AMBER’S POV
BUMALIKWAS ako ng bangon nang makarinig ng busina. Pagsilip ko sa bintana ay nakita ko ang kotse ni Noah kaya hindi na ako nag-abala pang suklayin ang mahaba kong buhok at basta ko na lang ito pinusod. Kinuha ko ang body bag na yari sa tela. Tumakbo na ako sa labas ng bahay.
Excited ako sa araw na ito dahil bihira lang ang pagkakataon na magyaya ang best friend ko na gumala. Akala ko nga wala sa vocabulary niya ang salitang “enjoy”. Puro papeles lang kasi ang kaharap sa araw-araw. Laking gulat ko kahapon nang tumawag siya sa akin para ipaalam na susunduin niya raw ako sa ganitong oras.
Hindi ko alam kung saan ang lakad namin kaya pinili ko na lang magsuot ng komportableng damit––jeans, fit shirt na pinarisan ng sneaker at baseball cap. This is my usual outfit behind the camera. Simple lang ako. Tinatawag nga ako na jologs ng mga nakakakilala sa akin. Paborito ko ang street foods. Kaya kung kumain ng sarsa ng kwek-kwek at fishball na hindi nandidiri. Kung walang trabaho ay hindi rin ako naglalagay ng makeup. Masuwerte ako na binayayaan ako ng ganitong mukha na may natural na mapupula ang pisngi at labi.
“Saan tayo?” excited na tanong ko nang makapasok sa kotse ng best friend ko. Kaagad akong tumingin sa salamin habang sinusot ang Dior sunglass.
Agad napalis ang ngiti sa labi ko pagbaling ko kay Noah. Sa suot niya ay tiyak maglalaro siya ng golf. Wala akong kaalam-alam sa ganyang sport. Na-bore lang ako nang nang isinama niya ako last time. Pakiramdam ko ay walang humpay na lakaran lang ang ginawa namin sa tuwing lilipat ng butas. Isa pa, tiyak kalaro niya ang mga business partner niya at wala naman akong maintindihan sa topic.
“Wait, maglalaro ka ng golf?”
“Yes,” nakangising sagot ni Noah na nahulaan na kaagad na magpoprotesta ako pero as usual wala na naman akong magagagawa kung idadaan na naman niya ako sa charm niya.
“I think hindi tama itong suot ko, para lang akong pupunta sa mall.”
“Pwede na iyan.”
“Pero––” No choice ako nang pinaandar na niya ang kotse. Habang sa daan ay panay ang irap ko sa kanya. Pinakita ko talaga sa kanya na ayaw ko sa lakad na ito.
“Don’t worry, mabilis lang tayo. Kailangan ko lang kunin ang loob ng nga executives na mag-i-invest sa kompanya ko.”
“Pero bakit kailangan na kasama pa ako?”
“Dahil makakatulong ka sa akin.”
“Paano?” Kumunot ang noo ko sa pagatataka.
“Crush ka kasi ni Mr. Shintaro.”
“What? Gagawin mo akong pain? Hoy, baka ibugaw mo ako, ha? Maraming nag-attempt na gawin iyan sa akin pero never umubra. May sinuntok pa ako last time.”
Umiling si Noah. “Ipapahamak ba kita? Idol ka ng unica hija niya kaya gusto kang makita.”
“Talaga? It’s my pleasure.” Bumalik ang aliwalas sa mukha ko. “Saan tayo pagkatapos?”
“Ikaw bahala.”
“Pagbibigyan mo ako kahit saan man tayo pumunta?”
Tumango si Noah.
Namilog ang mata ko habang pinagsalikop ang dalawang palad. Abot-tenga rin ang ngiti ko sa labi.Thi is it! Masasakatuparan ko na rin ang dream date ko. Noong college ko pa kasi pinapangarap na makasama sa pamamasyal sa amusement park si Noah. Iyong tipong magho-holding hands kami habang naglalakad at may mga hawak na ice cream. Tapos magsusuot ng couple head band. Magagawa namin iyon. Hindi naman iba sa best friend ko na lagi akong kumakapit sa kanya. Iyon nga lang wala siyang ideya sa naglalaro sa utak ko.
“Masaya ka yata,” nakangiting tanong ni Noah na sumulyap sa akin.
“Oo naman! Imagine, makakasama kita ng matagal this time. Promise mo sa akin na bibilhan mo ng ice cream at kukunin mo iyong malaking stuff toy sa claw machine.”
“Wait, saan mo ako balak dalhin?”
“Basta!”
Kinuha ko sa loob ng bag ang cellphone ko nang maramdaman kong nag-vibrate. Nag-chat sa akin ang manager ko. May pinasang link sa akin. Pagbukas ko ay nakabalandra kaagad ang mukha ko. Siyempre negative article na naman. Kesyo bratinella raw ako. Alcoholic. Malandi. Basta marami pa! Ang dami ring negative comments.
But this time, immune na ako sa lahat ng pambabatikos sa akin. Isa pa, balak ko na rin bitawan ang pagmo-modelo. After all, hindi naman ako naging masaya sa napili kong karera. Nakakapagod. Kailangan poise, straight ang likod at naka-awra lagi lalo kapag nasa harap ng camera. Para akong mannequin na binibihisan. Panahon na para mag-iba ng landas. Gusto kong hanapin ang totoong gusto ko at paghirapan ito.
Pinakita ko kay Noah ang cp ko. “Mag negative article na naman sila tungkol sa akin. Bruha ba talaga ako?”
Kahit nagmamaneho ay nakuha pa rin pisilin ni Noag ang pisngi ko gamit ang isang kamay. “Smile. Huwag kang magpaapekto sa mga ganyang article. Ang importante ay alam ng malalapit sa iyo ang totoong ikaw. Ikaw ang pinakatotoong tao na nakilala namin. Walang arte. Mabuti kang tao, Amber.”
Hindi ko mapigilan na mapangiti sa mga narinig. “Pero ma-attitude rin kaya ako.”
“Palaban is the right term.”
Marami pa kami pinag-usapan habang nasa daan. Hanggang sa na-open topic namin ang tungkol sa pag-i-invest ko sa kompanya niya. Para maging shareholder ay kailangan pala na bilyon ang ilalabas ko na pera. Ibig sabihin ay mauubos ang savings ko. Pero may tiwala ako sa kompanya ni Noah na kilala hindi lang dito sa bansa kundi maging sa buong mundo. Mas mabuti nang may mapuntahan ang pera ko total buo na sa loob ko na magretiro bilang modelo.
Pinangako rin naman ng best friend ko na hindi ako magsisisi sa magiging desisyon ko at ituturo sa akin ang lahat ng pasikot-sikot tungkol sa negosyo. Balak kong sundin ang payo niya sa akin na kumuha muna ng business short course.
Sa dami nang pinag-usapan namin ay ni hindi ko namalayan na nasa harap na pala kami sa golf club na mga elitistang tao lang ang nakakapasok. Sanay ako humarap sa mga nasa alta sa syudad dahil sa uri ng trabaho ko. Pero hindi pa rin talaga mapigilan na ma-concious sa suot ko ngayon. Last time kasi nang dinala ako dito ni Noah ay may mga kasama rin na partner ang mga business tycoon na kilala niya. Mga naka-sport attire nga pero nakakakulala ang mga suot na diamonds.
Napakislot ako nang kinuha ni Noah ang isang kamay ko at pinisil ito. Pagtingin ko sa mukha niya ay sinalubong ako ng ngiti niya––ngiti na tila binibigyan ako ng assurance.
“Don’t worry, kahit ganyan ang suot mo ikaw pa rin ang pinakamaganda sa kanila,” ani Noah na tila nabasa ang laman ng utak ko.
“Bolahin pa ba ako.” Ingos ko.
“Alam mo na ikaw ang pinakamagandang babae sa paningin ko.”
“Pinakamaganda pala, bakit hindi mo pa ako ligawan?” pabulong na parunggit ko.
“What did you say?”
“Wala. Sabi ko thank you sa compliment mo.”
“Kung liligawan ba kita, hindi masisira ang friendship natin?”
Natigilan ako sa tanong na ito ni Noah. Sa paraan ng pagtitig niya ay tila inaarok ang totoo kong nararamdaman. Nakikita ko rin sa mga mata niya ang...pagmamahal? Wait! Dinadaya lang ba ang paningin ko?
“N-noah…”
“I don’t know anymore, Amber,” sabi niya sa frustrated na boses.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Noon ko pa gusto sumugal pero natatakot ako na baka masira ang pagkakaibigan natin at mawala ka pa sa akin. Hindi ko rin alam kung seryoso ka ba sa mga jokes mo or what! Baka umaasa lang ako na may gusto ka sa akin.”
Hindi ako makahuma sa mga narinig ko. Nagco-confess ba sa akin ngayon ang best friend ko?
“Noah, I really meant what ––“ Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil napansin ko na hindi nakatingin sa akin si Noah kundi sa labas ng bintana ng kotse na nasa likuran ko.
“Wait, Amber. Kailangan ko lang batiin si Mr. Andres.” Hindi na niya hinintay ang sagot ko, basta na lang siya nagmadali na lumabas sa kotse at pinuntahan ang tinutukoy.
Naiwan akong laglag ang balikat. Ito siguro ang kaalit na magmahal ng isang business tycoon. Sa kabilang banda ay kinilig naman ang puso ko. Feeling ko kasi sa mga susunod na araw ay magle-level up na kami ni Noah.
“Noah,” sabi kong napamaang nang makita na pumasok na siya sa loob ng golf club kasama ang matandang business tycoon na naka-golf outfit pero hanggang tuhod ang haba ng medyas.
Talaga bang iiwan ako dito ng best friend ko? Nasagot ang tanong sa utak ko nang mag-vibrate ang cp ko.
‘Sorry Amber, sumunod ka na lang sa loob.’ Text galing kay Noah. Sa totoo lang naiinis ako at gusto kong mag-walk out. Pero naisip ko rin na kaya niya pala ako isinama para makatulong sa kanya.
Lumabas na ako ng kotse. Nakailang hakbang na ako nang mapansin na natanggal sa pagkabuhol ang shoelace ng sneaker ko. Hindi ko na kailangan lumuhod dahil maabot ko naman kung ibe-bend ko lang ang katawan ko.
“Yes, I’m coming.” Narinig ko ang paparating na baritonong boses ng lalaki.
Nakahara ako sa daan pero sa tingin ko naman ay kaya naman gumilid ng kung sino man ang dadaan para maiwasan ako. Pero hindi ko inaasahan ang susunod na mangyayari nang bigla na lang ako napasubsob deretso sa semento nang may tumuhod sa puwet ko.
“I’m sorry, Miss.” Agad akong dinaluhan ng lalaki at inalalayan na tumayo. “May kausap kasi ako sa cp kaya hindi kita nakita.”
“Ang sakit,” mangiyak-ngiyak kong sabi nang makita na may gasgas at sugat ang siko ko at mahapdi ito.
“I’m so sorry! Dadalhin kita sa clinic.”
“Huwag na. Maliit na sugat lang ito,” sabi kong sumulyap sa lalake. Totoo nga ang sinasabi niya may kausap siya dahil nabasa ko at umiilaw pa ang cellphone niya.
Pero natigilan ako nang ganap akong tumingin sa kanya at nakita ko ang familiar na mukha niya.
“Ikaw!” sabi ko na pinanlakihan ng mata habang tinuturo siya.
Siya iyong gwapo at hunk na lalaki na may ka-lover’s quarrel sa parking lot ng The Cheers Bar!