Halos kagigising lang ni Bart nang dumating sila ni A. Iniwan niya muna sa sala ang nobyo at tumungo sa kuwarto ng kaibigan para ipaalam ang pagsama niya kay A. Magkahalong saya at tila pag-aalala ang gumuhit sa hapis na mukha ni Bart nang makita siya. "Aarah! Mabuti naman at okay ka lang. Noong isang araw pa kita hinihintay pero hindi ka dumating." Kinain ng konsensiya ang puso ng dalaga dahil sa sinabi ni Bart. Kahit walang himig ng paghihinampo ang boses nito, nakokonsensiya pa rin siya. At nasasaktan si Aarah dahil kailangan niyang magsinungaling sa kaibigan para hindi ito masaktan. Hindi kasi niya maamin na si A ang dahilan kaya nawala siya ng ilang araw, bagaman iyon naman ang gusto nito; ang bigyan ng chance ang mga sarili nila ni A. Ngunit hindi niya iyon kayang sabihin sa ngayon