Part 15

1297 Words
Animo’y basang siwsiw si Maiza na nakaupo sa ibabaw ng kama nila ni Olmer. Basang-basa ang mukha niya sa dami ng luhang nailuha niya. Walang humpay ang kaniyang pag-iyak. Kulang na lang din ay literal na sumabog ang dibdib niya sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Paulit-ulit pa rin kasi na naririnig niya ang sinabi ni Olmer na ginamit lang siya, na hindi siya ang mahal, na si Miss Yumi ang totoong mahal nito. Ang sakit, napakasakit sa puso niya ang natuklasan. Halos hindi niya matanggap dahil bakit si Yumi pa na kaniyang boss at hinahangaan ang kaniyang magiging karibal? Sa dami ng babae sa mundo ay bakit si Yumi na wala siyang kalaban-laban? Lalo siyang napahagulgol nang maalala niya kung gaano kalayo ang agwat nila bilang babae ni Yumi. Nakaramdam siya ng matinding insecurities at pagkabahag para sa sarili. Lumangitngit ang pinto ng kuwarto. Napatingin siya roon. Si Ate Olivia ang pumasok. Nanlulumo ang hitsura nito na nakatingin sa kaniya. Nakikisimpatya ang ginang. Mukhang may alam ito. Siguro ay narinig nito kanina ang pagtatalo nila ni Olmer. Inayos ni Maiza ang sarili. Bumangon siya. Umupo siya sa ibabaw ng kama kasabay nang pagpunas ng mga palad niya sa mga luha niya. Nahiya siya kay Ate Olivia. Lumapit naman ito sa kaniya at umupo sa gilid ng kama. "Narinig ko ang away niyo ni Olmer? Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? May babae siya. Hindi mo kasi ako pinaniwalaan." Napayuko siya ng ulo at iyon na naman, kahit ano’ng pigil niya ay nag-unahan na naman sa pagpatak ng mga luha niya. Suminghot-singhot siya na parang bata. "Ano’ng gagawin mo ngayon?" Hindi siya sumagot. Hindi niya alam ang sagot. "Kung balak mong umalis ay iyan ang huwag na huwag mong gagawin, Maiza." Blangko ang mukha niya na balik-tingin siya kay Ate Olivia. Sa totoo lang ay sumagi na kanina pa sa isip niya na umalis na lang dahil nakatatak na isip niya iyong sinabi ni Olmer. At saka ano pa’ng saysay na magsama sila ni Olmer? Malinaw na hindi siya ang mahal nito. Sasaktan lang niya ang sarili niya nang paulit-ulit kapag ipipilit niya pa na makisama. Ayaw niyang maging martir. Totoong mahal na mahal niya si Olmer ngunit hindi pa naman siya pinapanawan ng matinong isipan upang magbulagbulagan. Hindi tama na ipagsiksikan niya ang sarili niya sa taong hindi naman pala siya ang mahal una pa lamang. "Hindi ka puwedeng umalis, Maiza. Ako na ang nakikiusap sa ‘yo," samo pa ni Ate Olivia. Kinuha nito ang isang kamay niya at hinaplos-haplos. "Pero, Ate—" Hindi niya maituloy ang pagsalungat. Hirap ang kaniyang kalooban kahit sa pagsasalita. Sinasalungat din kasi ng puso niya ang katinuan ng isip niya. Isinisigaw ng pagmamahal niya kay Olmer na huwag siyang umalis. "Kapag sumuko ka'y pagtatawanan ka lang ng babae niyang iyon. Huwag mong iwanan si Olmer dahil ikaw na ang live-in partner nito. Kung tutuusin ay ikaw na ang asawa niya. At saka para kahit para sa 'kin na lang, Maiza." Nakagat niya ang pang-ibabang labi niya habang pinag-iisipan ang sinabi ni Ate Olivia. "Maiza, 'di ba magkaibigan naman tayo? Naisip ko kasi na baka kung umalis ka ay aalis din si Olmer. Malulungkot na naman ako rito kapag wala na kayong dalawa. Ayokong mag-isa ulit sa bahay na ito. Mami-miss ko kayo, eh," pagkaklaro ni Ate Olivia sa unang sinabi. Unti-unting napangiti si Maiza. Umusog siya ng upo at niyakap niya si Ate Olivia. Buti na lang at nandito ito. Ang nagsisilbi niyang Ate. Ang kaniyang minsan ay kakampi. At tama ito, kahit siya man ay mami-miss niya ito. "Huwag kang aalis, ha? Ipaglaban natin si Olmer sa babaeng iyon. I... I mean ipaglaban mo si Olmer sa babaeng iyon at tutulungan kita," pag-alo pa sa kaniya ni Ate Olivia. Hinagod-hagod nito ang likod niya na mas nakapagpagaan ng kaniyang pakiramdam. Tama. Hindi siya aalis. Kung totoong mahal niya si Olmer marapat-dapat lang na ipaglaban niya si Olmer. KINABUKASAN, parang walang nangyari na pumasok sa trabaho si Maiza. Hindi na rin siya nagtaka kung bakit hindi umuwi si Olmer. "Magre-resign ka agad?" hindi makapaniwalang tanong ni Iris sa kaniya nang nagpapaalam na siya rito. Wala nang customer kaya puwede na silang magdaldalan. At sinabi niya rito ang balak na pag-alis sa trabaho na kaniyang napagdesisyunan kagabi. "Oo, nagpaalam na ako kay Ma'am Therese kanina. Sinabi ko na siya na ang magsasabi kay Ma'am Yumi. At kapag pumayag siya ay last day ko na ngayon," nalulungkot na sagot niya. Kung puwede lang sana niyang sabihin kay Iris ang dahilan ay ginawa na niya, pero nahihiya siya. Ayaw niyang gumawa pa ng issue between her and Yumi. Mainam nang umalis siya na tahimik lamang. Sa totoo lang ay ayaw naman niyang umalis sa trabaho dahil kailangan niya ito, pero makakaya ba niyang makisama araw-araw kay Yumi? Hindi. Mahirap kaya aalis na lang siya. "Maiza, totoo bang aalis ka? Tumawag sa akin si Therese," speaking of Yumi ay bungad na ng magandang dalaga. Kadarating lang nito at siya agad ang hinahanap ng tingin. Natigagal si Maiza. Ang kaninang inipon niyang mga lakas ng loob ay animo’y biglang tumakas sa kaniyang pagkatao. "Buti dumating ka na, besh. Ikaw ngang kumausap diyan kay Maiza. Last day na raw niya ngayon, eh. Nagpaalam na sa akin," mula sa office ay bungad din ni Therese. "Maiza, bakit ka aalis?" tanong ni Yumi sa kaniya. Humawak pa ito sa isang braso niya. Natitig siya sa kamay nito. Ganito rin kaya ang paghawak ni Yumi sa bisig ni Olmer? Muntik nang maluha si Maiza. Muntik na niyang tabigin ang napakalambot na kamay ni Yumi. Muntik na siyang magalit sa dalaga. Mabuti na lamang at ipinaalala ng kahit paano ng matino pa niyang isipan ang mga naging kabutihan nito sa kaniya. Wala siyang karapatan upang magalit kay Yumi. Wala itong ginagawang masama sa kaniya. Katunayan puros kabutihan pa nga ang ipinapakita nito sa kaniya. "Iiwan mo na kami rito?" panunuyo pa ni Yumi. "Oo nga. May nagawa ba kaming masama? Sabihin mo, Maiza? May nanakit ba sa 'yo rito? Sabihin mo lang uupakan namin," saad din ni Therese. "Oo nga." Nilislis naman ni iris ang manggas ng uniform nito. Nakagat ni Maiza ang kaniyang pang-ibabang labi. Hirap na hirap niyang pigilin ang damdamin. Ayaw niyang umiyak sa harapan ng mga itinuturing na niyang mga kaibigan. Kung bakit ba kasi? Bakit pa kasi sa napakabait na si Yumi pa nagkaroon ng relasyon si Olmer? Sana sa ibang babae na lang. Mas madali sanang tanggapin ang lahat. "Ang lupit mo tadhana!” hiyaw ng puso niya. At nang hindi niya makayanan ang damdamin, marahan at puno ng paggalang na inalis na niya ang kamay ni Yumi sa kaniyang braso saka nagmamadaling umalis. Naiwan sina Yumi, Iris, at Therese na takang-taka at lungkot na lungkot. "Cellphone po ni Maiza," ani Iris nang nag-ring ang isang cellphone sa may lamesa. "Naiwan niya po." "Sige sagutin mo, Iris," utos ni Yumi sa tauhan. "Hello? Sino po 'to?" sagot nga ni Iris sa tawag. "Si Maiza po? Wala po, eh. Naiwan niya po itong cellphone niya rito sa shop." Ilang palitan pa ng salita sina Iris at saka sa taong nasa kabilang linya bago pinatay ang tawag. "Ano’ng sabi?" usisa agad ni Yumi sa dalaga nang napansin nitong mas lumungkot pa ang mukha nito matapos na makipag-usap sa cellphone. Napakamot-batok si Iris. "Problema po." "Anong problema, Iris?" si Therese. "Iyong tatay raw po ni Maiza ay isinugod daw po sa ospital," sagot ni Iris. "Hala! Kailangang malaman ni Maiza agad 'to," saad ni Yumi. "Samahan mo ako, Therese. Sundan natin siya. Iris, ikaw na muna ang bahala rito sa shop." Magkahawak kamay nga na sinundan nina Yumi at Therese si Maiza. May pagmamadali upang maabutan nila ang dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD