Nakaakbay si Olmer kay Maiza na pumasok sa bahay. Nakasunod sa kanila si Ate Olivia na nakaalalay naman sa likod ni Maiza. Kung titingnan ay walang makakapagsabi na acting lang ang pag-aasikaso ng dalawa sa kawawang si Maiza.
Naroon naman sa salas si Sir Alexo na prenteng nagkakape, ni ang tapunan sila ng tingin ay hindi ginawa.
"Umupo ka muna," mabait na sabi ni Ate Olivia kay Maiza.
Masama ang tinging ipinukol ni Maiza sa mapagkunwaring ginang pero nang pisilin ni Olmer ang balikat niya ay gusto niyang mapasigaw sa sakit. Para sa kaligtasan ng kaniyang anak ay tatahimik siya… pansamantala… siguro. Hindi niya alam.
"Umupo ka na, Hon. Sige na," malambing na sabi ni Olmer sa kaniya.
Ang sarap sana sa pandinig iyon ni Maiza pero dahil alam niyang pagkukunwari lamang, "Mga baboy!” ay hiyaw ng isipan niya. Patagilid na tiningnan niya nang masama si Olmer habang umuupo.
"Ikukuha lang kita ng tubig," ani Olmer na aakalaing napakabait talaga at sobrang concern na asawa. Hindi nito ininda ang masamang tingin niya.
Nagliliyab ang mga tingin ni Maiza na isinunod kay Olmer, pero nang magtama ang tingin nila ni Sir Alexo na pasimpleng nagmamasid pala sa mga ikinikilos nila ay iniyuko na lang niya ang kaniyang ulo.
Gustong-gusto niyang magsumbong kay Sir Alexo. Gustong-gusto niyang sabihin dito ang natuklasan at wala na siyang pakialam kung mapatay pa ni Sir Alexo si Olmer. Gustong-gusto niyang ibuka ang mga bibig niya at umpisang magsalita. Subalit ay tinatalo siya ng takot para sa anak niyang nasa sinapupunan niya. Hindi niya puwedeng isaalang-alang ang kaligtasan ng kaniyang anak. Kung nagawa siyang saktan ni Olmer, ano pa ang walang muwang nilang anak?
"Mag-relax ka lang muna, ha, Maiza," masuyong wika naman ni Ate Olivia. Nilagyan ang likod niya ng throw pillow. Todo ang pag-aasikaso sa kaniya porke nasa paligid nila si Sir Alexo.
"Ano’ng nangyari sa kaniya?" kaswal na usisa na ni Sir Alexo.
"Nahimatay kanina. Iyon pala ay buntis," maliksing sagot ni Ate Olivia sa asawa. "Mabuti na lamang at maayos lang ang baby. Sa wakas ay magkakaroon na ng bata rito sa bahay kung sakali. Sabik na ako sa apo."
“Sinungaling!” nais na isatinig ulit sana ni Maiza pero muling nagtama ang tingin nila ni Sir Alexo kaya napilitang inayos niya ulit ang sarili. Nagtimpi na lamang ulit.
Buti na lang at dumating si Olmer. May bitbit na itong baso na may tubig. "Inom ka muna, Hon," malambing na alok nito.
Muntik nang bumulwak ang luha sa mga mata ni Maiza. Sa sandaling iyon ay gusto niyang hilingin na sana hindi na lang niya natuklasan ang kawalanghiyaang ginagawa nina Ate Olivia at Olmer. Gusto niya sanang namnamin ang ka-sweet-an sa kaniya ni Olmer ngayon kahit na puro pagpapanggap lang pala ang lahat, na simula't sapol ay puro kaplastikan lang ang pinapakita sa kaniya ng tiinuring niyang asawa dahil ginagamit lang pala siya para mapagtakpan ang kababuyan nila ni Ate Olivia.
Gayunman ay walang sekreto na hindi nabubunyag. Malamang ay ginamit din siya ni God upang mabuking ang kaimoralan nila.
Subalit kung paano niya maaayos ang lahat, iyon ang hindi niya pa alam.
Nang ilapit ni Olmer sa bibig niya ang baso ay iniwas niya ang ulo.
"Ayaw mo ba ng tubig, Hon?" masuyong tanong sa kaniya ng asawa. "Ano’ng gusto mo?"
"Pagod na ako. Aakyat na ako sa kuwarto," matabang na pag-iwas niya dahil ramdam niya na konti na lang ay maiiyak na talaga siya. Sasabog na ang kaniyang dibdib kung hindi pa siya iiwas.
"Sige na, Olmer, iakyat mo na ang asawa mo sa taas. Ganyan talaga ang buntis madaling mapagod," sang-ayon ni Ate Olivia na may pag-aalala kunwari sa boses.
"Okay tara, Hon."
Akmang alalayan sana siya ni Olmer pero binilisan ni Maiza ang paglakad. Nang magtapat sila ni Sir Alexo ay muling nagngusap ang mga mata nila. Napakunot-noo bahagya si Sir Alexo. Mukhang nakuha nito na may nais ipahayag ang kaniyang mga mata.
Pagdating nila sa silid ay agad dinakma ni Olmer ang likod na buhok niya nang maisara niya ang pinto.
"Aray!" angal niya.
"Nag-usap na tayo, ‘di ba? Na hindi ka kikilos ng hindi maganda lalo na 'pag nandito ang matandang iyon!" nagngangalit ang tinig ni Olmer.
"Nasasaktan ako, Olmer." Ngiwing-ngiwi siya habang nakatingala. Napahawak siya sa buhok niya upang kahit paano ay maibsan ang sakit nang pagkakasabunot. Pakiramdam niya kasi ay maihihiwalay na ang lahat ng buhok niya sa anit niya.
Kaysa maawa ay lalong humigpit ang pagkakahawak ni Olmer sa buhok niya. "Talagang masasaktan ka kapag hindi ka umayos!" pagkasabi niyon ay pabalibag na itinulak pa siya.
Napasiksik siya sa pader pero iniwasan niya na hindi umiyak. Ang ginawa niya'y niyakap niya ang kaniyang tiyan upang protektahan ang kaniyang anak. Hindi pa kasi nakontento si Olmer. Tinadyakan pa siya nito. Buti na lang at nakapihit siya at mga hita niya ang natamaan hindi ang kaniyang tiyan.
"Anak, kapit ka lang,” pausal na pakiusap niya sa kaniyang anak. Kusa nang tumulo ang mga luha niya sa kaniyang mga mata kahit ayaw niya sana. Awang-awa siya sa kaniyang sarili, lalo na sa kaniyang baby. Hindi ganitong sitwasyon ang pinangarap niya noon kapag nagbuntis siya.
"Umayos ka at makisama dahil kung hindi ay hindi lang 'yan ang matitikman mo!" huling babala sa kaniya ni Olmer bago siya tinigilan.
Pasalamat niya at lumabas na ito pagkatapos sabihin iyon.
"Gusto raw niyang matulog muna," dinig nyang malakas na sabi ni Olmer sa mga nasa labas.
Padausdos na napaupo si Maiza. Lumung-lumo na niyakap niya ulit ang kaniyang sarili. Nag-iiyak siya, pigil na pigil na iyak dahil sa takot niyang marinig siya sa labas.
Diyos ko, kakayanin ba niya ang pasakit na ito? Bakit sobra-sobra naman?