KINABUKASAN ay kaagad kaming nagtungo ni Desmond sa Bataan, kasama ang tatlo sa mga tao ni kuya Daemon. Nakarating naman kami sa isang isla. Pinagtanong-tanong namin dito ang eksaktong kinaroroonan ng kanilang kubo. At may isang matanda naman ang nagturo sa amin niyon. "Salamat po, Nanay," ani ko sa kanya. "Tingnan niyo lang kung naririyan sila ngayon." "Opo." Tinalikuran na namin siya at tinungo ang isang bahay sa hindi kalayuan. Marami-rami rin ang mga bahay dito at lahat ay yari sa kahoy at pawid. May mga batang naglalaro sa paligid. Ang mga may edad naman na ay abala sa pagbibilad ng mga isda. Mayroong mga nag-aayos ng kani-kanilang mga lambat at mga bangka sa gilid ng dagat. Mayroon ding mga naliligo. Karamihan sa kanila ay nakatitig sa amin. Marahil ay nagtataka sila sa mga bag