NAKIUSAP si Aniya sa namamahala ng school canteen nila na kung maari ay magbenta rin siya ng kakanin doon. Mabuti na lang mabait ang manager na si Manang Belinda. Pumayag naman ito. Natutuwa nga ito dahil maiba naman ang paninda roon. Pagkatapos sa school ay sa ospital naman siya nakiusap, sa namamahala ng food center.
Merong nagluluto ng pagkain na binibenta sa food center, pero tinanggap ng manager ang pakiusap niya. Sa tuwing umaga lang naman siya maglalagay ng mga kakanin. Tuwang-tuwa siya sa kaniyang bagong sideline. Lalo siyang ganadong magtrabaho.
Kinagabihan pagpasok niya sa hotel ay hindi muna siya sumabak sa trabaho. For the first time, hindi siya late ng halos isang oras. Kumain na muna siya sa restaurant. Seryoso siya sa pagsubo dahil masarap ang ulam, sauce ng beef steak at isang hiwa ng pritong maya-maya. Karaniwang ulam lang naman ang rasyon nila. Kung gusto nila ng special ay kailangan bayaran.
Napansin niya na may umupo sa katapat niyang lamesa pero hindi siya nag-abala na tingnan ito. Gutom na gutom kasi siya. Limang bakanteng private ward kasi ang nilinis niya sa ospital. Kailangan niya ng lakas dahil tiyak na maraming kuwarto ulit ang lilinisin niya. Mas mabigat ang trabaho roon sa hotel dahil minsan sobrang kalat at marumi ang kuwarto na iniiwan ng guest.
“Dahan-dahan lang baka mabulunan ka,” sabi ng pamilyar na boses ng lalaki. May inilapag itong papel sa lamesa.
Natigilan siya. Puno ang kaniyang bibig nang tumitig sa kaharap. Si Nash pala! Lilinga-linga siya sa paligid. Baka biglang may makaisip na kunan sila ng litrato at bukas makalawa ay makikita niya ang mukha niya sa diyaryo. Marami pa namang taong kumakain doon.
Kahit may suot na brown eyeglasses si Nash ay makikilala pa rin ito. Hindi niya inaasahan na doon sa mataong lugar siya nito lalapitan, at balak pang doon nila pag-uusapan ang tungkol sa loan niya.
“Nagpagawa na ako ng kasulatan sa lawyer ko. Basahin mo na lang at pirmahan, then ipapa-notarize ko sa abogado para legal,” sabi nito.
Siguresta rin ito. Kung sa bagay, pera ang pinag-uusapan nila. Sabi nga, when money was involved, everybody’s concern. Nilunok muna niya ang pagkain bago nagsalita.
“Dito ba talaga ako pipirma?” aniya.
“Saan mo ba gusto?” tanong pa nito.
“Doon na lang sa walang ibang tao. Baka kasi maintriga tayo.”
Ngumisi ang binata. “Don’t mind them. Single naman ako, eh, so it’s okay.”
Napangiwi siya. “Eh baka mapasama ka pa. Sabihin ng mga tsismosa na pagkatapos ng breakup mo kay Sandy biglang bumagsak ang standard mo sa babae,” amuse niyang sabi.
Tumawa nang pagak si Nash. “Ang advance mo namang mag-isip.”
“Eh mabuti nang advance kaysa late, ‘di ba?”
“Kung sa bagay. Ganito na lang, iiwan ko itong papel para mabasa mong maigi. Then sign it if you are satisfied. After signing, puntahan mo na lang ako sa office,” sabi nito pagkuwan.
“Sige, ganoon na lang po.”
“And please Nash na lang?” hirit nito.
Matabang siyang ngumiti. “O-okay.”
Tumayo na ang binata saka lumisan.
Inubos muna niya ang kaniyang pagkain bago binasa ang nakasulat sa papel. Ang lalalim ng English nito kaya napapa-research siya sa online app. Nang makontento sa nakasaad sa kasulatan, pinirmahan na niya ito. Tatlong kopya iyon. Syempre, tig-isa sila ni Nash at lawyer nito. Excited na siyang mahawakan ang fifty thousand. Ilalaan niya iyon para sa gamot ng nanay niya at dagdag puhunan din sa sari-sari store. Paubos na kasi ang stock nila dahil nakukonsumo niya.
Sa sobrang pagtitipid niya ay sardinas minsan ang inuulam niya sa tanghali, iyon na rin ang meryenda, pinapalaman niya sa monay ang sardinas. Magtitiis siya hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral. Ang mahalaga ay mapanatili niya ang mataas niyang grado.
Nang mapirmahan ang papeles ay nagtungo siya sa opisina ni Nash. Nadatnan niya itong nakaupo sa tapat ng lamesa at nagtitipa sa laptop.
“Maupo ka, Aniya,” sabi nito.
Lumuklok naman siya sa katapat nitong silya. Inilapag niya sa lamesa ang papeles. “Napirmahan ko na,” sabi niya.
“Good. Ibibigay ko na lang ang kopya mo bukas kasabay ng tseke.”
Natutop niya ang kaniyang noo. Nakalimutan na naman niya ang bank account number niya.
“Patay, nakalimutan ko ang ATM card ko at number ng account. Naiwan kasi sa bag ko roon sa ospital na pinagdalhan kay Nanay. Wala naman kasing laman kay hindi ko dinadala,” aniya.
“Hindi bale, tseke naman ang ibibigay ko sa iyo. May isyu raw kasi ngayon sa bank transfer ng banko. Ipapangalan ko na lang sa iyo para madali. You can deposit the money in your account, in any branch or bank.”
“Ah, sige pala.”
“Then, sa Sunday ay maari ka nang mag-start maglinis sa condo ko. Naroon naman ako kapag Sunday ng umaga.”
“Nakuha ko. Salamat talaga, sir.”
“Sabing Nash na lang, ‘di ba?” Tumalim ang titig nito sa kaniya.
Ngumisi siya. “Oo nga pala. Sorry, nasanay kasi ako. At saka boss kita, eh.”
“It’s okay. I’m not a high profile boss. Kahit naman sa ibang empleyado ayaw ko na masyado akong ginagalang.”
“Para ka ring pinsan mong si Lucian, ayaw na tinatawag na sir. Kaso parang laging mainit ang ulo niyon,” natatawang sabi niya.
“Si Lucian? Teka, matagal na ba kayong nagkakilala?” kunot-noong tanong nito.
“Uh… hindi naman. Nakita ko lang siya sa school at sa ospital. Madalas kasi siya sa ospital at minsan nasisita ako kapag may nagawang kapalpakan. Ang bilis mairita niyon. Ganoon ba talaga siya?”
Ngumisi si Nash. “Yes. Lucian was introvert. Iritable siya sa mga bagay na ayaw niya. Mabilis siyang magsawa sa lugar na hindi siya sanay o komportable. Katunayan ako lang ang nakakausap niyon na matagal. Kahit parents niya hindi niya nakaka-bonding nang matagal.”
“Talaga? Ang weird niya. Para siyang may sariling mundo.”
“Sinabi mo pa. Pero kahit ganoon ‘yon, sobrang bait at maaasahang kaibigan.”
Tumikwas ang isang kilay niya. “Paanong mabait? Ang sungit kaya niya sa akin. Siya na nga ang nagkasala sa cellphone ko, siya pa ang galit.”
“Hayaan mo na siya. Ganoon lang iyon kapag ayaw niya sa isang tao.”
“Given nang hindi talaga niya ako magugustuhan pero sana naman ilugar niya ang kasungitan niya. Hindi niya lang alam kung paano ako nasaktan sa pagkasira ng phone ko.”
Tumawa si Nash. “Wait, kumusta na pala ang cellphone mo?” pagkuwan ay tanong nito.
“Ayon, dinala ko sa technician. Mabuti meron siyang pagkukuhaan ng bagong LCD. Medyo mahal lang ang pagpapaayos. Parang bumili na ako ng bagong cellphone.”
“Ganoon talaga. Kaya sabi ko sa iyo, bumili ka na lang ng bago kaysa ipaayos ang cellphone. Kaso may sentimental value pala sa iyo ‘yon.”
“Kahit anong mangyari, hindi ko ipagpapalit ang cellphone na iyon!” matatag niyang sabi.
“Kahit masira nang tuluyan?”
“Oo.”
“Paano ang gagamitin mong cellphone?”
“Bibili lang ako ng keypad phone pero hindi ko itatapon ang mahal kong cellphone.”
Tawa lang nang tawa si Nash.
Nang maalala ang kaniyang trabaho ay nagpaalam na siya rito. Pero bago siya umalis ay hiningi nito ang kopya ng cellphone number niya.
Tatlong kuwarto lang ang bakanteng nilinis ni Aniya kaya maaga siyang nakauwi. Tulog ang kaniyang ina nang madatnan niya sa ospital kaya nakatulog din siya kaagad. Pero maaga rin siyang nagising dahil uuwi siya sa bahay na inuupahan nila at kukuha ng kakaning ilalagay niya sa canteen ng school at food center ng ospital.
Alas-sais nang maibalot nila ni Aleng Koreng ang kakanin. Limang klase iyon. Merong sapin-sapin, bico, cassava cake, bibingka at maalat na suman na binalot sa dahon ng saging. Nahiwa patatsulok ang ibang kakanin maliban sa suman. Binalot lang ng transparent na plastic ang mga ito. Siyempre, binigyan din siya ni Aleng Koreng ng meryenda niya. Paborito niya ang cassava cake.
“Magpahatid ka na lang kay Jonie, Aniya. Dadalhin niya ang lumang kotse ng tiyo niya,” sabi ni Aleng Koreng.
Naroon sila sa kusina ng bahay ng mga ito. Nakaligo na siya at nakauniporme. Pumasok naman si Jonie at nakapagbihis na rin ng uniporme.
“Bakit ako ang maghahatid?” angal ni Jonie.
“Para hindi na mamasahe sa tricycle si Aniya, anak. Total eh dadaan ka rin naman sa Dela Rama.”
“Hindi naman kasama sa babayarana ng dalawang basket ng kakanin, magaan lang naman,” ani ni Jonie.
“Huwag ka na ngang umangal. Dati gustong-gusto mong ihatid si Aniya. Ngayon, may dala lang na kakanin ayaw mo na? Ikinakahiya mo ba ang produkto natin, anak? Alalahanin mo, sa kakanin nakatapos ang mga kapatid mo, pati ikaw, pinaaral nito!” Pumalatak na ang ginang.
Napakamot na lang ng ulo si Jonie. Walang imik na kinuha nito ang dalawang basket ng kakanin.
“Sige na, Aniya, lumakad na kayo baka ma-late pa kayo sa klase,” sabi ng ginang.
“Sige po, salamat.” Sumunod naman siya kay Jonie.
Nakasimangot ang binata habang nagmamaneho. Pasimpleng sinisipat lang niya ito habang nakaupo siya sa tabi nito.
“Bakit kasi pati pagtitinda ng kakanin pinasok mo na, Aniya? Hindi ka ba naawa sa sarili mo? Para ka nang bampira, maputla!” satsat nito.
“Pakialam mo? Eh gusto kong kumita nang maraming pera, eh,” sagot niya.
“Sabi ko sa ‘yo, mag-asawa ka ng mayaman nang hindi ka naglalagari ng katawan.”
“Excuse me, hindi ganoon ang mindset ko. Gusto kong umangat sa buhay gamit ang sarili kong sikap, dugo at pawis, hindi ang yaman ng ibang tao!” buwelta niya.
Tumawa ang binata. “Iyan ang hirap sa iyo, eh, mataas ang pride. Iyan ang nakakainis sa babae minsan, eh.”
“May malaking tulong din ang pride sa buhay ng tao, no. Ikaw kasi, gusto mo easy to get lahat, katulad ng babae.”
“Hindi lahat ng babaeng gusto ko ganoon. Ayaw mo lang kasi akong sagutin kaya nalilibang ako sa iba.”
“Tse! Nunkang magkakagusto ako sa iyo. Babaero!” asik niya.
Tatawa-tawa lang ito. “Ano pala ang gusto mong lalaki? Iyong mga nerd na sa sobrang talino ay wala nang pakialam sa paligid dahil gustong pag-aralan lahat sa mundong ito?”
Inirapan niya ito. “Gusto ko makapag-asawa ng doktor.”
“Naks! Bigatin, ah. Kaya pala medical technology ang kinuha mong kurso.”
Hindi na siya umimik. Maluwag pa ang traffic kaya mabilis silang nakarating sa Dela Rama Medical Center. Uunahin niyang ilagay roon ang isang basket na kakanin. Maliit lang naman iyong basket. Tig-anim na piraso muna bawat klase ang dinala niyang kakanin. Iniwan na siya roon ni Jonie. Malalakad lang naman ang school mula roon sa ospital.
Pagkalapag ni Tara ng kakanin sa counter ay may bumili na kaagad na grupo ng nurse. Mga night duty ang mga iyon at nag-aalmusal. Napresyohan na nila ang bawat kakanin. May tubo na siya roon at ang food center.
Ganoon din ang eksena sa canteen ng school. May teachers na bumili. Naroon siya sa loob at nagtitinda habang wala pa ang oras ng klase niya sa first subject. Tuwang-tuwa siya sa pagtitinda. Mabenta talaga ang cassava cake. Isa na lang ang natira pero may naghahanap pa.
“Meron pa pong cassava?” tanong ng pamilyar na boses ng lalaki.
Busy siya sa pagbibilang ng pera. Nakabukod kasi ang kita sa ibang paninda roon.
“Ay teka, sir,” sabi ni Mila sa bumibili. Isa si Mila sa tindera roon sa canteen.
Nilapitan siya nito. “Wala na bang cassava?” tanong nito sa kaniya.
Tumingin siya sa labas. Natigilan siya nang makilala ang lalaking nakatayo sa labas. Si Lucian. Ito ba ang naghahanap ng cassava? Wala namang ibang naroon.
“Siya ba ang naghahanap?” pabulong niyang tanong kay Mila.
“Oo,” pabulong ding sagot nito.
“Kung wala na, hindi bale na lang,” sabi ni Lucian saka tumalikod.
Gusto niyang matikman naman nito ang specialty ni Aleng Koring. Naisip niya na ibigay rito ang pinabaon sa kaniyang cassava cake. Kinuha niya ito sa kaniyang bag at inilagay sa tray.
“Meron pa po!” sabi niya.
Huminto ang binata at humarap ulit sa kanila. Inilapit niya sa maliit na bintana ng counter ang tray ng kakanin.
“Magkano ‘yan?” seryosong tanong nito.
“Thirty-five pesos lang po,” nakangiting tugon niya.
Dumukot naman ng pera sa wallet nito ang binata. Nang mag-abot ito ng isang daan ay inabot din niya ang cassava cake. Nagpalitan sila ng abot pero tila may kung anong namagitang elemento at mata sa mata silang nagkatinginan. Tila slow motion ang eksena, lalo nang mahawakan nito ang kamay niya na nag-abot ng kakanin. Ang init mula sa kamay nito ay dumantay patungo sa bawat himaymay ng kaniyang laman. Awtomatikong naghurementado ang kaniyang puso.
Nakuha na niya ang pera nito pero hindi pa niya magawang kumilos upang suklian ito. Tumalikod na lang ang binata. Nahimasmasan siya.
“Sandali lang po! May sukli pa!” sabi niya.
“Keep the change,” sabi lang nito habang patuloy ang paglalakad.
Natulala siya nang ilang saglit. Kung hindi pa siya siniko ni Mila ay hindi siya mahimasmasan.
“Wow! Ang laki ng tip, ah. At mula pa kay Sir Lucian. Ayie!” kinikilig na sabi ni Mila.
Hindi rin niya aawat ang pagnilay ng matamis na ngiti mula sa kaniyang mga labi. Talsikan lahat ng kinaiinisan niya kay Lucian. At abot-abot din ang kilig niya. Tila naiwan ang init ng kamay ng binata sa kamay niya.