Chapter 18

5000 Words
“Pinagpe-pray ko kayo sa Panginoon nating si Jesus Christ at sa Diyos na Tatay natin. Mahal nya tayo, at binigyan nya tayo ng lakas ng loob at matibay na pag-asa dahil sa kagandahang-loob nya.” – 2 Thessalonians 2:16 -- Chapter 18 Pearl Hindi ko masabi kung ilang porsyento ng lakas ko ang nagamit ko habang kabadong kabado akong nakatayo sa isang tabi at panay ang lunok ng laway nang sa wakas ay mapagtanto kong nandito sa bahay ang mag asawang Reynald at Kristina de Silva. Kasama ang bunso nilang anak na si Yandrei. Kagagaling lang namin sa simbahan nang tumawag si Ma’am Kristina sa akin na bumabyahe na sila papunta rito. It’s Easter Sunday. A family day. A very important day for many. Pasko rin. Pasko ng pagkabuhay ni Jesus Christ. At minarapat ng mag asawa na dalawin si Jewel para kasama nilang mag celebrate. Hindi ako nakatanggi. Parang ang bilis lang pangyayari. O dahil magaling magsalita si Ma’am Kristina kaya napa-oo lang ako. Sinabi ko agad kay Tatay. Walang problema sa kanya. Basta ba okay sa kanila ang lugar namin, bahay namin at pagkaing ihahain. Mayroon kaming handang pansit, cake, chicken sandwich at pineapple juice. Iyon ang hinain ko sa mag anak. Kumain agad si Yandrei. Pati ang dad niya. Si Ma’am Kristina ay kinakausap si Tatay Vic tungkol sa bata. Inaasahan kong maninibago sila pagkakita sa bahay ni Tatay. Maliit lang ito. Ginawa pang salon ang sala. Pero ni paghagod ay hindi nila nila ginawa. Nakangiti kaagad sila pagpasok at magalang din. Ramdam ko ang respeto nila sa hindi nila tahanan. Walang pandidiri o kahit kaartehan. Lalo na’t anak mayaman si Yandrei. Siya ang inaasahan kong mangingilag sa bahay namin pero hindi. Hinanap niya si Mariposa. Tiningnan ang sarili sa malaking salamin na tila dati na niyang ginagawa sa bahay namin. Baka raw pwede siyang i-trim ngayon. Tinext ko naman agad si Mariposa. Ayun, ginugupitan at nagdadaldalan na silang dalawa. May kasama pang tawanan. Kumuha ako ng upuang plastic. Tinabi ko kay Tatay. Nasa gilid kami. Sa sofa ang mag asawa at si Jewel ay kandong ng Lola Kristina niya. Hawak nito ang Barbie Doll na pasalubong sa kanya. Marami silang dalang laruan at mga bagong damit, sapatos at school supplies. Tuwang tuwa ang mag asawa matapos makita ang ningning sa mga mata ni Jewel. Pinagmanong ko siya. Sumunod ito. Si Sir Reynald ay binuhat ang apo. Niyakap. Pinagmasdan ang mukha ng bata. Napatitig ako sa kanya. Ngumiti siya pero naroon ang pagkailang na hindi agad rumehistro. Napalitan ng pagtataka. Kumunot ang noo nito at saka binaba ang bata at nilingon ang asawang nakangiti. Sinulyapan niya ako. Hiyang hiya ako. Hindi ko malaman kung paano siya tatratatuhin. He’s a de Silva. Nick’s father. Mayroon siyang antas na tila hindi mo madaling maaarok. O tuktok na iilan lang ang nakakarating. At nang magsalubong ang mga kilay niya, naroon ang intimidation na tumulay sa akin. Isang ceiling fan at stand fan na ang binuksan ko para lumamig lamig ang hangin. Pero nagpupunas pa rin ng pawis si Sir Reynald sa noo. Si Yandrei ay nagpapaypay habang ginugupitan. Ngayon ko naisip na sana ay binilhan ko na ng air-con si Tatay. Tumatanda na rin siya. Kahit mapilay ang savings ko ay okay lang. Mas mahalagang maginhawaan naman siya sa ganitong panahon. “Napaka-cute niya kahit noong sanggol pa lang. Pero talagang mas maraming namana kay Ruby,” natatawang komento ni Ma’am Kristina. Nilabas ni Tatay ang photo album ni Jewel at Ruby. Hiling din kasi ito ng mag asawa. Tumawa si Tatay. “Malakas kasi ang dugo naming magaganda, Madam. Kita mo naman ang anak ko, kahit simple lang ang ayos, lumilitaw talaga ang kinang. Kanino pa ba magmamana si Jewel? Edi sa kanyang ina na.” Ngumiti si Ma’am Kristina. “Tama ka. Paniguradong paglaki ng apo natin, kasingganda rin niya ang Mommy niya. Maagang puputi ang buhok ni Nick kapag may nanligaw na,” “Ay s’yempre, ako ang unang kikilatis at magbabantay sa apo ko, Madam. Mas kilala ko si Jewel. Saka sisiguruduhin kong hinding hindi malalapitan ng kahit sino. Natuto na ako sa nanay niya. Kaya pinangako ko talaga sa sarili kong aalagaan at poprotektahan ko siya hanggang paglaki.” Natigilan si Ma’am Kristina. Pinagmasdan niya si Tatay. Nagpaypay naman ito at umiwas ng tingin sa kanya. “Overprotective ka pala pagdating sa apo, ano?” Umismid si Tatay. “Mmp? Bakit masama ba ‘yon? Sa panahon ngayon, mas maigi nang over duper protective na lolo ako kaysa naman hayaan kong may mangyaring masama sa kanya, ‘no. Lalo na, may mga taong mapagsamantala. Aabusuhin ang pagiging inosente ng tao at pagkatapos makuha ang gusto ay saka lilipad sa kung saang lumalop ng mundo para magtago. Hindi bale nang mapunta sa mahirap na tao ang apo ko. Pero kung may prinsipyo at masipag, doon na lang siya.” Suddenly, the air became awkward and thick. Napalingon nga sa amin sina Mariposa at Yandrei. Tiningnan ko si Tatay. Patuloy siya sa pagpaypay. Hindi naman niya nabanggit sa akin. O hindi ako naging sensitibo pagdating sa nararamdaman niya. Sa tingin ko tuloy, naging padalos dalos ako pagpayag na makadalaw sila rito. Parang hindi pa handa ang dalawang Partido. Nagkatinginan kami ni Yandrei. She bit her lower lip and I knew she felt that too. Unti unting sinarado ni Ma’am Kristina ang photo album. Pinapanood siya ng kanyang asawa. Binaba niya iyon sa likuran. Pinokus niya ang mata sa apo at ngumiti kahit napipilitan. Pakiramdam ko, tinutusok din ang puso ko sa nakikita kong pagkapahiya niya. “Wala rin akong ibang gusto kundi ang lumaking ligtas at protektado ang apo ko. Nakahanda akong gawin ang kahit ano, mapunta lamang siya sa maayos na katayuan. At maraming salamat sa ‘yo, Victorio. Pinaunlakan mo kaming pumunta rito. Kahit alam kong… may natatago ka pang sama ng loob kay Nick.” Binalingan ni Tatay si Ma’am Kristina. Umawang ang labi ko sa pag iba ng tono ni Madam. Tumikhim si Sir Reynald. “Don’t go that way, sweetheart.” May laman nitong warning. Hinawakan ni Ma’am Kristina ang kamay ng asawa. Niyakap din si Jewel. Nakita ko ulit ang usok ng pangungulila sa kanyang mukha. Lalo na sa mata niya. Kumintab iyon. Nalungkot. Kahit pilit niyang tunawin ang dagok na tinatabi ay hindi niya maitatago sa akin. Halos kapareho iyon ng mata ni Nanay Clara. Marunong umunawa kahit nasasaktan na. “Ayokong buksan ngayon ang usaping ito pero… pasasaan pa’t doon din ang patutunguhan nito. Malaki ang naging kasalanan ng panganay ko sa anak mo, Victorio. Pati na rin sa anak nila. Kaya… humihingi ako, kami ng asawa ko ng dispensa sa pang iiwan niya sa mag-ina.” “Ma’am…” mahina kong sambit. Ang bawat isa ay natahimik. Hindi nakakilos. Pero iba si Sir Reynald. Ang buo niyang atensyon ay binuhos sa naiiyak niyang asawa. “Babae rin ako. At may anak na dalaga. Naranasan kong magbuntis na malayo kay Reynald. Aaminin kong nahirapan din ako sa loob ng ilang buwan. Miss na miss ko siya. Pero hindi ko siya pwedeng puntahan o kahit tawagan man. At bilang babae, hindi madali iyon. Maswerte ako at tinulungan ako ng mga kaanak ko. Magkaiba nga lang kami ng sitwasyon ni Ruby. Nag aaral pa siya nang mabuntis. At kinailangang umalis ni Nick dahil nasa hindi magandang sitwasyon ang buong pamilya namin. Kumplikado ang nakaraan pero naiintindihan ko ang nararamdaman ninyo, Ruby, Victorio. Kaya sana… mapatawad niyo ang anak namin.” Ilang sandaling katahimikan ang namayani. Huminto sa pagpaypay si Tatay. Mabigat itong bumuntong hininga. “Nang malaman kong buntis si Ruby no’n, gustong gusto kong sugurin at ipanagot ang tatay ng bata. Patapos pa lang siya pag aaral. Tapos… nabuntis! Kako, baka hindi makaakyat sa stage ang anak ko dahil nga alam kong mahihiya na itong makitang malaki ang tiyan. Pero nagsumikap siya. Pinilit na magtapos para hindi masayang ang apat na taon niya sa kolehiyo. Hindi rin naman siya naghabol kay Nick. Kung hindi siguro malakas ang loob ni Ruby, baka kung ano na ang nangyari sa kanya at sa apo ko. Pero ang totoo, galit talaga ako sa anak ninyo. Kasi napabayaan ang anak ko,” “Sa tingin mo ba ay pwede pa nating maayos ang mga bata para sa apo natin?” Humugot ng hangin si Sir Reynald. Sinulyapan ako. Sa hiya, agad akong umiwas ng tingin. Para niya akong sinusuri. “Kung para sa bata, walang problema sa akin, Madam. Tulad nga ng sabi ko, magandang kinabukasan ang hangad ko kay Jewel.” Ngumiti si Ma’am Kristina. Tiningnan niya ako. My two hands clenched on my knees. Afraid to show them that I’m trembling. “Hindi ko ipagtutulakan ang dalawa, pero kung may nararamdaman pa sila sa isa’t isa… bakit hindi natin sila ipakasal na?” Mabilis akong nilingon ni Tatay. Kumakalabog ang dibdib ko. Pinapanood pa kami ng mag asawa. Napalunok ako. Hindi ko na alam kung ilang beses ko iyong nagawa habang kaharap sila. Tumikhim si Tatay. “Sa tingin ko ho ay hindi sagot ang kasal para sa kanilang dalawa,” “I agree with Victorio, Sweetheart. Marriage will only complicate their relationship. Besides, our son is not here. I’m sure may sariling plano ang anak mo.” I nodded with Sir Reynald. Hinintay kong sumagot si Ma’am Kristina. “Don’t you think it’s time for us, as his parents, to decide for his well-being, Reynald? Tingnan mo ang ginawa ng anak mo sa mag-ina niya. Apat na taon ang lumipas bago natin nalamang may apo tayo. Bakit naman hindi tayo pwedeng magdesisyon ngayon? Kung hindi naman niya tayong sinama sa desisyon niyang suportahan na ang anak niya.” “Sweetheart, iba ang usaping kasal. Dalawang tao ang involved. At pangmatagalan ‘yan,” “Kaya nga gusto silang makasal na. Dahil sina Ruby at Jewel na ang nakikita kong makakama ng anak mo hanggang pagtanda.” Tumikhim ulit si Tatay. Halos maging referee siya sa pagitan ng mag-asawang De Silva. “Mawalang galang na ho, ano? Wala namang relasyon na ang dalawa. Pumupunta lang dito si Nick para dalawin si Jewel. Hindi itong si Ruby. Hindi nila pinag uusapan ang pag aasawa. Siguro, mas maiging tutukan na lang ang pagpapalaki sa bata. Ngayon e, hindi naman ako tutol sa pagdalaw dalaw ni Nick. At nagkakakilanlan pa lang ang mag ama. Hindi ba mas mabuting doon na lang muna?” Mahinahong pinagmasdan ni Ma’am Kristina si Tatay Vic. Tumayo siya. Nilipat niya si Jewel kay Yandrei para mas makausap nang masinsinan si Tatay. Sinusundan siya ng titig ng asawa. “Victorio, hindi ko ito ginagawa para makabawi ang pamilya namin sa inyo. Ang sabi ni Ruby ay wala siyang boyfriend. Wala ring karelasyon si Nick. Pinagdudugtong sila ng anak. We are not into fixed marriage. Pero hindi mo ba naisip na ipakasal na lang sila nang mabuo ang pamilya nila? Walang tututol sa amin. Sinisiguro ko ‘yan sa ‘yo. At… aalagaan ko si Ruby bilang isang anak ko na rin.” Ang sarap puso ng sinabi ni Ma’am Kristina. Ang swerte ni Ruby sakaling siya ang maging manugang niya. Napatayo si Tatay. Ramdam ko ang tensyon at kaba galing sa kanya. “Pero ibang usapin talaga ang kasal, Madam. Nagkamali na sila noon. Ayokong maulit pa!” “Pwede pang ayusin ngayon, balae. Para sa apo natin. Ikaw yata ang hindi pumapayag dito,” Lumunok si Tatay. Sinulyapan ako. “Aba… h-hindi talaga ako papayag!” Nagulat si Ma’am Kristina. “Ayokong ipasok ang anak ko sa mundong hindi siya sigurado.” Kumunot ang noo ni Ma’am Kristina. Tiningnan niya ako. “Wala pa bang nababanggit sa ‘yo si Nick tungkol sa pagpapakasal, hija?” The base of throat hurt. My lips parted. Ayaw kong sagutin pero ayaw kong magsinungaling sa kanya. Sa huli, nagsalita ako ng totoo. “T-Tinanong na niya po ako, Ma’am. Pero…” Agad akong nilapitan ni Madam. Kinuha niya ang kamay ko. Marahang pinisil. “At last my son did the best thing! Pumayag ka ba?” Marahan akong umiling ako. “Hindi po, Ma’am.” “I understand. Nawala ang tiwala mo sa kanya. Anong sabi niya pagkatapos?” “Na pag isipan ko pa raw po bago ko siya bigyan ng sagot.” And she smirked. “That’s my son. Galing talaga sa dugo ni Reynald. You can trust him, hija. Kapag nagseryoso na si Nick, alam kong siguradong sigurado na siya. Gusto ka na niyang pakasalan. Gusto niyang mabuo ang pamilya niya.” “Kristina, hayaan mong sila ang magdesisyon. Ibigay mo na ito sa anak mo.” Pero hindi pinansin o sinulyapan man lang ni Ma’am Kristina si Sir Reynald. Nanatili siyang nakatitig sa akin. Na parang bang humihiling na pagbigyan ko na siya. Pero sa kaba ng dibdib ko, nanginig na nga ang kamay ko. Nilalamig na ako. Hindi ko siya mapagbibigyan dahil hindi ako si Ruby. At may boyfriend pa siya. At anong malay ko sa desisyon niya. Masisira ko lang ang status niya. Masasaktan ko pa ang mag anak na ito. Bumuntong-hininga ako. Yumuko. Pinagpahinga ko ang malakas na dagundong ng puso ko. Wala ring nagsalita sa kanila. Na parang isang reyna si Ma’am Kristina at siya lang ang masusunod. Pero ang reyna ngayon ay nakatitig sa akin. Hinihintay ang desisyon ko. Tumikhim ako. Sinulyapan ko si Yandrei. Ang dad niya. At si Tatay. “Ma’am… h-hindi rin po ako naniniwalang maaayos ang lahat dahil sa kasal. Wala na po kaming relasyon ni N-nick. At saka… kahit wala po akong b-boyfriend ngayon, hindi naman po ibig sabihin ay pwede na kami. Kay Jewel lang po kami nag uusap na dalawa.” “Pero inalok ka na niya ng kasal, hija. Wala bang nabago sa nararamdaman mo sa kanya? Kahit kaunti lang? Wala ka nang pagmamahal sa anak ko?” Ang lakas-lakas ng t***k ng puso ko. Nagwawala na. Gumagapang na ang pawis ko sa noo at leeg. Pati sa dibdib ko. Hindi lang sikat ng araw ang dahilan nito kundi ang tensyon ng katawan ko ay sumasagot sa mga naririnig. Hinigpitan ni Madam ang hawak sa kamay ko. “Alam kong mayroon pa. Nakikita ko sa mga mata mo. Huwag mo sanang sikilin ang sarili dahil sa galit na mayroon ka kay Nick. Handa kaming bumawi sa iyo at kay Jewel. Idadaraos natin ang kasal ninyo. Engrandeng kasal. Imbitado ang marami para malaman ng lahat na ikaw ang magiging de Silva ni Nick at pormal nating ipapakilala si Jewel de Silva. Alam kong naninibago ka lang, Ruby. Huwag ka munang sumagot agad na ayaw mo. May laman ang puso mo.” “Kristina…” marahang hinila ni Sir Reynald sa siko ang asawa. Tumikhim ito. Hinila rin ako ni Tatay sa braso. Inilayo nang kaunti. Umatras ako. Litong lito ang isip ko. Tumingala si Ma’am Kristina kay Sir Reynald. Kumapit sa balikat na tila nagsusumamo. “I want them to be with us, Reynald. I want my grandchild. I want Jewel to be with us!” “Sssh, sweetheart. Jewel is with us. Hindi naman nila tayo pinagbabawalan na makita siya,” Tumulo ang luha ni Ma’am Kristina. Napatayo si Yandrei para malapitan ang ina. Hinagod niya ito sa braso at likod. Now, Ma’am Kristina look so fragile. A very soft and wonderful woman but her heart is silently broken. Nilingon niya si Jewel. Walang kamuwang muwang sa nangyayari dahil may sariling mundo sa paglalaro. She is their princess. A gem that Ma’am Kristina wanted. Lumunok ako. “Tama po si Sir Reynald, Ma’am. Buong puso ko pong ibabahagi sa inyo si Jewel. Malaya po kayong magpaalam na pumunta rito para dalawin siya. O kami papunta sa inyo. Kahit naman po si Nick ay malaya rin. Naipasyal niya na rin kami. Bahagi rin kayo ng anak niya. Kahit walang kasal… hindi po magbabago ang magiging pasya ko. Pamilya rin kayo ni Jewel.” Malungkot man dahil sa emosyon ng ina, pinagmasdan ako ni Yandrei. She looked surprised. But more concerned towards her mother. “Pero hija… bakit mo inaayawan ngayon si Nick? Galit ka pa ba sa kanya? Hindi na ba siya makakabawi sa ‘yo?” Nagkatinginan kami ni Tatay. Para siyang may gustong sabihin pero naiipit sa lalamunan ang salita. Tiningnan ko ulit si Madam. “Hindi naman po nagtatagal ang galit ko. Naa-appreciate ko rin po ang effort niyang makabawi sa bata. Si Jewel nga po, nag uumpisa pa rin siyang tanggapin. Paunti-unti. Dahan-dahan. Sinabi ko rin po sa kanya na, baka may magustuhan pa siyang iba. Kung napapangunahan ko ang desisyon niya, pasensya na po. Pero iyon kasi ang nararamdaman ko. Kung magpapakasal kami, walang garantiya na magtatagal iyon. Paano kung magbago ang nararamdaman niya? Maaari iyon. Kasi ngayon, lahat tayo sa bata nakasalalay ang desisyon. Mapag-uusapan naman po ito nang maayos. Ang cooperation ko po makikita ninyo.” “Hindi mo ba iniisip ang sarili mo bilang ina niya?” tanong ni Yandrei. “Or you being a de Silva?” Bumuntong-hininga ako. Hindi ko alam kay Ruby pero ito ang nararamdaman ko. “Wala po akong pakielam sa apelyido ninyo. Pasensya na. Tulad ng sinabi ko, kaya kong maging ina ni Jewel nang hindi kinakasal. Kaya tumatanggi po ako. Na kaya ko nang wala si Nick… makakaya ko rin sa mga susunod na taon. Pero kung gusto niya at willing siyang tumulong, hindi ko siya tatanggalan ng karapatan. Paglaki ni Jewel, ipaliliwanag namin sa kanya ang sitwasyon. Pero ngayon po, hayaan niyong magsimula kami nang hindi nakatali. Huwag po nating madaliin ang sitwasyon. Baka sa huli… mapagsisihan natin.” “I can’t believe this.” Pinunasan ni Ma’am Kristina ang luha sa gilid ng mata. Naiiling siya. “Pinakawalan ng isang De Silva ang tulad mo. Pinakawalan ka talaga ng anak ko? I can’t believe this!” Bumuntong hininga si Tatay. Hindi niya inaalis ang paningin sa mag-anak pati ang hawak sa braso ko. “Sana ay nagkaliwanagan na tayo ngayon, Mr. de Silva. Ayaw ng anak kong magpakasal kay Nick. Kung para sa bata, sa bata lang. Hayaan na nating ganoon. Huwag na nating ihalo ang kasal. Kasi tama ang anak ko. Baka pare pareho pa nating pagsisihan.” Tila umigting ang panga ni Sir Reynald. At dumilim ang paningin nito. “If my son wants to marry your daughter, then he really wants to. Walang nagsisisi sa nagpapakasal sa isang De Silva. Baka nagkamali siya sa pag-iwan sa mag-ina niya pero mayroon siyang mabigat na dahilan. Hindi niya aalukin si Ruby nang gano’n gano’n lang. Mayroon pa ‘yan.” Bumaling siya sa akin. Naagaw ni Ma’am Kristina ang atensyon ko. “I'mreally sorry for what happened and to my behavior, hija. Sana… sana magbago pa ang desisyon mo. I really want you for my son. Kung nalaman ko lang noon… edi sana… kasama ka rin namin sa America. At hindi namin kayo napabayaan. Pwede namin kayong maimbitahan sa bahay? Gusto kong ipagluto ang apo ko.” Ngumiti ako. “Sige po.” Sinuklian niya ang ngiti ko. “Maraming salamat.” Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko nang makaalis ang mag anak. Lihim pa akong kinausap ni Yandrei bago siya huling sumakay sa sasakyan. “Pagpasensyahan mo na si Mommy. Mahilig talaga siya sa mga bata. Siguro namiss lang niyang magturo ulit eskwela. Sa kanya ko namana ang field ko. At siguro, talagang na in love siya kay Jewel. Ang cute naman kasi ng anak mo.” she smirked. “Will she be okay? Nag-alala ako pag-uwi niyo.” Nagkibit siya ng balikat. “Balitaan na lang kita. Ano bang number mo,” Nilabas niya ang cellphone. Agad ko namang binigay ang numero ko. “I’ll text you later. But I’m sure my dad will take care of mom. Nagsusungit na ‘yun kapag tungkol kay mommy. Sige na. Alis na kami.” “Ingat, Yandrei.” She giggled. “Owkay!” Siya ang huling sumakay sa likod. Ang daddy niya ang driver at nasa passenger seat naman si Ma’am Kristina. Kumaway ako. Binaba ni Yandrei ang bintana at kumindat sa akin. Tinanaw ko ang sasakyan hanggang sa mawala sa paningin ko. Inayos sa kwarto ang mga dala nilang pasalubong. Sa dami, hindi ko malaman kung saan ko ilalagak ang sandamakmak na laruan at gamit ni Jewel. Puro kanya na ang laman ng room. Doon naubos ang oras ko. Papagabi na nang tumunog ang cellphone ko. Si Nick. Tumatawag. “Hello- “What did you do to my mother?” Napaawang ang labi ko. Nagulat sa pagalit na tanong at may halong akusa. Pero hindi ko maiwasang makadama ng kalabog sa dibdib. “May nangyari ba pagkauwi nila? Hindi ako tinext ni Yandrei,” I heard his heavy sigh. “Tinawagan ako ni dad dahil pagkagaling sa inyo, hindi na siya matahan. She’s been crying for hours and my family is now worried. Dadalhin na namin siya sa ospital.” Nabitawan ko ang laruan sa sahig. Bigla ay numipis ang hangin pagkarinig ko ng ospital. “B-bakit?” “Anong bakit! Nahihirapan na siyang makahinga. At kayo ang huling nakausap ni mommy. Anong sinabi mo para mahirapan siya ng ganito, ha? Kahit si dad hindi siya mapakalma.” Umiling ako kahit hindi niya nakikita. I remember Ma’am Kristina’s emotional face. Maaayos naman siya kanina bago umalis. Pero kung ganoon, ibig sabihin, hindi niya tanggap ang naging desisyon ko. “Akala ko… okay na ang set up namin tungkol kay Jewel. Nagpaliwanag naman ako nang maayos. Hindi naman siya nagalit, e. Mahinahon pa rin. Akala ko… o-okay na,” “Is this about the wedding?” “O-oo. Kasama ‘yon. Nabanggit niya kay Tatay kanina na bakit hindi pa ituloy tayo sa p-pagpapakasal. Tumanggi kami. Pero nagpaliwanag n-naman ako… akala ko… okay n-na…” Pumiyok ang boses ko. Bumalong ang luha sa mga mata ko. Nag-aalala ako sa nangyari kay Ma’am Kristina. I know she looks fragile but I didn’t know how fragile she is. To the extent na susugurin na siya sa ospital! “Damn it!” Nick was so pissed on the line. Tinakpan ko ang bibig ko. Napaupo ako sa kama at halos mahulog sa sahig. Parang sasabog ang dibdib ko. Nilamig ko. Nanginig ang mga kamay ko. “Are you crying?” Pinunasan ko ang pisngi. “K-kumusta na siya ngayon? Nakakausap ba?” Hindi siya nagsalita. Ang tahimik din sa background niya. “Sagutin mo ‘ko, Nick!” “She’s with dad and my siblings. Tinawagan din namin sina Uncle Johann at sinabi ang lagay ni Mom. Nagdadrive ako ngayon papuntang St. Luke’s. Daanan kita d’yan. I want to see you now.” “Pero b-baka mas kailangan ka roon. I-ikaw ang panganay. S-sila muna ang unahin mo,” “Nanginginig ka. Sinong kasama mo d’yan?” “N-nasa kwarto ako. I-inaayos ko ang mga gamit ni J-Jewel…” “Malapit na ako. Don’t hang up the phone, hon.” Kinalma ko rin ang sarili. Pero kailangan kong maghanda at sasama ako kay Nick papuntang ospital. Nagsuot ako ng pantalong maong at v neck t shirt. Binaba ko ang cellphone sa kama nang hindi pinapatay ang tawag niya. Kumuha ako ng maliit na bag na paglalagyan ko ng wallet at cellphone. Dumulas pa sa kamay ko ang nahawakang box na itatabi ko sana at nabagsakan ang paa ko. “Aray!” Bagong laruan iyon ni Jewel na galing din sa Lolo at Lola niya. Umupo ako sa kama. Naririnig ko ang sigaw ni Nick. Parang galit na naman. “What happened?! Hello?!” “I’m okay.” “Dumaing ka. Narinig ko. Mag-isa ka lang ba d’yan?” Tiningnan ko ang hinlalaking daliri sa paa. Medyo namumula sa pagtama ng edges ng box pero buhay pa naman ang kuko. “Nabagsakan lang paa ko.” He sighed. “Makakalakad ka ba?” Tumango ako. “Oo,” Bumaba na ako para makapagpaalam kay Tatay. Sinabi ko ang nangyari kay Ma’am Kristina. Pinatay niya ang TV. Nagulat din sa narinig. “Papunta na po rito si Nick. Sasama po ako sa ospital para macheck si Ma’am Kristina,” Napahawak sa dibdib si Tatay. “O sige. Balitaan mo ako kung kumusta na siya. At kung mako-confine, dadalaw ako bukas din. Jusko. Kawawa naman. Baka mahina ang puso?” “Hindi ko po sigurado, ‘tay. Magtetext na lang po ako.” Naghintay ako ng ilang minuto. Nang may kumatok sa pinto, agad iyong binuksan ni Tatay. Si Nick. Na matiim ang labi at madilim ang mukha. Pero magalang pa rin niyang binati si Tatay. Hinanap ako. Si Jewel ay nakita siya at tumakbo sa kanya. “Daddy!” Tumayo ako. Kabado sa nangyari. Kabado sa nararamdaman niya ngayon. Pumasok siya. Nilagay niya ang kamay sa tuktok ng buhok ni Jewel na ang matang kasingdilim ng ulap ng bagyo ay nakatuon sa akin. Napalunok ako. Ang sabi niya, dadaan lang siya rito dahil gusto akong makita. Para makita niya kung gaano ako ka-guilty sa nangyari kay Ma’am Kristina? Natatakot na nga ako ngayon sa kanya. Baka… magalit siya. Baka sisihin niya ako. Dahil sa sinabi ko. He walked a few strides towards to where I am standing. He stared intensely on my face. On my eyes. On my cheeks. On my lips. Hindi ko na alam kung saan ako titingin dahil sa deretso niyang titig. Hinawakan ko ang mga daliri ko. Tumayo ako nang tuwid. “Umiyak ka?” Tumayo sa gilid si Tatay. Kabado rin sa nakikita sa kanya. Nanginig ang labi ko. Kaya kinagat ko. “N-nasa ospital na ba sila? Pwede ba akong sumama sa ‘yo?” Tiningnan niya ang suot ko. Siguro saka lang naisip na nakapantalon pa ako. He nodded. “Let’s go.” Kinuha niya ang kamay ko. Hinila ako palabas ng bahay. “Daddy! Mommy!” Natigilan kaming pareho sa boses ni Jewel. Nag-squat si Nick pero hindi binitawan ang kamay ko. “Aalis muna kami ni Mommy, okay? Pupunta kami sa Lola Kristina mo. Dito ka muna kay Lolo Vic. Promise me, you won’t cry, baby?” Lumabi si Jewel. Inaantok na rin. Pero nang tingnan ako, tila umulap ang mata. “Uuwi ba kayo ni Mommy pagkatapos? Wala akong akap kapag wala si mommy, e.” “Ihahatid ko rin siya rito mamaya. Pero maaga kang matulog. Pupuntahan ka namin sa room mo. You understand?” “Promise, daddy?” Hinaplos ni Nick ang pisngi niya. “Promise.” “Okay! Bye Mommy! I love you!” Her innocent voice and face made my heart calm. “I love you too, Jewel.” Nakatingin pa rin ako Jewel nang tumayo si Nick at humarang sa paningin ko. “Let’s go.” He insisted. “Alis na po kami, Sir.” “Okay, sige. Tumawag kayo mamaya.” “Opo, Sir.” Nagkatinginan na lang kami ni Tatay. Hindi na iyon nakita ni Nick dahil nauuna siya. Pero sinenyasahan niya akong tumawag sa kanya. Tumango ako. Nick drove alone. Tahimik kaming dalawa habang nasa byahe. Ang lamig ng sasakyan niya. Halos manigas ang kamay ko. Binuksan ko ang cellphone. Ang sabi ni Yandrei ang magtetext siya pero ni isang text ay wala. Hindi ko pa man din nakuha ang number niya. “Sinong tinitext mo d’yan?” Bigla siyang nagtanong kaya napaigtad ako ng lingon. “W-wala. Chinicheck ko lang kung nagtext si Yandrei. Sabi niya kasi kanina, magtetext siya at babalitaan ko tungkol sa Mommy ninyo. Akala ko… okay na siya.” “She’s emotional about Jewel. Nakita mo iyon no’ng sumugod siya sa bahay nina Dylan at Ruth.” “Pero hindi ko akalaing aabot sa pagpapaospital. Kung alam ko lang sana… sana…” “Sana ano?” Lumunok ako. Umiling din. Huli na para magsalita pa nang ganito. Wala nang magagawa ang salita kung magdahilan pa. Kaya hindi ko na iyon sinagot. Nag-ring ang phone ni Nick. Ni-loud speaker niya. “Nasaan ka na raw, Kuya?” It’s Anton. “I’m on my way. Nariyan na ba si Uncle Johann?” “Papunta na rin daw sila. Nag-aalala ngayon nang husto si Auntie Aaliyah. Pati sina Uncle Matteo at Auntie Jahcia papunta na. Tinawagan ka rin ba ni Kuya Dylan?” “Hindi. Bakit?” “Susugod din dito. Kaya bilisan mo. Nagagalit na si Dad.” “Alright. I’m with Ruby.” “Ow. Okay. Edi bilisan niyo.” May sumundot sa dibdib ko sa pagdinig ng end button ni Anton. Pati kaya siya ay masama ang loob sa akin? At halos maraming kaanak ang papunta rin ngayon sa ospital. Galit din si Sir Reynald. Natakot na naman ako. Binilisan na ni Nick ang pagmamaneho. Pagkapark niya, inalis ko ang seatbelt. Pinauna ko siyang nagbukas ng pinto at saka ako sumunod. We rode in the elevator. Mayroon siyang tinitext sa phone pero hawak niya ang kamay ko. Sumusunod lang ako sa kung saan siya tutungo. Hindi kami dumaan sa information desk. Nagtuloy-tuloy siya sa isang private room nang walang dinadaanan sa ospital. Pero may napapatingin sa amin. Baka tinext na sa kanya ang room number. Nasa labas ng room na iyon sina Anton at Yandrei. “Si dad at doctor ang tao sa loob,” Nagkatinginan kami ni Yandrei. Gusto ko siyang kumustahin. Seryoso ang mukha ni Anton. Tinanguan naman ako. “Yandrei…” tawag ko. Nick looked at me. Sinulyapan ko siya. Kumatok na ito sa pinto. But Yandrei sighed. Nakahalukipkip pero hindi masungit. “Namumutla siya, Kuya. May ginawa ka ba sa kanya?” nag-aalala pa niyang tanong. Binitawan ni Nick ang doorknob. Tiningnan ko siya. Sinuri niya ang mukha ko at inipit sa mga palad niya. Namulsa si Anton. “You’re cold.” “Hay naku. Parang walang pakiramdam.” Bulong ni Yandrei. Bumukas ang pinto. Nakita ko si Sir Reynald at doctor na babae. Pinapasok nila kami. Sinundan ako ng tingin ng dad ni Nick. Pero pagkakita sa akin ni Ma’am Kristina, bahagya siyang bumangon sa kama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD