NALILITO ang dalaga kung paniniwalaan ba niya ang sinabi ni Allen. Nilingon niya ang binata at nakita niya itong naglalakad palapit sa kaniya. Seryoso pa rin ang mga mukha nito kaya naman naguguluhan ang dalaga kung ano ang magiging reaksyon niya. "Nakapatay ako, Ira," pag-uulit ni Allen. Habang nakatingin sa mga mata ng binata ay wala man lang siyang nakitang takot o kaba. Para bang nagsasabi lang si Allen ng normal na salita sa kaniya. Walang tigil sa paglapit ang binata at dahil wala naman siyang ibang maatrasan ay nandoon lang siya nakatayo. Biglang pumasok sa isip niya 'yong mga kausap ni Allen sa phone noong mga nakaraang araw at posible nga talaga ang sinasabi nito. Hindi ganito ang pagkilala niya sa lalaki at alam niyang hindi 'yon gagawin ng binata kahit na sinabi niya man ito.

