Sa Malvaro Hospital, hindi na mapakali si Bryle. May kakaiba na naman siyang nararamdaman na kaba sa kaniyang dibdib na hindi niya mawari kung para saan.
Gayunman, natitiyak niyang hindi para kay Lacey ang kaba na iyon. Nasa harapan na niya kasi ang kaniyang anak at binabantayan. Nailabas na kanina sa ER sampung minuto ang lumipas matapos umalis si Leia. At kahit wala pa ring malay ang bata at kawawang-kawawa ang hitsura nito gawa ng isang kamay at paa nitong nababalutan ng benda ay sigurado na raw naman nang ligtas na ito sa kapahamakan. Iyon ang sabi ng doktor sa kaniya kaninang kinausap siya.
Bumuntong-hininga si Bryle at tumayo. Sa tabi ng hospital bed ng kaniyang anak ay nagpabalik-balik siya ng lakad. Salitan ang pagbukol ng dila niya sa kaniyang pisngi at pagkagat niya sa kaniyang pang-ibabang labi habang nakapamaywang.
Para saan kaya ang kaba sa kaniyang dibdib na kaniyang nararamdaman? Para kay Leia ba? Kaya ba hindi pa bumabalik ang kaniyang asawa?
Nasapo niya ang noo. Hinilot-hilot ang pagitan ng kaniyang mga mata. Huwag naman sana. Hindi na niya talaga mapapatawad ang kaniyang sarili kung pati ang kaniyang asawa ay may mangyayaring masama.
“Hmm…” umungol si Lacey na siyang umuntag sa kaniya.
“Lacey?” Napabalik agad ang atensyon ni Bryle sa kaniyang anak. Nagmadali niya itong hinawakan sa isang kamay at hinaplos ang noo.
Hindi naman nagising ang bata. Umungol lang. Mukhang nananaginip lang.
Bumuntong-hininga si Bryle na tinitigan ang kaniyang anak. Nadudurog ang puso niya kapag tinitingnan niya ito, pero hindi naman niya mapigilan. Kung puwede lang sana ay ipapalit na lang niya ang sarili rito. Sana siya na lang ang nasa kalagayan ng kaniyang anak.
"Sir, nabili na po ba niyo ang mga gamot ng pasyente? Kailangan na po kasi.” Mayamaya ay isang nurse ang lumapit kay Bryle.
"Um, ano, mamaya po. Kumuha lang po ng pera ‘yung asawa ko, Ma’am," hindi siguradong sagot ni Bryle.
"Sige po, Sir. Pakibigay na lang po sa nurse station kapag nabili niyo na po," magalang na sabi ng nurse saka umalis na. Mabuti na lamang at mabait ang natyempong assigned nurse ng kanilang anak. Nakakaunawa sa tulad nilang mahirap. Hindi sila sinusungitan.
Lalong hindi naman naging mapakali si Bryle. Tatayo, uupo, tatayo at uupo siya. Paulit-ulit. Panaka-naka rin ay napapahawak siya sa isang kamay ng anak. At mas ramdam niya ngayon ang kawalang kuwenta niyang ama.
“Miss, puwede pakitingnan-tingnan ang anak ko. Lalabas lang ako saglit para maghanap ng pambili ng gamot niya. Okay lang ba?” At nang hindi na talaga nakatiis ay nagpasiya na siyang lumabas din. Bahala na kung saan din siya mapapadpad pero maghahanap din siya ng pera. Tutulungan niya si Leia na gumawa ng paraan.
“Sige, Kuya. Wala pong problema.” Mabuti na lamang at mabait din ang katabi nila sa charity ward. Isang dalagita ito na may binabantayan namang matanda na pasyente.
“Salamat,” naginhawang saad niya. Hindi na siya nagsayang ng oras, pagkahalik niya sa noo ni Lacey ay nagmamadali na siyang umalis.
Hindi nga lang natuloy ang balak niya dahil natigilan din siya sa hallway ng ospital dahil nakita niyang naglalakad si Leia. Makakasalubong niya ang asawa. Nakabalik na.
"Mahal?” tawag niya rito na sinalubong.
“Bryle?!” Gulat na gulat na napatingin sa kaniya si Leia. Wari ba’y nawawala ito sarili na naglalakad. Napakalalim ng iniisip. May hawak itong sobreng puti na medyo makapal dahil sa laman niyon.
"Nakautang ka? Tinatanong na ng mga nurse ‘yung gamot ng anak mo, eh. Aalis na nga sana ako para maghanap din ng pera," tanong niya sa misis. Hindi na binigyang pansin ang mga nahalata.
Hindi agad nakasagot si Leia bagkus napatitig ito sa sobreng hawak ng dalawang kamay nitong nanginginig.
“O-oo. Heto.” Mayamaya ay inabot nito iyon sa kaniya.
Natuwang kinuha iyon ni Bryle at tiningnan. "Ang dami naman nito? Saan ‘to galing?" Pero nagtaka siya nang makita ang laman niyon. Sobrang kapal na tig-isang libo na malulutong. Parang galing bangko pa. Kaka-withdraw lang.
"Pinautang ni Sir Kenneth,” ang gusto naman sanang aminin ni Leia, pero iba ang lumabas sa bibig niya dahil sa takot na tanggihan iyon ng asawa. "Ginaranturan ako ni… ni Pressy sa isang bombay. Hulugan.”
“Bombay? Eh, di ang laki ng bayad nito sa araw-araw?"
"H-hindi naman. Ano… um… k-kung ano lang daw ang kaya natin kasi kaibigan siya ni Pressy. Basta makapaghulog lang daw tayo ay walang problema. Konti lang din ang tubo na ibinigay kasi naawa siya kay Lacey. Mabait kasi ‘yong bombay. Madami rin kasi siyang anak kaya may malaking puso siya sa bata," grabe ang nerbyos na gawa-gawang kuwento ni Leia. Halos madinig na nga niya ang matinding kabog sa dibdib niya habang nagsasalita.
Sana… sana ay mauunawaan siya ni Bryle oras na malaman nitong galing kay Kenneth ang perang iyon. Wala naman siyang ginagawang masama. Ang kasalanan lang naman niya ngayon ay ang pagsisinungaling niya.
"Sige, huwag kang mag-alala bukas ay maghahanap ako ng trabaho. Kung kinakailangang bumalik ako sa construction ay gagawin ko.”
"Pero hindi na puwede sa ‘yo ang trabahong ganoon.”
Inakbayan siya ni Bryle. “Magaling na ako kaya huwag kang mag-alala. Pakikiusapan ko ang boss ko. Sasabihin ko na iinom ako lagi ng gamot. Kung kinakailangang luluhod ako sa harapan ni Boss para tanggapin niya ulit ako ay gagawin ko.”
Napabuntong-hininga na lang ng malalim si Leia. “Mamaya na natin pag-usapan ‘yan. Bilhin muna na natin ang gamot ni Lacey, Mahal.”
“Tama. Sige.”
Hawak-kamay silang mag-asawa na lumabas na nga sa ospital. Nagtungo sila sa malaki at kilala na drug store na nasa tapat din ng Malvaro Hospital. Binili nila lahat ng mga nakareseta na gamot ni Lacey, kasama na ang pang-isang buwang gamot na rin ni Bryle.
Napapalunok na lang si Leia kapag napapatitig siya sa asawa. Sana talaga ay mapatawad siya nito sa kaniyang pagsisinungaling oras na mabuking siya nito. Para naman ito sa anak nila, eh.
At lalo pang nadagdagan ang nerbyos niya nang masulyapan niya ang kotse ni Kenneth sa di-kalayuan.
“Mahal, nagugutom ako. Puwede bang kumain muna tayo bago bumalik sa ospital?” ang naisip niyang pag-iwas. Takot na takot siya na baka makilala rin ni Bryle ang kotse ni Kenneth. Mas takot siya na baka bumaba pa si Kenneth sa kotse nito at kausapin sila. Baka mag-collapse na talaga siya sa nerbyos kapag magkaharap ngayon ang dalawa.
“Sige, pero bilisan natin,” laking pasalamat niya at pagpayag naman ni Bryle na hindi nakahalata.
“Oo.” Siya na ang humila rito paibang direksyon sa kinaroroonan ng kotse ni Kenneth.