DANAYA Sa loob ng anim na araw na nandito sa La Union si JC, nagsama kami na para bang mag-asawa. Sa silid ko na siya tumutuloy at natutulog, kaya katabi ko na rin siya sa kama. Ramdam ko na unti-unti ay nasanay na ako na nasa tabi ko siya, pero alam ko na hindi siya puwedeng manatili ng matagal dito sa beach house kasama ko dahil marami siyang trabahong iniwan sa Maynila para lang sundan ako dito. Nandito ako ngayon sa tabing-dagat at nanonood ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Kahit paano, ay kumalma na ang dagat at hindi na mataas ang tubig. Masarap manatili dito sa baybayin dahil malamig ang ihip ng hangin. Presko sa pakiramdam at nare-relax hindi lang ang aking katawan, kundi maging ang isipan ko. Nakatanaw ako sa dagat nang lumapit sa akin si JC, dala ang mainit na tsaa.

