NAG-E-ENJOY si Sam sa panonood ng Lupin III sa silid niya. At twenty-two, masyado pa rin siyang addicted sa mga cartoon series. Para sa kanya, relaxing ang manood ng mga palabas na walang komplikasyon. Kaya nga kahit tila sumasayaw na alambre ang katawan ni Lupin at mukha itong abnormal ay enjoy pa rin siya sa mga kalokohan at kabulastugan nito.
"Samantha, dadalaw lang ako sa kaibigan ko sa Concepcion."
"Yes, Dad," aniya na hindi ito nililingon habang patuloy siya sa pagbungisngis.
"Matanda ka na, anak, eh, iyan pa rin ang pinanonood mo?"
"Okay lang 'yon, Dad. Cute naman ang Lupin, eh."
"Kaya ka hindi magkanobyo, eh. Ang hinahanap mong lalaki ay ang tipo ni Lupin."
Hinarap niya ito. Nasa bukana ito ng pintuan. "Ano'ng problema kay Lupin, Dad?"
"Lahat. Maganda ka, Sam. Hindi mo kailangang magtiyaga sa isang lalaking tila kawayang sumasayaw at kasya ang isang bandehado sa bibig kapag ngumiti."
Eksaherado niya itong sinimangutan.
"O, siya, sige. Aalis na ako. Oo nga pala, bantayan mo iyong kapatid mo sa ibaba, ha? May bisitang babae at baka kung ano ang mangyari sa bunso natin. Virgin pa man din si Christian."
Iiling-iling na lang niyang sinundan ng tingin ang amang paalis. Pasimple talaga ito kung humirit. Pero na-curious siya sa bisita ng kapatid. Babae raw? Hmm, parang alam ba niya kung sino iyon.
Pinatay niya ang TV at sinilip ang mga nag-uusap sa sala. Napangiti siya nang makita si Andi. Maganda talaga ang impluwensiya nito kay Christian. Nakinig siya sa pinag-uusapan ng mga ito.
"Ano'ng sabi ng kuya mo?" narinig niyang tanong ng kapatid.
So, si Nathan ang pinag-uusapan ng mga ito. His name compelled her to listen.
"Ayaw daw niya kay Ate Sam dahil mas mukhang lalaki pa raw ito kaysa sa kanya."
Napasimangot siya sa narinig. Iyong ganda niyang iyon, mukhang lalaki?!
"Hindi lesbiyana ang ate ko. Jologs lang talaga manamit iyon kaya laging nakapuruntong."
"Sinabi ko na iyan kay Kuya. Pero ang sagot lang niya, kahit ano raw ang gawin ni Ate Sam ay mukha pa rin itong matronang bouncer. At siguro daw kaya hindi ito nagpapalda ay dahil sa malasanga raw ang binti niya."
Demonyo ka talaga, Nathan! How dare you?
Nagpupuyos pa rin siya sa galit nang bumalik siya sa kanyang silid. Nais niyang magwala. Wala pang kahit sino ang nagsabi sa kanyang mukha siyang lalaki. Galawgaw siya, but she was all woman.
Binuksan niyang ang telebisyon. Lupin III pa rin ang palabas at ang eksena ay ang pang-aakit ni Fujiko kay Lupin upang makuha ang gusto nito. Tinitigan niyang mabuti ang suot ng bidang babae sa cartoon series na iyon.
"Humanda ka, Nathaniel Figueroa."
Nagulantang siya nang tumunog ang telepono. Ayaw sana niya iyong sagutin ngunit mukhang wala ring balak na angatin ng mga nasa ibaba ang phone doon. Extension kasi ang nasa silid niya.
"Hello." iritado pa rin siya.
"Sam? This is Nathan. We need to talk."
"Yeah, we do."
"I'll pick you up at lunchtime tomorrow. Is that okay?"
"Sure," sarkastiko niyang wika. Madudurog na yata ang receiver ng telepono sa sobrang higpit ng hawak niya roon.
Pagkababa niyon ay minura niya nang minura ang telepono. Hindi naman niya magawang sumigaw dahil baka marinig siya ng kapatid at ni Andi. Baka magmukha siyang tanga at pagtawanan pa siya ng mga ito.
"Humanda ka sa akin Nathan ka!"
****************************************************************************
"SAMMY? Is that you?"
Nilingon ni Sam ang may-ari ng tinig.
"Sammy, it's me, Francis."
Tumayo siya at tinitigan ang lalaki. "Ah...pasensiya na pero hindi ko maalala kung saan tayo nagkita."
At sa lalong pagkagulat niya ay niyakap siya nito. Biglang napatayo si Nathan.
"Pare, hindi ka nga kilala ng kasama ko, eh. There's no reason for you to hug her."
Dito naman nabaling ang kanyang atensiyon. Bakit parang galit yata ito? Nagkibit-balikat siya. Maybe it was her imagination again.
"Sammy knows me, pare." Hinarap siya ng lalaki. "Si Francis ito. Iyong kapitbahay ninyo noon sa Mandaluyong."
Agad rumehistro sa isip niya ang isang batang lalaking lagi nilang kalaro noon ni Christian sa dati nilang tirahan.
"Francis... Francis Mendoza?"
"Ako nga!" Muli siya nitong niyakap.
Exaggerated si Nathan nang tumikhim. "Kung tapos ka na sa pagkain mo, Sam, I think we better go."
"Please stay, Sammy. Ang tagal nating hindi nagkita at napakarami kong ikukuwento sa iyo," sabi naman ni Francis.
"Pare, ikaw ba ang ka-date ni Sam ngayon?" singit naman ni Nathan.
"No. Why?" sagot ni Francis.
Hindi niya inalis ang mga mata kay Nathan at kahit sa malamlam na liwanag ng lugar na iyon, she could swear, she saw a faint smile curving his lips.
"Gano'n naman pala. So wala nang dahilan para magtagal pa kami rito. At siyanga pala, quit calling her 'Sammy.' It's either 'Samantha' or 'Sam.'"
"Nathan!" saway niya.
"Pare, I've been calling her 'Sammy' since we were kids."
"Well then, grow up."
Nagkakainitan na ang dalawa at unti-unti na rin silang nakakakuha ng atensiyon mula sa ibang diners doon.
"Its nice seeing you again, Francis. Pero kailangan na naming umalis," aniya.
"Okay. By the way, you're looking great—" Naputol ang iba pang sasabihin ni Francis.
"Hey!" Humarang sa harapan niya ang malaking bulto ni Nathan. "She's with me, got that?"
"Come on, Nathan," hila niya rito.
Nang nasa sasakyan na sila nito ay hindi niya ito pinansin. Hindi niya maintindihan pero naiinis siya sa mga ikinilos nito na para bang wala na siyang karapatang makipag-usap sa ibang tao.
"Bakit hindi ka nagpaiwan sa boyfriend mo? Akala ko ba ay may date pa kayo?" untag nito.
Hindi pa rin siya umimik. Tila kinatatamaran na niya kahit ang pagbuka ng kanyang bibig dahil sa paghila ng antok sa kamalayan niya.
"Baka akalain n'on na may relasyon tayo. Nakakahiya naman sa kanya."
Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig sa narinig. At kahiya-hiya pala ang ma-involve ito sa kanya!
"Well, if you feel that way, why don't you pull over and let me get back to him?" Wala itong reaksiyon. "I said stop the car or I'll jump."
May pinindot itong button. Automatic lock system!
"I hate you!"
"Matagal ko nang alam iyan. Pasensiya na pero ako pa rin ang maghahatid sa iyo," matatag nitong wika na hindi iniaalis ang tingin sa dinaraanan nila.
"Akala ko ba nakakahiya akong kasama?"
"I changed my mind," he said silently.
Nagpupuyos pa rin ang kanyang kalooban nang ibaling niya ang atensiyon sa mga nadaraanan nilang establisimyento. Ganoon lang ang ayos niya hanggang sa muli siyang makaramdam ng antok. Unti-unti ay bumibigat ang mga talukap ng kanyang mga mata. Iyon na marahil ang epekto ng champagne na ininom niya.
"Sam, come here," she heard him say, his voice had suddenly become soft.
His soothing voice made her relax a little kaya lumapit siya rito at inihilig ang ulo sa dibdib nito. She felt his arm on her shoulder.
Ah... this feels nice.
"Nathan?" Malabo na ang kanyang isip at halos hindi na niya alam ang mga ginagawa niya.
"Hmm?"
Isiniksik pa niya ang sarili sa katawan nito saka tuluyang ipinikit ang mga mata.
"I'm not your woman..."
"I know." Bumuntong-hininga ito. "And I wish you were, Sam. I wish you were..."
Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong pag-isipan ang sinabi nito. She was drowsy with sleep.