"Ikaw ba ay ayos na Prinsesa Afiya?" bungad na tanong ni Maliksi sa amatista nang makaahon na ito mula sa dagat at tuluyan na ngang manumbalik sa normal ang kaniyang paa.
Marahang tumango si Afiya na ngayon ay diretsong tinignan ang tikbalang sa mata.
"Maraming salamat ho Ginoong Maliksi--"
"Ipagpatawad mo"--pakli ng tikbalang na siyang hinawakan ngayon ang magkabilaang kamay ni Afiya--"ipagpatawad mo kung ikaw ay aking pinaghinalaan noong una."
"Naiintindihan ko po Ginoong Maliksi kung saan nanggagaling ang inyong pangamba," saad ni Afiya na siyang natigilan nga nang yakapin siya nito.
"Nagagalak akong makita ka at masigurong ligtas ka," ani Maliksi na siyang buntong-hiningang naluha at kumawala sa pagkakayakap. "Walang gabi na hindi ko kayo inisip ng iyong mga kapatid nang mabalitaan kong nasakop na ng mga ravena ang Nero. Ako pa lamang ay naghahanda ng hukbo upang tulungan kayo at ilabas mula sa kampong iyon dahil hindi maaatim ng aking budhi na may mangyari sa inyong masama gayong ipinangako ko sa inyong ama na proprotektahan ko kayo kahit na anong mangyari."
"Ang Khaaya Amina ho at si Ulysses ay nasama sa mga nahuli ng mga ravena at tulad niyo ay nagsubok din kaming gumawa ng hukbo kasama ang mga manananggal ngunit kahapon lamang ay natagpuan ng mga ravena ang lugar kung saan kami nagtatago," paliwanag ni Afiya dahilan upang magpakawala ng isang napakalalim na buntong-hininga si Maliksi.
"Nagkamali kayo ng nilapitan, tunay na malalakas ang mga manananggal ngunit pagdating sa katapatan ay katulad lamang sila ng mga bampira na mga manlilinlang at traydor," ani Maliksi. "Ililigtas natin ang iyong mga kalahi Prinsesa Afiya lalong-lalo na ang iyong mga kapatid. Gagawin ko ang lahat upang magawa ang pangako ko sa iyong ama na proprotektahan ko kayong mga magkakapatid hanggang sa huli kong hininga."
_________________________
"Ebraheem," sambitla ni Mahalia na siyang hingal na hingal ngang lumitaw sa isang hindi pamilyar na lugar kasama si Ebraheem. "Bakit ba bumalik ka pa? Nasaan sina Afiya at Shakir? Ligtas ba ang dalawa?"
Unti-unti ngang huminga si Ebraheem upang habulin ang kaniyang pagkabilis-bilis na hininga dahil sa pagod.
"Iniwan ko sila sa parte ng kagubatan malayo sa mga ravena kaya wala kang--"
"Ano?!" bulalas ni Mahalia na siyang nilakihan ng mata ang binata at walang pasubaling kinwelyuhan ito.
"Bakit mo sila iniwan Ebraheem?"
"Dahil kailangan kitang balikan."
"Na dapat hindi mo na ginawa!" bulalas ni Mahalia dito dahilan upang kunutan niya ito ng noo.
"Kung hindi ko iyon ginawa ay baka kung ano pang nagawa sa'yo ni Helios."
"Ebraheem, kaya ko ang sarili ko ngunit 'yong dalawang iyon--"
"Kaya rin nila ang sarili nila Mahalia," pakli ni Ebraheem dahilan upang matigilan si Mahalia. "May kapangyarihan din sila tulad natin Mahalia at kaya rin nilang protektahan ang sarili nila. Sapat nang magkasama sila kung sakali mang mapunta sila sa kapahamakan ngunit ikaw mag-isa ka at maraming ravena ang naroon kanina."
"Hindi mo naiintindihan Ebraheem--"
"Patawad binibini at ginoo ngunit nakakaabala na kasi kayo sa aking mga parokyano, kayo ba ay bibili ng aking lugaw?"
Halos sabay na natigilan ngayon ang dalawa at napatingin sa kanilang kaliwa at doon ay napagtanto na pinagtitinginan sila ng mga taong kumakain ngayon sa lugawang kaharap nila.
"Kung hindi kayo bibili ay doon na lamang ninyo sa gilid pag-usapan ang ano mang away niyong mag-nobya at mag-nobyo."
"Naku, hindi ko ho siya nobya," pakling agad ni Ebraheem.
"Magkano ho bang lugaw niyo ale?" tanong ni Mahalia sa babae dahilan upang mabaling ang tingin nito sa kaniya.
At kunot-noong napatingin naman din si Ebraheem kay Mahalia nang dahil sa pagtataka.
"Bakit? Kakain ba kayo?" sunod-sunod na tanong ng babae na siyang marahang tinanguan ni Mahalia.
"Siya, sumama kayo sa akin sa loob."
"Ano bang ginagawa mo Mahalia?" kunot-noong usal ni Ebraheem sa dalaga nang sumunod naman ito sa babae.
"Hindi ka ba nagugutom?" tanong sa kaniya nito dahilan upang matigilan siya at manlaki ang kaniyang mga mata.
"Hindi ang bagay na iniisip mo ang aking sinasabi Ebraheem," pakling agad ni Mahalia na siyang siningkitan nga ng mata ang binata.
"K--kung gayon ay ano?"
"Lugaw," sambitla ni Mahalia na siyang tuluyan na ngang pumasok sa loob ng lugawan.
_________________________
"Narito ang aking mga kalahi na handang tumulong sa inyo na iligtas ang mga lahing kinuha ng mga ravena," ani Maliksi na siyang dahilan upang ibaling ngayon nila Afiya at Shakir ang kanilang tingin sa harapan kung saan naka-linya ngayon ang mga mandirigma ng mga tikbalang hawak-hawak ang kani-kanilang mga sandata.
"Hindi tulad ng mga manananggal ay makakaasa kayo sa aming katapatan," patuloy ni Maliksi dahilan upang magpakawala ngayon ng isang malalim na hininga si Afiya at marahan ngang tinanguan ang pinuno.
"Ako ay naniniwala sa inyong sinambit ginoo sapagkat nasaksihan ko mula pagkabata kung paano ka naging isang tapat na kaibigan sa aking ama," saad ni Afiya.
"Kailan ba magaganap ang pagsalakay Prinsesa Afiya?" tanong ng isa sa mga mandirigma dahilan upang mabaling ang tingin dito ni Afiya.
"Sa oras na mahanap na natin ang iba pang tapat na lahi ng Fotia at sa oras din na dumating na ang amatista ng Geo at Fotia dito," sagot ni Afiya na siyang marahan namang tinanguan ng mandirigma.
"Sa ngayon ay pansamantala muna ninyong ipagpatuloy ang pagsasanay habang kami ni Shakir ay magtutungo sa mundo ng mga tao upang hanapin ang iba pang lahi ng Fotia."
_________________________
"Lakambini Aisha, sigurado ka bang--"
"Hindi ba sinabi ko na sa iyo Tunku na huwag ka na lamang sumama sa akin kung hindi ka sigurado sa aking mga plano," pakli ni Aisha na ngayon ay nakatuon ang atensyon sa mga kawal na nagbabantay sa kampong kinalalagyan ng mga babaylan.
"Saan ang punta ng mga batang ito?" tanong ng kawal nang lumabas ngayon sa kampo ang grupo ng mga batang babaylan kasama ang dalawang ravenang nagbabantay sa kanila.
"Sila ay kukuha ng mga halamang gamot sa kagubatan, wala kang dapat ipag-alala dahil naipaalam na namin ito sa kamahalan," sagot sa kaniya ng kapwa ravena dahilan upang tumango ito at umalis sa pagkakaharang sa kanila.
"Teka lamang lakambini, maghintay ka lamang!" bulalas ni Tunku nang magmadaling maglakad ngayon ang dalaga upang sundan ang direksyon na pinuntahan ng mga batang babaylan.
"Ikaw ay mag-ingat babaylan, bawal ang palampa-lampa dito," ani ravena nang aksidenteng madapa ang batang babae na nasa huli ng linya.
"P--patawad ho," ani ng bata na siyang taranta ngang pinulot ang mga dahon na tumilapon nang mabitawan niya ang hawak na bayong.
"Kayo ay magpatuloy," utos ng ravena nang matigilan ang mga kasama nitong bata at akma ngang tutulungan siya sa pagpupulot.
"Tanya," sambitla ng Punong Lakambini Aisha nang mamukhaan ang batang babae.
Nang nakalayo na ang mga ravena at naiwan nga ang bata sa pagpupulot ay sinamantala ni Aisha ang pagkakataon na ito upang makalapit sa batang babae.
"Tanya," usal nito dahilan upang matigilan ang batang babae at ilibot ang kaniyang paningin. Nang wala ni isa siyang nahagilap ay nanginig nga ito sa takot at mabilisang pinulot ang mga dahon upang agad na makasunod sa kaniyang mga kasama.
"Tanya," muling tawag ni Aisha ngunit napakunot ang noo nito nang nagmadaling tumayo ang bata at akmang tatakbo na nga upang humabol sa mga kasama niyang batang babaylan ngunit agad ngang lumabas si Aisha sa kaniyang pinagtataguan at hinawakan sa pulso ang bata.
"Bitawan mo ako--"
"Tanya ako 'to," pakli ni Aisha dahilan upang matigilan ang batang babae at dahan-dahan ngang hinarap ang dalaga.
Nang masigurong ang lakambini nga nila ito ay nangiting tuluyan ang bata at walang pasubaling niyakap ang lakambini.
"Ate Aisha," mangiyak-ngiyak na sambit ng bata na mas hinigpitan pa nga ang pagkakayakap sa lakambini.
"Ikaw ay maghunos-dili Tanya, baka tayo ay marinig nila," ani Aisha na siyang marahan ngang kumawala sa yakap.
"Masaya po akong makita na ligtas kayo Ate Aisha," ani ng bata na siyang nginitian at marahang tinanguan ng lakambini.
"Ako rin ay nagagalak na makita kang ligtas Tanya."
"Ano hong ginagawa niyo dito Ate Tanya? Naparito po ba kayo upang iligtas kami?" nakangiting tanong ng bata dahilan upang matigilan at unti-unting mawala ang ngiti sa labi ni Aisha.
"Ikinalulungkot ko Tanya na hindi ko pa magagawa ang bagay na iyon sa ngayon ngunit aking ipinapangako na gagawin ko ang lahat-lahat upang mailabas kayo dito," sagot ng lakambini na siyang natigilan nga at nanlaki ang mata nang tumingin ang ravenang nagbabantay kila Tanya sa direksyon nila.
Mabilisan ngang tumakbo ang dalaga patungo sa pinagtaguan niya kung saan naroon ngayon si Tunku.
"Hoy bata! Ano pang ginagawa mo riyan? Bawal ang pabagal-bagal dito!" sunod-sunod na sigaw ng ravena na siyang nilapitan si Tanya at hinawakan nga ang braso nito bago pwersahang hilahin patungo kung saan naroon ang mga kasama niyang batang babaylan.
Nang dahil dito ay kamuntikan na ngang lumabas ang lakambini mula sa kaniyang pinagtataguan upang sugurin ang marahas na ravena ngunit agad ngang humarang si Tunku sa daraanan nito upang mapigilan siya.
"Hindi pa ngayon ang tamang oras upang gawin iyan lakambini," ani Tunku dahilan upang magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga si Aisha at unti-unti ngang pinakawalan ang kamao.
Pagkaraan ng Tatlong Araw...
"Mahalia, ano bang mayroon sa lugawan na ito at halos tatlong araw na magkakasunod na tayong kumakain dito?" kunot-noong tanong ni Ebraheem sa dalaga na siyang hindi siya sinagot.
Nakatuon ngayon ang buong atensyon ni Mahalia sa dalagang tagapaghatid ng lugaw. At tulad nang sinambit ni Ebraheem ay ito na nga ang pangatlong araw nila na bumalik sa lugawan habang si Mahalia ay tatlong araw na ring pinagmamasdan at binubusisa ang kinikilos ng dalaga.
"Hoy Mahalia," tawag muli sa kaniya ni Ebraheem dahilan upang ibaling niya dito ang tingin. "Bakit ba panay ang balik natin dito gayong hindi naman masarap ang lugaw nila at nagsasayang lamang tayo ng oras gayong maaari pa natin dapat na magamit iyon sa paghahanap kina Afiya at Shakir."
"May nais lamang akong kumpirmahin Ebraheem kaya tumahimik ka diyan."
"Kumpirmahin ang alin?"
"Nasaan ang inyong bayad aber?" tanong ng aleng nagbebenta ng lugaw kina Mahalia at Ebraheem dahilan upang maputol ang usapan ng mga ito at mabaling nga ang tingin sa babae.
"B--bayad ho?" panganglaro ni Ebraheem na siyang ibinaling ang tingin kay Mahalia. "Mahalia, bayad daw."
Kinapa namang agad ni Mahalia ang kaniyang bulsa at nang maramdaman nga ang limang piso mula dito ay inilabas nga niya ito at inilapag sa mesa.
"Narito po ang bayad namin and keep the change nalang po," ani Mahalia ngunit natigilan nga ngayon ang nagbebenta at naniningkit ang mga matang kinuha ang limang pisong inilapag ni Mahalia sa mesa.
"Ano 'to?" kunot-noong tanong ng matanda sa dalaga dahilan upang mapakunot din ang noo nito.
"Limang piso ho, sobra-sobra pa nga po iyan--"
Natigilan nga si Mahalia nang maglapag sa mesa ng sentimos ang babae.
"Ganito ang hinihingi kong bayad iha hindi itong salaping galing pa ata ng ibang bansa."
Unti-unting napabuntong ng hininga si Mahalia at napapikit nga nang mapagtantong galing pa sa hinaharap ang limang pisong ibinayad niya.
"Kaya nga Mahalia, saang bansa ba iyan galing?" kunot-noo namang tanong ni Ebraheem sa kaniya.
"Naku, huwag niyo nga akong binibiro o pinaglalaruan na dalawa, kung wala kayong pambayad ay maghugas na lamang kayo ng pinggan," ani ng babae dahilan upang agad na mapailing si Ebraheem.
"May pambayad ho kami ale," pakli ni Ebraheem na siyang binalingan ng tingin si Mahalia.
"Maghuhugas na lamang ho kami ng pinggan," ani Mahalia dahilan upang matigilan at mapakunot ng noo si Ebraheem.
"Seryoso ka ba?"
Hindi nga nilingon ni Mahalia ang binata at tumayo na lamang mula sa pagkakaupo.
"Esmeralda, ituro mo nga sa dalawang ito kung saan naroon ang lababo."
"Esmeralda!" muling sigaw ng tindera na siyang napakamot ngang tuluyan ng kaniyang ulo at akmang ito ngay papasok na sa kusina ng lugawan ngunit lumabas mula dito ang isang balingkinitang dalaga na may maganda at namumutlang kutis.
"A--ano ho iyon inay?" tanong ng dalaga na siyang saglitan ngang sinulyapan sina Mahalia at Ebraheem.
"Ipunta mo ang dalawang ito sa lababo at sila ang maghuhugas," sagot ng ina nito na ngayon ay masama ngang tinignan sina Mahalia. "Ito na ang huling tapak niyo sa aking lugawan, kakain-kain kayo pero wala naman kayong mga pambayad, nakakaperwisyo lamang kayo."
"Hali na kayo at ipupunta ko kayo sa aming kusina," mahinhin na sambit ng dalaga na siya namang sinundan ng dalawa.
"Pagpasensyahan niyo na ang inay, sadyang magagalitin lamang siya. Alam ko ang pakiramdam ng gutom ngunit wala namang makain kaya't naiintindihan ko kayo. Dapat ay sinabi niyo sa akin kanina na wala kayong pambayad upang napagtakpan ko kayo," ani Esmeralda nang makarating na sila sa lababo.
"Narito ang mga hugasin ngunit hindi niyo naman ito kailangang hugasan lahat, ako na lamang ang magtutuloy pagkatapos kong maghiwa ng mga bawang. Maiwan ko na muna kayong dalawa at muli't muli ay ako na ang humihingi ng pasensya sa inasal ng inay," paalam ng dalaga na siyang marahan ngang tinanguan ng dalawa.
"Ikaw kasi eh, may palugaw-lugaw ka pang nalalaman pero wala ka naman palang pambayad," ani Ebraheem na siyang sinamaan nga ng tingin si Mahalia.
"Hindi mo ba nakita? May pambayad ako at may dala-dala akong pera--"
"Perang kinuha mo pa ata sa ibang--"
"Panahon," pakli ni Mahalia na ngayon ngay iniabot ang pang-hugas kay Ebraheem.
Unti-unti namang nanlaki ang mga mata ni Ebraheem at kinunutan ng noo ang dalaga.
"At ako pa talagang uutusan mong maghugas gayong ikaw itong may kasalanan kaya tayo nandito sa sitwasyong ito?"
"Huwag ka na ngang ma-drama, kunin mo nalang at may aasikasuhin pa ako," sagot ni Mahalia ngunit nagmatigas nga si Ebraheem at itinago ang mga kamay sa kaniyang likuran.
Dahil dito ay buntong-hiningang naglaho si Mahalia sa kaniyang harapan at wala pang isang kisap-matang lumitaw sa likuran ng binata.
"Kukunin mo ito sa ayaw at sa gusto mo," ani Mahalia na siyang sapilitan ngang iniligay ang pang-hugas sa kamay ni Ebraheem.
"Ano ba kasing--"
Natigilang tuluyan si Ebraheem nang hindi na nadatnan pa si Mahalia sa kaniyang likuran.
"At saan naman nagpunta ang babaeng iyon? Huwag niyang sabihin na iiwan niya ako dito?"
"Naghuhugas na ba sila Esmeralda?" rinig nga ni Ebraheem na bulalas ng may-ari ng lugawan.
"N--naghuhugas na ho!" sagot nito mismo na siyang buntong-hiningang hinarap ang mga hugasin at kalaunan ngay ginamit ang kapangyarihan upang mapabilis ang kaniyang paghuhugas ng mga pinggan.
_________________________
Lumitaw ngayon si Mahalia sa isang madilim na kwarto na nasa ikalawang palapag ng lugawan.
Marahan siyang naglakad ngayon upang pumaroon sa mesang katabi ng kama at doon ngay maingat niyang ibinukas ang aparador ngunit natigilan nang makarinig ng ingay mula sa labas ng kwarto.
"Ikaw ay maghunos dili aking anak."
Mabilisan itong naglaho at lumitaw sa tabi ng pintuang nakauwang upang silipin ang labas.
"Huwag kang mag-alala dahil hindi tulad kagabi, ngayon, ay may makakain ka na," ani Esmeralda na siyang ngayon ay hawak-hawak ang isang sanggol ngunit natigilan nga si Mahalia at agad na nagtago sa kadiliman ng kwarto nang ibaling bigla ni Esmeralda ang tingin sa direksyon niya.
Ngunit ang mas ikinatigil niya ngayon ay nang maaninag niya ang isang lalaking pilit na kumakawala sa pagkakatali ng kaniyang mga paa at kamay habang taranta at halos pagpawisan dahil sa kaba.
"Siguradong mabubusog ka sa pagkain mo ngayong gabi aking anak," dinig niyang muli na saad ni Esmeralda kasunod nang pagkarinig niya ng palapit nitong mga yapak.