AMBER’S POV
TAHIMIK lang ako habang lulan kami ni Noah sa kanyang kotse. Hindi ko na iniisip ang nangyaring eskandalo sa pagitan naming dalawa ni Diana Suares dahil ang laman ng utak ko ngayon ay huling salitang binitawan ni Noah bago kami umalis sa golf club. Hinihintay ko ang paliwanag niya kung bakit niya ako tinawag na girlfriend.
“Noah…” Basag ko sa katahimikan.
“Hmmm.”
Agad ko din pinilig ang ulo ko. “Ah e, wala.”
Nakangiti siyang bumaling sa akin. Nanlaki ang mata ko at napakislot nang ginagap niya kamay ko at dinala sa kanyang labi. Walang salitang namutawi sa bibig ko. Tinitigan ko lang ang magkasalikop namin na mga kamay. Mangyayari na ba ang matagal ko nang inaasam?
Pigil ko ang aking hininga habang hinihintay ang sasabihin ni Noah.
“I love you eversince, Amber. Sasagutin mo ba ako kung liligawan kita?”
Finally! Gusto kong tumalon sa tuwa pero pinili ko na kumalma. Kilala ko ang best friend ko. Turn off siya sa mga easy to get na babae kaya kailangan kong magpakipot kahit konti. Pero Gosh! Wala sa plano ko na paabutin ng isang linggo ang panliligaw niya sa akin.
“Seryoso ka ba?” tanong ko.
“I’m dead serious. Hindi ko isusugal ang pagkakaibigan natin kung laro lang ang lahat ng ito. Let’s date, Amber. Just give me a chance and I’ll make you the happiest woman in the world.”
Infairness gasgas na ang linya ng best friend. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang narinig ito mula sa bibig ng mga manliligaw ko. Pero parang ang sincere kapag si Noah ang nagsasalita. Alam ko na mabuti ang layunin niya sa akin.
Pagkatapos ng maraming unos na dumating sa buhay ko ay ito na yata ang bagong simula. Magkakaroon na ulit ng kulay ang mundo ko. Although, inaamin ko na palaban ako pero deserve ko pa rin maging masaya dahil kailanman ay hindi ako naging masamang tao.
“Kailan mo sisimulan ang panliligaw?” tudyo ko sa kanya.
“Ngayon din mismo,” sagot niya.
“Kung ganoon, tutuparin mo ang promise mo ngayong araw?”
“Promise?” Kumunot-noo siya.
“Hindi ba sabi mo sasamahan mo ako kahit saan ko gustong pumunta.”
“Oh yeah. Pero okay ka lang ba? Kaya mo bang mamasyal pagkatapos ng mga nangyari kanina lang?”
Tumango ako. Ngumiti. “Siyempre okay na ako dahil pinasaya mo ako.”
“I’m so sorry, wala ako sa tabi mo para ipagtanggol ka.”
“Don’t feel sorry. Kilala mo ako na hindi nagpapaapi.”
Tumawa si Noah. “Buti hindi nabasag ang mukha ni Diana.”
Tinaas ko ang balikat ko na tila nagmamayabang. Napailing na lang siya sa akin. Pareho na kaming natahimik. Ngunit napatingin ako sa kanya nang niliko niya ang kanyang kotse. Inaasahan ko kasi na dadaan muna kami sa isang restaurant para kumain.
“Let’s go to your favorite place.”
Namilog ang mga mata ko. Tinatahak namin ang daan papunta sa sikat na amusement park. “Alam mo?”
“Yes. Lungga mo kapag malungkot ka at saka simula nang magkakilala tayo ay lagi mo na akong niyaya na puntahan.”
“Na madalas mo rin na nire-reject,” sabi kong tumitirik ang mata.
“Babawi ako ngayon.”
“Pero baka hindi ka mag-enjoy.”
“Kasiyahan kong makita kang masaya, Babe.”
Tila musika sa pandinig ko ang huling sinabi niya. Abot tenga ang ngiti. Hindi na ako nag-inarte pa. Dito ko rin masusubok kung talagang seryoso siya sa akin. Ewan ko lang kung makakayanan niya ang mga daredevil rides.
Actually, hindi ko talaga gusto noon ang amusement park. Nahihilo lang ako sa dami ng paikot-ikot na rides at mga ilaw. Pero ang makulay at masayang lugar na ito ang nakatulong sa akin noong panahon na namatay ang lola ko na siyang nag-alaga sa akin simula pagkabata. Pareho kasi na may trabaho ang magulang ko kaya naiiwan ako kay lola.
Sobrang close namin kaya na-depress ako nang mawala siya. Hindi ako lumalabas ng kwarto pero hindi ako umiiyak. Hindi ko alam kung paano mailabas ang nararamdaman kong lungkot. Nagalit pa ako sa mama ko kung bakit niyaya niya akong magpunta sa amusement park kahit kalilibing lang ni Lola.
Habang nasa ferris wheel, hinaplos ng mama ko ang likod ko. Pwede raw akong umiyak doon at sumigaw. Sunod-sunod na naglaglagan ang mga luha ko. Kasabay ng paglahaw ko ng iyak ay ang tilian din ng mga tao na excited sa rides. Tama si Mama. Walang nakarinig sa akin. Hanggang sa amusement park na ang takbuhan ko kapag malungkot ako.
Noong mamatay sila ni Papa ay halos araw-araw akong sumasakay sa ferris wheel. Sa ganitong paraan kasi ay at least pakiramdam ko kasama at kayakap ko sila pero may closing time. Pinapalayas na ako dahil bawal mag-stay doon kaya sa bar ako dumeretso.
“Amber…”
Ang untag na ito sa akin ni Noah ang nagpabalik sa utak ko sa kasalukuyan. Kinurap-kurap ko pa ang mga mata ko para hindi tuluyan na malaglag ang luha. Winaksi ko sa isipan ko ang bumabangon na lungkot. Nakangiti na ako nang bumaling sa kanya.
“Mamaya ba pwedeng hawakan ang kamay mo?” tanong ko.
“Hindi mo na kailangan sabihin iyan.”
“Yes! Dream date ko ito kaya huwag kang KJ ha?”
“kailangan ba akong naging KJ sa iyo?”
Kung sabagay lahat naman ng gusto ko ay pinagbibigyan niya. Sa katunayan ay spoiled ako sa kanya.
Nang marating namin ang amusement park ay pinaupo lang ako ni Noah sa isa mga benches. Siya ang pumila sa ticket booth. Sunday. Maraming pamilya ang namamasyal kaya maraming nakapila. Kinilig ang puso ko dahil nagtyaga talaga si Noah.
Makalipas ang mahigit kinse minutos ay bumalik siya sa akin na may dala nang dalawang ticket. Hinila niya ako. Nang makapasok ay dumeretso kami sa isang hotdog stand. Namangha ako dahil tila nababasa niya ang gusto kong mangyari.
Knowing him, nahihiya siya sa mga ganitong bagay pero sa gulat ko ay hinawakan niya pa ang kamay ko at nilantakan ang hotdog habang naglalakad kami.
Bawat makasalubong namin, mapamatanda man o bata ay nakasuot ng character headband kaya hinila ko siya papasok sa store. Ayaw pa sana niyang magsuot ng isang may sungay na headband pero nang sumimangot ako ay pumayag din siya sa huli. Para terno ay ganito na rin ang sinuot ko. Katatapos lang ng Halloween kaya may naka-display pa sa estante.
Sinubukan rin naming ang iba’t-ibang rides. Tawa ako nang tawa sa reaksyon ni Noah. Ito ang unang pagkakataon na makita ko siyang nawala sa wisyo. Sumigaw ba naman ng malakas nang sumakay kami sa roller coaster.
Nang mapagod ay umupo kami sa isang bench. Nakatingala ako sa ferris wheel. Espesyal sa akin si Noah kaya gusto ko siyang makasama sa ride na espesyal rin sa buhay ko. Pero baka masira ko lang ang araw namin. Baka maging emosyunal lang ako at hindi ko na naman mapigilan na umiyak.
Narinig kong tumikhim si Noah. Pagkatapos ay pasimple niya akong inakbayan. Hindi siya sanay manligaw kaya alam kong nag-ipon muna siya ng lakas ng loob para gawin ito. Naaasiwa pa nga siyang napahawak sa batok niya gamit ang libreng kamay. Para mas lalo siyang tudyuin ay humilig pa ako sa balikat niya.
“Gusto mong kumain?” tanong niya.
“Busog pa ako sa dami ng kinain natin.” Bawat food stall kasi na madaan namin ay bumibili siya.
“How about ice cream.”
“Mamaya na. Gusto kong i-grab ang pagkakataon na ito,” sabi ko na mas lalo pang isinisik ang ulo ko sa balikat niya. “Sobrang komportable.”
“Baka makatulog ka.”
“Eh ‘di mas maigi. Alam mong matagal na rin akong walang sapat na tulog.”
Bumuntong-hininga si Noah. “Kailangan mong matulog, Amber. Alagaan mo ang katawan mo. Tama na rin ang panay bar mo para makalimutan mo ang lungkot. From now on araw-araw kitang pupuntahan sa bahay mo para ma-monitor ka at maipagluto ng masustansyang pagkain.”
“Ows? Hindi nga?”
“Kailan ba ako hindi tumupad sa binitawan kong salita?”
“Thank you for everything, Noah,” ani ko na pigil ang maluha. Maituturing na anghel siya sa buhay ko. Siya rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng mga nangyayari sa buhay hindi pa rin ako naliligaw ng landas.
“Aasikasuhin na rin natin ang pag-invest mo sa company ko, that way, araw-araw tayong magkasama.”
“Umpisahan na natin ang pag-settle ng lahat bukas. Ayaw kong mag-aksaya ng panahon.”
“Sure, Babe.”
Hindi ko mapigilan na dumukwang upang halikan siya sa pisngi. Pulang-pula ang mukha. Siyempre bilang walang karanasan at kailanman ay hindi nagka-boyfriend ay nahihiya din naman ako sa ginagawa kong ito.
“Pwede bang huwag na natin patagalin ang panliligaw mo?” tanong ko na namimilipit sa hiya. “Hindi na kasi ako makapaghintay e.”
Saglit na napamaang si Noah pero pagkaraay bahagyang tumawa at lumiwanag ang mukha. Niyakap niya. “Thank you, Babe. Patutunayan ko sa iyo na hindi ka nagkamali sa pagdesisyon.”