“JOVY, BALIKAN mo ang dalawang dialogue mo. Mas laliman mo pa ang boses mo para lumitaw ang boses ng isang matanda. Kuya Marlon, balik tayo ng isang scene,” wika ni Kelly sa kanilang technician saka hinarap ang mga dubbers. “Okay, people. Pay attention. On cue. Three, two, one.”
Pinakinggan niyang mabuti ang bawat tono at salita ng mga dubbers. Mabusisi talaga siya dahil gusto niyang maging maganda ang kalalabasan ng lahat ng pinaghirapan nila. Para na rin walang masabi ang mga tv networks na nag-employ sa kanila. Mag-a-apat na oras na sila sa dubbing booth. Bibigyan na uli niya ng break ang mga ito dahil baka mabuang na ang mga ito sa pagpapaulit-ulit nilang pagda-dubbing.
Saktong katatapos lang nila nang magkaroon ng tensyon sa labas ng Vaizard Studios.
“May hostage-taking daw sa kabilang building!” Iyon ang narinig nilang usap-usapan sa iba pang empleyado ng kanilang gusali.
“Hindi ba’t bangko iyon?”
“Ano ba ang nangyari?”
“Buksan ninyo ang tv, bilis! Nasa balita ngayon ang nangyayari sa kabilang building!”
“At si Papa Haru Esteban ang reporter! Ang guwapo-guwapo talaga niya!”
“Sa labas na lang tayo ng building! Gusto kong makita si Haru sa personal!”
Nag-unahan na nga sa paglabas ng Vaizard ang mga ito. Naiwan siyang iiling-iling na lang na binuksan ang telebisyon. Ayaw niya ng magulo at mas lalo na ang makigulo. Doon na lang siya sa loob, may aircon pa. Isa pa, lagi naman niyang nakikita si Haru sa Calle Pogi kaya hindi na niya ito kailangang makita pa.
“Haru, guwapo ka raw?” natatawa niyang sambit habang pinapanood ang kapitbahay na siyang nagre-report.
Kunsabagay, marami nga ang guwapo sa Calle Pogi. Bagay na bagay sa mga lalaking naroon ang pangalan ng kanilang lugar. Ngayon lang niya iyon nabigyang pansin.
“Kasalukuyang kinukubkob ng anim na armadong lalaki ang ikalawang palapag ng Johnston Building. Tinatayang may labinlimang empleyado ng naturang gusali ang hawak ngayon ng mga hostage-taker na humihingi ng isang sasakyan upang gawin marahil get-away car. Ilang minuto pagkatapos mai-report ang insidenteng ito ay dumating na ang mga tauhan ng Special Tactics And Rescue Squad ng PNP. Nakikipag-ugnayan na rin ang ground commander ng pulisya sa mga hostage-takers…”
Kung nasa crime scene ang elite force ng PNP, siguradong napakadelikado na ng sitwasyon. Mula sa likuran ni Haru ay nakita niyang may mga naka-itim na unipormeng mga lalaking armado rin ng mga matataas na kalibre ng b***l ang unti-unting pumapasok sa gusali. Parang nanonood tuloy siya ng isang action-packed movie. Subalit natigilan siya nang may mamataan na isa sa mga naka-itim na iyon bago ito magtakip ng bonnet sa mukha. Nilapitan pa talaga niya ang malaking screen ng telebisyon upang makasiguro.
“Buwi?!” Parang sinipa ng kabayo ang dibdib niya nang mag-panning ang camera sa binata. He was signaling the other men to their positions. Signaling? Ito ang namumuno sa mga unipormadong lalaking iyon? “Buwi, who the heck are you?”
Nang makita niyang pumasok na rin ito sa gusali ay nagtatakbo na siya sa labas ng Vaizard.
“Haru!” sigaw niya sa kapitbahay nang mamataan ito. “Haru!”
“Miss, pasensiya na. Bawal kayong makalapit sa crime scene.”
“Kelly, what are you doing here?” tanong ni Haru paglapit sa kanya.
“Dito ako sa kabilang building nagtatrabaho. Ano ang ginagawa ni Buwi? Bakit pumasok siya sa building na iyan, alam na nga niyang napakadelikado riyan?”
“That’s his work.”
“What work? He was just a gym owner and a Martial Arts instructor.”
“And special trainer for the entire police force in the country. Siya rin ang commanding officer ng S.T.A.R.S.”
“What…?” Nanghihina yata ang mga tuhod niya.
Ang simpleng si Buwi na inuutus-utusan lang niya at binubugbog kapag mainit ang ulo niya, leader ng elite force ng PNP?
“Kelly, ang mabuti pa bumalik na lang kayo ng mga kasamahan mo sa loob ng building ninyo,” suhestiyon ni Haru. “Masyadong delikado kung nandito kayo. Baka magkaputukan, mahagip pa kayo.”
“Pero—“
“Huwag kang mag-alala kay Buwi. May kayabangan sa katawan ang isang iyon pero hindi matatawaran ang galing niya pagdating sa mga ganitong sitwasyon. Hintayin mo na lang siyang lumabas.”
Napilitan na rin siyang bumalik sa loob ng Vaizard. Pero naiwan na yata sa labas ang isip niya. She just couldn’t stop thinking of Buwi and his stupidity for taking on dangerous missions like this. Nakatutok na lang tuloy ang mga mata niya sa telebisyon kung saan ibinabalita pa rin ng live ang mga nangyayari sa labas.
“Kelly! Magkakilala kayo ni Haru Esteban?”
“Bruha ka! Bakit hindi mo man lang sa amin sinasabi ang napaka-importanteng impormasyong iyan, ha? Alam mo bang crush na crush namin si Haru? Magpapakatay kami para sa kanya!”
“E, di magpakamatay kayo.”
“Ipakilala mo kami sa kanya, Kelly! Please? Please?”
“Busy iyon,” sagot niya na hindi pa rin inaalis ang mga mata sa telebisyon. “Bawal istorbohin.”
“E, di pagkatapos niyang magbalita.”
“Sige, subukan kong habulin siya pagkatapos ng trabaho niya. Ngayon, puwede bang huwag na muna ninyo akong buligligin? I’m watching here.” Tumayo na lang tuloy siya sa harap ng tv.
“Kelly, alam mo parang nakita ko ‘yung lalaking nagpunta rito noon para ihatid ang mga nawawalang pages ng script mo doon sa labas kanina. Ewan ko nga lang kung siya talaga iyon. Pare-pareho kasi sila ng uniform, eh.”
“Baka guni-guni mo lang iyon.”
Sana nga guni-guni na lang din niya ang nakita niya kanina. Pero si Haru na mismo ang nagkumpirma sa kanya na si Buwi nga ang taong nakita nila.
Buwi! Kakalbuhin talaga kita—
Sunod-sunod na putok ang narinig mula sa telebisyon. Muling lumitaw ang mukha ni Haru sa telebisyon.
“Nagkaputukan na po sa loob ng gusali. Mukhang nagkasagupa na ang puwersa ng kapulisan at ang mga hostage-taker. Makikita rin po natin sa bintana sa ikalawang palapag ang paglabas ng usok na kung hindi ako nagkakamali ay nagmumula sa tear gas…”
Ilang beses pang narinig ang putukan ng mga b***l sa gusali. A few minutes later, isa-isa ng naglabasan na roon ang mga naka-itim na unipormeng pulis habang inaalalayan ang mga hostages.
“Sinalubong na po ng mga nakaantabay na paramedics ang mga hostage na nailigtas sa hostage taking na ito. Maghintay lang po tayo ng ilang sandali para makakuha ng panayam mula sa na-hostage at mga miyembro ng kapulisan na nagligtas sa mga ito.”
“Buwi,” bulong niya na abot-abot ang dasal dahil hindi niya makita sa mga naka-unipormeng lumabas ng gusaling iyon si Buwi. “Nasaan ka na? Huwag mong sabihing napahamak ka na. Buwisit ka! Kakalbuhin talaga kita kapag may nangyaring hindi maganda sa iyo.”
Nang hindi na siya makatiis ay lumabas na uli siya ng Vaizard Studios at nakipagsiksikan sa ibang mga usisero roon sa pag-asang makikita sa mga nakalabas ng pulis si Buwi. Ngunit wala pa rin ang lalaki. At ilang beses pang narinig ang putukan sa loob ng gusali. Nanlalamig na ang buong katawan niya habang tumatagal na hindi nakikita ni anino ng binata.
“Miss, aray!” reklamo ng lalaki sa harap niya. “Huwag mo akong panggigilan.”
“Tumahimik ka kung ayaw mong gilitan kita ng leeg.”
Nakakatakot na nga marahil ang itsura niya nang mga oras na iyon dahil namutla ang lalaking kinakapitan niya. Mabuti na lang at hindi ito kumilos. Kung hindi, baka tuluyan ng napatid ang pasensiya niya sa sobrang tensyon at masakal na ito. Nagkagulo at nagkaingay ang mga tao. Mula kasi sa entrance ng gusali ay ilang mga naka-unipormeng itim ang isa-isang lumabas habang nakatutok ang mga b***l ng mga ito sa mga lalaking nakataas ang mga kamay.
“Nakalabas na po ang lahat ng mga hostages at ngayon ay ang mga hostage takers naman ang ini-escort-an ng mga S.T.A.R.S. members.” Iyon ang narinig niyang balita ni Haru na nagbabalita di kalayuan sa kinaroroonan niya. “Katatanggap lang po ng report na ito. Isa sa mga S.T.A.R.S. ang nasa malubhang kalagayan at isa naman ang patay samantalang dalawa na sa hostage takers ang sinasabing napatay sa engkuwentro…”
May mga napatay? Lalong nanlamig ang buong pagkatao niya nang makita ang mga duguang biktima ng kaguluhang iyon. Akala niya ay hindi na siya makakahinga pa ng maluwag nang makita niyang huling lumabas ng gusali si Buwi. Mukha namang ligtas ito ngunit duguan ang balikat nito. Agad itong nilapitan ng mga paramedics.
“Nailigtas po ang lahat ng mga hostage,” patuloy na balita ni Haru. “Iyan na muna ang mga huling kaganapan sa katatapos lang na hostage-taking dito sa Fornica Square, Makati City. Back to the studio.”
“Haru! Pa-picture naman!”
“Pa-autograph, Haru!”
“I love you, Haru!”
Nginitian lamang ni Haru at kinawayan ang mga fans nito bago nagtungo sa kinaroroonan ni Buwi. Ipinasya niyang magbalik na sa loob ng Vaizard upang ituloy ang dubbing session nila ng mga dubbers. He was wounded but he seemed okay enough. Ligtas na ito. Wala na siyang dapat na ipag-alala.
“Pero makakatikim ka pa rin sa aking Buwi ka oras na makita uli kita!”
“Kelly, mag-uumpisa na ba tayo?”