CHAPTER 17

1171 Words
“Ano ba’ng nangyari? Paanong nasusunog ang bahay namin?” hingal na tanong ni Bryle sa binatilyong nag-abot sa kanila ng napakasamang balita. “Hindi ko alam, Kuya Bryle, pero ang narinig ko ay may napadaan doon at nakita na lang na umuusok sa bandang kusina niyo.” Mas binilisan pa ni Bryle ang kaniyang pagtakbo. May senaryo na siyang naisip na naging dahilan ng sunog. Mali… mali talaga na iniwan niya si Lacey na mag-isa. Ang tanga niya! "Bryle, ang anak natin! Iligtas mo ang anak natin!" panay naman ang sigaw ni Leia na umiiyak habang kumakaripas din ng takbo. Nahuhuli man ay nakakahabol pa rin. Hindi mailarawan ang matindi nilang kaba na mag-asawa sa sandaling iyon para sa nag-iisa nilang anak. Sa isip-isip nila’y hindi nila mapapatawad ang kanilang mga sarili oras na may mangyaring hindi maganda kay Lacey. Si Lacey, na tanging kayamanan nila sa mundo. Si Lacey, na dahilan bakit nagpapakatatag sila. Si Lacey, na tanging lakas nila sa araw-araw kahit ang hirap na hirap na ng sitwasyon nila. “Padaan! Padaan!” sigaw ni Bryle pagdating nila roon. Napakarami na ngang tao na nagtutulungan upang maapula ang apoy na unti-unting tumutupok sa munti nilang bahay. Sa kasamaang-palad, dahil gawa sa light materials ang bahay nila ay hindi madaling masugpo ang apoy. Kasisimula pa palang pala ng apoy. Gayunman ay napakadelikado nang suungin. “Nasaan si Lacey?! Nasaan ang anak namin?!" pasigaw na mga tanong ni Bryle nang hindi niya makita sa labas ang kaniyang anak. At kulang na lang ay mawala na ulit talaga siya sa matinong pag-iisip nang walang sumagot sa kaniya. “Lacey! Lacey!” Papasok na sana siya sa bahay nila nang mapagtanto niyang nasa loob pa ng bahay nila ang pinakamamahal na anak. “Pare, delikado na!” Ngunit pinigilan siya ng isang lalaki at nakitulong na rin ang ibang kalalakihang kapitbahay nila nang manlaban siya. Hindi siya hinayaan dahil palaki na nang palaki ang apoy. "Anak ko! Lacey, anak ko!" mga hiyaw lang din naman ni Leia na walang magawa kundi ang mapahagulgol. Ang mga kababaihan naman ang pumipigil dito. “Bitawan niyo ako!” pagwawala ni Bryle. Sinuntok niya ang isang lalaki, tapos ang isa pa. “Sorry, pare, pero hindi ka namin mapapayagan. Baka hindi ka na makalabas,” sabi ng isa. Sa kabila ng lahat ng kaniyang pananakit ay inuunawa siya. “Huwag kang mag-alala, Pareng Bryle, may tumawag na ng bombero,” sabi naman ng isa. “Wala akong pakialam!” pagmamatigas ni Bryle. Nakawala siya. Nakatakbo siya. Subalit may isang lalaki na yumakap sa kaniya sa likod upang pigilan siya ulit bago pa man siya makapasok sa pinto nila. “Lacey!” hiyaw ni Bryle na nawawalan na ng pag-asa. Naghestirya ang mag-asawa. Nagsumamo na iligtas ang kanilang anak. Parehas na nakiusap na hayaan silang pumasok sa bahay nila pero hindi talaga sila pinagbigyan. Mas lumalaki na kasi talaga ang apoy. "Bitawan niyo ako! Kailangan kong iligtas ang anak ko!" panlalaban na naman ni Bryle sa mga humahawak sa kaniya. Mabuti na lang at may bombero nang dumating. "May bata sa loob! May bata!" halos saay-sabay na sigaw ng mga tao. Isang bombero ang siyang lakas-loob na pumasok sa nasusunog na bahay. “Lacey, anak!” salitang sigaw nina Leia at Bryle habang naghihintay. Laking ginhawa lang nilang ng lahat, lalo na ang mag-asawa, nang lumabas ng bahay ang bombero at buhat-buhat na ang walang malay na si Lacey. Ang kawawang bata ay may paso na isang braso at paa. Agad sinalubong ng mag-asawa ang anak. Kinuha agad ni Bryle si Lacey. “Lacey, Anak, gumising ka,” umiiyak na pakiusap niya sa lupaypay na bata. “Lacey, nandito na sina Mama at Papa,” rumaragasa naman ang mga luha na sabi ni Leia. Kamuntikan na itong mahimatay sa nakitang kondisyon ng anak. "Dapat madala siya agad sa ospital dahil sa dami ng usok na nalanghap niya. Delikado pa rin siya,” sabi ng bombero na nagligtas sa bata. "Dalhin natin siya sa ospital, Bryle!” sumamo ni Leia sa asawa. "Tabi! Tabi!" sigaw naman na ni Bryle sa maraming tao. "Tulungan niyo kami! Tulungan niyo po ang anak ko!” nagsusumamong malakas na sabi rin ni Leia na nakasunod. “Tumawag kayo ng ambulansya! Bilis!” sigaw naman ng mga tao. Lalong nagkagulo ang lahat para sa kawawang bata. “Dito! Sakay na! Dali!” Mabuti na lamang at may napadaan na may sasakyan na tumulong sa kanila. Dali-daling sumakay nga sina Leia at Bryle sa kotse. Buong byahe ay abo’t abot ang kanilang dasal habang tinitigan nila si Lacey. “Lacey, Anak ko, kumapit ka please?” samo ni Leia sa bata. Panay ang kanyang halik sa maliit na kamay ng anak. “Kumalma ka lang. Walang mangyayaring masama sa kaniya,” kinakabahan man ay sabi rito ni Bryle. “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag pati ang anak natin ay mawala, Bryle.” Napahagulgol na ulit si Leia. “T*ngna naman, Leia! Ano ba’ng pinagsasabi mo?! Nawalan lang ng malay si Lacey!” Nabulyawan na tuloy ito ni Bryle na lalong nagpaiyak sa asawa. “Huwag kayong mag-alala malapit na tayo sa ospital,” hindi napigilang sabad ng nagmamanehong tumulong sa kanila. “Pakibilisan pa, pare,” pakiusap ni Bryle. “Oo heto na,” sabi naman ng lalaki. Ito man ay kabadong-kabado. Nang tingnan ni Bryle ang mukha ng anak ay napaluha na rin siya. Tumaas-baba nang husto ang kaniyang dibdib. Kasalanan niya. Kasalanan niya ang lahat ng ito. Kung sana hindi niya kasi inuna ang kaniyang selos. Sana hindi niya ito iniwang mag-isa. “Sorry, Anak. Sorry.” Puno ng pagsisisi na kinintalan niya ng halik ang noo ng kaniyang anak. “Nandito na tayo!” awa ng Diyos ay imporma na sa kanila ng lalaking tumulong sa kanila hindi katagalan. Mas may pagmamadali pa ang naging kilos nina Leia at Bryle. Mula sa pagbaba nila kay Lacey sa sasakyan hanggang sa pagpasok nila sa Emergency Room. Laking pasalamat naman nila at inasikaso agad ng mga ER Staff ang kanilang anak. Saktong kumpleto sila pati na ang ER Doctor kaya naagapan ang bata. “Gawin niyo po ang kailangang gawin, Doc. Iligtas niyo po ang anak namin,” sagot ni Bryle nang saglit ay hinarap sila ng doktor. Ipinaliwanag sa kanila na kinakailangang magkaroon ng operasyon dahil sa pangangailangan na alisin ang nasunog na bahagi ng balat, i-repair ang tisyu, at iba pang medikal na layunin. May pinapirmahan din sa kanila na hindi atubiling pinirmahan ni Bryle. “Bryle, ang anak natin…” iyak na naman ni Leia nang maiwanan silang dalawa sa waiting area ng Operating Room. Niyakap ni Bryle ang asawa. “Ayos lang siya. Matatag ang anak natin. Kakayanin niya ito.” Sa dibdib niya’y nag-iiyak na nag-iiyak pa si Leia. Wala naman siyang magawa kundi ang hagudin lamang ang likod nito upang pakalmahin kahit paano. Sapagkat kahit siya mana ay halos manghina na ang tuhod niya sa mga sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD