"Kung may maitutulong ako, sabihin niyo lang," ulit ni Kenneth sa inaalok nitong tulong sa mag-asawang nasunugan at nasaktan ang anak. Hindi niya inalintana ang masakit na tingin sa kaniya ni Bryle.
“Bakit ka ba nandito, ha? Hindi ka namin kailangan dito kaya umalis ka na!" singhal na rito ni Bryle. Hindi na nakapagtimpi.
"Bryle, ano ba?" saway naman ni Leia sa asawa. Siya na naman ang hiyang-hiya sa amo sa inaasal nito.
"Gusto ko lang makatulong dahil tauhan ko si Leia, pare. As her boss, I have a responsibility to help her,” mapagkumbabang paliwanag naman ni Kenneth kay Bryle.
"Eh, g*go ka pala, eh! Akala mo ba babalik pa sa bahay mo ang asawa ko?! Mamamatay muna akong, g*go ka, bago mo magawa ang mga plano mo sa kaniya!” Sa kasamaang palad ay lalong nag-init ang ulo ni Bryle.
“Bryle, utang na loob kumalma ka naman,” naiiyak nang pakiusap ni Leia rito. Nilapitan na niya ang asawa at inamo. “Alalahanin mo kailangan tayo ng anak mo ngayon. Please, pigilan mo naman ang emosyon mo at baka sumpungin ka.”
Nagtatagis pa rin ang mga bagang ni Bryle na tumalikod.
Mabuti na lang din at kalmado rin si Kenneth. Pero ang totoo ay pinipilit lang nitong huwag patulan ang asawa ni Leia. Gusto nitong ipakita kay Leia na maayos siyang tao, mas maayos siya kaysa sa asawa nitong walang modo.
“T*ng ina!” Nasipa ni Bryle ang upuan. Hindi pa rin mapigilan ang inis at selos sa kapwa lalaki.
"Bryle, tama na. Nandito lang sila para makiramay sa problema natin,” pag-alo pa rin ni Leia sa asawa. Hinawakan nito ang braso ng asawang konti na lang ay baka susumpungin na naman ng sakit nito.
"Paalisin mo sila hindi natin sila kailangan dito!" bulyaw pa rin ni Bryle. Tiningnan niya ulit ng masama si Kenneth bago padabog na umupo sa waiting bench ng ospital. Napasabunot na ito ng buhok nang maalala ang kalagayan ni Lacey. Kanina ay nakita niyang may mga sunog na parte ng katawan ng anak kaya alalang-alala siya, kung bakit kasi iniwan niya pa ito kanina. Sarili niya ang sinisisi niya sa pagkadisgrasya ng anak kaya lalo pang umiinit ang ulo niya.
"Salamat sa pagpunta, Sir Kenneth, Pressy, pero okay lang kami at maayos na siguro si Lacey. Puwede na po kayong umalis para…" pakiusap naman ni Leia kina Pressy at Kenneth na hiyang-hiya kaya hindi niya natapos ang sinasabi. Nababahalang kunot ang noo at kagat niya ang labing napasulyap siya sa asawa. Nagkikiskisan din ang mga palad niya. Naiipit siya sa sitwasyon.
"Sigurado ka ba?" nanantyang tanong ni Pressy na kung maari ay ayaw iwanan ang kaibigan.
"Oo, Pressy. Salamat sa pagdalaw at pasensya na kayo.”
"Pero, Leia, kailangan niyo ng tulong. Please let me help you," giit pa rin ni Kenneth sa ino-offer nitong tulong. Wala talaga itong pakialam sa pambabastos na ginagawa ni Bryle. "May panggastos ba kayo? Kailangan mo ba ng pera? Bibigyan kita kung wala.”
Nahihiya na umiling si Leia sa mabait na amo. "Salamat po talaga, Sir Kenneth, pero huwag na po. Kaya na namin po itong mag-asawa. Sige na po umalis na po kayo para wala pong gulo. Kayo na po sana ang magpasensya sa asawa ko.”
Si Bryle na narinig iyon ay nanlilisik na naman ang mga matang napataas ng tingin. Salitang tiningnan niya ng masama sina Kenneth at Leia.
"Pero—" Ayaw talaga sana ni Kenneth na umalis talaga. Alalang-alala ito kay Leia.
“Halika na, Insan. Babalik na lang tayo next time.” Pero pinilit na itong hinila ni Pressy.
"Hindi ko maiiwan si Leia, Pressy. She needs me. She needs us here,” pagpoprotesta ni Kenneth sa pinsan.
"Ano ka ba!" Pinandilatan naman ito ng mga mata ni Pressy. “Umayos ka nga! Nandiyan ang asawa niya! Mahiya ka naman sa mga sinasabi mo!” Buti na lang at nakalayo na sila konti sa mag-asawa at hindi iyon narinig ni Bryle. Kabadong-kabado si Pressy.
“Hindi ko kayang nakikita na nahihirapan si Leia, Pressy,” sabi pa rin ni Kenneth habang panay ang lingon kay Leia.
“Halika na sabi!” Hinila na talaga ito ni Pressy.
Pasalamat ni Pressy at nagpahila naman ang binata.
Naiwan ulit ang mag-asawa doon na tahimik lang, kung anu-ano ang itinatakbo ng kanilang isipan. Hanggang sa lumabas na nga ang doktor at sinabing successful ang operasyon. Gayunman, huwag daw muna silang pakampante dahil hindi pa tiyak kung ligtas na ang bata. Maliban daw kasi sa nasunog na parte ng katawan ni Lacey ay naapektuhan din daw ang baga nito gawa ng maraming usok na nalanghap. Hintayin daw muna nila na magising ito upang makatiyak.
Lumong-lumo ang mag-asawa. Si Bryle ay nasuntok ang pader, at si Leia ay walang humpay ang iyak.
Ang anak nila! Ang kakawang si Lacey nila!
"Sir, Ma’am, kayo po ang magulang ng pasyenteng bata?" mayamaya ay untag sa kanila ng isang nurse.
Pinunas ni Leia ang mga luha niya. "Kami nga po. Bakit po?"
"Mayamaya ay ilalabas na po siya sa ER at ipinapasabi po ni Doc na bilhin niyo po ang mga gamot na ‘to. Kailangan daw ng pasyente ASAP.”
Nanginginig ang mga kamay ni Leia na kinuha ang mga resita, at nalula siya sa dami niyon. Unang pumasok sa isip niya na katanungan ay saan siya kukuha ng pambili niyon gayong gamot nga ni Bryle ay wala siyang pambili. Muntik nang mawalan ng lakas ang mga tuhod niya at bumagsak sa sahig.
"Sige po." Umalis na ang nurse.
Muli ay tumulo ang mga luha ni Leia na napatingin kay Bryle. Si Bryle na walang magawa kundi ang mapahilamos ng mukha. Tulad ni Leia ay napupuno ito ng takot sa katanungang saan sila kukuha ng pambili ng gamot.
Humugot ng malalim na buntong-hininga si Leia. Kaya niya ‘to. May awa ang Diyos. Para sa anak niya’y magiging mas matatag pa siya ngayon.
“Saan ka pupunta?” habol na tanong sa kaniya ni Bryle nang lumakad siya paalis.
"Maghahanap ng pera para mabili ang mga gamot na ‘to,” lumuluha na sagot niya sa asawa.
"Saan ka maghahanap? Kanino?”
"Ewan ko. Bahala na. Kahit sino. Kahit saan siguro. Kung kinakailangang lumapit ako sa demonyo ay gagawin ko para sa anak natin," matatag na sabi niya.
Nang hindi na umimik o kumontra si Bryle ay itinuloy na ni Leia na nilisan ang ospital bitbit ang mga resitang iyon. Kahit sa jeep na sinakyn niya ay iyak pa rin siya nang iyak. Kahit kasi anong pagpapalakas niya sa loob niya ay bumibigat pa rin ang dibdib niya. Saan siya kukuha ng pera? Saan siya hihingi ng tulong?! Wala siyang alam. Wala siyang maisip.
Ang hindi niya alam ay isang kotse ang lihim na sumusunod sa sinasakyan niya. At iyon ay si Kenneth.
Oo’t sumama ang binata kay Pressy. Umuwi ang binata pero bumalik din ito sa ospital nang wala na si Pressy. Saktong pagdating niya sa ospital ay siya namang pagkakita nito kay Leia na umiiyak na pumara ng jeep. Sinundan niya ito na may pag-aalala.
Gusto sana niya itong tawagin na lang pero nag-alangan siya na baka lalo siyang iwasan o itaboy nito kaya naman nagmatyag na lang muna siya sa malayo. Sinundan niya kahit saan magpunta si Leia.
"Sorry, Leia, pero walang-wala rin kami ngayon," sabi ng pinsan ni Leia na pinuntahan niya upang humingi ng tulong.
"Naku, kawawa naman ang anak mo. Gusto ko sanang tumulong, Leia, pero kasi iyong pinsan niyo nag-aaply sa abroad kaya lahat ng pera namin ay nagastos namin sa agency niya,” sabi naman ng tiyahin ni Bryle na nilapitan ni Leia. Binigyan man siya nito ay dalawang daang peso lamang.
“Eh, kumusta ang apo ko?" ang nanay naman ni Leia kaso ay hindi na itinuloy ni Leia ang paghingi ng tulong sa mga magulang niya dahil hitsura pa lang ng tatay niya ay parang kailangan din nito ng pera dahil uubo-ubo na naman ang matanda. Halatang dinadamdam pa rin ng tatay niya ang sakit nito sa baga.
“Maayos naman na po siya, ‘Tay,” sagot niya.
“May maitutulong ba kami, Leia?” tanong naman ni Aling Linda.
Umiling siya sa nanay niya. “Dumaan lang po ako rito para sabihing huwag na po kayong mag-aalala kay Lacey,” tapos ay pagsisinungaling niya.
Bigo si Leia sa lahat ng pinuntahan niya. Naiiyak na naman siya habang naglalakad sa kalsada. Pati pamasahe niya ay naubos na kaya naglalakad na lang siya. Wala na siyang maisip puntahan.
Hindi niya napapansin si Kenneth na kanina pa napapamura sa nakikita nitong kalagayan niya. At nang medyo malayo na ang nalalakad ni Leia ay hindi na talaga nakatiis ang binata.
"Balak ba niyang lakarin ang pabalik sa ospital?" Sa isip-isip ni Kenneth na naiinis na.
Hanggang sa makarating si Leia sa tapat ng bahay nila na tinupok ng apoy. Lalong napaiyak si Leia. Lalo siyang nanlumo dahil ngayon lang niya na-realize na kahit isang piraso man sana ng damit ay wala silang naisalba. Paano na sila ngayon?
“Leia…” Nang may tumawag sa kaniya.
“Sir?” Inayos ni Leia ang kaniyang sarili dahil ang tumawag sa kaniya ay ang may-ari ng kotseng nasira ni Bryle. Mabilis niyang pinalis ang kaniyang mga luha.
“Pasensya ka na pero ipinapatanong ng asawa ko kung kailan niyo babayaran ang kotse namin?”
“Ganoon po ba. Sige po, baka sa isang buwan po.” Sinabi lang niya kahit hindi niya tiyak.
“Naku, baka magagalit iyon. Maaari bang sa isang linggo mo na ibibigay? Gawan mo na lang sana ng paraan?”
Hindi na nakaimik si Leia.
Lumapit sa kaniya ang lalaki at manyak na hinawakan ang kaniyang braso.
“Kung wala kang maibabayad ay bukas pa rin ang offer ko sa iyo. Isang gabi lang at solve na ang problema nating dalawa,” tapos ay sabi nito na may kaunting ngisi sa labi.
Animo’y nakuryente si Leia na inilayo ang sarili sa manyak na lalaki. “Sorry, Sir, pero mas gugustuhin ko pang ipakulong niyo na lamang ako kaysa mangyari ang gusto niyo.”
Napatiim-bagang ang lalaki. Napakabilis na nagbago ang mood nito. Galit na. “Bahala ka na nga! Ikaw pa ang mayabang! Sige hintayin mo na lang ang gagawin sa inyo ng misis ko! Titiyakin ko na pagsisihan mo na tinanggihan mo ako!”
Naiiyak na nabahala si Leia nang dinuro-duro siya ng lalaki. Buong akala niya’y masasaktan na siya nito. Nang bigla ay may humaharurot na kotse at biglang preno sa tapat nila. Gulat na gulat si Leia na napatingin sa kotseng iyon dahil kotse pala ni Kenneth. Napakabilis na bumaba sa kotse ang binata.
“May problema ba, pare?” pagkatapos ay maangas na tanong nito sa kausap ni Leia na lalaki.
“Ah, wala naman. Tinatanong ko lang kung kailan niya babayaran ang kotse na sinira ni Bryle,” biglang baba ng tinig ang lalaki. Mukhang nahalata nito na mayaman si Kenneth.
Napatingin si Kenneth kay Leia. Nagyuko naman ng ulo si Leia.
Naniningkit ang mga matang binalikan ni Kenneth ng tingin ang lalaki tapos ay dinukot ang wallet nito. Isang business card ang inilabas roon ng binata at ibinigay sa lalaki. “Call me tomorrow, and let's talk about it. Tantanan mo si Leia.”
“Sige, boss,” sabi lang ng lalaki at may takot ang kilos na umalis na ito.