Chapter 13

2304 Words
NAGISING si Aniya nang may humawak sa kaliwang braso niya. Bahagya pa siyang nahihilo. Nang mapansin ang nurse na tinitingnan ang blood pressure niya ay naalarma siya. Nananaginip ba siya? O totoong naroon siya sa ospital? “Huwag po kayong gumalaw, ma’am,” sabi ng nurse na babae. Tumigil naman siya sa pagkilos. “B-bakit ako narito?” balisang tanong niya. “Hinimatay po kasi kayo habang nasa school.” Natigagal siya. At sino naman ang nagdala sa kaniya roon? Naalala niya. Noong nasa loob siya ng canteen ay nahihilo na siya. Lalong lumala habang lumilipas ang oras. Dumating pa ang grupo ng mga itlog na nanggugulo. Noong hindi na niya kaya ang pagkahilo ay lumabas siya ngunit hindi na niya kinaya. Bumigay na pala siya. Nang matapos ang nurse sa ginagawa nito at nagpumilit siyang umupo. Medyo humupa na ang pagkahilo niya. Hindi maaring magtagal siya roon at makarating pa sa nanay niya ang nangyari. Tiyak na mag-aalala iyon. “Nurse, baka puwede na po akong lumabas. Okay na po ang nararamdaman ko,” aniya. “Sorry, ma’am, ang doktor n’yo po ang magdedesisyon kung maari na kayong makalabas. Utos din po ni Sir na sakaling magising ka ay huwag ka namin hayaang lumabas.” Natigilan siya. “Sinong Sir?” balisang tanong niya. “Si Sir Lucian po. Siya po kasi ang nagdala sa inyo rito.” Nanlaki ang mga mata niya. Paanong si Lucian ang nagdala sa kaniya roon? Hindi naman niya ito napansin sa canteen. “Sandali. Nasaan ba siya?” “Pumasok na po sa school.” Hindi na siya nakakibo. Gayunpaman, hindi siya maaring tumambay roon. Pagsapit ng tanghali ay sumugod doon sa ospital sina Sunshine at Melbert. May dalang naka-paper bag na pagkain ang mga ito. “Hoy! Alam mo ba na isang uod na lang ang pipirma at paglalamayan ka na?” bungad sa kaniya ni Melbert. Bumusangot siya. “Oo nga, friend. Hinimatay ka kasi sobrang baba ng blood pressure mo. Galit na galit ang panga ni Lucian habang karga ka at dinala sa emergency room,” gatong pa ni Sunshine. Sa kabila ng kaniyang agam-agam, namayani ang kaniyang galak nang malamang nag-effort si Lucian na dalhin siya roon. Hindi rin pala siya nito matiis kahit anong sungit niyon sa kaniya. Ito lang sapat na upang bumalik ang sigla ng kaniyang dugo. Inasikaso ni Sunshine ang pagkain. May prutas ding kasama ang pagkain katulad ng saging at ubas. Adobong atay ng manok ang ulam niya. “Kumain ka na, girl. Huwag mong tipirin ang sarili mo, kaloka ka,” ani ni Melbert. Umupo naman siya. Wala siyang ganang kumain pero pinilit niya dahil ayaw niyang magtagal doon na nakaratay. Kailangan makauwi na siya bago dumilim. Magtataka ang nanay niya at si Mang Anding kung hindi siya uuwi. “Nasaan ba ang doktor?” tanong niya sa mga kasama. “Malamang busy,” tugon ni Sunshine. Hindi na siya mapakali. Ang isa sa iniisip niya ay ang babayaran niya sa ospital. Kahit pa nagtatrabaho siya roon, maaring maka-discount siya pero malabong libre. Private ang ospital na iyon. At saka bakit naroon siya sa private ward? Tinapos muna niya ang panananghalian. Nang dumating ang doktor na babae ay nakiusap siya rito na palabasin na siya. “Magpahinga ka muna, hija. Kapag hindi ka na nahihilo, mamayang hapon ay puwede ka nang lumabas. Okay naman ang result ang laboratory examination sa dugo mo. Mababang BP lang ang naging problema,” sabi ng doktor. “Hindi naman po ako nahihilo. At saka may gamot na akong nainom.” “Kahit na. Kailangan makatulog ka pa upang makabawi ang katawan mo. And please iwasan mo nang magpuyat. Your co-worker here said that you are working until night, and you also work a graveyard shift in the hotel. It’s okay, but you need to sleep at least six to eight hours a day. Huwag ka munang uminom ng kape, it will trigger your insomnia.” Bumuntong-hining siya. Wala naman siyang magawa kung hindi pa talaga siya pauuwiin. Pero basta makatulog siya at hindi na nahihilo, maari na siyang makalabas. Sumunod na lamang siya sa doktor. NAKATULOG si Aniya pagkaalis nina Sunshine at Melbert. Nang magising siya ay alas-singko na ang hapon. Dahan-dahan siyang tumayo nang mapuno ang pantog niya. Dinala niya ang bakal na sabitan ng dextrose saka nagtungo sa pakiluran. Natagalan pa siya sa pagbaba ng kaniyang panloob. Nang makaupo sa inidoro ay halos ayaw na niyang tumayo. Nanghihina pa siya. Nang matapos ay naghugas siya ng kanang kamay. Paglabas niya ay kamuntik pa siyang masimplang dahil sa pagkagulat. May lalaki kasing nakatayo sa tapat niya at seryosong nakatitig sa kaniya. “Ano ka ba? Bakit hindi ka man lang kumatok?” angal niya. “I thought you escaped,” ani ni Lucian. Nakasuot pa ito ng uniporme ng medicine student, white shirt, white coat, and black slacks. “Bakit naman ako tatakas?” aniya saka naglakad pabalik ng kama bitbit pa rin ang stand ng dextrose. “Nagrereklamo ka raw at gusto nang uuwi,” sabi nito habang nakabuntot sa kaniya. “Nagbakasakali lang naman ako na pauuwiin na ngayon. Hindi ako maaring matingga rito. Mag-aalala si Nanay. May sakit pa naman iyon sa puso.” Lumuklok siya sa gilid ng kama. “Maari ka nang uuwi pero hintayin mo muna ang resita ng doktor.” “Talaga?” Umaliwalas ang kaniyang mukha. Nang maalala ang bayarin sa ospital ay napalis ang kaniyang ngiti. “Paano ‘yan? Wala akong pera,” aniya. “Don’t worry about your bill. Wala kang babayaran kahit piso. Ang resitang gamot lang ang gagastusan mo.” Nawindang siya. “Paanong wala akong babayaran? Ikakaltas ba sa sahod ko ang bill?” “Nope. Nakausap ko na ang admin na huwag ka nang singilin. And my mom agreed with it, so don’t worry.” Napatayo siya. “Ikaw ang nagdesisyon? O baka sa huli ay sisingilin mo rin ako!” Nagtaas siya ng boses. Hindi pa rin natinag ang poker face ni Lucian. May iritasyon na sa mga mata nito. “Maghanda ka na. Papupuntahin ko rito ang nurse upang tanggalin ang suwero mo,” sabi lang nito saka tumalikod. “Sandali!” awat niya. Pumihit naman ito paharap sa kaniya. Hindi naman niya alam kung ano ang kaniyang sasabihin. Si Lucian ang bayani niya sa araw na iyon kaya hindi na dapat siya mag-inarte. “Salamat pala sa pagtulong mo sa akin,” aniya. “No worries. I’m just doing my part as concern citizen and soon to be a doctor. Magpahinga ka pag-uwi mo. Huwag ka na munang magtrabaho. Nakausap ko na ang admin at si Nash. Mag-report ka lang kung kaya na ng katawan mo.” “Hindi puwedeng tambay ako ng ilang araw. Makababawi ako ng tulog mamaya. Puwede na akong pumasok bukas.” “Huwag nang matigas ang ulo mo. Sinabi ko rin kay Nash na bawasan ang oras ng duty mo sa hotel.” “Eh ‘di may bawas din sa sahod.” “Walang bawas, nagkasundo na kami.” “Bakit mas marunong ka pa sa boss ko?” Hindi na ito kumibo, sa halip ay tinalikuran siya at tuluyang umalis. Humiga na lamang siya sa kama at hinintay ang nurse. Wala naman siyang ibang gamit kundi ang kaniyang bag na ginagamit sa school. Mabuti pumunta rin doon si Sunshine at tinulungan siya. Ito ang kumuha ng basket at perang pinagbentahan ng kakanin sa school at ospital. Sinamahan siya nito hanggang sa bahay nila. Doon siya dumiretso bago tutungo sa kaniyang ina. Nanghihina pa rin siya pero hindi niya pinahalata kay Aleng Koreng. Sinabi niya sa ginang na hindi muna siya papasok sa trabaho. Saktong tumawag si Nash sa kaniya at sinabi na huwag muna siya papasok ng dalawang araw sa hotel nito. Sa Dela Rama Medical Center naman ay tatlong araw siyang pinag-leave. Pero hindi siya pumayag na a-absent din sa klase. Naghihinayang din siya sa ilang araw na hindi makakapagtrabaho. Iniwan na siya ni Sunshine sa bahay nila Aleng Koreng. Bukas na raw lalabas ng ospital ang kaniyang ina. Kinabahan siya dahil hindi pa niya naideposito ang tseke na nakuha niya kay Nash. Susubukan na lang niyang mai-cash out iyon mismo sa banko kung saan nakapangalan ang tseke, para naman makuha niya kaagad ang pera. Hinintay muna niya ang pabaong hapunan ni Aleng Koreng. Siya ang papalit kay Mang Anding sa pagbabantay sa nanay niya. Nang maluto ang pagkain ay hinatid naman siya ni Jonie sa ospital. BINABASA ni Lucian ang medical record ni Aniya at ang findings ng doktor. Hindi ang nakatala sa test result ang umagaw sa atensiyon niya kundi ang apelyido ng dalaga. Noon lang niya nalaman ang buong pangalan ng dalaga. Aniya Grace Antolo pala ang buong pangalan nito. What surprised him the most was the familiar family name. He was thinking about Aniya's surname for almost an hour. He was sitting at the front of the table inside his mom’s office in the DRMC. Though there was a possibility that some people had the same family name even they have not come from the same bloodline, it’s still a puzzle to him. Pagdating niya sa kanilang bahay ay hinalungkat niya ang kaniyang nakatagong gamit mula pagkabata. Ibinigay naman sa kaniya ng mommy niya ang damit na suot niya noong sanggol siya, kung kailan siya natagpuan ng mga ito sa labas ng bahay. Binuksan niya ang maliit na kahon at inilabas ang gamit ng sanggol katulad ng damit, bonnet, gloves, socks at lampin. Nang hilahin niya ang lampin ay may tumalsik na bagay na naglikha ng matinis na kalansing. He found a necklace on the floor. According to his mother, it was the necklace he wore when he was a baby. It was made of silver where his real name has painted. He was Lucian C. Antolo. Nakaburda naman sa lampin ang pangalan ng ospital at lugar kung saan siya ipinanganak. Iyon ang gagamitin niya upang mahanap ang kaniyang tunay na mga magulang. Kinuha niya ang lampin at isinuot ang pendant. Curious pa rin siya sa pagkatao ni Aniya. Pareho ang apelyido ng magulang nito at ang tunay niyang magulang. Nagkataon lang ba iyon? Marami ring tao sa bansa na may ganoong apelyido. It’s one of the familiar family names in the country, so he doesn’t have to be curious about it. Samantalang nakuwenta na ang lahat na magagastos sa pagpapaayos ng bubong ng kotse niya. Malaki pa ang sobra sa perang binigay ng daddy niya. Wala nang pakialam ang daddy niya sa sobra basta ibinigay na sa kaniya, bahala na siya roon. Gagamitin niya ang pera pandagdag sa gagastusin niya para sa private investigator. Meron na rin siyang contact person to assist him. Kinabukasan pagpasok niya sa school ay dumiretso siya sa canteen. Himala na magang nagising ang mommy niya at ito ang nagluto ng almusal niya. Kaso late na siyang nagising kaya pinabaon na lang sa kaniya ang almusal. Siya pa lang ang estudiyante roon pero bukas na ang canteen. Pumuwesto siya sa dulong lamesa malapit sa pinto sa gawing kaliwa. Napangiti siya nang mabuksan ang baunan niya. His mom was a creative cook. She put art into the food. The sunny-side-up egg has a smiley face; the buttered and vegetable rice has eyes and a mouth made of carrots and onion leaves. Italian sausage ang ulam niya na niluto sa butter. May dessert pa siyang fresh fruit salad. Nakadalawang subo siya nang biglang umingay. Malaking distraction talaga sa kaniya ang ingay na likha ng mga tao. Pero nang mapalingon siya sa dalawang taong pumasok ay natigilan siya. It was Aniya and a tall guy. Iba ang uniform ng lalaki. Hindi ito mag-aaral doon. May mga dress code ang medicine student at ibang pre-made course pero hindi ganoon sa suot ng lalaki na tila usual uniform ng mga university. Si Aniya ang tinutukan niya dahil naroon na ito. Dapat ay nagpapahinga pa ito. Alam naman ng pamunuan ng paaralan ang nangyari rito kaya okay lang na hindi muna ito papasok. Pero sadyang matigas ang ulo ng babaeng ito. Nagdala na naman ng panindang kakanin doon at tumulong pa sa pagtitinda. At ano ba ang pakialam niya rito? Sapat nang tumulong siya, at hindi na niya kailangang pakialaman anuman ang gagawin nito. Nagpatuloy lamang siya sa pagsubo ng pagkain. Lalong umingay nang sunud-sunod na ang pasok ng mga estudiyante. Konti lang ang kanin na inilagay ng mommy niya kaya tila hindi sapat. Uminom na siya ng tubig nang may naglapag ng dalawang cassava cake sa lamesa niya. He raised his head and looked at the woman in front of him. Nakangiting mukha ni Aniya ang kaniyang nasilayan. Maputla pa rin ito pero masigla na. “What’s that?” wala sa loob na tanong niya. “Cassava cake,” she replied sarcastically. “Para sa iyo ito. Meryenda mo mamaya.” Her irony didn’t change his mode. “Hindi naman ako nag-order.” “Bigay ko lang sa iyo ito bilang pasasalamat sa pagtulong mo sa akin.” “Hindi ako humihingi ng kapalit.” “Sus. Lumang linya na iyan. Kunin mo na.” Inilapit pa nito sa kamay niya ang dalawang cassava cake. “At bakit pumasok ka na? Dapat nagpapahinga ka pa,” aniya. “Hindi ako puwedeng lumiban sa klase. Mahirap nang may ma-miss akong quests. Pero susundin ko naman ang payo ng doktor. Hindi muna ako papasok sa trabaho. Pagkatapos ng klase ay uuwi na ako.” Hindi na siya kumibo. “Aniya! Makano ito?” tawag ng tindera sa dalaga. “Sige, maiwan na kita,” paalam nito saka tumakbo patungong counter. Kinuha na lamang niya ang cassava cake at kinain ang isa. Gusto niyang ipatikim sa mommy niya ang cake para sakaling magustuhan nito, baka madalas na itong mag-o-order lalo kung merong okasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD