NAKAPLASTER PA rin ang ngiti sa mga labi ni Zyren habang magkasabay silang naglalakad ni Konrad paakyat ng grand staircase.
“Sir, anong gamit mong pabango?”
“Bakit, hindi mo pa ba alam? Hindi ba’t nagamit mo na iyon?”
Aba, ang taray ng lolo mo! “Pasensiya na, Sir. Kanina pa kasi tayo magkasama pero hindi tayo nag-uusap.”
“Wala namang importanteng dapat pag-usapan.”
“Meron. Salamat nga pala sa pagpapasakay sa akin sa kotse mo.”
He gave her a sideway glance. “You did hate your former boss, didn’t you? Kaya hindi mo ako magawang igalang.”
Ops. Ngayon na lang din niya napansin na hindi niya ito gaanong nabibigyang galang bilang amo. Kasi naman, hindi naman talaga amo ang tingin niya rito.
“Sorry ho.”
“Don’t. Not unless you mean it.” He opened his room and walked in. Nakakunot ang noo nito nang harapin siya. “Bakit nandito ka?”
“E, di ba, Sir, ihahanda ko ang pampaligo mo?”
“Hindi na kailangan.” Nagtungo na ito sa closet at pagkatapos ay dumiretso sa banyo. “Bumalik ka na lang sa baba.”
“Sir, baka may gusto pa kayong iutos. Tutal naman nandito na ako.”
“Iniuutos kong bumalik ka na sa baba.”
Bubulong-bulong na lang siya habang naglalakad palabas. “Pambihira ka naman. Pinasunod-sunod mo ako rito tapos pabababain mo rin pala ako. Mabuti sana kung madaling umakyat ng hagdan na iyon.”
“May sinasabi ka?”
“Wala ho!”
Nagulat siya nang malakas na lumapat ang binuksan niyang pinto. Konrad had pushed it closed and was now standing right beside her, wearing only his bathrobe. s**t! Wala bang towel scene uli?
“May problema ka ba sa akin, Zyren?” tanong nito. “Dahil kung may problema ka, sabihin mo lang.”
“Wala nga ho.”
“Talaga?” He had put his hands on his robe’s pocket and moved even closer. Nasamyo na naman niya ang bango nito at parang gusto na niyang mawala sa kanyang sarili. Tila kasi inaakit siya ng amoy nito. “Let’s clear something here. Ako ang amo dito at katulong ka lang. Wala kang ibang gagawin kundi sundin ang utos ko. Kaya kapag sinabi kong bumalik ka na sa baba, bumalik ka sa baba.”
“Ano pa nga ba ang ginagawa ko? Ikaw lang naman diyan ang malabong kausap. Sinabi mo kanina na ihanda ko ang pampaligo mo pero ayaw mo naman nang sundan kita rito. Tapos ngayon, gusto mo akong umalis pero pinipigilan mo naman ako. Ala-eh, ano ba talaga, Kuya?”
“Hindi kita pinipigilan.”
“Bakit nakaharang ka sa daanan ko?”
Halatang nagulat din ito sa kinaroroonan nito kaya mabilis itong umalis doon at nagtungo ng muli sa banyo. “Huwag kang gagawa ng ingay paglabas mo. Kung hindi ay ihahagis kita sa hagdan.”
Napanguso na lang siya nang tuluyan itong makapasok ng banyo. Antipatiko. Pasalamat ka at gustung-gusto kita dahil kung hindi, ako ang maghahagis sa iyo sa hagdan. She was about to exit when Konrad blindly threw his clothes to the bed. Hindi nga lang umabot ang mga iyon sa kama kaya nilapitan niya iyon upang ipatong sana sakama nang may kung anong mahulog mula roon. Dinampot niya ito at namilog ang kanyang mga mata nang makitang D&G brief na ng binata ang hawak niya. Napalunok siya.
Is this really it? Parte pa rin ba ito ng kapalaran ko? Anak ng teteng! Inuulan siya ng biyaya kung ganon! Subalit bumukas ang pinto ng banyo at lumabas si Konrad na maiksing towel na lang tumatakip sa kahubdan nito. Dahil sa gulat ay naitakip niya sa mata ang brief na hawak. Na agad din namang naglaho sa mga kamay niya nang hablutin ito ng binata.
“Linisin mo ang mga bintana,” utos nito. “Pati ang kisame—“
“Sir, wala akong ginagawang masama!” mabilis iyang paliwanag nang hindi pa rin dumidilat. Ibinaling pa niya kanyang mukha sa kabilang panig. “Aayusin ko lang sana ang mga gamit mo nang makita ko iyon. Sorry, sorry.”
“Look at me when you’re talking to me.”
“Hindi puwede ngayon, Sir.”
“Hindi puwede ngayon?”
“Ayoko hong magkasala. Masyado pang maaga.” Katahimikan na ang sumunod. “Sir?”
“You can open your eyes now. Naka-bathrobe na ako.”
She did. Naka-bathrobe na nga uli ito. Ngayon naman ay parang gusto niyang manghinayang. Gaga talaga siya minsan. Pakunsuwelo na lang na tila ba may namamataan siyang amusement sa mga mata nito.
Amusement?
“Ang kulit mo talaga. Ilang beses ko ng sinabing ayoko ng maingay. At hindi ba’t kanina pa kita pinalabas? Bakit nandito ka pa rin?”
“E…nakita ko ho kasi na nagkalat ang mga hinubad mong damit. Naisip ko lang na iligpit since lagi mong sinasabi na ayaw mo rin ng makalat at marumi.”
He picked up his clothes and gave it to her. “I can take care of my own mess if I wanted to. Tatawagin kita kung kailangan.”
“Yes, Sir.” Kinuha na niya ang mga damit nito. “E, Sir…’y-yung ano, ahm…’yung ano mo—“ Agad nagsalubong ang mga kilay nito at inayos ang ibabang bahagi ng suot na bathrobe. Kahit siya ay gustong mapahiya sa double meaning ng kanyang mga sinabing pautal. “Ang ibig kong sabihin, ‘yung brief mo, Sir—“
“Lubayan mo ang brief ko!”
“Sabi ko nga.” Mabilis na siyang tumayo. “Huwag ka naman masyadong highblood. Para concern lang naman ako sa brief mo—“
“Zyrena!”
“Zyren na lang, Sir.” Nagmamadali na siyang nagtungo sa pinto. Ngunit bago tuluyang lumabas ay nakangiti niya itong nilingon muli. “Para cute. Tulad ko.”
“Out!”
“Oo na po!” Natatawa na lang siya nang tuluyan na rin itong iwan. “Oh, my poor bebeh! Don’t worry, pakakasalan kita sa lahat ng simbahan…ng Metro Manila.”
Hmmm, ano pa kaya ang puwede niyang gawin para muling makita si Konrad nang araw na iyon? Dalawang araw pa lang kasi siya doon ay napansin na niya agad na habit na nitong magkulong sa may kadiliman nitong silid pati na sa study room na laging patay ang ilaw.
“Zyrena, nagpang-abot na naman ba kayo ni Sir Konrad?”
“Naku, hindi ho, Manang Sara. Talaga lang ho high-pitched iyong amo natin. Excited kasi yata lagi kapag nakikita ako.”
Napailing na lang ito nang kunin sa kanya ang damit ni Konrad. “Hindi ko alam kung susuportahan ba kita sa ginagawa mo sa kanya o pipigilan.”
“Wala naman ho akong ginagawang masama.”
“Wala nga siguro. Dahil hanggang ngayon, hindi ka pa rin pinapalayas ni Sir Konrad.”
“Actually, pinalayas na niya ako, eh. Kahapon. Naliwanagan lang siguro ang isip niya kaya siya na rin ang bumawi ng hatol niya.”
“Hindi ka talaga katulong, ano?”
“Ho?”
“Walang katulong na aasta ng ginagawa mo sa harap ng kanilang mga amo.” Inayos na nito ang mga damit. “Kung ano man ang dahilan ng pagpunta mo rito sa mansyon, ituloy mo lang iyan.” Nilingon ng mayordoma ang ikalawang palapag ng bahay, kung saan isa sa mga silid doon ang kuwarto ni Konrad. “Matagal-tagal na rin na panahon mula nang makita ko siyang nagkaroon ng buhay.”
“Manang Sara?”
“Ah, wala iyon. Kalimutan mo na lang ang mga sinabi ko. Sige na, gawin mo kung ano pa ang ipinagagawa niya sa iyo.”
Batid niyang may laman ang mga sinabi nito. Bagay na may malaking kinalaman kung bakit laging aburido sa buhay ang kanilang amo. And she’d like to find that out. Soon, as much as possible.
“Saan kaya ako makakakuha ng panlinis sa bintana. Kailangan ko hong linisin ang mga bintana ng kuwarto niya, eh.”
“Bintana ng kuwarto niya?”
“At tsaka kisame daw po.”