HINDI pa rin maka-get over si Aniya sa sorpresa ni Lucian. Halos ayaw na niyang kumalas dito nang yakapin siya nito nang mahigpit. “I love you, Aniya. Your acceptance was the best gift that I received for my entire life,” masuyong pahayag nito sa likod ng kaniyang tainga. “Mahal na mahal din kita, Lucian. Isa ka sa pangarap ko na naunang natupad. Nawalan man ako ng mahalagang mahal sa buhay, narito ka at pinuno lahat ng kulang at nawala sa akin. Wala akong pinagsisihan na ikaw ang pinili ko, maging sino at ano ka man,” ganti niya. Ikinulong nito sa mga palad ang mukha niya. Ilang sandali silang nagkatitigan bago nito pinaghinang ang kanilang mga labi. Iyon na ata ang pinakamatamis na halik na iginawad nito sa kaniya. Nag-uumapaw ang kaligayahang nadarama niya nang mga sandaling iyon.

