Part 17

1188 Words
"Suyuin mo siya pagdating niya," wika ni Ate Olivia. Kahit hapunan na ay iyon pa rin ang binuksang topic nito. "Oo na!" naba-badtrip na naman na napilitang sagot ni Olmer. Kulang na lang lumipad ang ulam nitong pritong manok nang padaskol nitong tusukin ng tinidor. Magkaharap silang kumakain ng ginang. Hindi na nila nahintay si Maiza dahil nang tawagan ni Ate Olivia si Maiza ay sinabing mauna na silang kumain. "Umayos ka, Olmer, kung ayaw mong pulutin ka ulit sa kangkongan. Kung gusto mong maghirap ulit at kailangang kumayod nang husto para kumain tatlong beses isang araw ay tigilan mo na kung sino man ang bago mong babae na iyon. Hindi ka niyon matutulungan sa muli mong pag-unlad. Ako lamang ang makakatulong sa iyo. At hindi ko iyon magagawa kung wala si Maiza rito sa bahay." "Paulit-ulit ka naman, eh. Sabing oo na." "Maigi nang nagkakaunawaan tayo.” Hindi na kumatok pa si Maiza na pumasok sa bahay. Diretso siya sa kusina para uminom sana ng tubig. Natigilan nga lang siya nang nakita niya si Olmer at Ate Olivia na kumakain pa pala. Hindi na siya nakakambyo dahil nakita rin agad siya ni Ate Olivia. "Maiza, halika kumain ka na rin. Kasisimula lang namin dahil hinihintay ka namin," pag-alok sa kaniya ni Ate Olivia. "Salamat, Ate, pero busog pa ho ako. Nagpakain kasi 'yong boss namin na si Miss Yumi kanina sa flower shop po," magalang na sagot niya sa ginang. Nagkatinginan sila ni Olmer. Kitang-kita niya ang pagkagulat ni Olmer sa sinambit niyang pangalan na kaniya naman nang inasahan. Sinadya niya talaga iyon para makita niya kung ano ang magiging reaksyon nito. "Sige po. Aakyat na po ako," paalam niya kay Ate Olivia nang iniwas niya ang tingin kay Olmer. Umakyat na nga siya sa hagdanan patungong silid nilang ng asawa niya, asawa niya na may ibang totoong minamahal pala. Ang saklap! Hindi na nakita ni Maiza ang pagsisenyasan nina Ate Olivie at Olmer. Hindi na rin niya narinig ang pabulong na usapan ng dalawa. "Sundan mo na at suyuin mo," utos ni Ate Olivia. "Mamaya na. Kumakain pa ako," tanggi ni Olmer. "Mamaya na 'yan." Kinuha ni Ate Olivie ang plato ni Olmer. "Suyuin mo siya at sabay kayong kumain dito 'pag okey na kayo. Dali na." "Bwisit talaga!" himutok muna ni Olmer bago sumunod. Nagbibihis na si Maiza ng damit sa kuwarto. Kanina habang naglalakad siya ay naisip na niyang umalis na lang sa bahay na iyon pero saan naman siya titira? Wala pa siyang kapera-pera dahil hindi pa nga siya nakakasahod. At saka magsahod man siya ay pambayad lang din na nautang na ng nanay niya sa probinsya para sa gamot ng kaniyang tatay. Tumulo ang mga luha niya pero dagli rin niyang pinunas iyon nang magbukas ang pinto ng silid. "Maiza, puwede ba tayong mag-usap?" tapos ay parang nakakaawang boses ni Olmer. Hindi siya sumagot. Nagbingi-bingihan siya. Patuloy lang siya sa pagbihis. "Please?" senserong tinig pa ni Olmer. "Iyong mga nasabi ko kahapon, hindi ko sinasadya. Stress lang ako kasi wala pa akong nahahanap na trabaho tapos ginanon mo pa kasi ako." Napasinghap siya sa hangin. Naiinis siya dahil alam naman niyang nagsisinungaling lang ito. "Hindi ako tanga, Olmer," aniya. Saglit na hindi nakapagsalita si Olmer. Mayamaya ay narinig niyang bumuntong-hininga ito. "Okay, aaminin ko na na ex-gf ko si Yumi. At oo na may puwang pa rin siya sa puso ko pero, Maiza, ikaw na ang asawa ko, 'di ba? Magkasama na nga tayo sa iisang bahay. Sapat naman na siguro ito para maisip mo na mahal kita." "Sinungaling!” hiyaw niya sa isipan kasabay nang patagilid na pagtingin niya kay Olmer. Naninigkit ang mga mata niyang tinitigan ito nang masama. "Maiza, wala na kami. Hindi na niya ako gusto kasi mahirap na ako ngayon. Ayaw rin sa akin ng kapatid niya. Ang totoo ay matagal na kaming hindi nagkikita. Oo, nagti-text kami, nagcha-chat pero wala 'yun. Kahapon ay nagpapahanap lang ako ng trabaho sa kaniya kasi madami siyang kakilala. Wala lang iyon," dagdag paliwanag ni Olmer. Tumingala siya at napasinghap sa hangin. Kung siya pa rin siguro ang Maiza na walang kamuwang-muwang ay naniwala na naman sana siya rito. Tanga na naman sana siya. "Maniwala ka naman, Maiza. Ayoko na nagtatagal ang away natin. Sorry na. Alam mo naman na gano'n talaga ako kapag badtrip. Masanay ka na sa akin." "Sinungaling ka!” dikit ang mga ngiping pasinghal na akusa na niya rito. Hindi na niya napigilan ang sarili. Gusto niya sanang magpakatapang upang maaway niya ito pero napahagulgol naman na siya bandang huli. "Totoo ang sinasabi ko, Maiza. Hindi ako nagsisinungaling," giit pa rin ni Olmer. "Talaga?! Hindi ka nagsisinungaling?!" aniya na may pamosong ngiti at rumaragasang luha sa kaniyang mga pisngi. "Oo dahil ikaw na ang mahal ko." Akmang yayakapin siya nito. "Bitawan mo ako!" pero piksi niya. Iniiwas niya ang katawan. Napailing si Ate Olivia. Hindi alam ng dalawa na nakikinig sa labas ang ginang. Nakadikit ang tainga nito sa naka-lock na pinto. Natigilan naman si Olmer sa ginawang iyon ni Maiza. Hindi ito makapaniwala dahil sa unang pagkakataon ay nakita nitong naging palaban si Maiza. Sanay siya sa mahina, palaiyak, at uto-uto na Maiza. Hindi ganito na Maiza. "Olmer, kilala ko siya! Kilala ko si Yumi dahil siya ang boss ko sa flower shop!" saglit ay pasigaw na pag-amin na ni Maiza. "Muntik ko na ngang ingudngud ang mukha niya sa sahig nang nalaman kong ikaw ang pinagmamalaki niyang boyfriend, eh!" at dagdag niya na kasinungalingan. Doon na namilog ang mga mata ni Olmer. "Alam mo, isa pa nga ako sa nag-advice sa kaniya na balikan ka na niya, eh! 'Di ba ang bait ko?" Walang naging salita si Olmer. "Kaya 'wag mo akong masisisi kung may magawa akong masama sa kaniya habang magkasama kami sa trabaho!" sabi niya pa. Hindi niya alam ba't niya nasasabi niya ang mga bagay na iyon kahit alam naman niyang hindi niya magagawa ang mga iyon sa napakabait na si Yumi. Siguro para maibsan lang ang sama ng loob niya o takutin kahit konti si Olmer. Subalit nagpuyos ang damdamin ni Olmer. Nakuyom nito ang mga palad nito at pagkuwan ay sinunggaban si Maiza. Nakalimutan na nito ang usapan nila ni Ate Olivia. Wala na itong pakialam basta ang pinag-uusapan ay si Yumi. Awtomatiko nitong nasakal si Maiza. "Subukan mo siyang saktan ni daliri niya at ako mismo ang papatay sa 'yo!" babala nito. Sa pagkakataong iyon ay si Maiza naman ang namilog ang mga mata habang sakal-sakal siya ni Olmer. "Naiintindihan mo ba?!" asik pa ni Olmer sabay tulak sa kaniya. “Saktan mo si Yumi at makikita mo ang hinahanap mo!” Uubo-ubo si Maiza na napasiksik sa gilid ng silid at doon muling nag-iiyak. Padaskol na binuksan ni Olmer ang pinto. Gulat na gulat si Ate Olivia na naroon. Walang anumang umalis pa rin si Olmer kahit nakita nito ang ginang. "Olmer, mag-usap tayo!" dismayadong tawag ni Ate Olivia rito pero parang walang narinig si Olmer. “T*ngna niyong lahat!” sa halip ay napakalakas nitong mura kasunod ang pagbalibag nito sa main door ng bahay bago umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD