CHAPTER 5

1887 Words
BINAWI NA ni Kass ang una niyang assessment sa Stallion Riding Club pagdating nila sa Clubhouse.  Parang isang malaking-malaking garden ang lugar.  Napakaraming naggagandahang mga bulaklak at halaman sa paligid.  Pati ang mga establishments at gusali mismo roon, akala niya ay sa ibang bansa lang niya makikita.  Hindi nakakasawang tingnan ang buong paligid.  Parang napakasaya ng atmosphere roon.  Idagdag pa ang mga unipormadong club members na nakakasalubong nila papasok ng Clubhouse. “Magsa-sign in lang ako,” wika ni Ice.  “After that ihahatid kita sa Riders Veranda.  You can order anything you want and just put it on my tab.” “Teka, iiwan mo ako roon?” “For a while.  Hindi kasi puwedeng magpagala-gala rito ang mga club members tuwing may official tournament na ginaganap.  Today is our monthly ranking so…” “You mean, magsusuot ka rin ng cute na uniform na iyon?”  Isang club member ang itinuro niya bago ito muling binalingan.  “Bagay ba iyon sa iyo?  Baka magmukha kang tao.” Hinarap siya nito at nagpamaywang.  “Minamaliit mo ba ng kaguwapuhan ko?” She backed down.  “Hindi, ah!  Sabi ko nga ang tangkad ng kaguwapuhan mo, eh.  Wuuuu!  Level-up!”   Nakatitig lang ito sa kanya at dahil alam na niya ang mga normal na reaksyon nito sa mga pinagsasasabi niya, bahagya pa niyang itinaas ang kanyang kamay bilang depensa.  Kaya nga laking pagtataka niya nang bigla na lang itong tumawa.  Sa lakas nga ng tawa nito, nabulabog at napatingin sa kanila ang mga taong naroon sa lobby ng Clubhouse.  Unti-unti na siyang nakabawi sa pagkagulat niya kaya pinagmasdan na lang niya ito ng may ngiti sa kanyang mga labi.   He laughed.  And that was because of her.  Napangiti na lang siya.  May silbi pa rin pala ako sa iyo kahit paano, Icen.   Kinabig siya nito pagkatapos at marahang tinapik ang kanyang pisngi.  “You’re being cute as usual, Kassandra.” Ito ang ikalawang pagkakataon na niyakap siya nito, with matching haplos pa ng kanyang pisngi.  Maaaring nagulat siya sa ginawa nito ngunit hindi na siya nagtaka sa kanyang naging reaksyon.  Gusto niya ang pakiramdam niya sa tabi nito, lalo na kapag yakap siya nito.  Naman kasi, bakit ngayon lang nito naisipang harass-in siya?  Nag-e-enjoy pa siya sa munting eksena nilang iyon at hindi pa niya naiyayakap ang mga braso niya sa katawan nito nang may dumating na istorbo.   “Ice, sabi na nga ba at ikaw ang narinig kong tumawa.” Sabay silang napatingin ng binata sa nagsalita.  Napatitig na lang siya sa babaeng papalapit sa kanila nang mga sandaling iyon.  The women was so pretty and so elegant she looked almost unreal.  Sa suot niyang simpleng maong at t-shirt, siguradong magmumukha siyang basahan kapag nadikit ito sa kanya.  Okay lang.  Hindi rin naman niya type ang suot nito.  Wala rin siyang kiber kung mas maganda ito sa kanya o mas matangkad o mas mukhang tao.  Just as long as nasa tabi niya si Icen— “Erica.”  Kasabay ng malambing na pagbigkas ng binata ay ang pag-alis nito sa kanyang tabi.  Nilapitan nito ang babae at hinalikan sa pisngi.   Nag-iba siya na lang siya ng tingin.  Ang mga nananahimik na naka-display na fortune plant ang pinakatitigan niya hanggang sa manakit ang kanyang mga mata. “Why didn’t you tell me you’re coming here today, Ice?  And with a girl with you?  Ikaw, ha?  Balak mo ba akong pagselosin?” “Come on, Erica.  Kassandra’s just a childhood friend.  Kaya wala kang dapat pagselosan sa kanya.” Binalingan niya pagkatapos ang marumi niyang sneakers at sinubukan kung may bionic eyes ba siya para makita ang mga bacteria’ng may settlement na yata sa nangingitim niyang sapatos dahil sa dumi. “But I saw you kissed her.” “A friendly kiss.  Pinatawa kasi niya ako.  Siyanga pala, Kass, this is Erica.  Erica, this is Kassandra.” Doon lang siya nag-angat ng tingin at nginitan ang babae.  “Hi.” “Hello.  So, childhood friend pala kayo.  Kung ganon dapat ay ikaw ang kakausapin ko kung may gusto akong malaman tungkol kay Icen.”  Inilahad nito ang kamay sa kanya.  “Nice to meet you, Kassandra.  Hope we could be friends, too.” “Ah, okay lang.”  Tinanggap niya ang kamay nito.  Napakalambot.  Hindi tulad ng mga palad niyang puwede ng tawaging kalyo na tinubuan ng kamay dahil sa madalas niyang paghawak ng manibela ng kanyang superbike.  Mabilis niyang itinago sa likuran niya ang mga kamay niya pagkatapos.  “Nice to meet you rin, Erica.” “Ahm, puwede kaya tayong makapag-usap pagbalik ko rito, Kass?  I really wanted to know more about Icen’s past life.” “Well, isa lang naman siyang simpleng pulang langgam nung past life niya.  Wala gaanong interesanteng nangyari sa kanya noon bukod sa madalas niyang pangangagat—“ “Kassandra.” Nakangisi niyang itinaas ang kanyang mga kamay.  “Kidding.  I was just kidding.” Napailing na lang si Ice.  “Pagpasensiyahan mo na si Kass.  Minsan talaga nawawala iyan sa kanyang sarili.” “Normal na sa akin ang ganon,” dugtong pa niya.  “One of the things that makes me so great.” “See?  I told you so.”  Tinalikuran na siya nito upang ibaling ang buong atensyon kay Erica.  “Nabanggit mong babalik ka rito.  Aalis ka?” “Unfortunately.  May ipinapaayos kasi sa akin ang boss ko sa Maynila kaya kailangan kong bumalik doon.  But don’t worry, babalik din ako agad para sa iyo…” May nakita siyang dalawang pamilyar na mukha na papasok ng Clubhouse.  Mabilis niyang ipinasyang lapitan ang mga ito. “Teka lang, mga kabayan,” paumanhin niya kina Erica at Icen.  “May nakita lang akong guwapo.” “Guwapo?” tanong ng binata.  “Ako lang naman ang guwapo rito, ah.” “Dong, asa ka pa, Dong.”  Nakangiti niyang hinaplos ang pisngi nito saka excited niyang tinungo ang direksyon ng dalawang bagong dating.  “Jigger!  Trigger!” Hinarap siya ng kambal.  Parehong naka-uniporme ang mga ito at pormal ang itsura.  Kung hindi lang niya kilala ang mga ito ay iisipin niyang minamaligno na siya dahil halos walang ipinagkaiba ang dalawa sa isa’t isa.   “And you are…?” “Julia Roberts.” *********************************************************************************** TINAPIK-TAPIK NI Kass ang daliri sa baso ng kanyang juice habang pinagmamasdan mula sa kinaroroonan niya ang table na inokupahan nina Icen at Erica.   “Gutom lang iyan, Kassandra.” “I agree.” Bumuntunghininga lang siya saka binalingan ang pinakaguwapong kambal  na yata na nakilala niya sa buong buhay niya.  Pero walang dating ang mga ito sa kanya.  She was just happy they still recognized her and were good enough to let her to join them on their table. “Salamat nga pala rito, ha?” tukoy niya sa pagkain sa hapag nila.  “Babayaran ko na lang kayo mamaya.” “Isang milyon iyan.” “In cold cash.  Kaya mo ba?” “Isang milyon?”  Pinagmasdan niya ang mga pagkain.  Ngunit nalaman niyang hindi niya dapat sineseryoso ang mga ito nang marinig niyang tumawa ang isa sa mga ito.  “Ang sama ninyo talaga.” “Kailan ba kami naging mabait?” “Aba, Jigger, para kay Mommy tayo ang pinakamabait na tao sa mundo.” “Kunsabagay.”  Tinanguan siya nito.  “Kassandra, can I ask you something?” “Hindi puwede.”  Muli niyang sinulyapan ang kinaroroonan nina Icen.  “Alam ko ang kalibre ninyong dalawa.  Wala akong tiwala sa inyo.” “Are you inlove with Ice?” Agad siyang nagbaling ng tingin sa ibang direksyon at umayos ng upo.  “Hindi.  Kaibigan ko lang iyon.” “Ows?” “Jigger—“ “I’m Trigger.” “You’re Jigger.  Alam ko iyon dahil kanina ka pa diyan nakaupo.” “We switched places while you’re busy…”  Tinanguan nito ang direksyon nina Icen.  “Watching them.” Napakunot-noo siya nang mapatitig sa mga ito.  Pinagdudahan na rin niya ang sariling paniniwala kung sino si Trigger o si Jigger sa mga ito.   “I’m not watching Icen,” kaila niya.  “And you’re still Jigger.” “I’m not.  But you’re still inlove with him.” “With me?” tanong ng kakambal nito.  Nang mapalingon siya rito ay napangiti na lang ito.  “We never switched places.” “You mean kanina pa ninyo ako pinaglololoko?” “Medyo.” Hinila niya ang kuwelyo ng uniporme ng mga ito.  “I hate you both.  Come on, sympathize with me.  Ako ang paborito ninyong kaklase nung college!”  “Sympathize with you?” tanong ni Trigger.  “Sino ang nang-api sa iyo?” “Ang tanong,” singit ng kakambal nito.  “Sino ang nagsabing ikaw ang paborito naming kaklase noon?” Nakasimangot na lang niyang pinakawalan ang mga ito.  There was no use arguing with this two. “Jigger, I think she needed help.  Badly.” “Para saan?” Hindi na niya kailangang tingnan kung saan o sino ang itinuro ni Trigger sa bandang likuran niya.   “Nagbabagong-buhay na tayo, Trigger.  Nagkasundo na tayo riyan mula nang mangyari ang insidenteng iyon sa tatay ni Annamae dahil sa pakikialam natin.  Pinagsabihan na tayo nina Mommy at Daddy nang isumbong tayo ni Diosa.” Saglit itong nag-isip.  “Okay.  Sorry, Kass.” “Hindi naman ako humihingi ng tulong sa inyo, ah.”  Umayos na uli siya ng kanyang upo, nagpangalumbaba saka muling tiningnan ang kinaroroonan nina Icen.  “I’m fine.” “Sige, goodluck.” “Kassandra, will you be staying here at the Stallion Riding Club?” “Oo,” sagot niyang hindi nililingon ang nagtanong.  “Dalawang linggo raw kami rito ni Icen.  Kailangan ko kasing kilalanin si Erica bago siya mag-propose ng kasal blah-blah-blah.  Bakit?” “I’m just gonna ask you for a date.  Kung libre ka at walang ginagawa.” “Okay lang.” Nagkatinginan sa isa’t isa ang mga ito bago muling bumaling sa kanya si Jigger.  “Saan kita susunduin?” “Sa bahay ni Ice.” “You’re staying with him?” “I’m his unofficial fiancee anyway.  Natural lang na alagaan pa rin niya ako hanggang hindi pa sila nagpapakasal ni Erica.” “Unofficial fiancee?  You and Icen are engaged?” “Something like that.” “Cool!” “Puwede rin ba kitang mayayang maka-date, Kass?  I like tough girls like you.” “Okay lang.” “Hindi kaya magagalit ang fiancee mo?” Hindi siya sumagot.  Tinatamad na siyang sumagot dahil sa kakaibang kurot na iyon sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan sa malayo ang masayang sina Icen at Erica.   “Hindi naman niya mapapansin kahit sino ang kasama ko,” sambit niya.  “He’s happy with his life now.” “Jealous?” Doon lang niya binalingan ang kambal.  Parehong nakangiti ang mga ito kaya hindi niay alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga ito nang mga sandaling iyon. “Leave Icen out of this you, two.  Pag kinanti nyo siya, tatapusin ko ang lahi ninyo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD