"Maayos na ba ang kalagayan mo?" parang isang ama ang tono na tanong ni Sir Alexo kay Maiza.
Umaga, at nag-aalmusal sila. Ayaw pa sana ni Maiza na makihalubilo sa kanila dahil mas nanaisin pa niyang magkulong sa kuwarto upang may lakas na siya bukas na pumasok sa trabaho kung sakaling maramdaman niyang kaya na niya. At saka hindi naman siya nagugutom. Pero napilitan na naman siya na lumabas dahil kay Olmer. Dapat daw silang makisama kina Ate Olivia at Sir Alexo. Dapat daw siyang kumain dahil buntis siya... etcetera.
Nais nga niyang sumbatan ulit ang itinuring na asawa dahil ang kapal ng mukha para magkunwaring may concern sa kanilang anak, gayong ang totoo ay wala naman talaga, pero hindi na lang niya ginawa dahil siya lang naman ulit ang masasaktan.
"Opo, Kuya," kiming sagot niya kay Sir Alexo.
"Mabuti kung gano'n. Alagaan mo ang sarili mo para sa anak mo."
Kahit paano ay nakangiti siya ng totoong ngiti, walang kaplastikan dahil naramdaman niyang sensero rin sa sinabi ni Sir Alexo. Wala ring pagkukunwari. Concern talaga sa kanilang mag-ina ang matanda. Hindi tulad ng dalawa nilang kasama ngayon na mga demonyo.
"May pupuntahan pala ako at hindi ko alam kung kailan ako babalik. Baka sa susunod na araw na o pagkatapos ng ilang araw," mayamaya ay paalam ni Sir Alexo na ikinatigil nilang tatlo ng pagkain. Kaya naman pala nakabihis ito kahit ang aga-aga pa.
Si Maiza ang nakaramdam agad ng takot. "Huwag, Kuya Alexo! Huwag po kayong umalis!" gusto niyang isigaw hindi lang niya magawa dahil naramdaman niya ang pagpatong ng kamay ni Olmer sa kandungan niya. Nagbababala na naman.
Pasimpleng napatingin na lang siya sa mukha ng dalawa. Tulad nang inasahan niya ay kitang-kita nga niya ang pagningning ng mga mata nila na animo'y nanalo ng lotto. Bakit nga ba hindi? Kung kahit ilang araw lang ay magagawa na naman nila ang mga nakakasukang gawain nila.
Mga imoral!
Mga baboy!
"Saan ka pupunta? Kadarating mo lang aalis ka na naman?" Umabresyete sa matiponong bisig ng asawa si Ate Olivia.
Muntik nang masuka ni Maiza.
"Kaarawan ng isang mataas na opisyal namin doon sa Bicol. Si General Enrique. At inimbita niya ako. Nakakahiya naman kung hindi ako pupunta," kaswal na sagot ni Sir Alexo sa asawa.
"Mag-iingat ka kung gano'n, mahal ko," kunwa'y malungkot na tinig ni Ate Olivia. "Umuwi ka agad, ha?"
Tumango lang si Sir Alexo. Itinuloy na nila ang pagkain. Pagkaraan ay saka umalis na si Sir Alexo dala ang konting gamit lamang.
Gustong habulin ito ni Maiza, pigilan at magsumbong, ngunit hindi niya magawa pa rin. Nangilid na lamang ang mga luha niya sa kaniyang mga mata lalo na nang makita niya ang pagkatamis-tamis na ngitian na nina Ate Olivia at Olmer.
"Inaantok pa ako. Matutulog muna ako." Naghikab si Ate Olivia. "Ang hirap talaga 'pag sundalo ang asawa. Napakaagang gumigising," sabi pa nito.
"Oo nga, eh. Nakakainis 'pag nandito ang asawa mo. Para tayong mga robot," reklamo rin ni Olmer. "Maiza, pumasok ka na ulit sa kuwarto. Matulog ka rin ulit. Magsisigarilyo lang ako sa labas at susunod ako agad," at saka utos nito kay Maiza.
Nagpupuyos sa galit ang damdamin ni Maiza. Sabi na nga ba niya at sasamantalahin agad ng dalawa ang pagkawala saglit ni Sir Alexo. Mga demonyo talaga. Hindi pa nga nakakalayo si Sir Alexo.
Ayaw niya sanang sumunod. Ayaw niya sanang iwanan ang dalawa pero masama na ang naging tingin ni Olmer sa kaniya.
"Ano pa’ng hinihintay mo? Pasko? Sige na! Susunod ako sa 'yo!" madiing taboy pa sa kaniya.
Kahit hindi pa tapos kumain ay tila pipi na tumayo na nga siya kasabay na ng kusang pagtulo na ng mga luha niya. Pikit-mata siyang umakyat sa hagdanan at pumasok sa silid nilang mag-asawa na mag-isa. At bago pa man niya maisara ang pinto…
“Hihihi!" ay malanding hagikgik na ni Ate Olivia na kaniyang narinig.
Nanlulumong isinandig ni Maiza ang kaniyang likod sa dahon ng pinto na tanging kakampi niya sa sandaling iyon. Wala siyang nagawa kundi ang umiyak nang umiyak na naman. Gustuhin man niya na huwag isipin kung ano na naman ang ginagawa ngayon ni Ate Olivia at Olmer ay hindi niya magawa. Hindi siya tanga.
Para tuloy minamaso ang puso niya sa sobrang sakit na nararamdaman.
SAMANTALA sa bahay nina Yumi ay magkasama pa rin sina Therese at Yumi. Nagpasyang mag-sleep over si Therese sa bahay ng kaibigan para makapag-bonding sila.
"Wala pa ang kuya mo, ah?" puna ni Therese sa katahimikan ng bahay. Tanging ang isang kasambahay lamang ng magkapatid ang naratnan nila.
"Mamayamaya pa 'yon o baka hindi na naman uuwi. Alam mo naman na mas ginagawa pang bahay niyon ang opisina niya sa kompanya," sagot ni Yumi habang nagbibihis.
"Sayang naman." Nalungkot si Therese dahil crush nito ang Kuya Junley ng kaibigan.
Tinawanan ito ni Yumi.
"You know what? I'm already worried about Maiza," pagbubukas ni Yumi sa paksa ng pag-uusapan nila bago pa man mawalan ng mood si Therese.
"Oo nga, eh, dalawang araw nang hindi pumapasok ang babaeng iyon. Ano kaya’ng nangyari?" saad naman ni Therese habang namimili na ng papanoorin nilang pelikula.
"Dalawin kaya natin siya kapag hindi pa rin siya makapasok bukas?"
"Puwede rin. Gusto mo?"
"Oo naman. Baka napa’no na kasi siya lalo na't pansin natin na may kung anong prinuproblema siya sa mga nagdaang araw. It doesn't seem like it's just about her father, eh. Feeeling ko meron pang iba siyang baggage."
"Bilib din naman ako sa 'yo, Besh. Kahit tauhan mo lang naman si Maiza, eh, ang bait-bait mo sa kaniya. Sana lahat ng boss ay katulad mo."
Napangiti si Yumi. "Hindi lang naman kay Maiza ako mabait, ah. Lahat naman ng tauhan natin sa mga shop. Tulad ni Iris. It's just that parang may kung ano lang kay Maiza na hindi ko maintindihan. It's like someone or something is connecting us that I can't explain."
"Hoy, don't tell me nawawala mo siyang kapatid," biro ni Therese.
"Baliw!" Natawa si Yumi. "Ah, basta feel ko na dapat natin siyang puntahan at kumustahin kung hindi ay hindi ako mapapanatag."
"Oo, sige na. Napansin ko rin naman na parang may malala siyang problema maliban sa kondisyon ng tatay niya."
"'Di ba? Kaya dapat ipakita natin sa kaniya na kaibigan niya tayo para ma-open niya sa 'tin kung ano 'yung problema niya na iyon."
"Tama ka. Pero ang tanong, alam mo ba 'yung bahay niya?"
Napalabi si Yumi at napaisip. "Eh, di tingnan natin sa resume niya. Nasa office naman 'yon, 'di ba?
"Ah, oo nga." Nagliwanang ang mukha ni Therese.