NANG MAKAPASOK SI Rosallia sa kuwarto ng kaniyang inay, nakita niyang nakahiga ito sa kama habang may mga nakakabit ditong kung ano. Labis ang kalungkutan ni Rosallia ng mga oras na iyon kaya dali-dali niyang nilapitan ang inay niya. Paglapit niya, nakita niyang nakamulat ito habang nakamasid sa kisame. Lalong nalungkot si Rosallia. Inilagay niya ang supot na dala sa lamesang malapit lang dito at umupo sa upuang nasa tabi ng kama ng kaniyang inay. "Kumusta na po kayo, inay?" malungkot niyang tanong dito. Dahan-dahan itong bumaling sa kaniya at sumilay sa mukha nito ang isang ngiti. Mukhang masaya ito sapagkat dinalaw niya ito. Matagal na niya sanang dinalaw ang inay niya pero pinasabi nitong huwag na kaya sinunod naman niya. Ngayong desidido na siya, wala nang makakapigil pa sa kaniya.