CHAPTER 5:

2204 Words
CHAPTER 5: HINDI KO ALAM KUNG SAAN AKO DADALHIN nitong si Veron. At mas lalong hindi ko alam kung tama ba ang desisyon ko na sumama sa kaniya kahit na hindi ko naman siya gaanong kilala. I mean, kilala siya ng mga tao dahil popular siya hanggang sa ibang bansa pero who knows? Baka sa likod ng maamong mukha ng lalaking 'to, nagkukubli pala ang isang demonyo. Oo na, judgemental na ako. Pero kasi, sabi ng teacher ko na naging pangalawang magulang ko na rin, "don't judge the book by its cover." Pero kahit naman sabihin nilang huwag mang-judge, 'di ba sa panlabas pa rin naman ng isang tao hinuhusgahan sa umpisa? Aminin man o hindi. Lahat ng tao judgemental. Depende nga lang sa kung gaano ka-judgemental. Mayro'n kasing to the highest level! Inihinto niya ang kotse sa tapat ng isang abandonadong warehouse. Marahas na napalunok ako habang nakatingin sa labas ng bintana. Madilim pa at walang katao-tao! Tapos ang lamig pa ng simoy ng hangin. "A-anong ibig sabihin nito?" hindi makapaniwalang nilingon ko siya. "Pasensya ka na kung dito lang kita dinala, hindi kasi ako pwede sa maraming tao. Alam mo naman na siguro ang dahilan," malumanay na sagot niya. Naghuhurumintado na ang puso. Todo-todo ang pagkabog. Nag-uumpisa na rin akong pagpawisan nang malamig. "A-anong gagawin natin dito?" kabadong tanong ko. Kumunot ang noo niya. Aabutin sana ang pisngi ko gamit ang kaliwa niyang kamay pero agad akong napaatras. "Namumutla ka---" "A-anong gagawin mo sa 'kin? Ginamitan mo lang ba ako ng pagpapaawa para madala mo ako rito?! Sinasabi ko na nga ba!" bulalas ko. Pumaling ang ulo niya sabay kamot sa batok. "Wala akong gagawing masama sa 'yo if that's what you are saying. Dito tayo huminto kasi walang taong pwedeng makakita sa atin. Sa tingin mo ba, gano'ng klaseng tao ako?" Napakurap ang mga mata ko. Totoo ba ang mga sinasabi ng lalaking 'to o pinapaikot niya na naman ako. Napangiti siya at saka napailing. "I didn't know that someone would treat me like this. Akala ko sobrang sikat na talaga ako." Napangiwi ako at saka huminga nang malalim. Mukhang sincere naman siya sa mga sinasabi niya. Kanina pa ako nagdududa sa kaniya pero lahat ng pagdududa ko, laging nauuwi lang din naman sa ganito. "Alam mo, kung malungkot ka, edi bumili ka ng magpapasaya sa 'yo! Simple lang naman 'yon e. Ang dami mong pera pero hindi mo mabili ang gusto mo. Ako nga 'tong walang kapera-pera, hindi naman ako na-de-depress!" Biglang nawala ang ngiti sa mga labi niya. Kung kanina ay makikitaan ko pa ng saya ang mga mata niya, ngayon, halatang hindi siya makapaniwala sa mga sinabi ko. "O? Bakit ganiyan ang reaksyon mo? Alam mo, kayong may pera talaga, hindi kayo sanay na maghirap. Kaya kaunting magkaproblema lang, depressed agad kayo—" "Stop right there, Cammi. I don't want to hear what you are about to say," napailing siya. "Ihahatid na kita sa bahay mo. Sorry for causing trouble." — MULA NANG MAKAUWI AKO sa bahay, hindi na nawala sa isip ko iyong nangyari kanina. Halatang nasaktan siya sa mga sinabi ko. . . Totoo naman kasi. Bakit kung sino pa 'yong maraming pera, na kaya nilang bilhin lahat ng gusto niya at halos nasa kanila na ang lahat, sila pa 'yong na-de-depressed? E ang dami ngang mahihirap na halos wala na'ng makain, hindi mabili ang gusto nila at halos magnakaw na may makain lang sa araw-araw pero hindi naman na-depressed. Para sa akin, over acting lang siya masyado! Sigurado akong simple lang ang problema ng lalaking 'yon, pinalalaki lang! Wala pa akong tulog, pero hindi ako inaantok. Kahit ilang beses kong kumbinsihin ang sarili ko na wala akong nasabing masama, pakiramdam ko may mali. . . Inisip kong maigi kung ano ang mga nasabi kong masama. Wala naman! O baka masyado akong naging insensitive? "Ahh!" Bumangon ako sa papag at saka ginulo ang buhok ko. Nakakainis naman kasi! Bakit ba hindi ako makatulog? May pasok pa ako sa trabaho mamaya, hindi pwedeng hindi ako papasok! Kailangan kong habulin kung ano man ang nawala sa ipon ko. Imbes na piliting makatulog, nag-isip na lang ako ng paraan para dalawin ako ng antok at iyon ay ang mag-browse sa internet. Lumabas ako ng bahay, kailangan kong magpa-load kasi wala nga pala akong load pang-internet. Hindi naman ako mahilig mag-internet kaya nga hindi ko kilala iyang si Veron. Wala rin akong T.V. at wala akong alam sa kung ano na ang nangyayari sa mundo. Naririnig ko na lang sa mga tsismosa kong kapitbahay kapag napapadaan ako. Naririnig ko kung may bagyo ba o may problema ang bansa. S'yempre pati problema ng kapitbahay namin alam ko rin. Hindi ko man sila close, rinig na rinig naman ang mga bulungan—I mean, tsismisan nila. Minsan ko na nga rin silang nahuli na pinag-uusapan ako. Malaki na raw ang kinikita ko dahil sa trabaho ko sa bar. Feeling ko bampira ako nang buksan ko ang pinto at tumama sa mukha ko ang sikat ng araw. Kailan ba ako huling naarawan? Dalawang buwan na yata akong hindi lumalabas ng ganito kaaga. Dumiretso ako sa tindahang pinakamalapit sa bahay ko, kay Aling Tikang. Si Aling Tikang na number one na nakakaalam ng lahat. Dahil lahat ng tsismosa, nakakausap niya. "Aling Tikang, pa-load po." "Oy! Aba, himala yatang nakita kita ng ganito kaaga!" bungad niya sa akin. "Kita mo putlang-putla na ang balat mo. Dapat sana bago ka matulog, magpaaraw ka muna!" Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Mas marunong pa sa buhay ko e. "Ito po pala ang number ko, Aling Tikang." "Ay, sige! Ano nga ang ipapa-load mo?" "Gigantic 50." Tumango siya't sinimulan nang itipa ang numero ko sa de-keypad na cellphone niya. Bakit kapag pang-load, required na de-keypad? Saglit lang ay dumating na ang load ko, nagpasalamat ako bago niya pa ako daldalan ng kung ano-ano. Mahirap na at baka mapurnada pa ang tulog ko. Naranasan ko na ang makipagtsismisan, inabot kami ng siyam siyam sa pag-uusap pa lang ng mga buhay ng iba. Pagkauwi ko sa bahay, kaagad na sumalampak ako sa papag at nagbukas ng data. Sunod-sunod na tumunog ang cellphone ko mula sa notifications na na-imbak ng dalawa o tatlong linggo. Hindi ko na rin alam kung kailan ako nagbukas ng social media. Tinatamad talaga ako. Nag-o-online lang ako kapag kinakailangan. Pagbukas ko ng sss, unang napansin ko ang message mula sa kapatid ko sa ina. Callia Lily Padrinao: Ate, wala ka na ba talagang balak na dalawin pa kami rito? May sakit si Mama, gusto ka niyang makita. Napailing na lang ako't kaagad na ini-block ang sss account ni Callia. Wala na akong pakialam sa kanila. Matapos kong umalis sa puder nila Mama, dalawang beses pa lang akong nakakabalik. Halos sampung taon na rin 'yon! Unang beses kong pumunta no'ng malaman kong nakulong si Mama. Sumama ang loob ko nang makarating ako at nalamang si Mama lang ang nakulong at hindi kasama iyong amain kong manyak! Pangalawang punta ko naman ay no'ng magkasakit ang bunso naming kapatid. Pero hindi na ako bumalik pa nang sumbatan ako nitong si Cammi na ni singkong duling ay hindi manlang ako nagbigay sa pagpapagamot sa bunso naming kapatid. Putangina. Oo, putangina talaga ng buhay ko kaya ayaw ko na'ng alalahanin pa. Matapos kong i-block ang sss account ni Callia, dumiretso naman ako sa iba pang messages. Wala namang kakwenta-kwenta ang mga messages sa akin. Puro message lang ng mga dati kong kaklase, mga naging kaibigan ko pero hindi naman tunay. Iyong iba naman, mga arabong walang magawa kundi mag-send ng picture ng t**i nila. Sunod na binuksan ko ay iyong notifications na wala rin naman kwenta. Puro likes, mga mentions sa kung ano-anong contest. Tuluyan na akong nahiga sa papag at saka humikab. Nakakaantok talaga ang magbukas ng social media. Walang kwenta ang laman ng account ko. Hanggang sa naisipan kong i-search si Veron sa Goggles. Search| Veron Lim. Matagal nag-loading ang browser dahil ano lang ba naman ang internet dito sa Pinas? Mga 30 seconds din akong naghintay hanggang sa lumabas na sa screen ang resulta. Profile: Stage Name: Veron Lim Birth Name: Veron Fritz Lim Position in Group Band: Main vocalist, dancer. Visual. (Sexy Seven) Birthdate: February 27, 1996 Zodiac Sign: Pieces Height: 178 cm (5'10 feet) Weight: 70 kgs. Bloodtype: B+ Ngumuso ako matapos basahin ang profile niya. So, totoong sikat talaga siya dahil may profile siya sa goggle. Sunod na tiningnan ko ang mga pictures niya. Ang gwapo pala talaga niya, mas gwapo siya rito na naka-make up at nakaayos. Mas inosente ang mukha. Sa pag-bo-browse ko sa internet, napansin ko ang isang issue tungkol sa kaniya. Posted ito last year. . . “Veron Lim's mother, refused to sign the contract for Veron's first T.V. commercial.” Bakit nanay niya ang pipirma sa kontrata kung hindi naman na siya menor de edad? Dahil sa pagka-curious, pinindot ko ang article at bumungad sa akin ang mga salitang mas nagpatindi ng konsensya ko. Sinasabi sa article na ito na ang nanay ni Veron ang nagdedesisyon para sa anak dahil hindi pa raw kaya ni Veron ang magdesisyon nang mag-isa. Mayroon din akong nabasang comment na hinihigpitan daw masyado si Veron ng mga magulang niya. . . He's 25 years old! Older than me pero nakadepende pa rin ang desisyon niya sa nanay niya? I think mas maniniwala ako sa isang commentator, na hinihigpitan siya. Kaya ba gusto niya ng kausap? Sumunod na nabasa ko ay tungkol naman sa isang fan na nagalit dahil hindi nasunod ang gusto nito. Naging basher, imbes na fan. Hindi ako makahinga habang binabasa ang bawat issues patungkol sa grupo nila. Oo, maraming humahanga sa kanila. Marami rin ang sumusuporta. Pero sa dami ng lahat ng 'yon, katumbas din ng dami ng mga taong gustong sumira sa kanila. . . Kaya sino ako para husgahan siya at sabihing hindi dapat siya na-de-depress kasi may pera siya at kaya niyang bilhin ang gusto niya? Naibaba ko ang cellphone ko at naiinis na napasabunot sa sarili. Nanggigigil ako sa sarili ko! Paano kung magpakamatay 'yon? Paano kung wala siyang ibang makausap patungkol sa problema niya? Kapag namatay 'yon, konsensya ko talaga! Pumikit ako nang mariin at inisip kung ano ang dapat gawin. Kung paano ko siya makakausap at makakahingi ng pasensya sa mga salitang nabitiwan ko. Pero imbes na makapag-isip. . . Nakatulog ako! Nagising na lamang ako na hapon na at kumakalam na ang aking sikmura. Bumangon ako't lumabas ng kwarto para dumiretso sa banyo at maligo. Habang naliligo, hindi ko naiwasang mapaisip kung ano nga ba ang gagawin ko para makausap ko si Veron. . . bago pa mahuli ang lahat. Matapos maligo, nagbihis na rin ako ng simpleng t-shirt na puti at skinny jeans na maong. Itinali ko lang ang wavy at shoulder-length na buhok ko into a ponytail. Madalas na ganito lang ang itsura ko. Mas gusto ko ang simple, mas kumportable. Pero kung kinakailangan namang magpaganda, gagawin ko para sa raket. Kumakalam na ang sikmura ko nang dahil sa gutom kaya lumabas na ako ng bahay bitbit ang bag ko. Hindi ako nagluluto, paano ako magluluto kung hindi ako marunong? Walang nagturo sa akin no'n dahil noong nasa puder pa ako ng Mama ko, puro lutong ulam lang naman ang binibili nila. O kaya naman, magluluto si Mama ng mga prito prito lang. Kahit nga magsaing, hindi ko kayang gawin. Kaya bago ako pumasok sa trabaho, kumakain na muna ako sa karinderya na malapit lang din sa tinitirhan ko. Habang naglalakad papunta sa karinderyang madalas kong kinakainan, nag-vibrate ang cellphone ko mula sa aking bulsa. Event Manager Kim calling. . . Kahit naiinis pa rin ako sa kaniya nang dahil sa huling nangyari, pairap na sinagot ko ang tawag. "Hello Manager Kim?" malambing na sagot ko. Kailangan kong magpakumbaba kung gusto kong makaipon ako ng pera. Kahit papaano naman, ilang beses akong kumita ng pera nang dahil sa kaniya. Isinasama niya ako sa mga raket ng events nila lalo na sa modelling. Iyon nga lang, kapag wala na siyang choice, saka lang niya ako kukunin. Okay na rin, kaysa wala. Masakit sa loob pero kailangang tanggapin. "Hello, Cammi! Kumusta ka?" Mapait na napangiti ako't nagpatuloy sa paglalakad. "Okay lang po, kayo po?" "Ayos lang din naman. Ano kasi, kailangan ng model sa gaganaping mini concert itong darating na sabado. E ang kailangan daw morena tapos pito kayo kasi parang magiging muse habang kumakanta sila. May bago kasing inilabas na kanta tungkol sa morena beauties! Ito na ang chance mo, Cammi." Malungkot na ngumiti ako. Kung noon, masaya at excited pa ako sa tuwing sasabihin ni Manager Kim ang ganito, ngayon hindi na ako umaasa. Madalas niya kasi akong pinapaasa. "Okay po, saan daw?" "Dito sa People's Park ng Valenzuela! Teka nga pala, dapat magpaganda ka nang husto ha? Gwapo ang magiging partnet mo, si Zareb Aguilar." Kumunot ang noo ko. "S-sino po? Teka parang narinig ko na ang pangalan na 'yon. Hindi ko lang matandaan. . . Malamang na narinig ko na dahil sikat nga! Pero hindi e, kinabahan ako. "Iyong lead rapper ng Sexy Seven! Diyos ko, Cammi! Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin nakikibalita sa social media?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD