PAGSAPIT ng tanghali ay na-cash out na ni Aniya sa bangko ang tseke. Nakuha na rin niya ang kaniyang cellphone na naayos na. Pagkuwan ay dumiretso siya sa ospital kung nasaan ang kaniyang ina. Tanghali kasi ito lalabas. Mabuti na lang na-cover pa ng health insurance ang hospitalization ng kaniyang ina at konti na lang ang binayaran nila. Ang gagastusan na lang niya ay ang maintenance nitong gamot.
Hindi na makalakad nang maayos ang kaniyang ina kaya napilitan silang bumili ng wheelchair. Ang daming ipinagbawal na pagkain sa ginang. Mabuti na lang tumulong si Mang Anding na makabili ng murang wheelchair na matibay. Dahil senior citizen na si Lolita, may nakukuha rin itong benepisyo sa gobyerno.
Hinatid lang niya sa bahay ang kaniyang ina saka bumalik sa paaralan. Unti-unti na ring nanunumbalik ang kaniyang lakas. Pabalik na siya sa classroom nila nang mahagip ng paningin niya si Lucian na may kausap na babae. Kilala niya ang babae. Ito si Kimberly na nag-aaral din ng medisina. Nakita na rin niya ang dalawa noon na magkasama sa tapat ng laboratory.
Obvious na si Kimberly lang ang nagsasalita. Si Lucian ay tahimik lang na tila iniiwasan ang babae. Mukhang may something sa mga ito. O baka magkasintahan talaga ang mga ito.
“Aniya!” si Sunshine na humahabol sa kaniya.
Hinintay naman niya itong makalapit pero nakatingin pa rin siya kina Lucian at Kimberly. Naglalakad na ang mga ito patungo sa laboratory.
“Teka, saan ka nakatingin?” tanong ni Sunshine. Napatingin din ito sa dalawang naglalakad. “Uy! Mukhang totoo nga ang tsismis. Sila na ata,” anito.
May kung anong makirot na emosyong umahon mula sa kaniyang puso. Hindi niya maalala kung kailan siya nagsimulang humanga kay Lucian. Kahit anong inis niya minsan dito ay nangingibabaw pa rin ang pagnanais niya na mapansin nito. Kaya sobrang laking tuwa niya nang malamang may concern din ito sa kaniya.
“Bagay naman sila, parehong mayaman,” labas sa ilong niyang sabi.
“Kung sa bagay. Sabi nga, ang mayaman ay para sa mayaman. Huwag na tayong umasa. God will give the best man for a woman like us. Kahit hindi mayaman at guwapo basta responsable at may matinong trabaho.”
Tama si Sunshine. Hanggang pangarap na lang niya ang katulad ni Lucian. Pero kahit anong giit niya niyon sa kaniyang isipan ay sadyang nagsisilakbo ang kaniyang puso. Gusto na ata niya si Lucian.
Hindi mawaglit sa kukoti ni Aniya si Lucian kahit nang makauwi siya sa kanilang bahay. Binayaran na rin niya ang dalawang buwan na upa nila sa bahay. Mabuti na lang bumait sa kanila ang kapatid ni Mang Anding na si Aleng Karidad. Ito ang may-ari ng bahay na inuupahan nila.
Nagluluto na siya ng hapunan nilang mag-ina. Nasa salas lang ang ginang at nanonood ng telebisyon habang nakaluklok sa wheelchair. May twenty thousand pang natira sa perang inutang niya kay Nash. Idiniposito niya iyon sa bangko.
“Anak, hindi ka pa rin ba papasok sa trabaho?” mamaya ay tanong ng kaniyang ina.
Magkarugtong lang naman ang salas at kusina at natatanaw niya mula roon ang ginang.
“Ah, bukas pa po ng hapon ako papasok, ‘Nay. Sinabi ko na po sa boss ko na hanggang ngayon lang ako magpapahinga,” aniya.
“Mabuti naman. Hanggat maari nga ay huwag ka nang paaabot ng madaling araw sa trabaho. Namumutla ka na.”
“Nagbago na po ang schedule ko sa hotel, ‘Nay. Hanggang alas-onse ng gabi na lang ang duty ko.”
“E di mabuti, nang hindi ka na napupuyat palagi. Dapat makatulog ka ng pitong oras o walo kada araw. Huwag mo akong gagayahin na bata pa ay inabuso na ang katawan. Heto, maaga akong dinapuan ng malubhang karamdaman. Hindi ko kakayanin na ikaw naman ang magkasakit sa murang edad.”
Bumuntong-hininga siya. Hindi talaga niya ipinaalam sa kaniyang ina ang sinapit niya noong isang araw, o kahit kina Mang Anding at Aleng Koreng. Nang maluto ang sinigang na bangus ay naghain na siya sa lamesa. Nakakakain namang mag-isa ang nanay niya pero minsan ay walang lakas ang kanang kamay kaya sinubuan na muna niya.
“Sabihin mo lang kung hindi mo na kayang magtrabaho, anak. Ibebenta ko na ang lupa’t bahay sa Pangasinan nang may pantustos sa pag-aaral mo hanggang sa makatapos ka. Puwede ka na ring tumuloy sa medisina,” sabi ni Lolita nang kumakain na sila.
Sa tabi siya nito umupo dahil maya-maya niyang sinusubuan. Minsan ay gusto na rin niyang sumuko sa trabaho pero ayaw niya na maisakripisyo ang bahay ng ginang sa Pangasinan. Umaasa pa rin ito na balang araw ay babalik doon ang asawa nito at anak. Kaya hindi siya papayag sa plano nito.
“Huwag n’yo po akong alalahanin, ‘Nay. Kaya ko pong pagsabayin ang trabaho at pag-aaral. At saka pagka-graduate ko, magtatrabaho na muna ako. Saka na ako magpapatuloy sa medisina o kahit hindi na,” sabi niya.
“Paano naman ang pangarap mo na maging doktor?”
“Makakamit ko rin iyon balang araw. Ang mahalaga ay makapagtrabaho na ako sa ospital at may mas malaking suweldo. Wala namang limitasyon ang edad sa pag-aaral, ang mhalaga makatapos.”
“Pero alam ko na nahihirapan ka na, anak.”
“Mahirap pero kinakaya ko alang-alang sa inyo.”
Matamang tumitig ito sa kaniya. “Nagiging pabigat na ako sa iyo, anak,” anito sa malamig na tinig.
Ginagap niya ang kanang kamay nito. “Nay, kahit kailan ay hindi ko iniisip na pabigat kayo sa akin. Kumpara sa sakripisyo niyo na maalagaan ako at mapalaki, hindi pa sapat itong ginagawa ko upang masuklian lahat nang iyon. Nang dahil sa inyo ay naranasan ko na magkaroon ng ina. Minahal ninyo ako kahit hindi mo ako kadugo. Iyon ang bagay na hindi napapantayan ng pera, ang kalinga ng isang ina.”
Napaluha ang ginang. “Ang suwerte ko sa iyo, Aniya. Pinuno mo lahat ng kulang sa akin. Pinawi mo ang lungkot ko at pangungulila,” emosyonal nitong pahayag.
Hindi na rin niya napigil ang kaniyang emosyon. Nangilid na rin ang kaniyang mga luha sa pisngi.
“Tama na ngang drama. Kain na tayo,” aniya habang nagpupunas ng luha.
“Salamat sa sakripisyo, anak.”
Malapad siyang ngumiti. “Bumabawi lang ako, ‘Nay. Hayaan n’yo, kapag nakapagtapos na ako at nakapagtrabaho sa ospital, mag-iipon ako para makapunta tayo sa Germany.”
“Hindi naman sigurado kung naroon ang asawa ko at anak. Kahit huwag na, anak. Mag-ipon ka para sa sarili mo.”
“Hm. Basta, tutuparin ko ang pangarap n’yo,” determinadong sabi niya.
“Bahala ka nga.”
Muli niyang sinubuan ng pagkain ang ginang.
HALF-DAY lang ang pasok ni Lucian sa school nang Miyerkules. Mula sa paaralan ay nagtungo siya sa auto repair shop. Pinipinturahan na ang bubong ng kaniyang kotse. While waiting for his car to repair, he uses his dad’s old yet looks brand-new Mercedez Benz.
Nai-cash na niya ang payment sa kotse niya. Pagkatapos ay nagtungo siya sa opisina ng private investigation agency. Dinala niya ang lampin niya noong baby bilang basehan o magamit ng agent na maghahanap sa parents niya. Naabutan pa niya ang active police officer na may-ari ng ahensiya. Si PO2 Ferdinand Layola.
“Good morning, sir!” kaswal niyang bati sa ginoo.
“Ikaw plaa, bata. Maupo ka,” anito.
Lumuklok naman siya sa katapat nitong silya. Mabuti namukhaan na siya nito. Noong unang punta niya roon ay busy ito at sinabi na sa pagbabalik niya ay dapat may dala siyang kahit litrato man lang ng magulang niya o pangalan at lugar.
“Ano na nga ulit ang pangalan mo?” tanong nito.
“Lucian Del Prado po,” tugon niya.
“Kaanu-ano mo si Gov. Artimeo Del Prado?” usisa nito.
He needs to hide his family background. “Ahm, tito ko po,” aniya.
“Hindi ba may anak si Gov?”
“Iisang lalaki lang ang anak niya.”
“Gano’n ba? Hindi nagpapakita sa media iyon. Anyway, may dala ka na bang kahit anong basehan para mapadali ang paghahanap sa totoong mga magulang mo?”
“Wala po akong pictures nila o kahit buong pangalan. Pero dala ko po ang lampin na pinangbalot sa akin noong baby. Nakasulat doon ang pangalan ng ospital kung saan ako ipinanganak. At saka may pendant na iniwan sa akin na nakalagay ang totoo kong pangalan.”
“Puwedeng makita?”
Inilabas naman niya mula sa kaniyang bag ang lampin at ibinigay sa ginoo.
“Ah, taga-Pangasinan pala ang parents mo. Alam ko itong ospital. Malaking tulong din ito para mahanap natin ang mga magulang mo. Teka, ano ba dapat ang totoo mong pangalan?”
“Lucian C. Antolo po ang nakalagay sa pendant na suot ko noong bata. Suot ko rin po siya ngayon.”
“Sige, ililista ko pati itong pangalan ng ospital at address. Sana nga ay hindi pa nawala ang record mo sa ospital na iyon.”
“Kahit magkano po magbabayad ako para mahanap ang mga magulang ko.”
“So, inampon ka lang pala ng kinikilala mong mga magulang ngayon. Sila ba ay walang alam tungkol sa parents mo?”
“Wala po. Iniwan lang daw ako sa labas ng bahay nila.”
“Hm. Teka, ilang taon ka na ngayon?”
“Twenty-six po.”
“Naalala ko noong nag-aaral pa lang ako bilang pulis, may pumutok na balita noon tungkol sa isang halimaw umano na aso o asong bundok na pumapatay ng hayop. Pulis Maynila ang tatay ko at isa siya sa inutusan na hanapin ang nilalang na iyon na nakarating umano rito sa Maynila upang magtago. Nahuli noon ang halimaw na iyon pero ayon sa balita, nakatakas daw at hindi na alam kung saan nagpunta,” kuwento nito.
Natigagal siya. Naaala niya ang malaking aso na umatake sa kaniya noong nakaraang linggo at sumira sa bubong ng kaniyang kotse. Hindi pa rin niya iyon makalimutan. Posible kaya na hindi pa namamatay ang halimaw na hayop na iyon?
“Totoo po ba iyon?” aniya.
“Oo. May record niyon ang police Maynila. Meron pa ngang larawan na naitabi. Kaso sa tagal ng panahon ay kinalimutan na ata ng mga tao ang halimaw na iyon. Baka nga patay na iyon.”
“Saan po ba nagmula ang halimaw na hayop na iyon?”
“Ang sabi ay nagmula raw sa Pangasinan. Binalot ng takot ang mga residente roon dahil sa halimaw na iyon na marami nang pinatay. Balita ko may anak daw ang halimaw na iyon.”
“Anak? You mean, they breed like a dog?”
Kumibit-balikat ang ginoo. “Siguro. Ang hindi ko maintindihan, ayon sa tatay ko, nag-aanyong tao raw ang halimaw na iyon.”
He wants to laugh but he chose to remain silent yet curious. Ang ganoong kuwento sa sinabi ng ginoo ay sa pelikula lamang nangyayari. Baka ibang interpretasyon lang ang pumasok sa isip ng mga tao. Baka talagang normal na hayop lang ang umatake sa mga tao o totoong asong bundok lang.
“Baka ho asong bundok lang iyon,” aniya.
“Iyon din ang inisip ko pero ang sabi ay may isip na nakaiintindi ng mga tao ang nilalang na iyon. Marunong ngang magtago sa ibang lugar. Hina-hunting ng mga pulis ang anak niyon pero bigla ring nawala. Siguro kilala ng mga matatandang residente ng Pangasinan ang nilalang na iyon.”
Dumapo na naman sa kaniyang balintataw ang halimaw na asong umatake sa kaniya. Kung asong bundok lang iyon, hindi naman siguro ganoon kalakas na kayang yupiin at hiwain ang bubong ng kotse niya. At saka kakaiba ang hitsura ng hayop na iyon. Tila may isip din at alam kung paano siya takutin.
“Siya nga pala, Lucian, kung gusto mong rush ang gagawin naming paghahanap sa mga magulang mo, medyo malaki ang paunang bayad,” pagkuwan ay sabi ng ginoo.
“Magkano po?”
“Dahil medyo mahirap itong pinagagawa mo at kulang sa reference, magbigay ka muna ng sampung libo para dagdag gastos din ng agents lalo sa Pangasinan ang location ng parents mo. Magrerenta pa siya ng kuwarto sa lodging.”
“Ayos lang po basta umusad ang proseso.”
“Ang kabuoang bayad ay depende sa challenges na dadanasin ng agent habang nagtatrabaho. Pero makaaasa ka na mahahanap natin ang totoo mong mga magulang, iyon ay kung buhay pa sila.”
“I understand. Iiwan ko na rin po ang calling card ko para doon ninyo ako bibigyan ng update.”
“Walang problema. Kung may kailangan ka namang idagdag sa detalye, tawagan mo lang ako o ang agent. I’ll give you the contact numbers.”
Nagpalitan sila ng calling card. Nang maayos ang usapan ay nagbigay na rin siya ng sampung libo. Pagkuwan ay nagtungo na siya sa DRMC. Alas-singko na noon ng hapon. Papasok na siya ng entrada ng ospital nang may sumagi sa kanang balikat niya.
Sa halip na siya ang mawalan ng balanse, ang bumunggong babae ang kamuntik pang masimplang. Mabuti maagap siyang saluhin ito sa likod. Saka lang niya ito nakilala nang tumayo ito at humarap sa kaniya. Si Aniya pala. At ano naman ang ginagawa nito roon? Dapat ay nagpapahinga pa ito.
“Ah, eh… s-sorry. Nagmamadali kasi ako,” nakangisi nitong sabi.
“Bakit narito ka na?”
“Kuwan, magtatrabaho na ako.”
“Bukas ka pa dapat magtatrabaho.”
“Hayaan mo na. Tumawag na ako kay Ate Glenda, okay lang daw kung papasok na ako. Sige, ah, maiwan na muna kita. Late na ako, eh,” anito saka tumakbo.
Napabuntong-hininga siya. Wala na siyang magagawa sa katigasan ng ulo ng babaeng iyon.