sumagot sa mahinahon nitong boses. “Wala kang dapat alalahanin dahil hindi ko naman pinababayaan si Jaypee. Anak ko rin siya.” Banayad akong tumango. “Pasensiya na kayo kung umalis ako nang walang paalam.”