Ang sasarap ng mga pagkaing nakahapag sa lamesa, pero ang apat na nakaupong palibot sa lamesa ay parang walang gana, maliban sa isa na si Sir Alexo.
Si Sir Alexo ang kahit paano ay kumakain habang mailap ang mga mata na nakamasid sa tatlo.
Yuko ang ulo ni Maiza. Mahahalatang hindi naman mapakali si Olmer, malamig ang paligid dahil sa aircon pero halatang pinagpapawisan ito nang malapot. Asiwa sila parehas na mag-asawa kay Sir Alexo na ngayon lang nila nakaharap at nakita ng personal.
Habang si Ate Olivia ay hindi malaman naman kung natutuwa o naiinis sa hindi inasahang biglaang pagdating ng sundalo nitong mister. Nilalaro-laro lang ng ginang ang pagkain sa plato nito at paminsan-minsan ay sinusulyapan sina Olmer at Maiza.
"The food is delicious, isn't it?" kaswal na himig ni Sir Alexo. Halata talaga sa boses nito ang pagiging istrikto. "Ayaw niyo ba? Bakit hindi kayo kumakain?"
Napilitan na ang tatlo na galawin ang mga pagkaing nasa plato nila. Subalit kahit sa pagnguya ay parang takot ang tatlo na makagawa na pagkakamali o kahit na konting ingay man lang, ni halos hindi rin nila malunok ang mga nasa bunganga nila.
Tumigil sa pagkain si Sir Alexo at isa-isa silang tiningnan. Pinag-aaralan nito ang mga kilos nila.
"Olmer ang pangalan mo, hindi ba?" mayamaya ay seryosong tanong nito kay Olmer.
Napatingin muna kay Ate Olivia si Olmer bago magalang na sumagot. "Opo, Sir. Olmer Delvara po."
Tumango-tango si Sir Alexo pagkuwan ay ibinaling naman ang tingin sa asawa. "Olivia, magkaanu-ano kayo ng dalawang batang mga ito? Bakit mo sila pinapatira rito sa bahay ko na wala man lang paalam sa akin?"
Parang bumaba lahat ng dugo ni Ate Olivia dahil agad na namutla ang mukha nito. Nabitawan pa nito ang tinidor na hawak. "Ah... eh..." Ni hindi rin ito makasagot agad.
"Sino sila para patirahin mo rito sa bahay ko nang libre?" follow-up na tanong pa ng ginoo.
"Kasi... kasi, Hon, ano, eh... Naawa ako sa kanila kasi parehas silang mag-asawa na walang matutuluyan kaya... kaya pinatira ko na lang sila dito sa bahay kasi mag-isa naman ako. Alam mo naman umuwi ng probinsya si Maring," utal-utal na sagot ni Ate Olivia.
Napatingin si Maiza sa ginang. Ngayon niya mas naramdaman ang malaking utang na loob nila rito. Hindi pala biro ang asawa nito. Nakakatakot.
Pumatlang ang ilang sandali bago umimik ulit si Sir Alexo. "At kailan ka pa naging mabait na tao?"
"Alexo, naman?"
"Nakakapagtaka lang kasi. Dahil sa pagkakatanda ko ay pati mga kamag-anak mo nga ay ayaw mong patirahin dito noon. Ano’ng nangyari sa 'yo at bigla kang naging mabait sa tao? At sa mga hindi mo pala talaga kilala?"
"Alexo, iba naman iyong mga kamag-anak ko na sinasabi mo. Mga walang kuwentang mga tao ang mga iyon. Mga wala silang utang na loob. Alam mo iyan."
Tumango-tango si Sir Alexo. "Hindi masama ang pagtulong sa kapwa, pero sana wala itong malalim na dahilan dahil alam mo ang kaya kung gawin, Olivia. I'm warning you."
Doon napaubo si Olmer. Nabilaukan ito sa kakaunting kanin at ulam na nginunguya.
Makahulugang tingin tuloy ang ipinukol ni Sir Alexo rito. Lalong naging nagdududa ang tingin nito kay Olmer.
Lumaki naman ang mga mata ni Ate Olivia. Natigagal ito.
"Tubig," abot ni Maiza kay Olmer ng isang basong tubig sa asawa.
"S-salamat. May nakaalala yata sa akin," tatawa-tawang ani Olmer pagkatapos uminom. Uubo-ubo pa rin. "Pasensya na, Sir," hingi rin nito ng paumanhin kay Sir Alexo.
Kay Maiza naman napatingin si Sir Alexo. "Kasal na ba kayo, iha?" tanong nito kay Maiza. Himalang sa mabait na tono.
"H-hindi pa po, Sir... este Kuya pala," sinikap ni Maiza na makasagot. Parang nasa intoregasyon sila ng isang pulis. Nakakatakot talaga.
"Pero magpapakasal po kami kapag nakaipon na kami, Sir. At saka naghahanap na po kami ng bahay na malilipatan," ang hindi inasahan ni Maiza na idadagdag ni Olmer sa kaniyang kasagutan.
Napamaang tuloy siyang napatitig sa mukha nito. Sa isip niya ay ano iyon? Totoo ba? Akala niya ba ay si Yumi ang mahal nito?
Nahiwagaan siya nang husto.
Tumango-tango ulit si Sir Alexo. Sa sinabi na iyon ni Olmer ay mukhang nakumbinsido na ang matandang sundalo na may mataas na katungkulan. "Mabuti kung gano'n dahil ang pangit namang tingnan kung sa iisa tayong bubong magsasama-sama nang matagal."
Nakahinga sila ng maluwag nang tumayo na ito at walang imik-imik na iwanan ang lamesa. Halos sabay-sabay silang napabuga ng hangin sa bunganga. Tila ay nawala sa harapan nila ang tigreng any time ay puwedeng sumakmal sa kanila oras na magkamali sila ng sagot o kilos.
"Pasensya na kayo sa asawa ko, Maiza, Olmer. Gano'n talaga 'yon. Napakaseryoso at kung anu-ano ang pumapasok sa isip. Pero huwag kayong mag-aalala safe pa rin kayo rito. Ako’ng bahala sa inyo," wika sa kanila ni Ate Olivia.
Hindi nga lang alam ni Maiza kung bakit ang naging dating niyon sa kaniya ay parang kay Olmer lang iyon sinabi ni Ate Olivia. Wala sa loob na naglipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Napansin din niya na iba ang tinginan nila ngayon... o noon pa?
Ngayon lang niya napansin dahil sa sinabi kagabi ni Sir Alexo na may lalaki raw na kinahuhumalingan si Ate Olivia dito mismo sa bahay nila.
"Sa kuwarto lang po ako." Tumayo na lang siya para mawala ang namumuong hinala sa kaniyang isipan at umalis. Madalas ay siya ang naghuhugas ng pinagkainan nila, pero sa ngayon ay nais niyang umiwas. Ayaw niyang patulan ang nasa isipan niya dahil imposible. Ayaw niyang pag-isipan ng masama ang kabaitan sa kanila ni Ate Olivia dahil napakaimposible talaga. Siya na ang nahiya sa naisip.
Pumasok siya sa silid nila ni Olmer. Nagulat nga lang siya dahil kasunod lang pala niya si Olmer. Ito na ang nagsara ng pinto pagkuwa'y dire-diretsong upo sa gilid ng kama. Panay ang hilamos nito sa mukha.
"Sh*t! Nakakatakot ang matandang 'yon!" narinig niyang mahinang bulalas pa nito. Hindi mapakali ang isang paa nito. Tense na tense.
Nagsalubong ang dalawang kilay niya. "Bakit? May dapat ka bang ikatakot sa kaniya?"
Napatingin sa kaniya si Olmer. "Syempre wala.”
"Eh, bakit takot na takot ka?"
"Ikaw ba? Hindi ka ba takot sa kaniya? Ang yabang mo, ah!"
Hindi siya nakaimik. Nagtungo na lang siya sa cabinet at kumuha ng pampalit. Tahimik na nagpalit siya ng pambahay. T-shirt at square pants na mga luma na pero dahil komportable naman siya ay gustong-gusto pa rin niya lalo na kung mga pantulog niya.
"Siya nga pala, totoo ba ang sinabi mo kanina na maghahanap tayo ng malilipatan?" hanggang sa naalala niyang itanong.
"Oo, pero kanya-kanya na tayo. Maghanap ka rin ng sa 'yo. Ayaw ko na ng pabigat. May trabaho ka naman na, eh. Kaya mo nang mag-isa," subalit ay masakit na sagot ni Olmer.
Nabasag ang kanina'y munting pag-asa na siya ang pinipili ni Olmer kaysa kay Yumi. Pinigilan niyang umiyak. Hindi siya dapat umiyak.