Chapter 9

2359 Words
HINATAK ni Lucian ang towel na nakasampay sa steel bar sa itaas ng bathtub saka iwinaksi. Nagulat siya nang may humilagpos sa sahig. Ipinulupot muna niya sa kaniyang ibabang katawan ang tuwalya bago sinilip kung ano iyong nasagi ng tuwalya at nahulog. Pagtingin niya sa gilid ng bathtub ay naroon na ang cellphone at basag ang screen. Ilang segundo siyang walang kibo bago natanto na pag-aari ni Aniya ang cellphone na iyon. “s**t!” usal niya. Pinulot niya ang cellphone at sinubukang pindutin ang power key sa gilid. Umilaw naman pero pulos puti na lang ang lumalabas sa screen. Napasintido siya. Sira na ang LCD ng cellphone. Lumabas na lamang siya dala ang cellphone. Nagbihis na rin siya at plano niya na uuwi kapag nakatulog na si Nash. Paglabas niya ng kuwarto ay napako ang mga paa niya sa sahig nang makitang kausap ni Nash si Aniya na nasa labas ng pinto. “Nakalimutan ko ang cellphone ko sa banyo mo,” sabi ng dalaga kay Nash. “Ah, sige, wait, kukunin ko. Saan ba banda nakalagay?” ani ni Nash. “Uh… kuwan, nasa lababo ata.” He took a deep breath. This girl was absent minded. Sa bathtub nito naiwan ang cellphone kaya nahulog. Lumapit siya sa mga ito hawak ang cellphone ng dalaga. “Here’s your phone,” sabi niya sabay abot dito ng cellphone. Tuwang-tuwa pa ang dalaga nang makuha ang cellphone, pero kaagad ding napalis ang ngiti nito nang makitang basag na ang screen ng cellphone. “Ano’ng nangyari rito?” nanlalaki ang mga matang tanong nito. Napasilip din si Nash sa cellphone ni Aniya. “Ano’ng problema?” tanong nito. “Bakit ganito? Bakit nabasag ang screen? Ayan, wala nang makita!” natatarantang sabi ng dalaga. “Ipinatong mo iyan sa itaas ng bathtub. Nasagi ng tuwalya nang ipagpag ko kaya tumilapon,” sabi niya. Sabay na napatitig sa kaniya ang dalawa. Hindi maipinta ang mukha ni Aniya. Parang iiyak na ito. “Hinulog mo?” walang kurap nitong untag. “Hindi ko hinulog, aksidenteng nahagip ng tuwalya kaya nahulog,” pagtatama niya. “Paano na ito? Ito na lang ang nag-iisang cellphone namin ng nanay ko. May sentimental value pa naman ito kay nanay,” mangiyak-ngiyak nitong sabi. He gasped. “Mumurahin lang naman ang cellphone na iyan. Kung ibebenta mo, baka three hundred na lang. I’ll give you money to buy the new one. Tama nang drama,” aniya saka sandaling iniwan ang kausap. Kinuha niya ang kaniyang wallet sa kuwarto ni Nash. Paglabas niya ay naroon na sa salas si Aniya. Humahagulgol ito habang nakaluklok sa sofa. Todo alo naman dito si Nash. “Kahit gaano kamahal na cellphone pa ang ipalit mo rito, hindi niyon mapapantayan ang halaga nito at mga alaalang nakapaloob dito. Higit pa ito sa kayamanan ninyong dalawa,” emosyonal na pahayag nito. Bumuga siya ng hangin. Dumukot siya ng limang libo sa kaniyang wallet at iniabot sa dalaga. Umiling-iling ito at ayaw tanggapin ang pera niya. “Hindi sapat ang perang iyan para ibalik ang cellphone na ito,” anito. Naiirita na siya. “Hindi ko naman sinabing maibabalik ng pera na ito ang nasira mong cellphone. Kung kayang maayos ng technician iyan, ipaayos mo kung ayaw mong palitan. Wala akong magagawa,” sabi niya. “Tanggapin mo na, Aniya. Baka maayos pa ng technician ang sira. Mukhang LCD ang nasira, mapapalitan iyan. Pero dahil luma na, baka mahihirapan na ring maghanap ng compatible materials,” sabad naman ni Nash. Iyak pa rin nang iyak ang dalaga at hindi kinukuha ang pera niya. “Buti sana kung maayos.” “Kunin mo itong pera, malaking bagay na ito pampaayos. Kung hindi kaya, bumili ka na ng bago. Move on. Kaya minsan may taong nahihirapang umangat dahil nakapako sa nakaraan. You can preserve your good memories in your mind and heart,” may iritasyon nang sabi niya. “Hindi mo ako maintindihan kasi never mong dinanas ang buhay na pati isang butil ng bigas ay pupulutin sa lupa dahil sa hirap kumita ng pera! Palibhasa simula ipinanganak ka, may pamilya kang nagbibigay ng lahat ng gusto mo!” Hindi na siya kumibo. Inilapag niya ang pera sa hita nito saka tumalikod. “Aalis na ako, Nash. Bahala ka na riyan,” paalam niya. “Hey! Hindi ka ba magso-sorry kay Aniya, Lucian?” si Nash. “Sorry,” sabi lang niya saka tuluyang umalis. Ayaw niyang ma-trap sa sitwasyon na ganoon na may nagda-drama sa harapan niya. He did his part to explain. At saka hindi naman niya sinadya ang nangyari. Simula noong nakilala niya si Aniya ay ang dami nang nangyari na bumulabog sa emosyon niya. He won’t allow it to continue. He has to avoid Aniya before she digs the deepest side of his life. Ala-una na ng madaling araw nang bumiyahe siya. Wala nang traffic. Mabilis siyang nakarating sa subdivision kung saan ang bahay nila. Palapit na siya sa gate nang mahagip ng ilaw ng kotse niya ang malaking aso--actually he’s not sure if it was a dog. Ang laki nito ay hindi normal at iba ang shape ng katawan. Napaapak siya sa preno nang pumagitna sa kalsada ang aso at humarap sa kaniya. Natigilan siya nang mapansin ang mapupulang mga mata nito at malalaking pangil. Yeah, it was not a usual dog. It looks like a wolf, a big or a monster wolf. Sa halip na matakot ay pinausad niya ang sasakyan at akmang sasagasaan ang malaking hayop ngunit bigla itong lumipad at sumampa sa bubong ng kaniyang kotse. Napayuko siya nang tila masisira ang bubong. Pinaharurot niya ang kotse upang mahulog ito. Bigla siyang huminto pagdating sa tapat ng gate nila at bumusina nang ubod lakas. Nang may lumabas na guwardiya ay binuksan niya ang pinto ng kotse at hinanap ang hayop. Wala na ito. Ngunit pagtingin niya sa bubong ng kotse ay yupi na at mayroong gasgas na tila kinalmot ng malalaking kuko. He looked around to find the monster dog. It’s not there, but he smells the familiar scent, a natural scent. Maya-maya ay may narinig siyang alulong ng aso mula sa malayo. “Ano po ang nangyari, sir?” tanong ng guwardiya. “May malaking asong sumalakay sa akin. Nayupi ang bubong ng kotse. Magmanman kayo sa paligid baka umaaligid lang siya,” aniya. “Yes, sir.” Lumulan siyang muli sa kotse at pinaandar upang papasukin sa bakuran. Tulog na ang mga magulang niya pagpasok niya ng bahay. Dumiretso na lamang siya sa kaniyang silid. HINDI pa rin maka-move on si Aniya sa nasira niyang cellphone. Regalo iyon ng nanay niya noong debut niya, pinakaunang touch screen na cellphone na nahawakan niya sa tanang buhay niya. Hindi niya iyon kayang palitan. Tinanggap niya ang perang binigay ni Lucian pero hindi siya bibili ng bago. Ipapaayos niya ang cellphone kahit magkano. Kasya naman siguro ang limang libo pambayad sa technician na mag-aayos. Dadagdagan pa sana ni Nash ang perang binigay ni Lucian pero tinanggihan niya. Hindi naman niya masisi si Lucian dahil kasalanan niya. Kung saan-saan siya nag-iiwan ng cellphone. Isa pa, mukhang wala namang pakialam sa nararamdaman niya ang binata. Hindi nga solid ang paghingi niyon ng tawad sa kaniya. Kung hindi pa sinabihan ni Nash na mag-sorry ay wala iyong nasabi. Gising ang kaniyang ina pagdating niya sa ospital. Ayaw niyang malaman nito na umiyak siya kaya naghilamos siya ay naglagay ng power sa mukha. Si Mang Anding ang nagbabantay roon. Umalis lang ito nang dumating siya. “Kumusta ka na, anak?” tanong ni Lolita nang makaupo na siya sa silyang nasa gawing kaliwa nito. “Ayos lang naman po, Nay,” matamlay niyang tugon. “Bakit namumugto iyang mga mata mo? Umiyak ka ba?” anito, napansin pa rin ang mga mata niya. “Hindi po. Matatapang kasi ang kimikal na ginagamit panlinis sa banyo at masakit sa mata,” palusot niya. “Eh baka magkasakit ka na niyan.” “Okay lang po. May proteksiyon naman kaming suot sa tuwing naglilinis ng CR.” “Kapag hindi mo na kaya sabihin mo lang, anak. Ibebenta ko ang bahay sa Pangasinan upang may pantustos tayo.” “Nako! Iyan po ang huwag ninyong gagawin, ‘Nay. Iyon na lang ang ala-ala mo sa asawa mo at anak. Baka isang araw ay bigla silang babalik.” Nanilim ang anyo ng ginang. “Kung babalik sila, sana noon pa. Mahigit dalawang dekada na akong naghihintay,” malungkot nitong wika. Ginagap niya ang kamay nito. “Huwag po kayong susuko. May awa ang Diyos. Darating ang araw ay magkikita rin kayo ng anak n’yo.” “Nawa’y hindi pa huli ang lahat, anak. Sa kalagayan ko ngayon, walang kasiguraduhan kung hanggang kailan ako mabubuhay.” Tila binubusa ang dibdib niya nang mahinuna na nahihinaan na ng loob ang kaniyang ina. Hindi pa siya handang iwan nito. Hindi na niya napigil ang pagdaloy ng kaniyang mga luha. “Huwag po kayong mag-isip ng negatibo. Hanggat nabubuhay tayo, hindi tayo hahayaan ng Diyos na magdusa. Ang lahat na dinanas nating hirap ay pagsubok lamang. Hindi ba sabi n’yo, ang mabuting tao ay hindi pinababayaan ng Diyos? Naniniwala ako na malalagpasan natin ang problema. Gagawin ko ang lahat upang makaahon tayo. Konting tiis na lang, pagka-graduate ko ay sisiguruhin ko na makapapasa ako sa exam. Magtatrabaho ako at makabibili tayo ng sariling bahay at lupa rito sa Maynila,” puno ng antisipasyong pahayag niya. Matipid na ngumiti ang ginang. “Salamat, anak. Biyaya ka sa akin dahil pinuno mo lahat ng nawala sa buhay ko. Sorry kung naging pabigat na ako sa iyo. Alam ko na hirap na hirap ka na,” emosyonal nitong wika. Napaluha na rin ito. Lalong nanikip ang kaniyang dibdib. “Nanay naman, eh. Huwag na kayong magdamdam. Hindi naman ako nagrereklamo, eh. Pasalamat nga ako dahil sa inyo ako napunta. Sobrang bait mo sa akin. Ipinadama mo sa akin ang kalinga ng isang tunay na ina. Kaya dapat lang na suklian ko ang sakripisyo n’yo para sa akin.” Tumigil din sa pagluha ang kaniyang ina. “Matulog ka na. Mag-uumaga na,” anito. “Matulog na rin po kayo.” Tumango ito. Lumipat na siya sa bench at humiga. PAGKATAPOS ng klase ni Aniya sa tanghali ay nagpasama siya kay Sunshine sa mall upang ipaayos ang kaniyang cellphone. Mabuti na lang may tiyuhin itong may puwesto roon sa mall na nag-aayos ng mga sirang cellphone. “Ah, LCD ang nasira, ineng. Hahanapan natin ito ng bago. Meron pa namang stock ang kaibigan ko ng ganitong model,” anang ginoo matapos tingnan ang cellphone niya. Napawi ang lungkot niya. “Salamat naman po!” nagagalak niyang sabi. “Sabi ko sa iyo, eh, yakang-yaka ni Tito Fred ayusin ang phone mong antic,” ani ni Sunshine. “Oo nga, salamat talaga, friend.” “Pero hihingi ako ng down payment para may pambili ng piyesa,” sabi ng ginoo. “Magkano ho ba?” tanong niya. “One thousand five hundred muna. Saka ko na kukuwentahinlahat ang nagastos kapag naayos na.” “Aabot kaya ng limang libo ang magagastos?” “Ah hindi naman. Siguro dalawang libo, depende. Pero ako ang bahala, mareremedyuhan natin ito at nang hindi ka gagastos nang malaki.” “Salamat po. Sandali lang.” Dumukot siya ng pera sa kaniyang wallet. Five hundred lang ang naitira niya mula sa suweldo niya sa ospital at hotel. Ibinigay niya ang iba kay Mang Anding na siyang nagba-budget sa gastusin sa ospital. Thirteen thousand din iyon mahigit. Sumilip si Sunshine sa wallet niya. “Aba daming pera, ah. Sumuweldo ka na, no?” anito. “Oo,” sabi na lang niya. Hindi niya ikukuwento rito ang dahilan bakit nasira ang cellphone niya. Basta sinabi niya nalaglag. Ibinigay niya kay Mang Fred ang down payment niya. Pagkuwan ay gumala muna sila ni Sunshine sa shoe store roon sa mall. Nag-aalangan siyang gumastos para sa sarili niyang gamit gayung may mas mahalaga siyang paggagastusan, kaso pudpod na ang black shoes na ginagamit niya sa school. Si Sunshine ay bumili ng bagong sapatos. Merong three hundred pesos na black shoes pero nanghihinayang pa rin siyang bumili. “Mamili ka na ng sa iyo, Aniya. Huwag mong tipirin ang sarili mo,” ani ni Sunshine. “Saka na lang kapag nakalabas na ng ospital si Nanay,” sabi niya. “Eh sabi mo pudpod na ang tuktok ng sapatos mo? Parang matutuklap na rin ang sapin niyan sa ibaba. Baka lulusot na ang bato riyan at sagabal sa paglalakad mo.” “Hindi pa naman. Nakararaos pa naman ang paa ko.” “Ang koripot mo talaga pagdating sa sarili mo. Kaya ka nga kumakayaod kalabaw upang matustusan ang sarili mo.” Pumalatak na ang kaibigan niya. “Eh nagkataon kasi na nasa ospital si Nanay. Kulang pa ang suweldo ko pantustos ng gamot at sa laboratory. Huwag naman sana na kailangang maoperahan si Nanay. Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng malaking pera.” Speaking of pera, naalala niya ang napagkasunduan nila ni Nash. Saka lang siya maniniwala kung may pipirmahan na siyang kasulatan at mahawakan niya ang fifty thousand. Sa mga sandaling iyon ay suntok pa sa buwan na makahawak siya ng malaking halaga. Tiniis niya ang kaniyang sarili. Sa halip na bibili ng materyal na bagay, inilaan niya ang dalawang libo para mabayaran si Melbert, at nang mabayaran na nito ang pinaghiraman ng pera noong kinulang ang pangmatrikula niya. Pagbalik nila sa paaralan ay ibinigay na niya kay Melbert ang dalawang libo. Tuwang-tuwa ito. “Sa wakas! Wala nang babati sa akin tuwing umaga para lang maningil!” sabi nito. Naroon na sila sa loob ng classroom at naghihintay sa kanilang guro. “Pasensiya ka na, ngayon lang nagkapera, eh,” aniya. “Ayos lang naman, girl. Eh kung may sobra lang palagi sa baon ko, kahit hindi ka na uutang. Kaso nga tinitipid ni Mudra ang allowance ko dahil ayaw niya na malulong ako sa luho. You know, I came from koripot family,” anito saka tumawa. Ngumisi lang siya. Hindi na siya umimik nang dumating ang kanilang guro.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD