Part 18

1235 Words
"Maiza, tulungan na kita," pagkukusa ni Yumi nang makita siyang mag-isa at abala sa trabaho. Hindi siya sumagot. Medyo may kapalastikan na tipid na ngumiti lang siya. Hindi niya mapigilan na magkaroon pa rin ng sama ng loob sa amo niya kahit na isinisiksik niya sa isip niya na wala itong kasalanan. Tahimik na nagpatuloy siya sa pagdi-display ng mga bagong deliver na bulaklak. Wala si Iris kasi rest day ng kasama. "Saan ito ilalagay, Maiza?" tanong ni Yumi. Hawak nito ang mga tulips. Natilihan si Maiza nang tingnan niya ang amo. Mas nagningning pa ang kagandahan nito sa hawak ng bulaklak. Tuloy, may kung anong tumarak na naman sa kaniyang puso. "Ma'am, ako na po. Kaya ko na po ito lahat," sa kabila ng lahat ay magalang na sabi niya. Oo't mabigat na ang loob niya kay Yumi pero boss niya pa rin ito at wala siyang magagawa ngayon dahil kailangan niya ang trabaho. Isa pa ay tanggap naman na niya na lamang ito sa kaniya sa kahit na saang aspeto. Masakit lang talaga. "No, I'll help you," giit ni Yumi. "I want you to feel relax. Huwag mong pagurin ang sarili mo. Huwag kang mag-alala magiging okey rin ang tatay mo." Nanlulumong tumalikod na lang si Maiza sa amo. Walang tunog na napabuga siya ng hangin. Diyos ko, bakit ang kagaya pa ni Yumi na napakabait na tao ang naging karibal niya? Hindi niya talaga maintindihan bakit siya pinaglaruan ng ganito. "Yumi, si ex-pogi mo nasa labas," kilig na kilig ang boses ni Therese na bungad. Kadarating lang nito. May inasikaso naman daw na papeles sa munisipyo para sa shop. Tinambol ang dibdib ni Maiza. Muntik na niyang nabitawan ang mga sunflowers na inilalagay niya sa malaking vase. "Finally, nagpakita rin. Magagalit na sana ako sa kaniya, eh," dinig niyang wika ni Yumi. "Wait lang, Maiza, ah," at paalam sa kaniya. Kusang tumulo ang mga luha ni Maiza. Napahikbi na siya kahit anong kalma niya sa sarili. Sisinghot-singhot niyang ipinagpatuloy ang pagpupunas kahit na ang bigat ng kaniyang dibdib nang mailagay niya sa vase ang sunflower. May sumusulsol sa isip niya na labasin si Olmer para malaman na ni Yumi na niloloko sila parehas ng walanghiya, subalit hindi niya gagawin. Wala siyang lakas-loob. "Papasukin mo kaya rito. Baka mamaya diyan pa sa labas kayo makita ni Kuya Junley mo. Sa office na lang kayo mas safe pa.” Nang narinig niya iyon na sinabi ni Therese ay mas kinabahan siya. Hindi puwede na makita siya ni Olmer kahit alam na ni Olmer na dito siya nagtatrabaho. Baka kung anong eskandalo ang magawa niya. Mas mainam nang walang alam si Yumi. "Magbabanyo lang ako, Ma'am Therese. Biglang sumakit ang tiyan ko," paalam niya. At kahit wala pang sagot si Therese ay tinungo na niya ang pinaka-pantry ng flower shop. Pagdating roon ay napasandal siya sa dahon ng pinto at napatingala sa kisame. Sapo niya ang dibdib na umiling, hindi niya yata kakayanin na makita sina Yumi at Olmer na magkasama. Sana mamatay na lang siya. Pasalamat niya at hindi naman nagtagal si Olmer sa shop. Umalis din sila ni Yumi. Sakto lang ang pag-iinarte niya na sumakit ang tiyan niya kaya nagkulong siya sa CR. UWIAN, pinipigilan ni Maiza na iiyak lahat ng sama ng loob niya habang naglalakad pauwi. Parang may mga tumutusok na mga mumunting karayom sa puso niya na naman. Ang sakit isipin na nasa ibang kandungang babae ang itinuturing niyang asawa. Sana bigyan pa siya ng Diyos ng lakas para kayanin ang napakasakit na pagsubok na ito. Humugot muna siya ng konting lakas bago niya pinihit ang doorknob ng pinto ng bahay ni Ate Olivia nang nakarating siya. Hindi niya naramdaman ang pagod ng dalawang oras niyang paglalakad. Actually, nakagaan pa nga sa kaniyang kalooban dahil kahit papaano ay gumaan ang bigat na dalahin niya. Bukas ang ilaw. May tao pa na gising. Dumagundong ang dibidbi niya nang naisip na baka si Olmer na ang tao sa bahay. Hindi niya pa kaya na makaharap si Olmer o makausap. Pero laking pagtataka niya nang ibang lalaki ang nakita niya sa sopa na nakaupo. Isang matiponong lalaki sa kabila ng halata nitong edad. May salamin sa mata at kagalang-galang ang hitsura. "Who are you?" tanong nito sa kaniya. Naumid ang dila ni Maiza. Nakilala na niya ang lalaki dahil sa mga larawan nito na nagkalat sa sala. At naisip niya ay mas guwapo pa ito kaysa sa larawan kahit na may edad na. Bagay sila ni Ate Olivia. "Nasaan si Olivia?" tanong pa ng asawa ni Ate Olivia. Oo, siya nga ang asawa ni Ate Olivia na sundalo. Hindi siya puwedeng magkamali. "A-ako po si Maiza, Sir. Kaibigan ko po si Ate Olivia. Pinatira niya ho kami rito ng asawa ko kasi wala pa po kaming matutuluyan," utal-utal niyang sagot. Sa isip niya rin ay totoong nakakatakot nga pala ang asawa ni Ate Olivia. Mukhang istrikto. Sinuri siya ng may edad nang lalaki mula ulo hanggang paa. "Kung gano'n ay naasan ang Ate Olivia mo?" "Sorry po pero hindi ko po alam kasi gabi na po ako nakakauwi galing trabaho," nahihiya niyang sagot. Hindi na umimik ang matandang lalaki. Sinenyasan lamang siya na lumapit at umupo sa tapat nito. Kiming sumunod naman siya. "Matagal ka na ba rito sa bahay namin na kasama ng asawa ko?" pagkuwan ay tanong nito. "Hindi pa naman po. Mag-iisang buwan pa lang po kami rito ng asawa ko," nangingiming sagot niya. Sa mga nagkikiskisang mga daliri niya sa may kandungan niya siya nakatingin. Mas nakakatakot kasi ang kausap sa malapitan. Feeling niya ay nakaharap niya ng personal ang kinatatakutan niyang kontrabida sa mga pelikula na si Mr. Eddie Garcia. Tumango-tango ang lalaki. "Tawagin mo akong Kuya Alexo. Ako ang asawa ni Ate Olivia mo. Kadarating ko lang galing Mindanao tapos hindi ko man lang nadatnan dito ang asawa ko kaya naiinis ako," pakilala at paliwang ni Sir Alexo. Napalatak ito sa hulihan. "Baka sakto po na may pinuntahan. Baka nasa mga amiga niya po," pagtatanggol niya kay Ate Olivia. Minsan din naman na nararatnan niyang wala sa bahay ang ginang. “Baka nga.” Bumuntong-hininga si Sir Alexo. "May tanong ako sa 'yo, iha." "Ano po 'yon, Sir?" Sinikap niyang tumingin dito para hindi kabastusan. "I said call me Kuya Alexo," pagtatama muna nito sa kanya. "Sorry po, Ku-Kuya Alexo. Um, ano po 'yong tanong mo, Kuya Alexo?" Ngumiti na sa kaniya ang kausap. "Wala ka bang napapansin sa Ate Olivia mo mula tumira kayo rito ng asawa mo?" "Anong napapansin po?" inosenting tanong niya. Napasandal sa kinauupuan ang matandang lalaki at umupo pa-dekwatro. "May nagmensahe kasi sa 'kin tungkol sa kagaguhan daw na ginagawa niya rito sa bahay kaya naman napauwi ako ng wala sa oras." "Ano raw po 'yon? Kasi mabait naman po si Ate Olivia. Ang alam ko lagi lang po siya rito sa bahay." Natitig ito sa kaniya. "Are you sure of that?" "O-opo, Sir... este, Kuya Alexo." "Ganoon ba.” Minsan pa ay bumuntong-hininga ang matanda. “Kasi sabi sa 'kin may lalaki raw siyang kinahuhumalingan at dito pa talaga sila sa bahay ko gumagawa ng kasalanan." Natigagal si Maiza. At ewan niya dahil kinabahan siya. "Wala ka bang nakikitang lalaking inuuwi niya rito?" diretsahang tanong na naman sa kaniya ng matanda. Napalunok siya. Sa huli ay umiling siya dahil wala naman talaga siyang nakikitang lalaki sa bahay maliban kay Olmer.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD