Part 16

1166 Words
Tigmak ng luha ang mga mata ni Maiza habang naghihintay ng jeep na masasakyan. Gustuhin man niyang parahin ang taxi na dumaan upang makaalis agad siya sa lugar na iyon ay hindi naman sasapat ang perang dala niya para pamasahe. Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya. Lungkot. Lungkot dahil napamahal na sa kaniya ang flower shop. Mami-miss niya si Iris na kaibigan na niya ngayon, pati man sina Therese at Yumi nila. Galit. Galit na hindi naman para talaga kay Yumi kundi sa sitwasyon. Wala siyang pinag-aralan pero hindi sarado ang isip niya para isisi kay Yumi ang kakatwang nangyari sa kanilang tatlo ni Olmer. Sa tadhana pa nga siya galit dahil kung makapaglaro ay sobrang sakit sa damdamin ang dulot. At awa. Awa para sa kaniyang sarili dahil kahit anong isip niya na gagawin ay malinaw pa rin na wala siyang laban kay Yumi. Walang-wala siyang laban dahil napakawalang kuwenta niyang babae. Kung papipiliin si Olmer, kahit isang porsyento ay wala siyang pag-asa na siya ang pipiliin. Idagdag pa ang pagka-amibisyoso ni Olmer. Noon pa man ay gusto na nitong yumaman, so paanong siya ang pipiliin nito kung kahit isang libo ay wala siya sa bangko. Nanghina ang mga tuhod ni Maiza. Kamuntikan na siyang mapaluhod sa kinatatayuan. "Maiza?” bigla ay boses ni Therese sa likod niya. Mabilis niyang pinunas ang mga luha niya bago niya itinuwid ang pagkakatayo. Subalit nagtama ang mga mata nila ni Yumi, dahilan para manubig ulit ang mga mata niya. Kasama pala ito ni Therese. Mas nakaramdam siya ng panliliit sa sarili. Nakita siya sa ganoong sitwasyon ni Yumi, nakakahiya. “Maiza, ano ba talaga’ng nangyayari sa ’yo, hah?” may pag-aalalang tanong sa kaniya ni Yumi. Alam niyang sensero ito. Ang tanong, magiging sensero pa kaya ito kapag nalaman nito na siya ay live-in partner na ni Olmer? Nag-iwas siya ng tingin. Hindi siya sumagot. "Bakit po kayo sumunod?" sa halip ay garalgal ang boses niyang tanong kay Therese. "Maliban sa nag-aalala kami sa ’yo dahil sa mga ikinikilos mo ay tawagan mo raw ang kapatid mo, Maiza," sagot ni Therese sa malungkot ang boses. "Isinugod daw kasi sa ospital ang tatay niyo." Umawang ang mga labi ni Maiza. Muli ay para siyang sinakluban ng langit at lupa sa masamang balita na iyon ni Therese. Natabunan ang mga sama ng loob ng puso niya sa pag-aalala na sa kaniyang pinakamamahal na ama. "Ito ang cellphone mo. Naiwan mo sa shop. Tawagan mo na sila ngayon daw," sabi pa ni Therese sabay abot sa kaniya sa maliit at mumurahing cellphone. Nanginginig ang mga kamay niya na kinuha iyon at idinayal ang kabisadong number ng kapatid. Wala pa man ay tahimik na naman na nagpatakan ang mga luha niya sa mga mata. Gulong-gulo at awang-awa naman sina Yumi at Therese na nagkatinginan sa isa’t isa. "Hello, Glaiza? Ang Ate Maiza mo na ito." Naginhawaan si Maiza nang sinagot ng kapatid ang tawag niya. "Ate Maiza, buti tumawag ka.” Sa boses ng kapatid sa kabilang linya ay nalaman niyang umiiyak din ito. Kinabahan siya nang husto. Ayaw niya ang itinakbo agad ng isip niya. “Glaiza, ano’ng nangyari kay Tatay?” "Si Tatay, Ate. Na-stroke siya." Mas nayanig ang buong pagkatao niya sa narinig. Hindi niya ma-imagine ang hitsura ng kanilang ama ngayon. "K-kumusta siya?" ang nagawa lang niyang itanong, naninikip na kasi ang dibdib niya. Ayaw niyang mahalata ng kaniyang kapatid na pinanghinaan siya ng loob. "Sabi ng doktor okay na siya, Ate. Pero, Ate, ang daming gamot na ineresita. Wala naman kaming pera. Iyak nang iyak si Nanay.” Napapikit si Maiza. Diyos ko, ano ba’ng mga pagsubok ito? Bakit kailangang magsunod-sunod? "Ate, ano’ng gagawin namin ni Nanay? Ilang beses din na nawalan ng malay si Nanay kasi hindi raw niya alam ang gagawin? Takot na takot si Nanay." Natutop niya ang bunganga. Kung meron man siyang minana sa ina nila ay iyon ang pagiging iyakin dahil mahina parehas ang loob nila sa mga pagsubok. Lumapit sa kaniya si Yumi at hinagud-hagod nito ang likod niya. Hindi niya magawang palisin iyon dahil kailangan niya ngayon ng kaibigang magpapalakas sa kaniyang loob. “Ate, ‘andiyan ka pa?” si Glaiza sa kabilang linya. Humugot muna ng lakas-loob si Maiza bago sumagot. Pakiramdam niya kasi, eh, matutumba na siya sa panghihina. "Sige, umutang na lang kayo r’yan. Sa kahit na sinong kakilala niyo. Sabihin niyo na babayaran ko sa katapusan kapag nagsuweldo na ako.” "Sige, Ate, sasabihin ko kay Nanay,” natuwa na saad ng kapatid. “Balitaan mo agad ako.” At pinatay na ni Maiza ang tawag. Napahugot siya nang sobrang lalim na hininga. Grabe naman ‘to. Bakit ngayon pa nagkaroon ng problema? Parang nanadya na na pahirapan pa lalo ang kalooban niya. “Maiza, hindi mo kailangang umalis sa trabaho kung kailangan mo,” sabi ni Yumi. Hindi siya nakaimik. Oo nga, hindi na siya makakaalis sa trabaho dahil kailangan ng tatay niya ng suporta. Siguro ay titiisin niya na lamang na makasalamuha si Yumi para sa tatay niya. "Oo nga, Maiza. At huwag kang mag-alala dahil kapag kailangan mo ng tulong ay nandito lang kami,” sabi rin ni Therese. Sa kabaitan ng dalawa ay mas nakaramdam ng hiya at panulumo si Maiza. SAMANTALA sa bahay nina Ate Olivia. "Hayaan mo siya! Umalis siya kung gusto niyang umalis!" inis na wika ni Olmer. Kinakausap siya ni Ate Olivia tungkol kay Maiza. Galing na naman siya sa kung saan. Ngayon lang siya umuwi. Nakipag-inuman siya sa mga barkada niya. "Hayaan?! Hahayaan mong umalis siya?! G*go ka ba?!" bulyaw ni Ate Olivia. "Ano’ng magagawa ko kung aalis siya?! Mas maganda nga iyon para bawas sa problema! Ikaw lang naman may gusto nito!" bulyaw din ni Olmer sa ginang. "Olmer, nag-usap na tayo tungkol dito! Hindi puwedeng mawala si Maiza dahil siya ang susi kung bakit malaya kang makatira sa bahay na ito! Katarantaduhan mo kasi! Hindi ka na nakuntento sa aming dalawa!" "Tama na nga! Ang ingay mo!" Naiirita na talaga si Olmer. Muntik nang umikwas ang kamay niya para sampalin si Ate Olivia buti at nakapagpigil pa siya. "Tandaan mo, Olmer, kapag umalis dito si Maiza ay hindi ko na maibibigay sa ’yo ang negosyong sinasabi mo. At saka paano na tayo? Sabi ko naman sa ’yo noon na hindi puwedeng tumira ka rito na mag-isa lang kaya kailangan natin si Maiza. Kung ayaw mong masira ang plano natin ay huwag mong hahayaang mawala siya. Naiintidihan mo ba?! Isaksak mo diyan sa kukute mo na kailangan natin si Maiza para hindi mag-isip ang ibang tao na may relasyon tayo, lalo na ang asawa ko! Kailangan natin siya bilang panakip-butas sa ’ting lihim na relasyon kung hindi ay babalik ka sa buhay mo! Wala ka nang aasahan sa ’kin! Tanggapin mo na mahirap ka na lang habang buhay!" huling litanya ni Ate Olivia bago ito nag-walk-out na malalaki ang hakbang patungong kuwarto nito. “Bwisit! Bwisit!” Sa inis ay nasipa-sipa naman ni Olmer ang sofa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD