CHAPTER 16

1547 Words
Pinara ni Bryle ang padating na tricycle. Kahit ang paraan ng kaniyang pagpara ay pagalit. “Mahal, may pera ka bang pampamasahe? Wala akong pera dito,” subalit paalala sa kaniya ng asawa. “Buwisit!” Inis na inis niyang ibinaba ang kamay nang naisip niya na ni pisong duling ay wala nga pala siya. Gusto niyang sumigaw sa sobrang inis, inis na ngayon ay para rin sa kaniyang sarili. Frustrated, mariin siyang pumikit kasabay nang pagsuklay ng mga daliri niya sa kaniyang buhok. Wala talaga siyang kuwenta. “Maglakad na lang tayo,” masuyong sabi sa kaniya ng asawa na magaang humawak sa balikat niya. “Huwag mo akong mahawak-hawakan!” piksi niya. Inilayo niya ang sarili at nagsimulang maglakad. Ang ikinagulat niya ay nang yakapin siya ni Leia sa likod nang maabutan siya. “Sorry na, Mahal. Promise hindi na iyon mauulit.” Nag-init ang kaniyang mga mata. Gayunpaman, hindi naibsan ang galit, inis at selos niya. Itiningala niya sa langit ang mukha upang pigilan ang mga luha niya. Pagkuwan ay tiim-bagang na kinalas niya ang mga kamay ng asawa na nakayapak sa kaniyang tiyan. “Hinihintay na tayo ni Lacey sa bahay. Bilisan mong maglakad,” malamig na sabi niya pagkatapos ay muling naglakad. Malalaki ang hakbang na ginawa niya kaya naiwanan niya agad ang asawa. Hindi naman nakakibo si Leia. Natilihan siya saglit sa kaniyang kinatatayuan. Para kasi siyang binuhusan ng isang drum ng malamig na tubig sa nakikitang kalamigan sa kaniya ng asawa. Hindi siya sanay. Natatakot na tuloy siya na baka hindi niya mapabubulaanan ang anumang paratang na tumatakbo sa isip nito. Natatakot siya pati na baka bigla na lamang itong sumpungin ng sakit nito. Sumikdo ang sikmura ni Leia sa matinding tensiyon. Naluluhang hinabol na niya ang asawa. Lihim na nananlangin. Huwag naman sanang sumpungin ngayon si Bryle, Diyos ko! "Maniwala ka naman sa ‘kin, Mahal. Nakatulog lang talaga ako dahil sa sobrang pagod ko at saka gabi na kasi iyon,” pangungumbinsi niya ulit sa asawa nang matapatan ito. "At bakit hinayaan mong makatulog ka? Hindi mo man lang naisip ang anak mo na gutom at hinihintay ka magdamag?" katwiran pa rin ni Bryle. Masama talaga ang loob nito. Hindi na nakalas ang pagkakakuyom ng mga kamao nito. "Hindi kasi umuwi ng maaga si Sir Kenneth. Hinintay ko muna siya bago sana ako uuwi kaya lang ay iyon nga hindi ko namalayan na nakatulugan ko na pala ang paghihintay sa kaniya dahil alas dyes na iyon ng gabi. Nagising na lang ako kanina na umaga na.” Biglang preno si Bryle at hinarap ang asawa. "Eh, g*go pala ‘yong amo mo, eh! Bakit hindi ka niya ginising gayong alam niyang may naghihintay sa ‘yo na pamilya mo?! O baka naman sinadya niyang hindi ka talaga gisingin dahil may balak siya?!” "Huwag mo namang pag-isipan ng masama ang tao, Mahal. Baka naging concern lang siya.” "Ano’ng gusto mong isipin ko, ha?! Saka iyong pagsundo niya sa ‘yo kahapon ng madaling araw sa bahay, ano’ng ibig sabihin niyon, ha?!" Doon natigilang muli si Leia. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Kung ganoon ay nakita pala iyon ng asawa? "Ano hindi ka na naimik?! Oo, nakita ko! Nakita ko lahat! Nanahimik lang ako dahil baka kung ano na naman ang magawa ko! T*ng ina!” pagwawala na talaga ni Bryle. Ang lakas-lakas ng boses nito. “Ano… nagpunta siya kina Pressy kaya dumaan na lang din daw siya sa bahay dahil naisip daw niya na ano… na baka maaga akong papasok. Wala ‘yon, Mahal,” napilitan niyang pagsisinungaling. “Sige, Leia, magsinungaling ka!” “Hindi ako nagsisinungaling, Mahal. Kahit itanong mo pa kay Pressy mamaya o bukas?” Hindi na niya alam ang sinasabi niya pero para matigil lamang ang pagtatalo nila at kumampante ang isipan ng asawa ay paninindigan niya sa kasinungalingan niya. Bahala na ulit mamaya o bukas ang mangyayari basta ang gusto niya ngayon ay kumalma na ito. “Hindi ka magaling magsinungaling, Leia!” ngunit ay bulyaw na sa kaniya nito. Napayuko na lamang siya ng ulo. “Lalaki ako at alam ko na hindi gawain iyon ng lalaking walang gusto sa isang babae! Kaya huwag na huwag ka nang babalik doon! Hindi baleng mamatay tayo sa gutom kaysa bumalik ka sa lalaking iyon na mukhang may pinaplano sa ‘yo ng hindi maganda!” Tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa mga mata ni Leia. Hindi na siya kumontra pa sa sinabing iyon ng asawa dahil baka mas lalong mag-isip ito ng masama tungkol sa kanila ni Kenneth. Iyak na lang siya nang iyak habang sumusunod rito ng lakad. Umiiyak siya dahil nanghihinayang siya sa magandang sahod sa trabahong iyon. Kahit ilang buwan kasi siyang maglabada ay hindi iyon matutumbasan ng sasahurin niya kay Kenneth sa loob ng isang buwan lamang. Saka paano niya mababayaran iyong kotse at si Mrs. Sarmiento kung wala siyang trabaho? "Maghahanap ako ng trabaho bukas. Iinom na lang ako lagi ng gamot. Ako ulit ang bubuhay sa inyo ng anak natin kaya huwag ka nang babalik doon dahil baka mapatay ko lang ang lalaking iyon oras na makita ko pa ulit siya," sabi pa ni Bryle. Ni katiting ay hindi pa rin humuhupa ang galit nito. “Alam mong delikado pa rin, Mahal,” aniya. “Wala akong pakialam. Basta ako na ulit ang magtatrabaho!” giit ni Bryle. “Bakit ba kasi ganyan ka mag-isip? Wala ka bang tiwala sa akin?” malumanay pa rin naman ang kaniyang tono na sabi. Kung siya lang ang masusunod ay hindi niya sana nais pang magtrabaho si Bryle. Nakikinita niya ang mas malaking problema oras na sumpungin ito sa mas maraming tao. “Sa ‘yo meron pero sa g*gong iyon, wala!” subalit ay matigas na katwiran ni Bryle. “Halatang-halata na may binabalak siya sa iyo! Hindi man niya nagawa ngayon, natitiyak ko na gagawin na niya oras na magkaroon siya ulit ng pagkakataon!” “Mahal, naman?” Hindi makapaniwalang tinitigan niya ito. Nakipagmatigasan si Bryle sa titigan nila, pero hindi naman nagtagal ay bahagyang lumambot ang hitsura nito. “Ang sa akin lang ay hindi ko kayang mawala ka sa akin kaya bago pa tangkain na agawin ka sa akin ay haharangin ko na. Mahal na mahal kita, Leia. Ikaw na lang ang dahilan bakit ako lumalaban sa buhay. Hindi ko alam kung ano’ng mangyayari sa akin kapag nawala ka sa amin ng anak mo.” Nakagat ni Leia ang loob ng pang-ibabang labi niya. Nais niyang sabihin ulit sana sa asawa na wala itong dapat ipangamba, na hindi siya mawawala sa piling nito, dahil kung mahal na mahal siya nito ay ganoon din siya rito. Noon ngang nawawala ito at bihag ng mga bandido ay halos mamatay na siya noon. Hindi na niya siguro kakayanin pa kung mauulit pa iyon na mawalay ito sa kaniya. Baka tuluyan na siyang mamatay. Mas lumapit sa kaniya si Bryle at ikinulong sa mga palad nito ang maliit niyang mukha. “Akin ka lang, Leia. Sana akin ka lang hanggang huli kahit ganito na lang ako na asawa mo?” Sa tuwing nagdadrama talaga ang asawa niya ay kay bilis na tumutulo ang mga luha niya. “Oo naman. Mahal na mahal kaya kita?” Nangingilid din ang mga luha na ngumiti na sa kaniya si Bryle at hinagkan siya sa pisngi. Sa pisngi dahil nasa gilid sila ng kalsada. Gumasgas ang papatubong balbas nito sa kaniyang panga, at sisigok-sigok na napangiti na rin siya. Mayamaya lamang ay hawak-kamay na silang naglalakad pauwi sa kanilang bahay. Ang dami pa ring sinasabi ni Bryle. Humupa man ang galit nito, hindi pa rin ang selos nito. Kesyo kayang-kaya raw nitong paduguin sa nguso ang Kenneth na iyon. Mas guwapo raw ito kay Kenneth, at kung anu-ano pa. “Bakit?” pansin sa kaniya ni Bryle di-katagalan nang siya ay natahimik. Matapos ang halos isang oras na nilang paglalakad at malapit na sila sa kanilang bahay. “Ewan ko pero bigla akong kinabahan, Mahal?” pag-amin niya. Natutop at nahimas niya ang kaniyang bandang dibdib. “Bakit naman?” Nagkibit-balikat siya. Hanggang sa pumasok sa isip niya si Lacey. “Noong iniwan mo ang anak mo? Ayos lang ba siya?” “Oo, binilinan ko siya na doon lang siya sa kuwarto at hintayin ako.” Tumango-tango siya. “Bilisan natin, Mahal. Iba kasi ang kutob ko.” “Sige.” Makikita na rin sa mukha ni Bryle ang pag-aalala para sa kanilang anak. Natigil lang sila sa paglalakad nang may humahangos na binatilyong sumalubong sa kanila. “Kuya Bryle! Ate Leia!" Hingal na hingal ang binatilyo. “’Yung bahay niyo po!” Naalarma ang mag-asawa. Ang kaba nila sa dibdib ay lumala. Halos madinig na nila. “Bakit, Estong? Ano’ng nangyari sa bahay?” hintakot na tanong ni Bryle. "Kuya, nasusunog ang bahay niyo!" walang pasakalye na sagot ng binatilyo. Animo’y sinakluban na nga ng langit at lupa ang mag-asawa sa masamang balita na iyon. Lumaki ang mga mata nila at kapwa sila natigagal na nagkatinginan. "Diyos ko! Si Lacey!" hanggang sa hestirikal na ni Leia nang maalala ang anak. Kaya pala ganoon ang kutob nila. "Lacey!" Takot na takot na kumaripas naman agad ng takbo si Bryle.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD