INILAPAG NI Zyren ang inumin ni Konrad sa mesita. “Your juice, Sir.”
Siya na ang nag-volunteer na magdala ng inumin nito sa patio. Narinig kasi niyang nag-utos si Manang Sara at nagkataon namang napadaan siya sa kusina. Pagkatapos ng magulong eksena kaninang umaga, naging mas maluwag at tila mas magaan ang pakiramdam ng bawat isa. Walang nagbabanggit ng tungkol sa mga pangyayaring iyon subalit may kutob siyang ang paghingi ng paumanhin ni Konrad, na hindi inaasahan ng mga tauhan nito, ang dahilan ng magandang mood ng lahat sa mansyon na iyon.
Hindi nito ibinaba ang binabasang diyaryo. “Nagtatampo ka pa rin ba hanggang ngayon?”
“Sir?”
“Napansin kong kanina ka pa walang ganang makipag-usap sa ibang katulong.” Inilipat nito ang pahina ng binabasa.
Busy kasi ako sa pangangarap. “Tinatamad lang siguro akong makipagkuwentuhan, Sir.”
“Dahil pa rin ba sa mga nangyari kaninang umaga?”
“Wala na sa akin iyon, Sir.”
“Kung ganon bakit nakasimangot ka pa rin?”
“Paano mo namang nalaman na nakasimangot ako?”
Hinawi nito ang diyaryo at tiningnan siya. “I can see.”
Aha! Kung ganon ay kanina pa siya nito pinagmamasdan. Ayos ‘to! Naisip niyang mag-inarte para mas lalo siya nitong pagtuunan ng pansin. Pinalungkot pa niyang lalo ang kanyang mukha.
“Wala naman, Sir. Medyo…iniisip ko nga ang nangyari kanina. Sa tanang buhay ko kasi, wala pang lalaki ang nakakapagpaiyak sa akin. Ikaw pa lang.”
“Bawal ang nakasimangot dito. Ako lang ang may karapatang sumimangot.” Ibinalik na lang nitong muli ang pansin sa binabasa. “Get me some flowers.”
“Flowers?”
“Bulaklak.”
“Alam ko kung ano ang flowers. Pero ano ang gagawin mo sa mga iyon?”
“Ako na lang ang bahala. Bilisan mo na.”
Nagdadabog siyang nagtungo sa hilera ng mga naggagandahang mga bulaklak sa hardin na iyon.
“Asar! Hindi man lang pinatulan ang pa-awa effect ko. Akala ko pa naman kaya siya nagtatanong ay dahil concern siya sa akin. ‘Yun pala…gusto lang niya akong papitasin ng mga bulaklak!” Sa asar ay basta na lang niya pinagpuputol ang mga bulaklak. Hindi rin niya inintindi na tumatama na iyon sa kung saan-saan kaya nagkakalagas-lagas na ang mga petals.
Pagbalik niya kay Konrad, mukhang lantang gulay na ang mga bulaklak.
“Kumuha ka uli.”
“Ha?”
“Kumuha ka uli ng mga bulaklak. Ayusin mo na dahil kapag hindi ko pa iyon nagustuhan ay ipapaulit at ipapaulit ko lang iyon sa iyo kahit makalbo pa ang buong garden.”
Nagdadabog na naman siyang bumalik. Pero dahil sa ayaw na rin naman niyang umulit ay inayos na niya ang pagpitas.
“O,” alay niya rito ng mga bulaklak. “Magsawa ka.”
“Take it,” wika nito na hindi pa rin inaalis ang mga mata sa binabasa.
“Ha?”
“Take it. Its yours.”
“Para…sa akin ang mga ‘to?”
“Oo.”
“Bakit?”
“Because I made you cry,” kaswal nitong sagot. “And I want to apologize for that.”
Pakiramdam niya ay nilayasan siya ng lahat ng kanyang body senses. She couldn’t feel anything except for the heavy beating of her heart as she looked from the flowers to Konrad and vice versa.
“Konrad…”
“Yeah?”
Mahigpit niya itong niyakap mula sa likuran nito saka mabilis na tumakbo pabalik sa loob ng mansyon. Napasandal siya sa likod ng pinto ng maids’ quarters kung saan siya nagkulong. Hindi na kasi niya matiis ang tindi ng emosyong nararamdaman niya kaya nayakap niya nang wala sa oras ang binatang amo.
“s**t…” Tutop ang dumadagundong na dibdib, pinagmasdan niya ang mga bulaklak. Hanggang sa hindi na niya mapigil ang nararamdaman at malakas siyang sumigaw.