Chapter 19

4960 Words
“Pero tapat ang Panginoon, palalakasin nya kayo at iingatan laban sa Masama.” – 2 Thessalonians 3:3 -- Chapter 19 Pearl Pinapanood ko ang paglalaro ni Jewel. Sa malawak na hardin ng mansyon nina Sir Reynald at Ma’am Kristina. Lumabas lang ako sandali para silipin siya. Kinuha na siya ng nanny. Kaya kapag narito kami ay nalilibre ako sa pag aalaga sa bata. Pinaalalahan akong pwedeng gawin ang gusto at sila na muna ang bahala sa apo. Nasa kusina ang mga Tita ni Nick. Kasama si Ma’am Kristina. Nagluluto silang tatlo. Ito rin ang unang araw mula nang makalabas ng ospital si madam na pwede nang magluto. Ang sabi ni Yandrei ay pinagbabawalan ito ng dad niya na magkikilos. Puro bed rest. Pero sa kagustuhang maipagluto si Jewel ay nagpumilit. Kaya nagkasundo silang palipasin muna ang ilang araw bago payagan ni Sir Reynald na gumalaw sa kusina. Dahil kapag sinimulan na nitong magtrabaho sa bahay, hindi na masasaway pa. Hindi kasing laki ng mansyon ni Dylan ang bahay ng mga magulang ni Nick. Pero mas modern ito. Mayroon pa raw silang glass house. Regalo ni Sir Reynald sa asawa. Na-renovate at name-maintain. Isasama ako roon ni Yandrei kapag walang pasok sa eskwela o walang trabaho. Magpapaalam siya sa mom niya. Madalas ang mag asawa lang ang pumupunta roon. Araw ngayon ng linggo. Higit isang linggo mula nang makauwi ng ospital si Ma’am Kristina. Hindi siya nagtagal doon. Pero nakadalaw si Tatay at Jewel bago siya umuwi. Binantayan ko rin siya ng isang gabi kasama si Nick. Ginawa ko sa hiling niya. Ito ay kahit hindi pabor ang kanyang asawa. Halos araw araw kaming narito. At obligado kaming dumalo tuwing linggo para sa salu-salong pamilya. Sa linggong ito, sa bahay nina Sir Reynald kakain ang mga kamag-anak. Sa susunod na linggo sa bahay ni Sir Matteo at Ma’am Jahcia. At kung susunod, kina Sir Johann at Ma’am Aaliyah na. Dahil may mga asawa na rin sina Dylan at Deanne, kasama na rin sila sa maghohost ng ganitong salu-salo. Ang ganda ngang pagmasdan ang pagiging malapit nilang mag-anak. Kaya nakikita ang closeness ng magpipinsan dahil sa sistema ng pamilya nila. Nang ipakilala ni Nick si Jewel sa kanyang mga Tiyuhin at Tiyahin, wala silang ibang tinanong sa kanya o kahit sa akin. Si Ma’am Aaliyah, nakangiti niyang binuhat ang bata. At si Ma’am Jahcia, pinugpog ng halik ang mukha nito. Pareho nila akong niyakap. Sa gulat ko, winelcome ako. Na parang legal na kaming mag-asawa ni Nick. “Oh, hindi pa ba ikakasal ang dalawang ito? Aba, anong petsa na! Unahan niyo sina Dylan at Ruth.” Inabutan ng isang basong tubig ni Ma’am Jahcia ang asawa. Sumimangot ito. Inalis ang mata sa brandy sa harap ng mesa. Ngumisi si Sir Johann. Siya iyong klase ng kuya na tila alam ang lahat ng nangyayari. Bukod kay Sir Reynald, nangingilag din ako sa kanya. “Better talk to my son first, Matt. Baka magwala iyon kapag naunang maghanda itong si Nick. Alam niyo namang atat na atat na ‘yong dalhin sa simbahan si Ruth.” “Bakit naman kasi nagmamadali? E, kasal na sila. Civil nga lang. Pero itong sina Nick at Ruby ay hindi pa. Nauna nang nagkaanak.” “Hayaan niyo silang magdesisyon. Kayo talaga. Pinangungunahan niyo. Ayan tuloy, namumula ang mukha ni Ruby.” Nakaupo ako sa sofa. Binalingan nila akong lahat. Lalo na ni Nick na nakatayo sa tabi ng malaking mesa ng library ng dad niya. Unang beses kong makaapak sa mansyon nina Sir Reynald para makilala nila si Jewel. At dito sa library, napuno ng mga De Silva. Pinakilala ang mga hindi ko pa nakikitang pinsan ni Nick. Ang sabi ko ay magiging pormal ako. Pero nang makarating ako, halos maging tuod ako sa kaba. Mahinhing tumawa si Ma’am Aaliyah. She’s graceful. Mahaba at itim na itim ang buhok. Para siyang dating beauty queen. At kapag tumatayo o umaalis, agad itong sinusundan ng malaibong mata ni Sir Johann. “It’s alright, hija. Masanay ka na sa mga Tito mong ‘yan. Ikaw ba? Kailan mo gustong makasal? This year o next year? Mapapag-usapan naman ‘yan nina Dylan at Nick. At kayo ni Ruth. Or pwede ring mauna sila. Kapag nakulitan ka sa anak ko, pwede ka nang mauna.” Uminit ang pisngi ko. Hindi ko alam kung paanong kumilos malibang hindi gumalaw. Nasa harapan ko ang mga higante sa business world! Dati sa internet ko lang nakikita. Ngayon, nakakasama ko na! Nararamdaman ko ang malakas nilang presensya. Malikot na humor. At talinong nakakatameme. Kahit pagtawa nina Sir Matteo, napapatigil ako. They are Nick’s family. His clan. I would never forget this moment even until the day I die. Never. “K-kasal po?” Tumangong nakangiti si Ma’am Aaliyah. Hinanap ko ang mata ni Ma’am Kristina. I… was advised… by her husband and son about the wedding. Para maiwasan ulit ang pagsama ng loob nito. Na kung pwede, huwag kong tanggihan ang tungkol sa usaping kasal. Hindi naman ito matutuloy kung hindi kikilos si Nick. Kumbaga, pinaintindi nila sa akin, na kapag kaharap si Ma’am Kristina, sakyan ko na lang ang topic. Iwasan kong tanggihan. Iwasan kong sabihing hindi ako payag. Wala naman daw mawawala. At si Nick pa rin ang maglalakad nito para sa amin. Ang importante ay hindi sumama ang loob ng mom niya. “May gusto ka bang wedding date? Church and venue? Pwedeng pwede ka naming tulungan. Si Deanne, maraming kakilalang couturier. Malaki at maganda ang hotel ni Yale. Kahit saan mo gusto, magagawan ‘yan ng paraan ni Nicholas. And I’m sure, Dale and Jam July can also offer their hotel too.” May pagmamalaking ngiti ang ginawad ni Ma’am Aaliyah kay Nick. “Ginulat niyo kami na may anak na kayo. At ito namang pamangkin ko, ni hindi nagsabi. Pero… huwag nating balikan ang nakaraan. Ang mahalaga ngayon, magkakasama na kayo. Nauna pa palang nagkaanak si Nick bago si Dylan, ano?” Ang matamis na tawa ni Ma’am Jahcia ang pumailanlang sa kwarto. Tinitigan ko siya. She looks so delicate. Para bang kapag niyakap ay mapipisa. Pero kapag nagsasalita, masayahin. Palaging napapalingon si Sir Matteo sa kanya. But not like her, her husband looks mysterious. Tulad ng panganay nilang si Red. Marunong namang magbiro. Siguro kapag galit ito, delubyo ang porma. Nakakalilabot. “Oo nga, ate Aaliyah. Hindi ba napikon ang pamangkin kong ‘yon sa ‘yo, Nick?” “Hindi po, Auntie. Tanggap na niya.” Nick grinned. “Kayo talagang magpipinsan. Sana huwag akong gulatin ni Red o ni Cam. Na uuwi sa bahay at sasabihing may anak na. Baka mapingot ko ang mga tainga.” “Babe, ayaw mo bang dumami ang lahi namin?” Pinanliitan ni Ma’am Jahcia ng mata ang asawa. “Sa tamang paraan, Matteo. Kaya pagsabihan mo ang mga anak mo. Kundi, tainga mo ang pipingutin ko.” Nilambing. Niyakap. At mabining hinalikan sa pisngi ni Sir Matteo ang asawa. Kahit sumimangot si Ma’am Jahcia, ang ganda ganda pa rin niya. Sa paglipas ng ilang oras, nakaramdam ako ng kapanatagan habang kasama sila. Hindi ako makapaniwala. Na may ganitong klase ng angkan. Marahil hindi ko kailangang makilala ang lahat ng may pusong pamilya. Pero ang makadalo sa tahanan ng mga De Silva… ay isang karangalan at masarap na experience na babaunin ko hanggang makabalik sa Cebu. Lumipat sa tabi ko si Ma’am Kristina. Palagi siyang nakangiti sa akin. Kaya napapangiti ako. Inayos niya ang buhok ko. Tumikhim si Sir Reynald. Kinuha ni Madam ang kaliwang kamay ko. Hinaplos at natigilan. Agad itong bumaling kay Nick. “Bakit wala pa siyang singsing, hijo? Nasaan ang engagement ring niya?” Nanigas ako. “Kristina…” malalim na boses ni Sir Reynald. “Wala pang singsing?” Pati si Sir Johann ay napabaling din sa pamangkin. Nagkatinginan kami ni Nick. Hindi na iyon sakop sa gusto nilang gawin ko. Wala akong sinagot. O kahit pantatakip. Kunot noong lumipat ang mata ni Sir Johann sa kapatid. Pinsan nila si Sir Matteo de Silva. Si Nick ang nagdahilan tungkol sa singsing. At ngayon… sa pagtakbo ni Jewel sa malawak na hardin, sa pagtili at puno ng kaligayahan habang naglalaro kasama si Joaquin, inangat ko ang kaliwang kamay. Tinitigan ko ang diamond ring sa palasingsingan ko. Sukat sa daliri. Maganda. Kumikinang palagi at pinapaalalahan akong, galing ito sa ama ng pamangkin ko. Dapat kay Ruby. Pero ito ay wala ring saysay. Kahit ito ay binili pa ni Nick para makita ng Mommy niyang walang dapat alalahanin. Na ikakasal kami. Ikakasal sina Nick at Ruby. “Huwag kang mag-alala. Walang kasal kung walang consent mo. Props lang ‘yan. Isuot mo kapag kasama si Mommy. Ayokong maospital siya ulit.” Nick said. Pagkahatid niya sa amin sa bahay ni Tatay Vic. “Magkano ang bili mo rito?” “Tsk. Mura lang.” “Baka gumastos ka pa para sa props,” “Edi gumastos. Hindi maniniwala si Mommy kung fake ang engagement ring mo. May kilala pa ‘yong kumikilatis ng alahas.” Ilang beses kong sinubukang kontakin ulit si Ruby. Minessage ko sa f*******:. Pero mangpahanggang ngayon, nakapatay ang numero. At hindi binubuksan ang social media account. Hindi na ako nakakatulog nang maayos. Pakiramdam ko… sa ginawa ko… nagkapatong-patong na ang kasalanan ko. I lied for everyone now. Unang-una kay Jewel. Tapos kay Nick. At ngayon kina Ma’am Kristina. Hindi na ako pinapatahimik ng konsensya ko. Kulang na lang ay bitayin ako sa nagawa. At gustong-gusto ko nang makausap si Ruby. Nakakagawa na ako ng makakasira sa buhay niya. Baka sa huli, magalit na siya sa akin at sisihin ako. “Perlas?” Mula sa paghilot ko ng noo, napatingin ako sa pinto. Natutulog na si Jewel. Madaling araw na pero mulat na mulat pa ang mga mata ko. Tumayo ako. Binuksan ko ang pintuan. Nag-aalalang mukha ni Tatay Vic ang nabungaran ko sa labas. “Oh, ‘tay? Bakit gising pa po kayo? May masakit ba sa inyo?” Bumuntong hininga siya. “Hindi, anak. Magtitimpla sana ako ng kape. Naririnig ko ang yabag mo kaya alam kong gising ka pa. At palakad lakad.” “Pasensya na po kayo, ‘tay. Hindi pa po kasi ako inaantok. Pero mayamaya po matutulog na rin ako,” Pinagmasdan niya ako. Sa itsura niya, tila nadagdagan na naman ang edad ng Tatay ko. Kasi hindi lang ako nag-iisip ng problema. Kundi maging siya rin. Wala nang nakakatulog sa bahay na ito. Maliban kay Jewel. Ang sabi ko sa kanya, hindi ito magtatagal. Aware si Nick na walang kasal. Alam din iyon ng ama niya. Naaawa ako kay Ma’am Kristina. Kung ako na hindi niya kaano-ano ay matindi ang pag-aalalang nararamdaman, paano pa ang sa mag-ama niya? Pero kahit anupaman ang idahilan ko, mali rin itong ginagawa ko. Sa pangatlong gabi mula nang ibigay ni Nick ang singsing, tulog na tulog ang anak niya. Naupo ako. Binuksan ko ang internet. Tiningnan ko ang website ng isang Airline. Sinipat ko isa-isa ang petsa, oras at presyo ng plane ticket papuntang Cebu. “Tay… gusto niyo po, sumama kayo sa akin ni Jewel sa Cebu? Kakausapin ko sina T’yang Adora. Pwede ko rin pong ikuha kayo ng matutuluyan doon,” Kanina ay kinausap ko siya pagkatapos naming maghapunan. “Nakapagdesisyon ka na?” Lumunok ako. Marahan akong tumango. Ayoko silang iwan. Kapag umalis ako, tiyak na maghahanap si Nick. At kapag naman patuloy kong lolokohin si Ma’am Kristina, wala na akong mukhang maihaharap sa kanya. “Marami na po akong buhay na nagugulo, Tatay. Kahit ilang beses kong isiping para ito kay Jewel at sa inyo ni Ruby… sinisikil na po ako ng konsensya ko. Ayoko na po. Hindi ko na kayang gamitin ang kambal ko.” Binitawan niya ang pitsel ng tubig sa mesa. Tinuon ang buong atensyon sa akin. Nanginig ang labi ko. Lumabo ang paningin ko. Dumating ako rito sa maynila na dala ang pangarap na makita ang Tatay at Ruby. Pero sa pagpili ko ng desisyon, parang nagkamali ako. Hindi. Nagkamali talaga ako. Tulong ang gusto kong ibigay. Hanggang sa makakaya ko. Pagbuo ng pamilya namin ang nais ko. Pero sa mga nangayari at nadatnan ko rito, mukhang malabong mangyari ang pangarap ko. “Wala po akong reklamo kung pag-aalaga kay Jewel at sa inyo ang gagawin ko rito sa maynila. Pero tatay… kahit ikaw ay namomoroblema sa akin. Imbes na gumaan ang sitwasyon, mas pinalala ko pa. At kapag nagtagal pa po ako rito, mas palalalain ko lang ang lahat.” “Hindi mo kasalanang tumulong sa kapatid mo, Pearl.” “Hindi nga po. Pero mali na, e. Hindi ko na hawak ang sitwasyon. Kumplikado na po. Si Ma’am Kristina… aasa siyang magpapakasal kami ng anak niya. Hindi naman po ako si Ruby. Hindi ako ng mommy ni Jewel. At kambal ko, maiipit siya pagbalik niya rito,” “Sa dami ng nangyayari, iniisip mo pa rin ang kalagayan ng kambal mo pagbalik niya? Gayong kung tutuusin, wala naman ito kung hindi dahil sa kanya.” “Tay… mahal ko si Ruby. Mahal ko kayo. Mahal ko si Jewel. Kahit ilang beses magkamali si Ruby, makakaya ko siyang tanggapin at ipagtanggol. Kasi magkakapamilya tayo. Iisa ang dugo natin. Pamilya tayo. Tulad kung paano magkaisa ang mga De Silva. Ganoon naman dapat ang pamilya, ‘di ba po? Nagtutulungan. Kaya dapat pagbalik niya, kapag naayos na niya ang gusot sa casino, may maayos siyang pamilyang babalikan. Nakakaratay ang maraming problema. Baka hindi makaya ng kambal ko.” “Siya iniisip mo. Sana man lang, gawin din sa ‘yo ito ng kapatid mo.” “Magagawa niya po. Ramdam kong ganoon din siya sa akin. Nararamdaman ko po.” Natahimik kami. Tumitig ako sa mesa na ang isip ay bumubuo ng desisyon. Desisyong makakapagbalik sa akin sa dati kong buhay. Ito ang tama. Ito ang nararapat. May naloko ako, oo. Pero hindi na ito magtatagal. Kung pagtakbo o pagtakas ang tawag dito, bahala na. Mahahanap at mahahanap ni Nick si Ruby. May kakayahan siya. At kung sakaling balikan niya ako. O puntahan sa Cebu… ay hihingi ako ng tawad. Pero sa ngayon, ang pinakauna kong gustong gawin ay bawasan ang pag-aalala ni Tatay. Mapapanatag siya kung nasa kina Tiyang na ako ulit. Hindi naman sasaktan ni Nick ang tatay at Jewel. Anak niya ang pamangkin ko. Maganda ang relasyon ng kanyang angkan. Panatag din ako kahit papaano. “Pero hindi kami sasama roon, anak. Kapag pare-pareho tayong umalis, hahabulin ni Nick ang anak niya. Mas maganda nang maiwan ako. Ako ang haharap. Doon ka na kina ate Adora. Ihingi mo ako ng tawad at naatrasado ang pagbalik mo sa kanila. Susubukan kong puntahan ka roon. Pagbalik ni Ruby, kami naman ang pupunta sa ‘yo.” Walang imik akong tumango. Pinunasan ko ang gumulong na luha sa pisngi. Ilang beses na rumolyo ang likidong galing sa sakit. Humahapdi ang dibdib ko. Iba ang sakit na aalis sa lugar at bahay na napamahal na sa akin. “Ihahatid ka namin hanggang airport. Huwag na tayo kumuha ng service. Baka maharang ka na naman ni Nick.” Nag-book ako ng flight. Tinitigan ko ang maamong mukha ni Jewel. I kissed her cheek and combed her shiny hair. “I’ll miss you, Jewel. Tita Pearl loves you so much. Kapag nakarating ka sa Cebu, palagi kitang ipapasyal at ipapakilala kita sa mga kaibigan ko. Kina Tiyang. Pupuntahan natin ang Lola Clara mo. Pangako. Magkikita tayo ulit.” Gumawa ako ng sulat na iiwan ko para kay Ruby. Nilagay ko sa sobre. Tinago ko sa kanyang cabinet. Pagbalik niya, kapag maayos na, sana magawa niya ang hiling ko. Hindi siya mahihirapan. Dahil ako ay buong kagalakan pang gagawin iyon. Dumalaw si Nick isang araw bago ang flight ko. Tinext niya akong pupunta siya. Pero nagulat ako na may dala siyang mga bulaklak at chocolates. Binilhin niya ang bagong damit at sapatos si Tatay Vic. At sina Dyosa, Mariposa at Gelay ay bagong bag. Umawang ang labi ko sa mga dala niya. “Nag-abroad ka ba? Ang dami mo namang… pasalubong.” Pinaupo ko siya. “Salamat dito, Mr. de Silva!” Tuwang-tuwa sina Gelay at pinagpyestahan na ang kanila. “You’re welcome. May hihilingin sana ako kung okay lang?” “Ah. Kaya pala!” Kumurap-kurap ako. Medyo namula ang tainga ni Nick sa pabirong sabi ni Dyosa. “Ano naman ‘yon, Mr. de Silva? ‘Wag mong sabihing ide-date mo si Ruby at kami muna ang bahala sa junakis niyo?” Pinanlakihan ko ng mga mata si Mariposa. “Iyon nga sana ang hihilingin ko,” I froze. He cleared his throat. Tiningnan niya ako. “Gusto kong ilabas si Ruby ngayong gabi. It’s a dinner date. Iuuwi ko rin. Siguro, mga ten o eleven? Kung pwede, pakibantayan ang anak namin.” Nakakabinging katahimikan ang sumunod. Mas nabingi ako sa lakas ng sipa ng puso ko. Kay Tatay Vic tumingin at naghanap ng sagot si Nick. Pati ang tatlo ay sa kanya rin tumutok. Tiningnan ko ang hawak na bulaklak at chocolates. Kakawala na yata ang puso ko at hihimatayin na ako. “S-sige, hijo. Pero iuuwi mo agad ang anak ko, ha? Gabing-gabi na. Hindi ka man lang nagpasabi. Nanurpresa ka pa.” Ngumisi si Nick. “Baka po kasi hindi matuloy kapag sinabi ko agad. Don’t worry po. Ligtas ko siyang iuuwi, Sir. Pangako po.” Napakamot si Tatay sa leeg. Mabagal na tumango bago ito pumasok sa kusina. Napalunok ako. Bukas na ang alis ko. Pero mukhang mas mapupuyat pa ako bago makasakay ng eroplano. Nagsuot ako ng itim na pantalon at short sleeves white top. Pinasuot ako ni Mariposa at Gelay ng black stiletto. Nilugay ang buhok ko. Mabilisang ayos sa mukha at simple ang ginawa nila sa akin. Ayokong magtagal sa harap ng salamin. Pinapanood kami ni Nick. Nakapamulsa ito at titig na titig sa reflection ko. Tahimik kaming pumasok sa isang restaurant sa The Manila Palace Hotel. Giniya kami sa pinareserve niyang VIP room. Pagpasok ko, bumungad ang dim room at may sinding mga kandila sa mesa. Yellow lights sa gilid. Pinaghila niya ako upuan. At saka sinimulan ang pormal na paghahanda ng pagkain. “Nagustuhan mo ba?” tanong niya habang ngumunguya ako ng karne. Marahan akong tumango. I didn’t even know the name of this dish. Sinasabi ng waiter pero ni spelling ay hindi ko kaya. Tango lang ako nang tango. Pero si Nick ay titig nang titig. Sumimsim ako sa champagne glass. Kaunti lang. Ang mata ni Nick ay hindi umaalis. At kapag titingin ako sa kanya, hindi pa rin umiiwas. Kinakabahan ako. Bigla, gusto ko nang umuwi at lumipad sa amin. “Bakit hindi ka nagsasalita?” Nag-angat ako ng tingin. “Ano bang gusto mong sabihin ko?” Lumabi siyang kaunti. Nagkibit ng balikat. “Ayaw mong tanungin kung bakit nandito tayo? Kung bakit kita nilabas? Wala ka bang iniisip man lang?” “Kung gano’n, bakit tayo nandito?” He smirked. “Ganyang-ganyan ang boses mo no’ng makita mo ako sa yate.” Kumunot ang noo ko. “Nick.” Nawala ang ngisi niya. “I want to take it slow. But… I don’t think we will go on that part. Gusto kong magtapat sa ‘yo,” “Ng ano?” He sighed. “Minamadali na ni Mommy ang kasal natin.” My lips parted. “Kinausap na niya ang abogado namin para mapalitan ang apelyido ni Jewel.” Nabitawan ko ang kubyertos. “Pero alam mong…” “This is getting out of my hands, Ruby. She is expecting us to get married. Wala namang problema kasi niyaya na kita. Ikaw lang ang may ayaw. Kung gusto mong manligaw ako para pumayag kang pakasalan ako, manliligaw ako. Sa akin walang problema. Kahit anong oras, papakasalan kita.” Inalis ko ang napkin sa kandungan ko. Tumayo ako. Bumilis ang paghinga ko. At hindi ko napigilang bigyan ng matalim na mata si Nick. “Alam mo naman ang desisyon ko, ‘di ba? Bakit pinipilit mong magpakasal tayo kung ayaw ko nga!” Binagsak niya rin ang napkin sa kanyang plato at tumayo. “Ano bang gusto mong gawin ko para pumayag kang magpakasal?” “Wala!” Umigting ang panga niya. “Baka gusto mo pang makagawa ako ng bagay na makapagpapayag sa ‘yo.” Para akong hinihingal sa paghinga habang nakatitig sa kanya. “Tulad ng ano? Gagamitin mo si Jewel? Ilalayo mo siya sa akin?” “Oo.” Umawang ang labi ko. “Kung gano’n, ang sama mo pala. Gagamitin mo ang batang walang muwang para makuha lang ang gusto mo. Ganoon ka, Nick?” Hindi siya nagsalita. Inabot ko ang bag ko sa upuan. “Salamat na lang sa effort sa date na ‘to at sa pagtatapat sa aking naghahanda na kayo sa kasal. Pero hindi ako magpapakasal sa ‘yo. At huwag mong gamitin ang bata. Maawa ka naman. Wala rin kaming kalaban-laban. Binuksan ko ang pinto sa ‘yo para mapalapit sa anak mo. Pero kung kaya mo akong takutin para kasal na gusto mo, kalimutan mong may anak ka. At mananatili siyang Herrera.” Malalaking hakbang ang nagawa ko palapit sa nakasaradong pintuan. Kami lang ang tao. Paglagpas ko sa kanya, hinablot niya ang siko ko at pinigilan akong mahawakan man lang ang doorknob. Pinaikot niya ang braso sa baywang ko. Hinawakan ang kamay ko. I felt his full face on my hair. Pigil-pigil niya ako. Nakatayo kami sa tabi ng kanyang upuan. “Alright, hon. I’m sorry… I don’t mean it… I won’t take our daughter away from you…” Suminghap ako. Nangangalit ang panga ko sa tindi ng galit na binuhay niya sa akin. “Kasasabi mo lang! Ilalayo mo si Jewel! Tapos…” Nilapit niya ang labi sa tainga ko. Humaplos ang mainit niyang hininga sa leeg ko. Sa balat ko. “I don’t mean it, honey. I’m sorry. I won’t do that. Nagalit lang ako,” his voice lowered down. Pero nanlabo ang mata ko. Ilang beses kong hinila ang kamay sa hawak niya. Kinuha niya ang bag ko. Binagsak niya sa mesa. Nagpumiglas ako pero hirap ang katawan ko sa lakas niya. My chin shook. My chest heaved heavily. “Magagawa mo kahit ano kasi may pera ka. Maimpluwensya ka. K-kaya kahit ayoko sa gusto mo, dadaanin mo ako sa takot. Kasi mababa ang tingin mo sa akin,” “That’s not true, honey.” Hindi ko siya pinakinggan. “Wala ba sa ‘yo ang desisyon ko? Hindi mo ako naiintindihan,” “I will understand, okay? Hindi ko sinasadya ‘yon. Wala akong balak kunin sa ‘yo ang anak natin. Hindi kita sasaktan…” bulong niya. Tuluyan niya akong nayakap at nilibing ang mukha sa leeg kong bahagyang binigyan siya ng laya. Napaiyak ako. Humikbi ako. Pero alam kong hindi lang dahil sa sinabi niya kanina at sa galit ko. Hindi lang doon ang iniyakan ko. Lahat na. Ang pagmamahal ko kina Tatay. Ang pag-aalala ko kay Ruby. Kay Jewel. Ang pagpapanggap ko. Ang problema. Ang pagod ko. At marami pa na tila pila-pila sila sa utak ko. Mahigpit akong niyakap ni Nick galing sa likod. Bumubulong siya pero wala akong maintindihan. Ang iniisip ko, aalis na rin lang ako, nadagdagan pa ba ang problema namin? Nanatili ang tuwid kong tayo. Pero para na akong tumama sa pader at pagod na pagod na. Binagsak ko ang likod ng ulo kay Nick. Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap sa baywang ko. At mas siniksik ang ilong sa leeg ko. Napapikit ako. “H-Huwag mong kunin si Jewel, please? Please, N-Nick. Nagmamakaawa ako s-sa ‘yo…” Ayokong iwan sila rito na ganito ang huling pag-uusap namin ng ama niya. Kahit nauubusan na ako ng lakas. Luluhod ako sa harapan niya at magmamakaawa. Para hindi na intindihin ni Tatay Vic ang kay Nick. Para hindi mawala si Jewel sa kanya. “Hindi ko kukunin.” Dumilat ako. Hilam ang mata ko ng luha. Lumingon ako sa kanya hanggang sa tuluyan akong humarap. “Mangako ka…” Nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha. Hindi ko inintindi ang itsura ko. Ang paglandas ng luha sa pisngi ko. Siya ang nagpunas no’n. Inipit niya ang dumikit na hibla ng buhok sa likod ng tainga ko. Nilinis niya ang iniluha ko. Hinaplos niya ang pisngi ko. “Please, Nick. Mangako ka,” Mariin niyang sinara ang labi. Tinitigan ako at nilapit ang mukha. Halos maduling ako sa pagtingin sa kanyang mata. “Nick...” Dumikit pa siya nang husto. Hustong tumatama na ang tungki ng mga ilong namin. Hustong… nararamdaman ko na ang init ng kanyang labi. “Pangako,” Lumapat ang labi niya sa akin. Hindi ko naisara ang akin. Naramdaman kong pumagitna ang labi niya sa bibig ko at saka ko sinubukan pero iba ang nagawa ko. Siniil niya ako ng halik. Halik na ngayon ko lang naranasan. Labi ng iba na ngayon ko lang naramdaman. At kahit hindi ko sinasadya, ginaya ko ang ginawa niya sa labi ko. Lumandas ang natirang luha ko matapos kong mariing pumikit. Humahampas, kumakalabog at hindi mapakali ang puso ko sa dibdib. Hindi ako nakakilos habang magkahinang ang mga labi namin ni Nick. At kahit nagkaroon siya ng laya, marahan at hindi pwersa ang halik niya. Hindi ko alam kung ilang segundo nagtagal ang paglapat na iyon. Pag-uwi ko sa bahay, hinatid pa niya ako hanggang sa kwarto. Gising pa si Tatay pag-uwi namin. Hinintay niya ako at hindi natulog. Nag-alala iyon kasi kasama ko si Nick. Wala siyang binanggit ulit tungkol sa kasal. Kung… dahil sa halik, baka ituloy na niya. Ewan ko. Magalang siyang nagpaalam kay Tatay. At tatawagan niya raw ako. Ala una nang madaling araw. Gising pa ako. Nabasa ko ang text niya. Nick: I’m sorry. I won’t do it, hon. Please stop crying Binagsak ko ang cellphone sa sahig. Hindi na ako nagreply. Sobra niya akong tinakot kanina. Pero ang halik… ang una kong halik… babaguhin na yata ang buong mundo ko. My niece’s father kissed me. We kissed. I kissed my twin’s Ex. Sa kanya, ako si Ruby. Sa kanya, hindi iyon ang first kiss namin. Pero sa akin… sa akin… Hindi ko alam kung kaninong santo ako magdarasal para makahingi ng tawad. Hiyang hiya ako. Sa sarili. At sa lahat. Tumawag ng taxi si Mariposa. Nauna nila nilabas ang maliit kong bag at sinakay doon. Ilang beses kong hinalikan sa mukha at niyakap si Jewel. Wala siyang alam. Wala kaming sinabi. Hinaplos ko ang mukha niya. Pinigilan kong umiyak dahil magwo-worry siya. “Mommy malungkot ka. Malungkot po bang pumunta sa palengke?” I even chuckled. Iyon ang pinaalam namin sa kanya. Maiiwan sila ni Gelay at Dyosa sa bahay. Kasama ko sina Tatay at Mariposa sa Airport. “I love you, Jewel. I love you so so much!” She giggled and embraced me on my neck. “Love you too, Mommy! Jollibee po, ah? Gusto ko French fries and toys!” “Alright, bibilhan kita. Love you.” isang beses ko pang paalam. Agad na akong tumayo bago pa tuluyang manghina. Iniwan ko sa kanya ang cellphone. Nakaalis ako nang hindi nakita dahil nanonood ito roon. “Mag-ingat ka, Pearl. Mamimiss ka namin.” Malungkot na paalam ni Gelay. “Salamat. Salamat sa inyo.” Niyakap ko sila ni Dyosa. Ang hirap-hirap nito. Kasing hirap noong paalis naman ako ng Cebu. Pero ang hapdi, mas masakit. Mas mabigat. Parang maiiwan ang kaluluwa ko sa maynila. Parang hindi na ako babalik pa. Hindi man ako nagtagal, pero ang nakamit ko galing dito, mabigat kong bibitbitin pag-uwi. Maaga kaming umalis. Tahimik ako habang tinatanaw ang labas ng bintana. Ilang oras pa bago ang flight ko. Maaga pa rin pagkarating ko sa airport. Mabilisan akong nagpaalam kina Tatay at Mariposa dahil bawal magtagal ang sasakyan. “Mag-ingat ka. Tawagan mo ako pagkarating mo kina ate Adora. Kontakin mo kami agad, Pearl.” “Opo, ‘Tay. Bye, Mariposa!” kumaway ako. “Ba-bye, Perlas ng Silanganan! Balik ka! Mamimiss ka namin!” Sinuklian ko ng ngiti ang sinabi niya. Mamimiss ko rin kayo. Lahat kayo. Isang nanghihinang ngiti ang huling ginawad ni Tatay sa akin. Pagkalagpas ko sa guard, nasabi kong, iiwan ko na nga ang maynila. Naupo muna ako. Hinihintay ang oras ng pag-alis. Wala akong ibang ginagawa kundi ang tumitig sa kawalan. Maingay sa loob ng airport. Maraming tao. Maraming bitbit. May nagmamadali. May busy sa cellphone. May nakikinig ng music. At may natutulog. Susubukan ko sanang umidlip pero baka maiwan ako ng eroplano. Mag-iisang oras na akong naghihintay. Inayos ko ang bag. Tiningnan ko ang monitor. May na-delay na domestic flight. Pagkauwi ko kaya roon, matatanggap ako nina Tiyang? Kumurap-kurap ako. May lalaking tumayo sa gilid ko. Mabigat na bumuntong hininga. Akala ko ay aalis din. Pero… bigla akong napalingon. Isang ngisi ang nahanap ko. Namilog ang mata ko. “Hector?” Mayroong tumakbo sa kabila ko at huminto. Umawang ang labi ko. “Anton?” He gasped for air. “Napagod ako. Kulang na yata ako sa workout.” “Anong…” “Mommy!” Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng matining na boses na iyon. Binaba ko ang bag sa upuan. Nakangiti at tumatakbong palapit sa akin si Jewel! At yumakap sa mga binti ko. Binalingan ko sina Hector at Anton. At si Jewel. Anong ginagawa nila rito? Nasaan sina Tatay? Namaywang si Anton at may tinanaw na papalapit. Ilang sandali pa ay ngumisi’t binalingan ako. Kakalas na yata ang kaluluwa ko sa katawan. Lumipat si Jewel sa ama niya at nagpabuhat. Pagbaling ko sa kanya, tila ako isang dagang nahulog sa patibong. Madilim akong tinitigan ni Nick. “Mommy? O Auntie.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD