***** CARA ***** May kirot sa dibdib na nadarama si Cara habang pinakakatitigan niya ang wedding picture nila ni Evo sa living room ng bahay ng tita ni Evo. Kanina ay nakauwi na sila mula sa ospital. Kasama niya rin kanina sina Rucia at Nang Masing pero si Rucia ay nagpaalam na pupunta muna sa bahay nila at mamaya na lang babalik. Si Nang Masing naman ay nagluluto na ng hapunan. Si Eunice, kung nasaan ay hindi niya alam. Basta nang umalis ang kaibigan gawa ng patutsada ni Rucia ay hindi na bumalik. At buong akala niya’y napatigas na niya ang puso niya, na naubos na niya ang mga luha niya kanina roon pa lang sa ospital, ay nagkamali pala siya. Heto’t muli ay nararamdaman niya ang nagbabadnyang mga luha sa pagpatak, na kung hindi lang niya kasama si Evo ay baka pinakawalan na niya.