"Tumigil ka na nga! Sabing wala akong babae!" Ang lakas-lakas ng boses ni Olmer.
Napatanga si Maiza. Nasa labas pa lang kasi siya ng bahay ay dinig na niya ang galit na galit na boses ng kaniyang asawa. Kapapasok pa lang niya sa bakuran at isinasara niya ang gate dahil kadarating lang niya mula sa trabaho.
Sino’ng kaaway ni Olmer? ang tanong sa isipan niya.
"Nakakainit ka ng ulo! Litse ka!" boses na naman ni Olmer. Para ba'y malapit nang manakit ang asawa kaya nagsalubong na ang mga kilay niya. Binilisan na niya ang pagsara ng bakal na gate.
"Kung wala, eh, saan ka pumupunta nang umagang-umaga, ha?! Huwag mong sabihin na naghahanap ka ng trabaho dahil hindi 'yan lulusot sa akin," boses naman ni Ate Olivia. Ang ginang pala ang kasumbatan ni Olmer.
Nabahala na si Maiza. Binilisan niya ang paglakad papasok ng bahay at binuksan ang pinto. Lumantad sa paningin niya ang eksena ng dalawa. Galit na galit kapwa ang mga mukha nila. Si Ate Olivia ay nakaduro pa sa mukha ni Olmer. Sila nga ang nagsusumbatan.
"Magsabi ka ng totoo, Olmer!" singhal ni Ate Olivia kay Olmer.
Napatanga si Maiza.
"Sabing wala nga!" Halos masaktan na ni Olmer si Ate Olivia. Nakakamao na kasi ito. Kitang-kita ang pagpipigil lang nito na hindi mapatulan ang ginang.
"A-ano po’ng nangyayari rito?" alanganing tanong ni Maiza na nagpamaang sa dalawa.
Sabay na napalingon ang mga ito sa kaniya. Saglit na natigilan. Unti-unti ay nagbago ang ekspresyon ng mga mukha nila.
"Olmer, bakit mo sinasagot si Ate Olivia?" aniya pa.
"Ewan ko r’yan!" pabalang na sagot ni Olmer. Kakamot-kamot ito sa batok na lumapit sa kaniya.
"Maiza , ano... um... ipinagtatanggol lang naman kita r’yan sa asawa mo. Hindi naman kasi tama na iiwanan ka na lang basta-basta ng lalaking 'yan kapag umaga. Abay babae rin ako na nag-iisip ng kung ano-ano," utal-utal na paliwanag ni Ate Olivia, ni hindi ito makatingin sa kaniya ng diretso. "Akala ba niya ay hindi ko napapansin ang lagi niyang pag-alis tuwing umaga tapos uuwi na ng gabi. Ni hindi ka na niya masabayan sa almusal. Nasundo ka na ba niya sa trabaho? Hindi ba't hindi pa? Mali iyon."
Na-touch si Maiza sa litanya na iyon ni Ate Olivia. Natutuwa siya dahil may kakampi siya sa bahay na iyon.
Sa totoo lang ay iyon na ang matagal na niyang nais isumbat kay Olmer, hindi lang niya magawa dahil nahihiya siya o sa tamang salita ay natatakot siya. Hindi man niya inaamin ay may konti na rin siyang pangambang nararamdaman sa tuwing hindi niya namumulatan na katabi niya si Olmer sa kama paggising niya sa umaga. Tapos pagsapit ng gabi ay minsan nauuna pa siyang makauwi gayong wala pa rin naman itong trabaho.
"Ako ang ate niyo rito kaya concern ako sa inyo. Ayoko sa lahat ay ang lalaking nanloloko sa asawa niya," dagdag pa ni Ate Olivia. Ang sama pa rin ng tingin nito kay Olmer.
Napatingin si Maiza sa asawa.
"Wala akong ginagawang masama," pagtatanggol naman ni Olmer sa sarili.
Napahimas si Maiza sa sariling batok. "Ate Olivia, salamat po pero hayaan niyo na po. Wala naman po sa 'kin kung umaalis siya ng maaga. May tiwala naman po ako sa asawa ko. Basta wala po siyang ginagawang masama, eh, okay lang po sa akin," tapos ay hindi bukal sa loob niyang sabi. Matapos lang ang bangayan ng dalawa kaya sinabi niya iyon. At pinili niya na kampihan si Olmer dahil sa pag-iwas niya na baka mamaya ay sila naman ang magsumbatan.
"Kuuu… iyang kabaitan mo kaya ginagawa kang tanga ng asawa mo!" galit na pagtatapos ni Ate Olivia sa usapan. Sinundan iyon ng ginang ng pag-walk out, akyat sa hagdanan, at pasok ito sa silid. Pabalibag nitong isinira ang pinto.
Napatingin si Maiza kay Olmer. "Sabihin mo sa akin, Olmer. May nakita ba si Ate Olivi na ikinagagalit niya sa 'yo?" saka seryosong tanong niya. "Iyong totoo. Niloloko mo nga ba ako? May babae ka nga ba?" Nangilid ang mga luha niya sa mata pagkatanong niyon.
"Maniwala ka naman do'n. Syempre asawa niya sundalo, kaya hindi maiiwasang duda siya nang duda sa asawa niya. Dinadamay niya lang ako. Feeling niya yata ay lahat na ng lalaki ay tulad ng asawa niya na babaero," katwiran ni Olmer.
Napabuntong-hininga nang malalim si Maiza. Kahit gano'n ang rason ay naiintindihan naman niya si Ate Olivia. Gaya ng sabi nito kanina ay babae rin ito kaya siguro concern sa kaniya. At malamang kasalanan niya dahil minsan ay naglalabas siya ng loob kay Ate Olivia kapag sabay silang nag-aalmusal sa umaga, pati na sa tuwing rest day niya.
"Akala niya lang 'yon na niloloko kita. Matanda na kasi," panghahamak pa ni Olmer sa ginang.
"Pagpasensyahan na lang natin siya. Alam mo naman na parang ate na natin siya rito sa bahay. Mabuti nga iyon at concern siya sa pagsasama natin," senserong aniya.
Marahas na nagkamot-ulo si Olmer sabay upo sa mahabang sofa. "Iyan ang mahirap sa matanda. Pakialamera."
"Tama na," saway niya sa asawa. "Intindihin mo na lang. Uulitin ko, gano'n talaga kapag may malasakit sa iyo ang isang tao."
"Ang OA naman niya," himutok pa rin ni Olmer. Kay sama ng tinging ipinukol nito sa taas. Animo'y nakikita pa rin doon si Ate Olivia.
"Ate nga natin, 'di ba? Pasalamat nga tayo dahil kahit hindi natin siya kaanu-ano ay may malasakit siya sa atin. Isipin mo na lang ang madami niyang naitulong sa atin. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya kaya dapat irespeto natin siya."
Natitig sa kaniya si Olmer. Parang may nais sabihin or ireklamo. "Ay ewan!" pero pagkuwan ay sambit lang naman nito sabay tayo. Aalis na rin sana ito nang biglang nag-ring ang cellphone nito sa bulsa. May tumatawag.
Napatingin doon si Maiza.
Natigilan naman si Olmer. Hindi yata alam kung sasagutin iyon o hindi. Atubili rin kung dudukutin ang maliit na aparato sa bulsa nito o hindi.
"Bakit hindi mo sagutin? Baka importante," sabi ni Maiza.
"W-wala 'to," bantulot na ani ni Olmer at tinuloy na ang paglakad. Hindi na nga lang sa kuwarto nila ito patungo kundi palabas ng bahay.
Sunod-tingin si Maiza sa asawa. Kinabahan siya. Mayamaya ay namalayan na lamang niya na kusang humakbang ang mga paa niya pasunod kay Olmer. Sumilip siya pinto at kumabog nang husto ang dibdib niya nang nakita si Olmer. Hayon kasi ito sa may gate at may kausap na sa cellphone. Pangiti-ngiti pa ito na animo’y kinikilig.
Napaisip siya. Sino ang kausap ng asawa sa cellphone at bakit kailangan pa nitong lumabas para sagutin iyon? Tama nga kaya ang kutob ni Ate Olivia na may ibang babae ito?
Natutop niya ang bunganga. Diyos ko! Huwag naman sana!