Chapter 5

2818 Words
LAKAD-TAKBO ang ginawa ni Aniya upang makarating kaagad sa ospital. Hindi siya puwedeng ma-late dahil malaking bawas iyon sa sahod niya. Kailangan niyang kumayod nang mabuti dahil baka hindi na makapagtrabaho ang kaniyang ina. Maisasara ang tindahan nila dahil wala nang mag-aasikaso. Ayaw rin niyang mapagod ang nanay niya at saka bawal na. Madadagdagan ang maintenance nitong gamot kaya dapat may maisip siyang karagdagang kita. Gasino lang naman ang kinikita niya sa part-time job sa hotel. Hindi rin kalakihan ang sweldo sa ospital dahil ilang oras lang siyang nagtatrabaho. Mabuti nag-suggest si Sunshine na mag-online selling sila. May puwesto ng ukay-ukay ang ate ni Sunshine sa Divisoria. Tutulong lang naman sila sa pagbebenta online since uso na iyon. Bukod sa online selling, naisip din niya na magbenta ng kakanin sa ospital. Kakausapin niya si Aling Koreng na payagan siyang maibenta ang paninda nitong kakanin sa ospital. May puwesto na ito sa palengke na mga kakanin at pasalubong ang pangunahing produkto. Ang tanong, kaya pa kaya ng powers niya? Sakto lang ang dating ni Aniya sa ospital. Wala nang pahinga kahit may hangover pa siya sa long quest nila. Kaagad siyang sumabak sa trabaho. Sa kaniya nakatoka ang pinakamalaking palikuran ng ospital. Solo niya ang doseng cubicle sa pambabae na palikuran. Mabuti na lang hindi katulad noong nakaraang linggo na ang dudugyot gumamit ng mga pasyente at mga bantay. Halos masuka-suka siya noon. Habang nagkukuskos siya ng sahig sa isang cubicle ay inisip na naman niya ang kaniyang sitwasyon. Minsan ay naawa siya sa kaniyang sarili. Kaya pangako niya na sisikaping makatapos ng pag-aaral at nang hindi na siya magkukuskos ng inidoro. Magtatrabaho na siya sa ospital bilang medical technologist, at kung papalarin ay makapagpatuloy sa pag-aaral ng medisina. “Wala namang bayad mangarap, eh. Push lang, Aniya!” positibo niyang sabi. Pagkatapos maglinis ng palikuran ay inutusan naman siya ni Ate Glenda na maglinis sa hallway ng laboratory. As usual, inaakit na naman siya ng antok. Sa tuwing doon talaga siya napupunta ay ginugupo siya ng antok. Iyon kasi ang area na mas tahimik at konti lang ang tao, minsan wala pa. Wala na siyang lakas dahil sa antok. Nang matapos siyang magpunas ng mga glass door ay lumuklok siya sa bench sa may gilid ng pintuan ng laboratory. Nakapipikit na siya nang may tumikhim sa tabi niya. Napabalikwas siya ng tayo nang makilala ang lalaking nakatayo sa gawing kaliwa niya. Si Lucian ito, na naalala niya’ng anak pala ng may-ari ng ospital. Baka sesantihin siya nito bigla. “I said don’t sleep anywhere. You may go home if you can’t work properly,” anito. “Ah, hindi, kaya ko po! Pasensiya na kasi napuyat ako. Nasa ospital kasi ang nanay ko kaya doon din ako tumatambay,” aniya. “You may leave now.” “Ho?” Nanlaki ang mga mata niya. Alas-siyete pa ng gabi ang out niya. Pasado alas-sais pa lamang. Matapang pa rin kung tumingin ang binata. “You heard me, right?” masungit nitong sabi. “Teka, magagalit ang OIC ko kung aalis ako na hindi pa tapos ang duty ko.” “Sino ba ang susundin mo, ang OIC o ang assistant president ng ospital na ito?” Napatda siya. Ang bossy nito. “Kailangan ko po munang magpaalam kay Ate Glenda. Baka kasi magalit siya.” “Takot kang pagalitan niya pero sa akin hindi?” “Eh kasi mali naman na pauuwiin n’yo ako na hindi pa tapos ang duty ko.” “Ayaw mong uuwi?” “Eh kasi nga po…” “Stop reasoning. Come with me,” anito saka tumalikod at naglakad. Nakagat niya ang kaniyang ibabang labi . “Sungit naman nito,” anas niya habang nakabuntot sa lalaki dala ang timba na lalagyan ng gamit panlinis niya. Nagulat siya nang pumasok sila sa opisina ng presidente. Wala naman doon ang ina nito. “Dito ka maglinis kung ayaw mong umuwi,” sabi ni Lucian. Umupo na ito sa office table. Napangiwi siya. “Dapat kasi umuwi na ako, eh,” maktol niya. Seryosong nakatitig lang sa kaniya si Lucian. “Kilos na,” anito. Tumalima naman siya. Sinimulan niyang magpunas ng glass door. Habang nagpupunas ay napapasipol siya. Biglang nawala ang kaniyang antok nang dahil kay Lucian. Magandang inspirasyon pala ito sa trabaho. Kahit ang sungit ay ayos lang, at least napapansin siya. Maya’t maya ang sipat niya sa orasang nakasabit sa dingding. Baka maaliw siya at makalimutan na may duty pa siya sa Golden Goose Hotel. Ang sunod niyang pinunasan ay ang dingding na salamin. Busy na si Lucian sa binabasa nito. Saktong alas-siyete na ng gabi. Tinapos pa rin niya ang kaniyang trabaho. Sinipat na naman niya ang orasan. Kailangan na niyang mag-out. “Uh… excuse me, sir,” tawag niya sa atensiyon ng binata. Tuwid siyang nakatayo sa harapan nito habang bitbit ang maliit na timba. Nag-angat naman ito ng mukha at tumitig sa kaniya. “Ano ‘yon?” anito sa malamig na tinig. “Kuwan, mag-a-out na ako. May duty pa kasi ako sa hotel,” aniya. Mariing kumunot ang noo ng binata. “Akala ko ba uuwi ka na pagkatapos dito.” “Nako, hindi pa. Mamayang ala-una o alas-dos ng madaling araw pa ako uuwi.” “Saang hotel ka nagtatrabaho?” “Sa Golden Goose po sa Quezon City.” Ilang sandaling walang kibo ang binata. “Sige, makaaalis ka na,” anito pagkuwan. “Sige po. Bukas ulit.” Tumalikod na siya. Pero bago siya tuluyang lumabas ay nilingon niya ang binata. Sumikdo ang puso niya nang mapansing nakatingin din pala ito sa kaniya. Kahit walang emosyon ang mukha ay nakapagbibigay ligaya sa kaniya ang pagkakataon na magtama ang paningin nila kahit sandali. Nauna itong nagbaba ng paningin. Tuluyan na lamang siyang lumabas. Pag-alis niya ng ospital ay takbo siya nang takbo upang makahabol sa oras. Late pa rin siya ng kalahating oras. Mabuti na lang inalis na ang kaltas suweldo sa late. Ang oras na lang ang mag-a-adjust. Hinahapong pumasok siya sa hotel upang mag-log in sa employees logbook. Hindi siya regular employee kaya wala siyang time card. Sa bilis ng kilos niya ay nasagi niya ang kamay ng lalaking nagsusulat din sa logbook doon sa front desk. “Naku! Sorry po, sir!” natatarantang sabi niya. Yumuko siya at pinulot ang nahulog na ballpen ng lalaki. “Heto po,” aniya sabay abot dito ng ballpen. Natigilan siya nang makilala ang lalaki. Awtomatikong uminit ang kaniyang mukha nang malamang si Nash ito, ang crush niyang modelo at kaniyang boss. Matabang siyang ngumiti. Pero ang una niyang napansin kay Nash ay ang seryoso nitong mukha at mukhang walang tulog. Namumugto ang mga mata nito. “S-sorry po, sir,” naiilang niyang sabi. “It’s okay,” sabi lang nito saka kinuha sa kamay niya ang ballpen. Nagpatuloy ito sa pagsusulat. Nagsulat na lamang din siya sa logbook. Naunang umalis si Nash. Nasundan niya ito ng tingin. Kumislot siya nang may tumapik sa kanang kamay niya. Napatitig siya sa kaniyang kaharap. “Hoy! Huwag ka ngang maintriga kung tumitig riyan kay Sir Nash,” sabi ni Alwin, ang baklang front desk clerk on duty. “Bakit ba?” aniya. “Brokenhearted si Boss kaya bawal siyang kausapin muna.” Nanlaki ang mga mata niya. “As in? Wala na sila ni Sandy Luzada?” Sikat na model at actress si Sandy, pero madalas itong laman ng balita dahil umano sa iba-ibang lalaki na nakakasama nito sa outing sa Boracay. Akala naman niya ay hindi apektado si Nash sa pagkalapit ni Sandy sa mga kaibigang lalaki. Iniisip niya na iyon ang posibleng dahilan. “Hiwalay na ba sila talaga?” kumpirma niya. “Huli ka na sa balita. Kahapon pumutok ang balita na opisyal na nga silang hiwalay. May third party raw at inaalam pa kung totoong buntis si Sandy at ang ama ay ang ka-love team nitong si Adrian Mendez. Kung totoong buntis nga si Sandy, ouch! Sobrang sakit niyon kay Sir Nash,” may drama pang kuwento ni Alwin. Bigla siyang naawa kay Nash. Ang bait nito ‘tapos lolokohin lang ng babae. Nag-init ang bunbunan niya. Sinusuportahan pa naman niya ang magkasintahan kahit naiinis siya kasi crush niya si Nash. Mag-a-unsubscribe na siya sa Youtube channel ni Sandy simula bukas. “Bakit gano’n? Hindi na ba siya masaya kay Nash?” aniya. “Alam mo naman sa showbiz, bihira ang relationship na nagtatagal.” “Hoy! Aniya!” tinig ni Ate Erma. Napalingon siya rito. Malalaki ang hakbang nitong palapit sa kaniya. Napasugod naman siya rito. “Kanina ka pa pala riyan bakit hindi ka pa pumapasok sa area natin? Nakikipagtsismisan ka pa riyan, eh!” palatak nito. “Sorry, kararating ko lang po,” aniya. Inunahan niya ito sa paglalakad patungo sa linen room. Karugtong niyon ang housekeepers’ lounge. Binigyan kaagad siya nito ng listahan ng mga gagawin niya. Napasubo kaagad siya sa trabaho kahit hindi pa naghahapunan. May libreng dinner naman sila roon. Habang busy si Ate Erma ay kumuha siya ng pagkain sa restaurant. Pinakita lang niya ang weekly meals stub niya. Mabuti na lang nakahirit siya ng extra rice. Ayos lang kahit may kasamang tutong. Kasundo naman niya ang staff sa kusina. Mas mabigat minsan ang trabaho roon sa hotel kaya kailangan niya ng maraming pagkain. Minsan ay limang kuwarto ang nililinis niya sa loob ng anim na oras. Depende pa ang tagal ng paglilinis sa dumi at kalat ng silid. Mga graduate ng HRM course naman ang nag-aayos ng kama. Kahit marunong siya ay hindi niya ginagawa. Hindi naman niya iyon trabaho. May certificate naman siya mula sa TESDA, sa housekeeping at hotel and restaurant services. Tinapos muna niya ang paglilinis sa dalawang kuwarto sa fifth floor bago nagpaalam na kakain muna. Dinala niya ang kaniyang pagkain sa rooftop, sa tapat ng penthouse. Sa may gilid ng swimming pool doon siya kumakain. Mayroong bench doon. Naghugas siya ng kamay dahil magkakamay siyang kakain. Chicken curry ang ulam niya at may ekstrang isang perasong lumpiang shanghai. Alas-diyes ng gabi na siya natapos sa paglilinis kaya sa oras na iyon lang din siya makakakain. Pagkatapos niyon ay tatlong kuwarto pa ang kaniyang lilinisin. Nakatatlong subo pa lamang siya ng pagkain nang magulantang siya. May tumalon sa swimming pool. Napatayo siya. Biglang tumahimik ang tubig pero naaninag niya ang bulto ng lalaki sa ilalim niyon na tila hindi naman lumalangoy. Bigla siyang kinabahan nang hindi pa rin ito umaahon. Nang mapunta ito sa gilid ng pool ay lumapit siya. Nakadapa ito, tila nalulunod na. Nang umangat ang kanang kamay nito ay saka niya hinatak. Nagulat siya nang magpumiglas ang lalaki. “Hey! What are you doing?” galit nitong reklamo nang makaahon. Napaatras siya at naparalisa nang malamang si Nash pala ito. Akala niya ay isa lamang sa guest na nalasing. Mayroon kasing bar doon sa unahan ng swimming pool. “Ay, sorry, sir! Akala ko po kasi nalulunod kayo,” naiilang niyang sabi. Ang dami talaga niyang kapalpakang nagawa sa araw na iyon. Hindi naman mukhang galit si Nash. Nabaling ang paningin niya sa maskuladong katawan nito, lalo na sa puson nito na mayroong nahahating muscles na tila tinapay na buns. Itim na boxer lang ang suot nito. Aalis na sana siya nang pumigil ito. “Wait,” anito. Hinarap naman niya itong muli. Hindi lamang siya kumibo. “Empleyado ka rito, hindi ba?” sabi nito. “Opo. Ako si Aniya, part-time housekeeper na estudiyante. Dito po kasi ako kumain. Katunayan ay kumakain ako nang mapansin ko kayo,” magalang niyang sagot. “Yes, I know you. Ikaw iyong nagmamadali dahil nasa ospital ang nanay mo.” “Opo, ako nga po!” Naglaho ang pagkailang niya. “Teka, late na ang dinner mo, ah.” “Eh kasi late na ho akong dumating at kailangang malinis ang dalawang kuwarto. May gagamit na kasi.” “Ah, okay. Hindi pa pala nakakuha ng dagdag housekeeper ang staff.” “Oo nga po kaya paspasan ang trabaho namin.” “Hindi bale, kakausapin ko ang staff para makapag-hire kaagad ng tao for housekeeping. Anyway, how’s your mother?” pagkuwan ay tanong nito. Bumuntong-hininga siya. “Nasa ospital pa rin po siya. Meron po siyang coronary heart disease.” “Aw. I’m sad to know that. And how’s your financial needs?” Sandali siyang natigilan. Pagdating sa usaping pera, halos ayaw niyang kumibo. “Uhm, isa po iyon sa problema namin. Pero kahit papano ay nakakaya naman po. Naipagsasabay ko naman ang trabaho at pag-aaral. Sa ngayon, ilalaan ko muna ang suweldo ko para sa gamot at hospital bill ng nanay ko,” kuwento niya. “Sandali, ilang buwan ka na ba ritong nagtatrabaho?” pagkuwan ay tanong nito. “Magtatatlong buwan pa lang po.” “Usually dapat maka-six month ka bago makapag-loan sa accounting office, that was a rule. But I will give you permission to get the loan.” Napatda siya. Sa buong buhay niya ay hindi siya naka-isip na mag-loan sa pinagtatrabahuhan niya. “Ay, huwag na, sir! Mas tatanggapin ko pa ang extra job kaysa loan. Medyo mabigat iyon,” aniya sapagkuwan. Ngumisi ang binata. “You’re impossible. Sige, ganito na lang. Sa akin ka na lang mag-loan, then para makabayad ka, mag-tatrabaho ka sa condo ko sa tuwing Sunday. Ikakaltas ko na lang sa loan mo ang suweldo, okay ba?” Bigla siyang nasabik. “Sige po! Pero magkano naman ang ipauutang ninyo sa akin?” “Magkano ba ang kailangan mo?” “Mga ten thousand?” “Ang liit naman. Hindi makasusuporta iyon sa gamot ng nanay mo.” Ngumisi siya. Naliliitan ito sa sampung libo. Kung sa bagay, sa yaman nito ay barya lang ang isang libo. “Fifteen thousand kaya?” aniya. “Ang tipid mo. Okay, ako na ang magde-decide. Fifty thousand na lang, one year to pay.” Lumuwa ang mga mata niya. “Sir, lasing ho ata kayo,” sabi niya. “Nakainom ako pero hindi pa naman lasing. So, deal?” Malapad siyang ngumiti. “Baka bukas niyan ay magbago na ho ang isip ninyo.” Tumawa ang binata. Ang pogi nitong tumawa, hindi halatang brokenhearted. “Ikaw talaga. Don’t worry, may isang salita ako. Basta sigurado ka na, bukas din ay gagawa ako ng kasulatan nating dalawa.” Nang maglakad si Nash ay pasuray-suray. Hindi siya naniniwalang hindi pa ito tinamaan ng alak. Napatakbo siya rito nang lapitan nito ang pagkaing iniwan niya sa bench. Nakasilid iyon sa styro box. “Ano ‘to? Pagkain ng aso?” sabi nito habang tinitigan ang pagkain niya. Bigla siyang nanliit nang pagkamalan nitong pagkain ng aso ang pagkain niya. “Pagkain ko po iyan, sir,” sabi niya. “Oh, sorry. Halika,” anito. Lumapit naman siya rito. Nagulat siya nang akbayan siya nito. Napasunod siya rito nang maglakad ito. Hindi na niya nakuha ang pagkain niya. Pumasok sila sa penthouse. Ginupo siya ng kaba nang may hindi kanais-nais na bagay siyang naisip gayong silang dalawa lang ni Nash ang naroon sa loob. “Sit here,” sabi nito. Pinaghila pa siya nito ng silya sa tapat ng island counter. Pumasok ito sa glass door. Naglilikot ang paningin niya sa paligid. Ang ganda pala ng loob ng penthouse. Para itong VIP hotel suite na minsan na niyang nalinis sa seventh floor. Ang mga gamit ay karamihan gawa sa magarang kristal, lalo na ang chandelier. Pagbalik ni Nash ay may dala na itong malaking plato na puno ng pagkain. Nawindang siya nang ibigay nito iyon sa kaniya. Pumasok ito sa counter at nagbukas ng nakalatang beer. Nagsuot ito ng itim na kamesita. “Hindi ko pa nagagalaw ang food. Pina-deliver ko iyan kanina mula sa restaurant. Naunahan kasi ako ng alak kaya wala akong ganang kumain. Kainin mo,” sabi nito. Lumuklok ito sa stool chair katapat niya. Naiilang tuloy siyang kumain sa harapan nito. At sa isang iglap ay biglang sumagi sa kukoti niya si Lucian, na siyang nagbigay rin sa kaniya ng pagkain. Naisip niya, kahit papano ay mahal siya ng Diyos. Ginagamit nito ang ibang tao upang maiparating sa kaniya ang kalinga nito. Mangiyak-ngiyak na sumubo siya ng pagkain. Ang babaw ng emosyon niya lalo kung sarili na niya ang kinaaawaan niya. Habang abala siya sa pagsubo ng pagkain ay abala rin si Nash sa pagtungga ng beer. Namumula na ang mukha nito at mapungay ang mga mata. Sa kabila ng ngiting ipinamamalas nito sa kaniya, kalakip niyon ay pait at sakit na mababanaag sa mga mata nito. Sadyang mahusay lang itong mapanggap na masaya. Pero hindi sa harapan niya dahil kabisado niya ang taong may kinikimkim na sakit sa damdamin. Gusto niya itong damayan, yakapin at hayaang umiyak sa kaniyang balikat, ngunit wala siya sa posisyon upang gawin iyon. Isa lamang siyang hamak na empleyado nito na kinaawasan din nito. Isa siyang pulubi sa paningin nito. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD