“KONRAD! YUHUUU!” Mula sa kinatutuntungang hagdanan ni Zyren ay kitang-kita niya ang pagkagulat sa guwapong mukha ni Konrad nang makita siya nito. “Hello! Ang guwapo pa rin natin ngayon, ah. Muah! Muah!”
Hindi naman siya nito maririnig dahil nasa kabilang bahagi siya ng salaming bintana ng silid nito. Nakalimutan kasi niyang linisan iyon kahapon kaya ngayon lang niya naisipang gawin. Mataas ang bintana dahil nasa ikalawang palapag ang silid ni Konrad kaya nagpatulong pa siya sa mga lalaking tauhan doon na mai-setup ang mataas na hagdan na iyon.
Kahapon ay naitanong niya at malinaw na nasagot kung mahal ba niya ito. At masaya naman siya sa naging kasagutan niya. She loves loving him.
Binuksan nito ang bintana at galit na mukha nito ang sumalubong sa kanya. Hala, anong nangyari?
“Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo riyan? Get the hell down!”
“Pero—“
“Now!”
“Huwag mo akong sigawan! At tsaka, bakit ka ba nagagalit? Ano ba ang ginawa kong mali?”
“Bakit nandito ka sa bintana? Alam mong delikado iyan, ginawa mo pa rin!”
Mahigpit siya nitong hinawakan sa braso at pinapasok sa bintana. When her feet was finally planted on the solid ground of his room, muli na naman itong nagpaulan ng galit na sermon.
“Kung gusto mo ng mamatay, huwag ka rito sa lupain ko! At mas lalong huwag sa harap ko!”
“Bakit ka ba nagagalit? Ikaw kaya ang nag-utos sa akin na linisin itong bintana mo. At pati kisame pa nga. Tapos ngayon—“
“Bakit mo sinunod? Hindi ka ba marunong mag-isip? Nakita mo na ngang napakataas ng mga bintanang iyan, sumige ka pa rin! Paano kung nahulog ka? Common sense na lang iyon, hindi mo pa magawa!”
“Huwag mo akong sigawan!”
“Kung ganon umayos ka!”
“Maayos ako! Ikaw itong magulo ang utak! Sinabi ko na sa iyo noon na kung ayaw mong nililinis ang kuwarto mo, huwag kang mag-uutos na linisin iyon!”
“It was just a sarcastic comment!”
“Well, excuse me for taking it seriously! Hindi ko kasi alam na mali na pala ngayon ang sumunod sa mga utos ng amo ng Vallente Mansion! Kung alam ko lang, kung naging mas malinaw lang sana ang paliwanag ng isa diyan, e di sana naghihilik pa ako hanggang ngayon sa kama ko!” Nanggigigil na niya itong pinalo sa balikat. “Nakakainis ka na!”
Pinigilan nito ang kanyang kamay. Akala niya ay may sasabihin pa ito ngunit nanatili lang itong nakatitig sa kanya, halata pa rin ang galit sa guwapo nitong mukha.
Kung hindi lang kita mahal, Konrad, inihulog na kita sa sarili mong bintana!
“Sino ang nagbigay sa iyo ng hagdan na iyon?”
“Ha?”
“Sino ang nagbigay ng hagdan na ginamit mo para makaakyat ng bintana?”
“Ang mga hardinero. Bakit?”
Basta na lang siya nito tinalikuran. At dahil feeling niya ay hindi pa sila tapos sa giyera nila ay sinundan niya ito. Pagbaba ay nakita niyang nakahilera na ang tatlong hardinerong tumulong sa kanya kanina. Pati si Manang Sara ay naroon.
“Bakit hinayaan ninyong umakyat mag-isa sa bintana si Zyren?” galit na galit pa rin si Konrad habang yukung-yuko naman ang mga tauhan nito. “Hindi nyo ba naisip na maaaring mahulog siya roon at masaktan? At paano kung hindi lang siya masaktan? Paano kung namatay siya dahil sa kapabayaan ninyo?”
“Sir, wala silang kinalaman sa ginawa ko,” singit niya. “Ako ang nagpilit na umakyat doon. Dahil na rin sa utos mo.”
“Hindi kita inutusang magpakamatay!” galit din nitong baling sa kanya. “At ako ang amo dito kaya ako lang ang magsasabi kung kailan ka puwedeng magsalita!”
“Puwes, hindi ako robot! At mas lalong hindi ako utusan! Katulong lang ako dito!”
“Pareho lang iyon!”
“Hindi! Magkaiba iyon! Spelling pa lang, malayo na!” Walang kinalaman ang mga sinabi niyang iyon ngunit iyon lang ang pumasok sa isip niya na maisasagot. She was really pissed off and her mind refused to help her came up with sensible things to say. Kaya hinayaan na lang niya kung ano man ang lumabas sa bibig niya. Galit siya at wala siyang balak na pigilan iyon. “Ang hirap kasi sa iyo, Konrad, ang labo mong kausap. At kapag pumalpak ang mga tauhan mo dahil hindi nila naintindihan ang mga sinabi mo, sila pa ang sisisihin mo! And for your information, wala akong balak na magpakamatay! Naglilinis lang ako ng bintana! At bakit sila ang sinisisi mo sa pag-akyat ko roon? Sarili mo ang sisihin mo dahil ikaw ang nag-utos sa akin na linisin ang lintik na mga bintanang iyon!”
Hinintay niyang magsalita ito ngunit nanatili lang itong nakamasid sa kanya. Pagkatapos ay binalingan uli ang mga tauhan.
“Walang sinoman sa inyo ang magbibigay ng kahit na anong hagdan kay Zyren. Kung hindi—“
“Konrad—“
“Shut up, Zyren! Huwag mo akong pagmukhaing tanga sa harap ng mga tauhan ko!”
Daig pa niya ang sinampal sa narinig. Ngayon lang siya nakatanggap ng ganitong reception sa kahit na sino. At mas lalong hindi niya inaasahan na kay Konrad pa niya iyon unang mararanasan. Naiiyak na siya kaya bago pa man tumulo nang tuluyan ang kanyang mga luha sa harap nito ay umalis na siya. She ran out of the house. Nararamdaman niya ang tila mahigpit na pagpiga na iyon sa kanyang puso. She was hurt. She knew she was. At kung tutuusin, siya rin naman ang may kagagawan.
Masyado siyang naging mayabang. Palibhasa alam niyang maluwag sa kanya si Konrad at hinahayaan lang siya na sagut-sagutin ito. This time, though, masyado na siyang nakialam. Pero…masakit pa rin sa dibdib niya ang nangyari. ‘Yun bang tipo ng sakit na hindi kayang pawiin ng tsokolate at koreanovela.
Pagdating sa gate ay hinarang siya ng mga guwardiya. “Pasensiya na, Zyren. Utos ni Sir na huwag kang hayaang makalabas.”
“Umalis na ako sa trabaho ko. Ayoko na dito. kaya palabasin na ninyo ako kung ayaw ninyong sampahan ko kayo ng kasong illegal detention.”
Halatang nagulat ang mga ito sa sinabi niya. Gayunpaman, hindi pa rin siya hinayaan ng mga itong makalabas. Handa na siyang magwala nang marinig ang boses na iyon ni Konrad. Sumunod pala ito sa kanya. Pinahid niya ang namumuong luha sa kanyang mga mata pero hindi pa rin niya ito nililingon.
“Saan ka pupunta?”
“Bakit ko sasabihin? Magre-resign na ako kaya hindi mo na ako puwedeng utusan.”
“Tinatanong lang naman kita.”
“Kung ganon, ayokong sumagot.”
“Zyren.”
“Zyrena,” pagtatama niya. “Mga kaibigan ko lang ang pinapayagan kong tawagin ako ng Zyren.”
Narinig niya itong napabuntunghininga. “Hindi ko sinasadyang masigawan ka kanina. Nabigla lang ako. At…masyadong nag-alala nang makita kita sa labas ng bintana ng kuwarto ko.”
Natigilan siya. Nag-alala? Nag-alala lang ito kaya ito nagalit nang ganon? Well, may mga naririnig nga siya na minsan dinadaan na lang ng ibang tao sa galit ang tindi ng pag-aalala nila sa isang tao. Ganon din kaya si Konrad?
“Nag-alala akong kung hindi kita agad nakita doon, baka kung ano na ang nangyari sa iyo.”
Hinarap na niya ito. Wala na kahit bakas ng galit sa mukha nito. Bagkus ay pagpapakumbaba at pagpapaumanhin ang makikita sa mga mata nito. And he was just so cute looking like a wounded puppy! Natunaw na naman ang puso niya.
“Sorry.” Iniabot nito sa kanya ang isang panyo. “Huwag ka ng umalis.”
Aaww, you cute thing! I’ll forgive you because you’re so cute!
Sa isang salita, mahal na niya itong muli. Mas higit pa nga ngayong ipinakita nito na kaya rin nitong bumaba sa pedestal na kinaroroonan nito para sa kanya.
“Huwag ka sa akin mag-sorry kundi sa mga tauhan mo.”
“Nagawa ko na. Aalis ka pa rin ba?”
Parang gusto yata niyang magpakipot ng konti. “Anong gagawin mo kung aalis nga ako?”
Saglit itong natigilan. Hindi niya mapigilan ang mapangiti. napansin niya ang kislap na iyon sa mga mata nito. Mukhang na-gets na rin nito na nakapagpatawad na siya.
“Pipigilan mo ba ako?” tanong niya.
“Oo,” anito sabay talikod pabalik ng mansyon. Muntik na siyang magtatalon sa tuwa kung hindi lang niya narinig ang sumunod nitong sinabi. “Para lang ipaalala na kunin mo muna ang suweldo mo kay Manang Sara bago ka umalis.”
“Ganon?” Pang-asar pa rin talaga ang lalaking ito. But she wasn’t about to complain. It was enough that he had asked her to stay. Sinundan niya si Konrad. “Sorry din, ha? Nakalimutan kong katulong pa rin pala ako rito kaya hindi kita dapat pinagsasalitaan sa harap ng mga tauhan mo.”
“You sound like you’re not one of them.”
Naitikom niya nang wala sa oras ang kanyang bibig. “E…”
“Bumalik ka na sa trabaho mo.”
“Yes, Sir.” Nauna na siya rito.
Pero nakakailang hakbang pa lang siya nang muli niya itong balingan. Gusto pa niyang baunin ang alaala ng guwapong mukha nito bago siya magtrabaho. Ah, there it was. The face of the man she had fought with, make up with, and fallen inlove with.
“Konrad.” Naglalakad siya ng patalikod dahil ayaw pa niyang mawala ito sa kanyang paningin.
“Zyren.”
Napangiti na lang siya. Then she ran inside the house. She never felt this good her whole life. And she never thought na iisang lalaki lang pala ang kailangan para maramdaman niya iyon. Nice.