Part 13

1236 Words
“Ma’am, out ko na po,” pamamaalam ni Maiza sa amo. Pumasok siya sa office ni Yumi dahil magpapaalam lang sana na uuwi na siya. Tapos na ang oras ng kaniyang duty. Siya pa rin kasi ang opening at si Iris ang closing. Nagmamadali nga sana siya dahil nais niyang umuwi agad. Nag-aalala siya kina Ate Olivia at Olmer. Baka nag-aaway na naman ang dalawa. Napansin niya kasi kanina habang nag-aalmusal sila na wala pa rin silang imikan. "Sabay na tayo sa pag-uwi, Maiza. Nauna na si Therese dahil may date raw siya,” ang hindi inasahan ay sasabihin sa kaniya ni Yumi. Mabilis nitong isinara ang laptop at sinamsam ang mga gamit sa desk nito. "Sige po, Ma'am,” pagpayag ni Maiza. Medyo nahihiya pa siya sa amo at naisip niya mukhang maganda nga na magkasama sila ngayon upang makilala pa nila ang isa’t isa. Hindi alam ni Maiza pero parang may something na gusto niyang malaman ukol kay Yumi. Hindi lang niya mawari talaga kung ano ba iyon. "Hindi ka ba susunduin ng asawa mo?" tanong sa kaniya ni Miss Yumi habang isinusuot nito ang coat. "Hindi po. Naghahanap po kasi iyon ng trabaho. Pagod na iyong maghapon kaya umuuwi na lang po siya ng diretso," kiming sagot niya. Sinundan niya iyon ng pagngiti kahit na may kung anong tumarak na naman sa puso niya sa kaniyang pakiramdam. Ilang araw na siya roon sa flower shop pero hindi man lang siya sinundo ni Olmer. Bumuntong-hininga siya. Kunsabagay, paano ba naman iyon mangyayari? Eh, ni hindi pa nga yata alam ng kaniyang asawa kung saang flower shop siya nagtatrabaho. In short, hindi man lang interesado si Olmer kung saan siya nagtatrabaho. "Ganoon ba. But at least, para sa inyo pa rin iyon," sabi ni Yumi. Tipid na tumango na lang siya. "Let's go," saglit lang ay anyaya na ni Yumi paalis. Muli ay nakaramdam ng inggit si Maiza sa kaniyang amo. Napakaganda kasi talaga ni Yumi. Napasopistikada nito tingnan. Aakalain ng sinumang makakakita rito na may isang modelo na naligaw sa flower shop. Matangkad, slim body, at ang linis tingnan ni Yumi. Fashionista pati. Kahit yata basahan ang isuot nito ay kaya nitong dalhin. "Iris, aalis na kami," paalam ni Yumi kay Iris. "Ingat po kayo, Ma'am," sabi naman ni Iris. Nagngitian lang naman sila ni Iris. "Saan ba ang way mo, Maiza?" tanong naman ni Yumi sa kaniya nang makalabas sila sa flower shop. Sinabi niya ang direksyon pauwi sa bahay ni Ate Olivia. "Sakto dahil doon din ang way ko," sabi ni Yumi. "Sabay ka na talaga sa akin," at anito pa sabay pindot sa power lock ng sasakyan nito. "Naku, nakakahiya naman, Ma'am. Mag-jeep na lang po ako," pagtanggi niya sana. "No, I insist. Halika na." Si Yumi pa talaga ang nagbukas sa passenger seat ng mamahalin nitong sasakyan para sa kaniya. Hindi na nag-inarte pa si Maiza. Mas nakakahiya iyon kung magpapalit siya Napapatanga na lang siya sa kabaitan ni Yumi habang nakasakay na siya sa kotse nito. Pinapanood niya ito habang ini-start ang sasakyan tapos nang pinaandar paalis sa parking. Kahit sa pagmamaneho ay ang sosyal tingnan ni Yumi. "Ma'am, wala ka po bang date ngayon?" biro niya nang maayos na silang nakapasok sa highway. "Wala namang message 'yong boyfriend ko," may kibit-balikat na tugon ni Yumi. Sumulyap ito sa kaniya at ngumiti. Minsan pa ay nasabi ni Maiza na sana lahat ng mayaman ay katulad ni Yumi. At saka pati na rin ni Ate Olivia. Mayaman na may mga busilak na puso. Sa pagkasagi ni Ate Olivia sa isip niya ay nalungkot ulit siya nang naalala na naman niya ang sigalot sa pagitan nina Ate Olivia at Olmer. Mahalaga na sa kaniya si Ate Olivia. Itinuring na niyang ate ang ginang kaya naaapektuhan na talaga siya kapag may hindi sila pagkakaayos na tatlo. Isa pa nakakahiya na inaaway ni Olmer si Ate Olivia. Malaki na ang utang na loob nila kay Ate Olivia. At saka paano kung concern lang talaga si Ate Olivia sa kaniya? Paano kung totoo ang kutob nito ukol kay Olmer? "Kanina ko napapansin na wala kang gana. Ang tahimik mo kanina pa. Do you have a problem, Maiza?" puna ni Yumi. Napansin na ang kaniyang biglaang pananahimik. Napabuntong-hininga siya. "Wala po, Ma'am. May gumugulo lang po sa isip ko." "At ano naman 'yon?" Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Boss niya si Yumi at parang tinuturing din naman silang kaibigan kaya siguro naman ay puwede siyang mag-open dito ng pinoproblema. "Kasi iyong asawa ko po, Ma'am, parang may babae." "Oh, my gosh? Really? Paano mo naman nasabi?" Nagulat ang dalaga. "Hindi naman po ako ang nakapansin. Ang nakapansin po ay ang kasama namin sa bahay na si Ate Olivia. Tapos nakita ko rin po na kapag may tumatawag sa kaniya, eh, lumalayo po siya 'pag sasagutin niya. Tapos ni hindi ko na makita kung saan niya inilalapag iyong cellphone niya. Parang sinasadya niya pong itago para hindi ko mapakialamanan." "Ay naku, Maiza, ganyan na ganyan din ang nangyari bago ko nahuling may babae iyong boyfriend ko noon. Naku, dapat huliin mo 'yan habang maaga pa," payo ni Yumi habang iniikot ang manibela nito patungo sa isang gasoline station. Nakagat na naman ni Maiza ang pang-ibabang labi. "Saglit lang, Maiza. Pa-gas lang ako at saka may bibilhin lang ako," sabi nito sa kaniya habang kinakakal ang bag. Kinuha sa loob niyon ang cellphone. May tinawagan. Tinanong kung ano’ng bibilhin sa drive thru na tindahan. Tahimik lang naman siya. "Mabilis lang ako. Bibilhan ko lang si Kuya ko ng pasalubong. Pag-usapan natin ang asawa mo later, okay?" sabi ni Yumi. Inilapag sa dashboard ang cellphone. Binuksan ang pinto ng sasakyan saka lumabas. Naiwan si Maiza sa loob ng kotse. At nang nakita niya na pumasok na sa store si Yumi ay tila hapong-hapo na naisandal niya ang ulo sa headboard. Napaisip na naman siya. Ano’ng gagawin niya kung totoo ang hinila nila ni Ate Olivia? Nasapo niya ang dibdib at nahimas-himas. Iniisip pa lang niya ay parang tinutusok na ng pinong-pino ang puso niya, parang sasabog na sa sobrang sakit. Mayamaya ay napilitan siyang ayusin ang sarili dahil. tumunog ang cellphone ni Yumi sa may dashboard. May tumatawag. Siguro ay iyong boyfriend ni Yumi. Napangiti siya. Buti pa si Yumi, suwerte na nga sa buhay, suwerte pa sa love life. Sana siya rin. Hahayaan niya na lang sana ang mamahaling mobile phone pero sige pa rin kasi ito sa pag-ring. Hindi na niya napigilang usisain at baka importante. Dinampot at tiningnan niya ang tumatawag subalit ganoon na lamang ang pagkunot ng noo niya sa kaniyang nabasa sa malaking screen ng cellphone. OLMER is calling... Unti-unti ay umawang ang nga labi ni Maiza. Kasabay niyon ang pagtayuan ng mga balahibo niya sa katawan. Bumilis din ang t***k ng puso niya at nanlamig ang kaniyang mga palad. Parang multo ang cellphone na kinatakutan niya. Hanggang sa nandidiri niyang inilapag iyon ulit sa dashbaoard ng sasakyan. Ano’ng ibig sabihin nito?! pagkuwan ay sigaw na tanong niya sa kaniyang isipan. Natapon ang tingin niya sa store. Sakto na palabas na roon si Yumi. Nangilid ang kaniyang mga luha. Bakit gano’n? Bakit ganoon na parehas ang pangalan ng boyfriend ni Yumi at ng pangalan ng asawa niya? Naiiyak na natutop niya ang kaniyang dibdib. Huwag naman sana na iisa lang ang boyfriend ng boss niya at ang asawa niya. Diyos ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD