DEINA
Okay, nakuha ko naman na seryoso talaga si Kristoffer na gawing impyerno ang pamamalagi ko sa paaralang ito. Inihanda ko na ang sarili ko kagabi pa. Sinabi ko pa na, simula ngayon, magbabago na ang lahat. At confident akong pumasok ngayong araw dahil tinanggap ko na ang kapalaran ko. Pero, takte naman! Noong magtama 'yong mata namin ni kanina, hindi ko alam, may pwersa na lang na nagsabi sa akin na iiwas ko ang mata ko dahil kung hindi, mamamatay ako. Doon ko napatunayan na maysa-demonyo talaga ang lahi ng lalaking iyon, walang halong biro.
"Bwesit naman kasi Dayday! Bakit di ka lumaban? Ano 'yun okay lang sayo na ganunin ka na lang ng walang modong lalaking 'yun? Naku! Pinapairal mo na naman kasi 'yang pagiging mabait mo! Dapat talaga sinampulan mo 'yon! Kaya mo naman 'yung patpatin na 'yun kung tutuusin. Di nga uubra sa iyo si Sam kapag nags-sparring kayo!" gigil na sermon ni Lau.
Hindi ako kumibo. Pakiramdam ko naiwan 'yong kaluluwa ko dahil sa nangyari.
Gusto kong sabihin sa kaniya na kahit naman anong gawin ko useless iyon kung si Kristoffer ang kaharap. Pero wag na lang dahil baka mas lalo pang mag-alboroto itong si Lau. Masyado pa naman siyang maingay.
Hindi ko inaamin na wala akong binatbat kay Kristoffer sa one on one. Sadyang hindi lang ito ang tamang panahon para makipagtapatan ng demonyo doon sa lalaking 'yun.
At isa pa, may mga factor akong kino-consider kaya hindi ako pumapalag. Una sa lahat, sikat siya at maraming kakampi kumpara sa isang kagaya ko. Pangalawa, mas okay nang magtimpi hanggang dulo lalo na ngayon na hindi na lang ako nag-iisa.
Ayaw ko namang madamay sina Lau at Sam dahil baka mapasama rin sila sa dead list. Mas okay nang solohin ko na lang ang hirap at pasakit na ibabato ni Kristoffer, aasa na lang sa himala. Panigurado naman ako na mapapagod din siya at iyon na lang ang hihintayin ko.
"Nah..." tamad na tugon ko sabay iling. After seconds naibuka ko rin ang aking bibig.
Matagal ko nang kinalimutan ang buhay barumbada at hangga't maaari, ayaw ko ng bumalik sa dati kong gawi. Sawa na rin siguro akong makitang umiiyak at nagmamakaawa ang mama ko sa aking harap at marinig ang mga salitang, nakaperwisyo na naman ako ng buhay ng iba. Not knowing na ako talaga 'yong unang pinerwisyo ng mga bwakanang-inang kumalaban sa akin.
"Basta Dei, babangasan ko ang lalaking 'yon kapag nagkrus muli ang landas namin! Nagpaalam na ako sa iyo dahil baka magalit ka kapag bigla mo na lang malaman na nakipagrambulan ako roon sa mayabang na iyon," gigil na wika ni Sam.
Sumilay ang ngiti sa aking mukha. Gusto ko silang yakaping dalawa dahil masyado nilang sineseryoso 'tong nangyari. Sisiw lang 'to kumpara sa mga naiisip kong parusa na ipapataw ni Kristoffer.
"Hayaan na nga natin Sam dahil mas lalo lang magpapapansin ang isang 'yon. At saka maliit na bagay lang 'to. May damit pa naman ako sa bag kaya wag na kayong magalit d'yan," tugon ko.
Halatang hindi ito sang-ayon, may pagkakataon pa na umiirap ito at nagpapakawala ng bungonghininga.
Alam kong hindi siya napapanatag dahil sa nangyari kaya naman tinapik ko ito sa balikat at ngumiti, nagbabakasali na maibsan kahit papaano ang kanyang inis.
"Pero in fairness, ah Dayday, saksakan nang gwapo 'yong ano nga name no'n? Ahhh, naalala ko na! Kristoffer Leinard. Bet ko siya kahit panget ugali niya, hihihi!" kinikilig na banat ni Lau.
Hahahaha! Akala ko ba panget siya? Sa kanya na mismo nanggaling ang salitang 'yon kanina.
"Isa ka pang lokaret ka! Nakita mo nang sinaktan na si Deina, 'yung itsura pa rin ang tinitingnan mo!" bulalas ng pinsan nito. Balak niya pang batukan si Lau, buti na lang at naiharang ko kaagad ang aking katawan.
"Tumigil na nga kayong dalawa! Sige na, bumalik na kayo sa classroom dahil baka nando'n na si ma'am. Paki-excuse niyo na lang ako kung sakali," pakiusap ko. Kahit labag sa kalooban ni Sam na iwan ako, sa huli ay nagpatinanod na rin ito sa hila ni Laurianne.
Hinintay ko silang makalayo bago ako pumasok sa CR para magpalit. Paglagpas ko ng pinto, kumunot kaagad ang noo ko dahil himalang napakatahimik ata ng paligid.
'Nakapagtataka naman, bakit wala ni isang tao sa loob? Dati-rati naman kahit school hours hindi nawawalan ng estudyante rito,' bulong ko sa aking sarili.
Isinantabi ko na lang ang pagtataka at pumasok na sa cubicle, which is 'yon lang 'yong available. Though, walang tao sa loob, may tag na occupied ang bawat pinto na I find it weird. Is this another prank?
Tumuloy pa rin ako kahit na kinukutuban ako nang masama. Dinedma ko na lang ulit dahil wala naman akong ibang pwedeng puntahan para makapaglinis at makapagpalit ng damit.
Pagkapasok ko, isinukbit ko ang aking bag sa may sabitan sa likod ng pinto. Hinubad ko ang aking uniporme at tumapat na roon sa ilalim ng shower. Halos buong ulo ko ay natapunan ng gatorade juice kaya eto, kahit kakaligo ko pa lang kanina sa bahay ay maliligo muli ako.
Ang kaso, sa pagkamalas-malas ba naman, walang tulo ang shower. Pero buti na lang at may lamang tubig 'yong balde kaya iyon na lang ang gagamitin ko.
Isang buhos pa lang ang nagagawa ko pero sapat na iyon para mag-panic ako nang sobra.
Hindi ko alam kung iiyak ba ako, sisigaw o mandidiri dahil hindi tubig 'yong laman ng balde kung hindi clear glue! Hindi ko alam, hindi ko napansin. 'Yong texture niya noong sinandok ko ito gamit ang tabo ay parang tubig. Pero noong humalik na iyon sa aking balat, hanep! Wala na!Gumuho na 'yong mundo ko!
Kalma, Deina...
Ipinikit ko nang mariin ang aking mata, inabot 'yong tuwalya sa may gilid, tapos itinapis iyon sa aking katawan.
Since ako lang naman ang tao rito, gora lang kahit lumabas ako nang ganito lang ang itsura.
Dahan-dahan ang aking paglakad dahil nanigas na 'yong glue at hindi ko na maidilat ang aking mga mata. Hindi ko maigalaw ang daliri't kamay ko dahil pati iyon ay nalagyan na rin ng glue.
"Puta talaga!" malakas kong mura. Wala akong choice kung hindi ang gamitin ang tapis at ipampunas sa mukha. Natatakot ako na baka pumasok 'yong glue sa mata ko kaya dahan-dahan ko iyong ginawa. Luckily, gumana naman pero ang kapalit no'n, napako 'yong mga paa ko sa sahig.
"Aba, galaw!" inis kong bulalas. Wala na akong paki kung mahulog na 'yong tapis sa sahig at lumantad ang hubo kong katawan. Wala namang makakakita, kaya okay lang. Buong lakas kong pinilit ang aking binti na humakbang, na nagawa ko naman. Akala ko, simula na iyon ng aking pagbubunyi, ngunit panibagong bangungot pala ang kahihinatnan niyon.
Naramdaman kong may humalik sa binti ko na mala-sinulid, noong yumuko ako upang tingnan kung ano iyong lumalapat sa aking balat, napamura na lang talaga ako sa loob-loob ko habang ninanamnam ang pagkalat ng kulay pulang likido sa aking katawan.
Kumalabog nang malakas ang walang lamang balde. "Sabi ko na nga ba. Demonyo ka talaga, Kristoffer Leinard Cruz!" gigil kong sigaw.
Kahit nag-aapoy ang puso ko sa inis, inihakbang ko pa rin ang aking paa para agapan 'yong tuwalyang nakahiga sa sahig, baka kasi mabasa. Noong aabutin ko na ito, dumulas 'yong mga daliri ko sa paa na nagresulta sa pagkalagapak ng katawan ko sa basang sahig.
Pigi-pigil ko ang sarili na sumigaw dahil baka may biglang pumasok, makita akong nakahilata habang walang saplot ang katawan. Hinayaan ko na lang na tumulo ang luha sa aking mga mata sanhi ng sobrang pagkainis at sakit mula sa pagkakabagsak.
Hanep na buhay 'to. Natapunan na ako ng gatorade juice, sunod clear glue, tapos hindi pa pala tapos?! May mas lalala pa pala doon dahil ngayon, nanggigitata naman ako sa panibagong weird na likido.
"Dayday?"
"Dayday, nandyan ka pa ba?"
Noong marinig ko ang tinig ni Lau, nagbunyi ang aking kaluluwa.
"Lau! Help!" sigaw ko pabalik. Iyon na ang huling buga ko dahil pagkatapos ko iyong isigaw ay bigla na lang nandilim ang aking paningin at niyakap ako ng kawalan.