“SHEN, ano bang gagawin natin dito?” nababahalang tanong ni Florie sa kaibigan.
Pinaikutan siya nito ng mga mata. Mas bata si Shen sa kanya ng limang taon dahil twenty lang ito at twenty-five siya. Ang asawang si Baro ay matanda naman sa kanya ng dalawang taon. Pero dahil losyang na siya ay madalas siyang mapagkamalan na tiyahin ni Shen at ng asawa.
“Ano pa nga ba? E, `di ha-hunting-in iyong haliparot na Danee!” nagngangalit na sagot nito. “Napupundi na din ako diyan kay Kuya Baro. Napaka-babaero niya! Mula noon hanggang ngayon, wala siyang ipinagbago.”
Tinakpan niya ang bibig ni Shen. “Huwag kang maingay baka may makarinig sa`yo na fans ni Baro, mapagkamalan pa tayong haters.”
“Hater niya na ako simula ngayon!” galit na galit na sagot nito.
Nakwento niya kasi dito ang tungkol sa mantsa ng lipstick na nakita niya sa polo ng asawa noong isang araw. Wala naman na siyang plano pang ikwento iyon dahil nagkaayos naman na sila ni Baro nang mismong araw din na iyon at nangako na si Baro na hindi na iyon mauulit pa, pero dahil hindi pa din maalis ang bigat sa dibdib niya ay nagdesisyon siyang ikwento iyon kay Shen na agad namang ikinaalburoto nito at nagdala sa kanila ngayon sa gusali ng BN Entertainment.
Tumigil ito sa paglalakad at humarap sa kanya. “Naiinis na rin ako sa ka-martyr-an mo, Ate Florie.”
Yumuko siya para iwasan ang mga mata ni Shen. Hindi pagkainis ang nakikita niya sa mga mata nito—kundi awa. At nasasaktan siya doon.
Hindi pa man sila mag-asawa ni Baro ay alam na niyang lapitin ito ng mga babae. Palagi itong laman ng mga showbiz news na na-li-link sa iba’t ibang actress o girl group member. Nasundan niya din kung paano sumikat ang Sproutoon, simula nang ipakilala sila sa publiko hanggang sa unang solo concert ng mga ito noon. Isa kasi siya sa mga die-hard fans ng grupo, isa siya sa mga Sprouts na sumusuporta sa iniidolong Sproutoon.
Kaya nga nang maswerterng mapansin siya ni Baro sa after party ng solocon ng mga ito ay hindi na siya nagpakipot pa. Sino ba naman siya para tumanggi sa isang Baro Chavez? Na hinahabol at pinapangarap ng napakaraming kababaihan. Iyon din ang una nilang pagkikita ng lalaki—kahit matagal na niya itong nakikita sa mga fan meeting dati—ay iyon pa rin ang unang beses na maka-face-to-face niya ito. Hindi niya naman inakala na iyon na din pala ang simula ng kung ano mang meron sila ngayon.
“Shen… umalis na tayo. Ayokong gumawa ng eskandalo dito. B-baka ikapahamak pa iyon ni Baro—“
“Isipin mo naman ang sarili mo, Ate. Matagal ko nang napapansin sa mga kwento mo na hindi kayo okay ni Kuya Baro. Alam kong wala pa ko sa tamang edad para sabihin `to sayo dahil hindi ko pa naman nararanasan ang magkaroon ng boyfriend na babaero, pero Ate Florie, uso naman ang komprontasyon at uso pa din ang manampal ng malalandi.”
Umiling-iling siya sa sinabi nito. “Mas makakabuti ang umuwi na tayo. Kapag nalaman `to ng kuya mo, ako pa ang mapagsasabihan no’n.”
“Ate naman! Gamitin mo naman `yang lisensya mo bilang legal na asawa. Hindi lang 'yan basta papel. Karapatan din 'yan para ipaglaban mo ang kung ano ang sayo.”
“Mamsy! Shen! Anong ginagawa niyo dito sa BN? Paano kayo nakapasok?”
Naiilang na nilingon niya si Baro. Kalalabas lang nito mula sa dressing room—at sumisigaw ng kaguwapuhan ang kabuuan nitong nadadamitan ng formal suit. May presscon nga pala ito ngayon para sa ilalabas na short drama na isa ito sa mga main casts.
Umirap si Shen. “VIP kami kuya. Unlimited ang passes namin. Kapatid ako ni Don at si Ate Florie naman asawa—”
“Paalis na talaga kami. M-may tiningnan lang si Shen—“
“Kararating lang kaya natin,” putol ni Shen sa kanya. “Mang-i-stalk kami ng guwapong artista. Na-mi-miss na daw kasi ni Ate Florie ang dating buhay niya bilang isang fan girl.”
“Shen…” saway niya dito.
Napakunot-noo naman si Baro, bumaling ito sa kanya at ngumiti. “Mamsy… i-stalk mo ba ko?”
“Ang kapal ng foundation mo Kuya Baro!” pambabara kaagad ni Shen. “Sobrang kapal namamanhid ka na.”
“Umuwi ka na sa bahay niyo at uminom ng gatas,” ganting pang-aasar ni Baro sa nakababatang kapatid ni Don.
“Shen, umalis na tayo—“
“Baro! Baro, baby!”
Sabay silang napalingon sa matinis na boses na iyon ng isang babae, nang makilala nila kung sino ang paparating ay sabay-sabay din silang napangiwi.
“Tignan mo nga naman Ate. Tadhana na ang naglalapit sa kamatayan ng babaeng `yan,” nagngingitngit na bulong sa kanya ni Shen habang masama ang tingin kay Danee Vianca.
Pumulupot ang maninipis na braso ng babae sa braso ni Baro. “I’m here to support you!”
“Sabi ko na nga ba, supporter siya. Mukha pa lang, mukha nang taga-salo ng it—“
“Shenaida…” mariin na saway niya dito.
Inalis ni Baro ang braso sa kamay ng babae, nagpapasensya ang tingin na ibinibigay sa kanya ng asawa. Naiintindihan niya naman. Hindi nito maaaring ipakilala siya bilang asawa.
Muli na namang kumapit ang kamay ni Danee sa braso ng asawa niya. “Sino sila? Mga fans mo? Paano sila nakapasok dito?” kunot-noong tanong nito kay Baro.
“Ah, a-ano—“
“Ah, baka naman intruders kayo?” taas ang isang kilay na tanong ni Danee sa kanila. “Ang mga fan girls talaga, buwis-buhay para sa mga idols nila.”
“Ate Florie, kapag ba sinapak ko `tong babae na 'to, magiging artista na din ako?” tanong ni Shen sa kanya pero kay Danee nakatingin.
“Excuse me?”
“Bakit? Dadaan ka?” balik-tanong ni Shen.
“Baro, paalisin mo na nga `yang mga fans mong walang manners sa pakikipag-usap—“
Hindi na naituloy ng babae ang sinasabi dahil bigla na itong sinapak ni Shen, tumama ang kamao nito sa ilong ni Danee at nagdulot iyon ng pagdurugo.
“Oh my God!” bulalas ng babae nang sapuin ang ilong at makita ang dugo sa palad. “You b***h!” susugod sana ito sa kanila pero inawat ito ni Baro.
“Ikaw ang b***h! Malandi ka!” ganting sigaw ni Shen.
“Shen, umalis na tayo…” natatarantang awat niya kay Shen.
“You can’t get away with this. Idi-demanda kita, kasama `yang pangit na baboy mong katulong!”
Sa sinabi ni Danee ay parang nagpanting ang tenga niya, binitiwan niya ang braso ni Shen at ubod-lakas na hinablot ang buhok ng babaeng hawak pa din ng asawa niya.
“Sinong baboy? Gaga ka, kung baboy ako, ikaw ahas!” sigaw niya habang iwinawagwag ang buhok nito.
Binitiwan ni Baro ang babae para awatin siya, niyakap siya nito at inilayo sa babaeng malapit na sana niyang malagas ang buhok. Nang susugurin siya uli nito ay si Baro na ang humarap dito.
“Tama na, Danee!” galit na sigaw dito ni Baro.
Dahil sa ingay na idinulot ng away nila ay nagsilabasan ang mga staffs at make up artists sa mga dressing rooms.
“Bakit ako ang titigil? Tingnan mo nga ang ginawa nila sakin? Sinira nila ang mukha ko, Babe…” Tinangka nitong lumapit sa asawa niya pero siya naman ang humarang.
“Hanggang diyan ka lang,” mariin na pigil niya dito. “Hindi mo siya pwedeng lapitan, hindi mo siya pwedeng hawakan, hindi mo siya pwedeng tingnan. Wala kang karapatan kay Baro. Kahit kausapin siya wala kang karapatan. At itigil mo na ang pagtawag sa kanya ng ‘Babe’ kung ayaw mong nguso mo naman ang dumugo.”
“What are you? A possessive, lunatic, ugly, fat, b***h fan?”
“Sinabi nang tama na, Danee!”
Napatingin siya kay Baro, ngayon niya lang ito nakitang nagalit ng ganoon.
“Huwag mo nang uulitin `yang mga sinasabi mo—“
“Don’t tell me, pinagtatanggol mo pa `yang pangit mong tagahanga—“
“Asawa ko siya!” putol dito ni Baro. “Hindi ko lang siya basta tagahanga. She’s my wife.”
***