CHAPTER 6:
ITO NA ANG PAGKAKATAON KO NA MAKAUSAP SI Veron at makahingi ng pasensya sa mga nasabi ko. Kaya kaagad na tinanggap ko ang offer ni Manager Kim kahit na may sama pa rin ako ng loob sa kaniya. Isasantabi ko na lang muna ang sama ng loob kaysa naman may mapahamak na tao nang dahil sa pagiging insensitive ko.
Na-realize ko na maling mali nga talaga ang mga sinabi ko. Hindi ko alam kung ano ang kwento niya, wala pa siyang sinasabi sa akin pero nag-conclude na kaagad ako. Parang sinabi ko na rin sa kaniya na wala siyang karapatang ma-depress dahil nasa kaniya na ang lahat.
Abal ako sa paglalagay ng make-up sa mukha ko. Kagaya ng madalas kong ginagawa, hindi ko na muna kinakapalan dahil baka lalagyan din kami ng panibagong make up kapag naroon na. Kinakabahan ako. Natatakot ako na baka hindi niya tanggapin ang sorry ko kapag kaharap ko na siya. Tatlong araw na ang nakalipas pero hindi talaga ako pinatahimik ng konsensya ko.
Matapos maglagay ng make up, tumayo ako mula sa kulay puting monoblock saka tiningnan ang suot ko sa harap ng whole body mirror na binili ko pa sa Divisoria. Pinagmasdan ko ang kulay puting off-shoulder na floral dress at hanggang ibabaw ng tuhod ang haba. Puro ganitong kulay lang ang nabibili ko dahil hindi lahat ng kulay bagay sa akin. Iyon ang hindi maganda sa mga morenang gaya ko. Mahirap humanap ng kulay ng damit na babagay. Pero kahit ano pa man, proud ako sa kulay ko at wala akong balak na magpaputi.
Inilugay ko lang ang wavy at kulay tsokolate kong buhok saka iyon sinuklay. Nagpagupit ako last month, na pinagsisihan ko dahil hindi na matakpan ng buhok ang dibdib ko. Pinagpala kasi ako ng hinaharap pero hindi gaya ng ibang babae, hindi ko 'yon gusto lalo na't madalas na nababastos ako.
Matapos magbihis, pinatay ko na ang electric at ilaw saka binitbit ang nag-iisang shoulder bag kong ang tatak ay heartyou. Ito lang ang mamahalin na bag na nabili ko sa tanang buhay ko! 800 pesos ito kaya iniingatan ko nang husto.
Alas kwatro na ng hapon at day off ko naman ngayon sa trabaho ko sa pub kaya okay lang. Mabuti nga ito at hindi ako nababakante para naman makapag-ipon na ako nang husto.
Pagdating sa venue, unang hinanap ng mga mata ko ang miyembro ng Sexy Seven pero mukhang wala pa sila. Ganoon naman madalas, nahuhuli iyong mga importanteng tao imbes na sila ang mauna kasi nga importante sila.
"Buti na lang at dumating ka!" Tuwang-tuwang lumapit sa akin si Manager Kim.
Bakla si Manager Kim Ho-baek. May lahi siyang Koreano kaya ganiyan ang pangalan niya. May English name naman pero mas prefer niyang tawagin siyang Ho-baek. Hindi ko alam kung bakit at wala akong pakialam.
"Buti na lang at wala pa kayong naipapalit," biro ko.
"Ito naman, hindi pa rin maka-move on sa nangyari no'ng nakaraan. Sorry na nga e, hindi nauulit 'yon," aniya. "Siya nga pala, punta ka na ro'n sa dressing room at mi-make-up-an na ang mga kasali."
Tumango ako at dumiretso na roon sa dressing room na itinuro niya. Pagpasok ko, isa pa lang ang naroon. Mini-make-up-an na siya ng make up artist. Mukhang morena nga talaga ang kinukuha dahil mas morena ang babaeng ito sa akin, mas kulot pa ang buhok kaysa sa buhok ko.
"Good afternoon!" bati sa akin no'ng babae, nakangiti.
"Good afternoon din," bati ko pabalik.
Nahihiya ako pero mukhang mabait naman siya at friendly kaya sinubukan kong i-entertain ang kabaitan niya. Uupo na sana ako sa katabing upuan niya nang ituro niya ang mga nakalinyang damit sa clothes rack.
"Magpalit ka na muna ng damit. Pili ka ng kasya sa 'yo tapos susunod ka na sa akin na mi-make-up-an."
Umawang ang labi ko sa sinabi niya pagkatapos ay marahang tumango. Hindi ba dapat iyong make up artist ang magsabi sa akin no'n? Bakit siya?
"O-okay," sagot ko.
Ipinagkibit-balikat ko na lamang 'yon saka siya tinalikuran at naghanap ng damit na isusuot. Puro dress ang mga naroon. May gown pero hindi naman bagay sa akin ang kulay. Ilang saglit din akong naghanap at nakuha ko itong royal blue na halter dress. May slit ito mula sa gilid ng dress pababa. Naghanap na rin ako ng sapatos na pwede kong suotin. Hindi kasya sa akin ang kulay royal blue na mukhang partner talaga nitong dress. Buti na lang at nakakita ako ng pwedeng i-partner which is 'yong kulay puting stiletto na 4 inches ang taas. Dumiretso ako sa fitting room na naroon saka nagpalit ng damit. Paglabas ko, may dalawa na'ng babae ang naroon, mukhang kasama rin namin.
"Good afternoon!" bati nila sa akin.
Ngumiti ako. "Good afternoon din."
Hindi ako sanay na makipag-usap sa mga hindi ko kilala kaya ganito ang pakiramdam ko, awkward.
"Tara na, Miss Cammi," tawag sa akin ng make-up artist.
Tumango naman ako at sumunod sa kaniya kahit na nagtataka ako kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Naupo ako sa high chair na kanina ay kinauupuan ng babaeng nakausap ko kanina. Wala na siya, mukhang lumabas na.
"Paano mo nga pala nalaman ang pangalan ko?" tanong ko sa kaniya.
Nginitian niya ako. "Si-nend-an po ako ng picture ni Manager Kim para alam ko po kung paanong make-up ang gagawin ko sa inyo."
Umawang ang labi ko at saka lang nag-sink in sa akin ang sinabi niya.
"Ay gano'n ba?"
Tumango na lamang ako at hindi na dinugtungan pa ang usapan namin dahil nahihiya at kinakabahan na talaga ako.
Pinunasan niya ang mukha ko, sayang ang effort ko sa paglalagay ng make-up. Matapos niyang alisin ang make-up na inilagay ko, nagsimula na siyang lagyan ako ng make-up. Habang mini-make-up-an, sunod-sunod na'ng dumating ang mga kasama ko. Pito kami gaya ng sabi ni Manager Kim.
"Ang ganda naman ng pilikmata mo, Miss Cammi. Hindi ko na kailangang lagyan ng false eyelashes. Lalagyan na lang kita ng eyebrow mascara."
Tumango lang ako sa suhestiyon niya. Wala naman din kasi akong alam sa mga make-up na iyan. Sa tuwing may ganitong raket, madalas na purihin ang pilikmata ko. Makapal kasi at mahaba kaya hindi ko na naranasang maglagay ng false eyelashes. Hindi na raw kailangan.
Matapos akong make-up-an, sunod na sinuotan niya ako ng kwintas at earrings na pagkahaba-haba.
"Pumunta na po kayo sa backstage para makausap ka na at kung ano ang gagawin," aniya.
"Thank you sa pagpapaganda sa akin," sabi ko sa kaniya habang nakatingin sa salamin.
"You're welcome, Ma'am."
Bumaba ako mula sa high chair saka lumabas ng dressing room at dumiretso sa backstage na sinasabi niya. Apat na babae na ang naroon kasama na iyong kaninang nakasama ko.
Lahat sila ang gaganda at makikinis ang balat. Higit na mas matangkad rin sila sa akin. 5'4 lang naman kasi ang height ko. . . Sana pala kumuha ako ng at least 6 inches na sapatos!
"Good evening po," nahihiyang bati ko.
Naglakad ako palapit sa kanila. Naroon si Manager Kim habang kausap ang isang matangkad na babae. Maputi siya at mukhang sopistikada. Mukha ring masungit at hindi palalampasin kung sakali mang magkamali ka.
Pareho nila akong nilingon pero hindi nila ako pinansin. Hindi na lang ako nagpaapekto. Halatang masungit nga talaga at strikta.
"Miss Alondra! Nand'yan na po si Veron, Zareb at Rob."
Nilingon ni Miss Alondra at Manager Kim ang pinto kung saan ako pumasok kanina. Hindi ko naiwasang mapalingon din doon.
Marahas na napalunok ako nang makita ang tatlong naggagwapuhang lalaki. Pero hindi naalis sa mga mata ko ang singkit at bilog na mga mata ni Veron. Nakasuot siya ng kulay puting polo jacket, maluwag na pantalon at rubber shoes na kulay puti. Pare-pareho silang puti ang damit.
Nang titingin na siya sa akin, kaagad kong iniwas ang tingin ko. Mas lalo akong tinubuan ng kaba. Putangina, anong gagawin ko ngayon? Bakit nga pala pumayag ako rito? At saka, ano nga ulit ang gagawin ko?
Kanina lang desidido at alam ko pa ang gagawin ko pero ngayon, tila nablangko ako. Pumikit ako nang mariin at ilang beses na bumuntonghininga. Kinukumbinsi ko ang sarili ko na huwag kabahan dahil 'pag kinabahan ako, baka pagdating sa stage masira ang performance nila!
"Kinakabahan ka?" tanong ni Manager Kim.
Mabilis na umiling ako. "M-medyo lang."
Tumango siya. "Mabuti naman kung gano'n. Just relax, Cammi."
Sumang-ayon ako sa sinabi niyang mag-relax lang ako. Pero ang totoo, mas lalo lang akong kinabahan. Hindi naman ako kinakabahan sa performance, mas kinakabahan ako sa magiging pag-uusap namin ni Veron!
Ilang beses akong umiwas kay Veron para hindi niya ako makita ngunit nang magre-reherse na sa kung paano ang gagawin mayamaya, hindi ko na naiwasan.
Zareb walked towards me then smiled. Nasa likuran niya lang si Veron na ngayon ay awang ang labi habang nakatingin sa akin.
"Can I?" tanong Zareb. Hinihintay kung ano ang sagot ko.
Napakurap ako nang mapansing kami na lang pala ang hindi pa magkahawak-kamay.
"Y-yes."
"Relax, you don't have to be nervous," Zareb chuckled.
Iniwas ko ang tingin kay Veron at itinuon na lang ang pansin kay Zareb na ngayon ay nakangiti sa akin. Hinayaan ko siyang hawakan ang kamay ko at mag-umpisa na sa kung ano ang itinuturo ni Miss Alondra. Narinig ko kanina na siya pala ang manager ng grupo nila.
"Yes, that's right! You should smile in front of the audience!" ani Miss Alondra habang tumutugtog ang bagong release nilang kanta na, "Miss Morena."
Pang-lima kami sa lalabas ng stage, nag-ra-rap na si Zareb sa part na ito. Hawak niya ang kamay ko. Iiikot niya sana ako sa kaniya pero hindi ko na-gets kaya ang ending, natapilok ako.
"Oh my gosh! What are you doing?!" sigaw ni Miss Alondra. "Hindi pwedeng ganiyan mamaya ha! Sige, ulit sa umpisa!"
May 30 minutes na lang bago mag-umpisa ang mini concert pero pakiramdam ko hulas na hulas na ang make-up ko nang dahil sa sobrang kaba. 15 minutes na lang daw bago kami mag-retouch at mag-uumpisa na.
Sa tatlong beses na rehearsal, wala naman na akong naging pagkakamali hanggang sa. . .
Gumawi ang tingin ko kay Veron habang hawak niya ang kamay ng partner niya. He was looking at me, intently! Na para bang may malaking malaking kasalanan ako sa kaniya. May kasalanan naman talaga ako, kasi masakit ang nasabi ko sa kaniya. Pero sana hindi siya ganiyan kung makatingin!
"Oh my gosh! You with the royal blue dress, get out!"
Natigilan ako sa pakikipagtitigan kay Veron nang marinig ang sigaw ni Miss Alondra. Napalingon pa ako sa mga kasamahan ko pero ako lang ang naka-royal blue. . .
"You are not cooperating! Just get out!" sigaw niya.
Nanlamig ang mukha ko sa sinabi niya at wala akong ibang nasabi kundi. "S-sorry p-po. . ."
"Sorry? That's unacceptable. Just get out!"
"Miss Alondra, I guess you're overreacting—" Hindi natapos ni Zareb ang sasabihin niya nang muling sumigaw si Miss Alondra.
"Get out! We only have five minutes!"
Nanginginig na tumalikod ako at umalis sa harapan nila. Nanlalamig ang buo kong katawan sa sobrang kaba at kahihiyan. At nang makalabas ng backstage, tuluyang bumagsak ang mga luha sa mga mata ko.
Nakakahiya!
Buong buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng sobrang kahihiyan sa loob lang ng ilang minuto. Hindi ko akalain na mapapahiya ako nang gano'n!
Humihikbing naglakad ako patungo sa dressing room para kunin doon ang mga gamit ko. Ano nga bang pumasok sa isip ko para pumayag sa offer dahil lang gusto kong makausap si Veron? Sana pala hindi na lang ako pumayag. Sana pumunta na lang ako at maging audience tapos saka ko lang siya kakausapin after performance. Kaso nasilaw ako sa pera e. Napahiya tuloy ako!
Walang tigil ang pag-iyak ko habang hinahanap ang bag ko sa locker. At nang madampot ko 'yon, didiretso na sana ako sa banyo pero. . .
Bumukas ang pinto at pumasok mula roon si Veron. He looked worried.
"I'm sorry," he sincerely said.
Tila tumigil ang pagpatak ng mga luha ko sa sinabi niya. Ako ang may kasalanang nasabi sa kaniya, pero bakit siya na naman ang nag-so-sorry?