Chapter 6

2120 Words
INIWAN ni Aniya si Nash sa couch nang makatulog ito. Mabuti may lababo sa loob ng island counter. Doon siya naghugas ng platong ginamit niya. Pagkuwan ay bumalik na siya sa kaniyang trabaho. Uminom muna siya ng kape bago hinarap ang tatlo pang kuwarto. Nagpaparamdam na naman kasi ang kalaban niyang antok. Ayaw niyang umasa na tutuparin ni Nash ang sinabing pauutangin siya. Baka kasi nadala lang ng kalasingan ang binata at kinabukasan ay hindi na siya maaalala. Pero nakahanda naman siyang tanggapin ang pautang nito sakaling maalala nito. Alas-tres ng madaling araw na siyang nakarating sa ospital kung nasaan ang kaniyang ina. Si Aleng Koreng ang nagbabantay sa nanay niya. Nakatulog ang ginang sa bench sa may gilid ng pintuan. Mayroon silang kasamang ibang pasyente sa kuwarto pero may harang naman na kurtina sa gitna. Iisa nga lang ang pintuan. Nagising si Aleng Koreng nang maramdaman ang presensiya niya. “Nariyan ka na pala, Aniya. Matulog ka na muna. Mamayang alas-singko na ako uuwi pagdating ni Anding,” sabi nito. Tumayo ito at lumipat sa silya katabi ng higaan ng kaniyang ina. “Sige ho, salamat. Humiga na siya sa bench na inalisan nito. Mabuti may sandalan ito at medyo malapad. Napalitan na ang nauna na walang sandalan. Tulog pa ang kaniyang ina. “Nagising ang nanay mo kanina at hinanap ka. Sabi ko naman ay nasa trabaho ka pa,” ani ni Aleng Koreng. “Kumusta na raw po si Nanay?” pagkuwan ay tanong niya. “Ayon, maayos naman siyang nakakausap kaso nanghihina pa. Wala pang desisyon ang doktor kung kakailanganin bang operahan ang nanay mo. Sa ngayon ay may ginagawa silang proseso upang matugunan ang kailangan ng nanay mo.” Nanlumo siya. Idinadalangin niya na sana ay kaya pang pagalingin ng gamot ang kondisyon ng kaniyang ina. Mabigat ang operasyon. “Salamat po sa tulong ninyo. Kung wala kayo, baka hindi ko na kayanin,” emosyonal niyang wika habang nakahiga na nang patagilid. “Wala iyon. Alam mo namang kapatid na rin ang turing ko sa nanay mo. Napakabuti niyang tao. Noong ako naman ang may problema ay malaking tulong na nariyan siya. Sige na, matulog ka na nang makabawi ka ng lakas. Kahit tanghali ka nang magising.” Pipikit na sana siya nang maalala ang naisip niyang plano tungkol sa pagbebenta ng kakanin sa ospital. “Siya nga pala, Aling Koreng, puwede po ako magbenta ng mga kakanin mong paninda sa ospital?” aniya. “Aba, mabuti na isip mo iyan. Walang problema. Pero papayag naman kaya ang ospital?” “Kakausapin ko na lang po ang namamahala sa food center. Baka kung puwede akong mag-iwan doon ng kakanin para ibenta.” “Sige. Mas mainam kung makausap mo ang in-charge sa food center. Baka kasi hindi puwede. Puwede ka nga ring makiusap sa canteen ng school ninyo kung maari ka ring maglagay ng kakanin doon.” “Oo nga po!” Napaupo siya. Bakit ba hindi niya naisip iyon? Iba-ibang tao naman ang nagbabagsak ng paninda roon sa canteen. Bawal lang doon ang mga unhealthy food. “Mas maganda sa school kasi maraming estudiyante. At saka mayayaman karamihan sa nag-aaral sa Dela Rama.” “Oo nga po. Salamat at naisip niyo iyan. Malaking bagay rin na makabenta tayo roon.” “Sige, ganito na-lang, bababaan ko ang presyo ng kakanin ng dalawang piso. Tapos ay tutubuan mo ng limang piso kada-isang item. Para naman makaipon ka kahit pabarya-barya. May pursiyento rin siyempre ang canteen doon.” “Opo, meron kaya maganda ang naisip ninyo.” “Eh kailan ka ba magsisimula sa pagbebenta?” “Kakausapin ko po muna ang in-charge sa canteen ng school at sa ospital.” “Sige. Sabihin mo lang sa akin kapag puwede na.” “Opo. Salamat po talaga!” “Oh siya, matulog ka na.” Malapad siyang ngumiti saka humigang muli at mariing pumikit. Hindi na rin niya matiis ang kaniyang antok at pagod. Pasado alas-nuwebe nang nakapasok sa school si Aniya. Hinintay kasi niyang magising ang nanay niya at nakausap. Nakausap din niya ang doktor. Natutuwa siya dahil hindi na muna mao-operahan ang nanay niya. Oobserbahan pa raw ito kung makakaya ng gamot at healthy lifestyle ang karamdaman nito. Tumaba kasi ang nanay niya at marami na ring karamdaman. Kahit late na sa unang subject ay pumasok pa rin siya. Mabuti nakatulog siya ng limang oras, mas mainam kumpara sa apat o tatlong oras na hindi pa diretso. Pero lutang ang isip niya habang nasa harapan nila si Dr. Librada. May warning na siya rito dahil sa grado niya na malapit nang mahulog mula sa limitasyon nito. Dapat hindi bababa sa eighty-five percent ang grade niya kung hindi ay malabo siyang makapag-OJT sa California. Sagot pa naman ng paaralan ang gastos doon. Kumislot siya nang sikuhin siya ni Sunshine na nakaupo sa gawing kaliwa niyang silya. Nahimasmasan siya. “Lutang ka na naman. Maghanda ka dahil may oral exam tayo mamaya. Alam mo naman na tamad magsulat si Doc. Ihanda mo na ang isasagot mo,” bulong nito. Ang problema niya ay hindi pa niya nare-review ang nakaraang lesson nila sa subject na iyon. Hindi kompleto ang notes niya. “Pahiram ng notes,” aniya. “Heto.” Inabot naman nito sa kaniya ang notebook nito. Habang nagsasalita si Dr. Librada ay nagre-review siya. Kasama rin sa exam nila ang kasalukuyang tinatalakay. Mabilis lang naman siyang makakabisado ng mga aralin, basta naka-focus lang siya at walang distraction. Ginawa niyang motivation ang sitwasyon nila ng kaniyang ina. Hindi maaring babagsak siya sa kahit isang subject. Hindi man siya kasing talino ng iba, taglay naman niya ang determinasyong makatapos sa kursong kinukuha niya. Naniniwala siya na walang imposible basta may pananalig sa Diyos. Bago ang oral exam ay puspusan ang pagdadasal niya habang nasa isip ang mga isasagot niya. And she made it! Nasagot naman niya lahat ng tanong ni Dr. Librada. May dalawang sagot lang siya na hindi sigurado. Nagtuluy-tuloy ang sigla niya hanggang sa matapos ang klase sa araw na iyon. As usual, diretso siya sa ospital upang magtrabaho. Sa araw na iyon niya makukuha ang kaniyang suweldo, at sa gabi naman ang suweldo niya sa hotel. Kuwentado na niya lahat ng susuwelduhin niya. Nasa minimum wage naman ang suweldo, kung may bawas man, iyong late at under time lang. Wala naman siyang absent. No work no pay kasi. Inaasahan na niya na mababawasan ang sahod niya sa ospital dahil nakatulog siya noon. Pero laking gulat niya nang matanggap ang buo niyang sahod sa kalahating buwan. Paano nangyari iyon? Nahuli siya ni Ate Glenda na nakatulog, at saka makikita rin iyon sa CCTV. Saktong seven thousand ang sahod niya. “Ate Glenda, hindi n’yo ho ba ako naireport sa admin noong nakatulog ako?” tanong niya sa OIC nang magkita sila sa lounge. Break time nila noon. Nagpapalit ng blouse si Glenda. “Ah eh kasi useless kung isusumbong kita,” anito. “Bakit naman?” “Hindi rin naman ako pakikinggan ng admin. Nakita naman nila na maayos kang magtrabaho at kahit lagpas na sa oras ay hindi mo iniiwan ang trabaho mo,” anito. Himala. Bigla ata itong bumait sa kaniya. Dati ay konting kebot gusto siyang isumbong sa admin. Natuwa naman siya sa sinabi nito. “Ganun ba? Salamat, Ate. Malaking bagay na nakuha ko nang buo ang suweldo ko ngayon.” “Pasalamat ka kasi may mabait na concern sa iyo. At saka siguro naawa rin ang admin kaya pinalagpas ang violation mo. Basta sa susunod, huwag ka nang matutulog. Kung hindi mo na kayang magtrabaho, magsabi ka lang nang pauuwiin kita.” Pumalatak na ito. “Sige po. Sorry kung minsan dahil sa akin ay nalalagay rin sa alanganin ang trabaho ninyo.” “Nako! Wala iyon. Naintindihan ko naman ang sitwasyon mo. Pero bata ka pa, huwag masyadong masipag. Sakto lang dapat. Ang batang masipag, tiyak na pagod paglaki.” Natawa siya. In fairness, nabibiro na rin siya nito. Lalo siyang ginanahang magtrabaho. Naging productive siya sa araw na iyon. At himala na hindi siya inantok pagsapit ng alas-sais ng hapon. Pagkatapos niyang maglinis ng palikuran ay naglampaso naman siya sa sahig ng food center. Mga empleyado lang naman karamihan sa kumakain doon. Ginutom siya bigla. Konti lang kasi ang nakain niya ng tanghali at ang ulam lang niya ay tortang talong na binili nila ni Sunshine sa karinderya. Katulad niya ay scholar si Sunshine at hindi rin kayang suportahan ng magulang dahil umaasa lang din sa maliit na kita. Tricycle driver ang tatay nito at labandera naman ang nanay. Ang panganay na kapatid nitong lalaki ay nag-aaral din ng college sa kursong engineering at kaklase ni Jonie. Scholar din ang kuya nito. May dalawang kapatid pa itong lalaki na nag-aaral ng high school. Pero sa katalinuhan, humahanga siya kay Sunshine. Mula elementary ay nangunguna ito sa klase. Ito ang pinakamatalino sa batch nila, pangalawa si Melbert. Si Melbert naman ay anak ng retired high school teacher. Doktor ang tatay nito kaso maagang namatay dahil sa road accident. Tatlong magkakapatid sina Melbert, at ito ang bunso at nag-iisang lalaki, este binabae. Parehong guro na rin ang dalawang ate nito at may sarili nang pamilya. Sinuwerte siya sa mga kaibigan. Nakaka-motivate ang katalinuhan ng mga ito. Sabi nga, nakahahawa raw ang kasipagan sa pag-aaral, kaya kumapit siya sa mga ito. May maibubuga rin naman siya pagdating sa klase. Favorite subject niya ang science at Math. May honor din naman siya noong high school, fourth honorable mention. Hindi na masama. Minsan lang talaga ay lutang ang isip niya dahil na rin sa puyat. Pero kung pag-aaral lang ang pinagkakaabalahan niya ay kaya niyang makipagsabayan kina Sunshine at Melbert. Kung tutuusin ay mas matanda siya ng dalawang tao sa mga ito. Nag-aral kasi muna siya sa TESDA bago kumuha ng pre-med course. Malayo ang nararating ng isip niya habang nagma-mop ng sahig. Mamaya ay natigilan siya nang may masundot ang mop niya sa ilalim ng lamesa. Napangiwi siya nang mahinuha na may nakaupo pala sa lamesang iyon. Hindi lang basta ibang tao, kundi ang anak ng presidente ng ospital. Ang weird lang. Bakit palagi na lang sila nagkikita ni Lucian? Minsan sa hindi magandang tiyempo pa. Given nang sa iisang school sila nag-aaral at sa iisang ospital nag-re-report kaya posible talagang magkikita sila araw-araw, pero iba ang pakiramdam niya sa tuwing nagkukrus ang landas nila. Parang may something. “Ano’ng something?” tanong niya sa kaniyang sarili. “Pakitingnan naman ang nililinis mong sahig,” masungit na sabi ni Lucian. “Sorry, sir. Hindi kasi kita napansin,” nakangising sabi niya. “Sa laki ko’ng ito, hindi mo ako nakita?” may sarkasmong untag nito. Napalis ang ngiti niya. “Kasi ho…” “Palagi kang may dahilan. Ayaw ko na ganiyan ka rin sa ibang area na merong tao. Nakakabastos ang ginagawa mo. And make sure that you didn’t use that mop in the toilet.” Napatda siya. Lalong nagsungit ang binata. “Nako! Hindi naman po, sir. Ibang mop po ang ginagamit naming panlinis sa toilet.” “Then, pakiayos ang trabaho mo.” Bumaba ang timbre ng boses nito. Tumayo na ito at iniwan ang pagkain. “And please stop calling me sir?” pahabol nito bago tuluyang umalis. Natulala siya habang sinusundan ito ng tingin. “At ano naman kaya ang itatawag ko sa kaniya? Ma’am?” pilosopong anas niya. Napalingon siya sa kaniyang likuran nang may sumitsit doon. Si Tana pala, ang food server doon. Lumapit siya rito. Chikadora ito, eh. “Nadale ka ng init ng ulo ni Sir Lucian,” natatawang sabi nito. “May dahilan naman siya para uminit ang ulo, eh. Ang tanga ko talaga,” aniya sabay tampal sa sariling noo. “Hindi rin. Kanina pa talaga mainit ang ulo niya.” “Bakit? Ano ba ang problema niya? Parang pinaglihi siya sa sama ng loob.” “Ito narinig ko lang, ah.” Umatras siya. “Tsismosa ‘to.” “Makinig ka, hindi ito tsismis.” “Eh ano? Marites?” Hinampas siya ng kamay ni Tara sa kaliwang braso. “Gaga! Makinig ka kasi muna.” “Ano? Bilisan mo!” “Kanina kasi ay nagtalo ang mag-ina. Si Sir Lucian at Madam Miranda. Eh itong supladong anak ayaw kausapin si Dr. Ignacio. Ipinilit ng ina, ayon, uminit ang ulo ng huli,” kuwento nito. “Eh bakit ba ayaw niya kausapin si Dr. Ignacio?” “Oh kita mo? Tsismosa ka rin, eh.” “Sira, ikaw itong nagsimula! Bahala ka nga riyan!” Tinalikuran na niya ang kausap. Pero habang nagma-mop ay naroon ang curiosity niya bakit nga ba ayaw makipag-usap ni Lucian kay Dr. Ignacio?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD