Nakangiti habang naghahanda ng pananghalian si Kan. She insisted na siya ang maghahanda, kasama ang mga kasambahay ni Nicolas. Hindi na rin niya pinatulong ang pamilya niya dahil abala ang mga ito sa pakikipag-usap sa family ni Nicolas. Nakikita niya na sobrang nag-e-enjoy ang mga ito. Hindi nga niya akalain na magki-click ang dalawang pamilya. Lalo na ang Mama Jeany ni Nicolas at Nanay Elenita niya na kanina pa walang tigil ang kuwentuhan. Tuwang-tuwa kasi ang ina niya nang malaman na taga-Cebu lang pala ang biyenang babae niya. Nag-usap pa ang mga ito sa salitang Cebuano. Kaya lalong naging ganado sa pagkukuwentuhan. Naaliw din si Mama Jeany nang sabihin dito ng kaniyang ina na fan siya nito at ang kaniyang Auntie Vilma. Naikuwento niya kasi iyon sa Nanay Elenita niya.