IPINARADA ni Baro ang pulang convertible Audi sa garahe. Sumilip siya sa loob ng bahay, tahimik ang paligid. Marahil ay nasa itaas si Florie at naglilinis ng kwarto nila. Kinuha niya ang malaking boquet sa backseat at inilapag iyon sa coffee table sa salas.
Pumanhik siya sa itaas pero wala naman doon si Florie. “Saan siya nagpunta? Wala naman na siya doon sa terminal pagdating ko…”
Bumaba uli siya at nasalubong na niya ito sa hagdan. Nagulat pa ito nang makita siya.
“Hindi ka ba binaha, Papsy? Ang lakas ng ulan. Nabasa ka ba? Magpalit ka na ng damit mo,” bungad nito sa kanya, hindi na naman siya makuhang tingnan sa mga mata.
“Pinuntahan kita sa terminal ng jeep pero wala ka na doon. Sana tumawag o nag-text ka man lang na nauna ka nang umuwi para hindi na ko nagpunta pa do’n.”
Yumuko ito. “P-pasensya na… tinatawagan kasi kita pero hindi kita ma-contact.”
“Bakit kasi umalis ka agad? Naipit lang ako sa traffic kaya nahuli ako ng dating.”
“Akala ko kasi hindi ka na dadating. Dalawang oras kitang hinintay, ang lakas pa ng ulan…”
Nagbuntong-hininga siya. Napansin niya ang basa nitong buhok. “Nabasa ka ba ng ulan?” may himig ng pag-aalala na tanong niya sa asawa.
Nag-angat ito ng tingin. “Hindi naman. Nakasakay naman ako kaagad—”
“Kaya pala basa ang buhok mo. Kasi hindi ka nabasa ng ulan,” sarkastikong putol niya dito. “Nakita mo na ba `yong dala ko? Inilapag ko sa sala.”
“D-dala?” takang tanong nito.
Ngumiti siya, inakbayan niya ang asawa at iginiya itong bumaba sa salas nila. Narinig niya pang napasinghap ito nang makita ang malaking boquet ng paborito nitong bulaklak sa lamesita.
“Red and white carnation buds!” bulalas nito.
Kinuha niya ang boquet para iabot sa asawa. “Mamsy… huwag ka nang magalit sakin, please? Huwag ka nang magtampo… ikaw lang ang mahal ko.”
Nangislap ang magkabilang gilid sa mga mata nito, tanda na malapit nang umiyak. Tinanggap nito ang inaabot niyang bulaklak, yayakapin niya pa sana ang asawa pero dahil sa laki ng boquet—at laki ng katawan ni Florie ay hindi maabot ng braso niya ang likod nito.
“Thank you, Papsy…” Ibinaba nito ang boquet para makayakap sa kanya. “I love you…”
Niyakap niya din ito ng mahigpit. “I love you too, Mamsy.”
Nasundan ang yakap na iyon ng isang malalim na halik, na naging malumanay, dahan-dahan, hanggang sa maging mapusok muli. Baro can’t get enough with Florie’s lips. He want to taste her, to lick her, to explore her and to feel the warmth of her inner flesh.
Pakiramdam ni Baro ito ang unang beses na nahalikan niya ang mga labi ni Florie, katulad ng pakiramdam niya noong unang beses na magkita sila…
Nilagok ni Baro ang natitirang laman sa pang-apat na baso niya ng martini, kahit kailan talaga hindi siya magsasawa sa vodka at vermouth mix. Mas masarap pa ang alcoholic drink na iyon kesa sa mga mga babaeng nakasama niya.
Naglalakad siya papunta sa kinaroroonan nila Johann nang mapansin niya ang babaeng naitulak ng isang unaware na fangrl ni Don, nawalan ito ng balanse at kamuntikan nang bumagsak sa sahig kung hindi niya mabilis na nasalo ang likuran nito.
“Are you okay?” tanong niya sa babae.
Katulad ng inaasahan niya ay ma-i-starstruck ito kapag tumingin sa kanya, pero ang mas na nagulat ay siya. Bigla kasi ay bumilis ang pagtibok ng puso niya nang magtagpo ang mga mata nila.
Dumating ang mga fan girls niya pero ayaw niyang mahiwalay sa babaeng kaharap. Parang ayaw na nga niyang alisin ang mga mata sa mala-anghel nitong mukha. Kaya naman bago pa siya malapitan ng mga nagkakagulong taga-hanga ay hinawakan na niya ang kamay ng babae at dinala ito sa mas pribadong lugar ng event hall na iyon.
_____________
NAGMULAT si Florie ng mga mata nang maramdaman ang pagbangon ni Baro sa kama. Pinanuod niya itong magsuot ng paborito nitong boxer shorts, naramdaman nito na nakatingin siya kaya sumulyap ito sa kanya. Nag-iwas naman siya ng tingin.
Tumawa ang asawa niya, lumapit ito at walang pasabing pumaibabaw sa kanya. “Ang cute ng talaga ng asawa ko,” nakangiting sabi nito na kinintalan pa ng halik ang tungki ng ilong niya.
Naramdaman na naman ni Florie ang pag-iinit ng pisngi. Baro never failed to make her heart skipped a beat. Pero agad din siyang nakaramdam ng hiya sa sarili. Inangat niya ang kumot hanggang sa bibig. Did we just make love? As in narating namin ang sukdulan ng walang kahit anong interruptions, like text messages, viber chats, notifs and calls?
Nang umalis na si Baro sa ibabaw niya ay saka niya pinakawalan ang pinipigil na hininga, nag-aalala kasi siyang maramdaman nito ang malaking bilbil na wala man lang sa kalingkingan ng kumpleto nitong abs. Ang katawan niyang may kalakihan ay hindi bumabagay sa katawan ni Baro na pinagnanasaan ng maraming fans nito.
Nahiga uli si Baro sa kama at nakihati sa kumot niya, niyakap siya nito mula sa ilalim ng kumot na iyon. Kaagad naman siyang umiwas, hinatak niya ang kumot at ipinantapis sa h***d na katawan.
“Mamsy, matulog muna tayo…” reklamo ni Baro, itinungkod nito ang siko sa kama at ipinatong ang ulo sa kamay. Namumutok na naman ang biceps nito—at para itong modelo ng Bench boxers habang nakahiga sa kama. “Hindi ka ba napagod?”
“N-napagod. Marami pa kasi akong g-gagawin… L-lalabhan ko pa ang mga damit mo. Umulan pa naman, mahirap magpatuyo,” pagsisinungaling niya at dali-dali nang lumabas ng kwarto.
Pagpinid niya ng pinto ay napasandal siya sa likudan niyon, inilapit niya sa dibdib ang mga damit na hinubad sa kanya ni Baro kanina. Hindi siya makapaniwalang may nangyari sa kanila nang wala ito sa impluwensya ng alak. Napangiti si Florie. Gumagaan na muli ang pakiramdam niya.
Bumaba na siya sa kusina para makapagbihis sa banyo nila, naisuot na niya ang damit nang mapansin na nadampot niya din pala ang polo ng asawa. Kinuha niya iyon at nahagip ng mata ang mapulang mantsa sa bandang ilalim ng kwelyo. Kinuskos niya ang mantsa gamit ang daliri at inamoy.
Nalamukos ni Florie ang hawak na polo. “Lipstick…”
_______________
MARIING ipinikit ni Baro ang mga mata, pero kahit anong gawin niya ay ayaw siyang patahimikin ng konsensya. May konsensya ka pa pala? Tila nang-iinsultong tanong ng isang bahagi ng utak niya.
Bumangon siya at nagparoon-parito sa kwarto, nagtatalon at ipinagpag ang magkabilang kamay. Mayamaya ay bigla siyang nakaramdam ng pagkainis at pinagtuunang bugbugin ang malaking squirrel stuffed toy ni Florie—na regalo niya dito noong first wedding anniversary nila. Naiinis si Baro sa sarili dahil hindi na naman niya natupad ang sinabi kanina sa asawa na susunduin niya ito. Wala din siyang maalala kung kailan niya ba natupad ang lahat ng ipinangako kay Florie magmula noong maging mag-asawa na sila.
Kung hindi siya hinarang ni Danee ay baka naabutan niya pa si Florie sa terminal. Alam naman niyang hindi magagalit sa kanya ang asawa, o kung magalit man ito ay mapapatawad din siya kaagad kapag nilambing niya. Pero hindi naman siya patatahimikin ng sariling damdamin. Dahil kahit maayos ang pagsasama nila ngayon ng asawa ay alam niyang may mga pagkakamali siya na hindi nito nalalaman.
Katulad ng nangyari kanina, mabuti na lang dahil nakapagpigil siya at pinilit na lumabas ng kotse si Danee bago pa tuluyang may mangyari na naman sa kanila sa mismong frontseat pa ng kotse niya.
“Pero alam kong nagtatampo pa din sakin si Mamsy…” bulong ni Baro sa sarili. “Kailangan ko na talagang iwasan ang Danee na iyon.”
“Danee? Danee Vianca? Siya ba `yong Oh My Lady member?”
Halos mapatalon siya sa pagkabigla, sa sobrang pag-iisip ay hindi niya namalayan ang pagpasok muli ng asawa.
“M-mamsy… kanina ka pa ba nandiyan?”
“Kapapasok ko lang,” inabot nito sa kanya ang baby blue long sleeves polo na hinubad niya kanina. “Anong meron sa Danee na iyon?”
Iba ang tono ni Florie, matigas ang tinig nito, taliwas sa palaging malumanay nitong pagsasalita. “A-anong ibig mong sabihin, Mamsy?”
“Binanggit mo kasi ang pangalan niya? Bakit mo siya lalayuan?”
Napakamot siya sa batok, inabot niya ang polo mula dito. “Masyado kasi siyang—“
“Madikit? At parang ahas kung makalingkis?” tumaas na ang boses ni Florie, matalim na din ang mga titig nito sa kanya. “Kaya ka ba nagkaroon ng marka ng lipstick diyan sa kwelyo mo, ha?”
“L-lipstick?” takang tanong niya, kaagad niyang tiningnan ang kwelyo ng damit, may mantsa nga ng lipstick doon. Ngali-ngali niyang sapuin ang noo. “M-mamsy… magpapaliwanag ako—”
“Sabihin mong wala lang `yan. Sabihin mong aksidente lang na nadikit ang nguso ng babaeng `yon sa kwelyo mo kaya nagkamantsa ng mumurahin niyang lipstick. Sabihin mong wala kang ginagawang masama, Baro…” Nabasag na ang tinig ni Florie. “Sabihin mo lang, maniniwala ako…”
“Mamsy…” parang kinukurot ang puso ni Baro sa nakikitang pagpipigil ni Florie sa mga luha.
“Sabihin mong wala akong dapat na ipag-alala, na wala akong dapat na ikabahala…” kinagat nito ang ibabang labi pero hindi naging sapat para pigilin sa pagtulo ang mga luha nito sa pisngi. “Papsy… please, sabihin—”
Ikinulong niya ito sa mga bisig. “Shhh… huwag ka nang umiyak. Ikaw lang ang mahal ko, Mamsy. Totoo `yon… ikaw lang.”
“Mahal na mahal kita… huwag mo naman akong saktan…” bulong ni Florie at tuluyan nang humagulhol ng iyak.
***