Lina TAHIMIK naming pinagmamasdan si Mama sa tabi ng puntod ni Papa. Patuloy ito sa pag-iyak habang kinakausap si Papa. Kami naman ni Glenn ay naririto lang sa likuran niya, mga kalahating dipang pagitan lang ang layo namin mula sa kanya. Mayroon kaming nakalatag na banig na napupuno ng mga pagkain. Dito rin kami ngayon nakaupo. Ang mag-aama ko naman ay masayang naghahabulan sa may puno sa malapit sa kinaroroonan namin. Umaga na ngayon at dito kaagad ang naisipan naming puntahan. Pagkatapos nito ay magtutungo kami sa farm nila Lolo at Lola. Marami raw kasi kaming madadalang mga gulay at prutas sa Manila ayon kay Lolo. Gusto rin nilang magpadala ng mga manok na pwedeng alagaan ng mga quadruplets namin. Kahit ikulong lang daw sila sa isang cage at nasa sulok lang ng bakuran ay pwede na.