HATINGGABI na nang makauwi ako sa bahay ni Uncle Rei. Ang kasambahay na si Chona ang nagbukas ng pinto para sa akin. Nagpasalamat ako rito at pagkatapos ay umakyat na ako sa dati na naming kwarto ni Audrey noong doon pa kami nakatira. Nasa kama nito si Audrey at tulog na tulog. Sa kabilang higaan naman nakapwesto si Teresa na mukhang nakatulugan ang pagbabasa ng pocket book. Inilapag ko ang bag ko sa naroong silya at saka maingat na lumapit sa paanan ng kama. Dahan-dahan akong umupo para hindi iyon gaanong gumalaw at madisturbo ang pagtulog ng anak ko. Marahan akong nagpakawala ng hangin. Sa loob ng nagdaang mga taon mula nang huminto ako sa pag-asam na magkikita pa kami ni Orion, hindi ko rin inisip ang magiging reaksiyon ko kung sakaling magkita ulit kami. Hindi ko napaghandaan ang n

