***** CARA *****
ISANG sulyap pa ang hindi sinasadyang gawin ni Cara kay Rucia. Paano ba naman kasi ay para silang nanggaling sa magkaibang mundo na papasok sa hospital kung nasaan ang clinic ni Doctor Sinon Lozada. Bagaman hindi as in pang-Maria Clara ang kasuotan niya ay masasabi pa rin kasi na para siyang manang kumpara sa kasuotan naman ni Rucia.
Simpleng nakasuot lang kasi siya ng comfortable beige skinny maong pants and a matching white long sleeved tunic. Ang buhok niyang lagpas-balikat ay pinabayaan niyang nakalugay. Hindi rin siya nag-abala na maglagay pa ng make-up dahil ospital naman ang tungo niya. Light lipstick at foundation lang ay kontento na siya tulad ng nakasanayan niya. Hindi pa rin kasi nawawala sa pagkatao niya ang pagiging guro niya kaya ganito pa rin ang pananamit at ayos niya. Kagalang-galang kumbaga.
Samantalang si Rucia ay sexy red dress na naman na braless and virtually backless, so blatantly sexy. Nakapuyod lahat ng buhok nito na sobrang taas at parang nakakain ng maraming sili sa kulay ng lipstick nito. Tumataguktok ang stiletto nito na kulay itim. Animo’y may dadaluhan na naman na party ang dalaga gayong dito lang naman sila sa hospital tutungo. Agaw pansin tuloy ang dalaga.
Kahit ayaw niya ay napilitan siyang magpasama kay Rucia dahil na rin sa pamimilit ni Nang Masing.
“Mahal siguro ang bayad sa hospital na ito, noh? Ang ganda, eh,” hindi maiwasang bulalas ni Rucia nang marating nila ang taas ng escalator. Nahuli siya na nakatitig dito. “Parang nasa mall tayo at hindi hospital. Bongga.” Pero parang wala lang naman dito ang mapanuring tingin niya at pagkakangiwi niya.
Napahiya na nag-iwas ng tingin si Cara. Pasimpleng ibinaling niya ang tingin niya sa ibang dako at inalis niya ang bumara sa lalamunan niya bago sumagot ng pa-humble. “Hindi ko alam dahil ang asawa ko ang nagbabayad.”
“Suwerte mo sa asawa mo, prend. Sana all,” ani Rucia sabay bahagyang tulak sa braso niya. Iyong parang ang tagal na nila magkakilala kaya kumportableng-komportable na ito sa kanya. “May kambal ba si Evo? Or kapatid? Puwede ring pinsan? Akin na lang? I do agad ako sa kanya.”
She chuckled. Ang kulit kasi talaga ni Rucia.
Sinaway na niya ang sarili niya sa pagkukumpara kay Rucia. Itinatak niya sa isip niya na magkakaiba ang tao therefore she has no right to judge her. Ang mahalaga ay mabait si Rucia. Imagine, ilang araw pa lang silang magkakakilala nina Nang Masing pero heto’t ang dami na nitong naitulong sa kanya.
Totoo talaga ang kasabihan na hindi mababase sa hitsura ng tao ang kalooban nito.
“You can't be sure, Cara,” tutol nga lang ng kanyang isipan. Gayunman ay hindi niya pinansin. Sa halip ay ikinawit niya ang kamay niya sa braso ni Rucia. Tulad ng gawain niya kapag si Eunice ang kasama niya. “Doon tayo,” at saka giya niya sa bago niyang kaibigan. Wala namang masama kung tatanggapin na niya itong kaibigan.
Alam niyang napatanga sa kanya si Rucia kaya nginitian niya ito. Malamang ay nagtataka ang dalaga sa kanyang ginawa.
Wala silang salita na tinungo na ang clinic ni Doc Lozada. Kapwa nakangiti lang sila. Sapat na iyon para mawari nila sa isa’t isa na official na silang magkaibigan.
“Si ano ‘yon, ah.” Hanggang sa may itinuro si Rucia dahilan para mapatigil ito ng lakad. Pilit na inaabot ng tanaw nito ang nakitang babae na patungong elevator.
“Alin?” maang na napalingon si Cara sa bagong kaibigan.
“Yung kaibigan mo. Ayon siya, oh.” Mas itinuro pa ni Rucia ang nakitang babae.
“Si Eunice?” Sinundan niya ng nagtatakang tingin ang kamay ni Rucia. Subalit likod na lang ng babae ang nakita niya dahil nagbukas na ang elevator. Hindi niya nakilala kung si Eunice nga ang babae dahil medyo malayo rin ang elevator mula sa kanilang kinatatayuan.
“Akala ko ba busy ang kaibigan mo? Bakit nandito siya?” nagdududang tanong ni Rucia sa kanya, kung para saang pagdududa ay hindi niya mawari.
Para siyang napahiya sa tanong na iyon kaya hindi agad siya nakahulma.
“Mukhang ayaw ka talagang samahan ng kaibigan mo kaya nagsinungaling,” wika pa ni Rucia habang ngunguso-nguso. “May kaibigan din kaming ganyan. Apat kami noong na magbi-besty roon sa bar. Pero no’ng yumaman ang gagang iyon dahil nakatyamba ng milyonaryong sugar daddy ay biglang nagbago. Hindi na kami naalala.”
Bago siya tuluyang ma-brainwash ni Rucia about kay Eunice. “Baka hindi siya iyon,” ay aniya.
“Siya ‘yon,” subalit ay sure na sure na saad ng dalaga. “Ang maldita mong friendship ‘yon. Hindi ako puwedeng magkamali.”
With a wan smile, hinila na lang niya ito. “Ay naku, halika na. Hayaan mo na ‘yon. Hinihintay na tayo ni Doc.”
Nagpatianod naman si Rucia kahit na palingon-lingon pa rin sa may elevator.
Hindi nga lang mapakali na si Cara. A cloud of misgivings loomed over her head. Nagtatanong kung si Eunice nga ba iyon. At kung si Eunice nga iyon ay anong ginagawa ng kanyang kaibigan dito sa hospital? Was Eunice sick that she didn’t know o may dinadalaw lang? Bakit hindi sinasabi sa kanya? Isa pa ay kung dito rin naman pala ang punta ni Eunice ay bakit tinanggihan siya na samahan siya rito ngayon? Anong dahilan?
“Wait lang,” aniya kay Rucia bago pa man sila makapasok sa clinic ng doktor na sadya nila. She took her cell phone from her shoulder bag and dialed Eunice's number. Ngunit makailang ring na iyon ay hindi pa rin sinasagot ng kanyang kaibigan ang kanyang tawag.
“Sinong tinatawagan mo?” usisa ni Rucia.
Nginitian niya ito. Tapos ay pinatay na niya ang tawag. Nagpasya na lamang siyang tawagan ang kaibigan mamaya. Nagbago ang isip niya agad. Ayaw niyang mabatid ni Rucia na si Eunice ang tinatawagan niya pala dahil baka makarating kay Eunice. Baka kung ano pa ang isipin ni Eunice. Mas ayaw niyang malaman na nagdududa na siya sa kaibigan at nagtatampo dahil hindi siya nasamahan ngayon tapos nandito lang din pala.
Sa dami na ng oras na naabala niya ang kaibigan ay wala nga pala siyang karapatang magtampo. May sarili ring buhay ang kaibigan niyang iyon kaya kung mabuti siyang kaibigan din para rito ay hahayaan niya rin ito na gawin ang gusto nitong gawin.
“Tara na sa loob. Baka hinihintay na tayo ni Doc,” aniya na lamang kay Rucia nang ibinalik niya sa bag ang phone niya.
Magkasunod silang pumasok. After ng babaeng umistima sa kanila ay nakaharap nila agad si Doctor Lozada.
Una sa lahat ay ipinakilala ni Cara si Rucia sa guwapong doktor. Natatawa na lamang siya dahil nilandi agad ni Rucia si Doctor Lozada nang nalaman ni Rucia na binata pa ito. Kahit pabiro lang iyon ay nailang tuloy ang binata. Ang kulit talaga ni Rucia.
“Ano pa ang nararamdaman mo?” tanong ni Doc Lozada kay Cara. Kapansin-pansin ang paminsan-minsan ay pagngiwi nito dahil kapag susulyapan nito si Rucia ay kinikindatan ito ng dalaga.
“Iyon lang, doc. Ang ipinagtataka ko lamang ay bakit parang walang bisa na ang mga gamot ko?” binale-wala niya si Rucia at nag-concentrate sa mga sinasabi niya sa doktor kahit na natatawa siya sa dalawa.
“Paanong walang bisa, Cara?” Ganundin yata ang ginawa ng guwapong doctor. He tried to focus his attention on her and ignored Rucia.
Pa-summary na inihayag niya ang mga napansin niya sa mga gamot na iniinom niya.
“Ganoon ba.” Napaisip ang doktor. “Maybe we should increase the dosage of your medicine. Wait.” Tumayo ito at may kinuha sa medicine cabinet. “Heto na lang ang inumin mo twice a day.”
“Thank you,” pasalamat niya nang kinuha iyon.
“Hindi na ba siya makakatulog diyan, doc?” Si Rucia ang nagtanong sa nais niya sanang itanong sa binatang doktor. Sa papansin na tinig nga lang.
“I just want to remind you, Cara, that there is still no cure at present for narcolepsy kaya hindi ko masasabi na hindi ka na makakatulog basta-basta sa gamot na iyan. But at least it will minimize the symptoms,” kay Cara sumagot ang doctor. Ni hindi nito tinapunan ng tingin ang makulit na si Rucia.
“Ako ang nagtanong, eh,” tampurorot tuloy ang dalaga na parinig. Titirik-tirik ang mga mata nito at ngunguso-nguso habang sinisipat-sipat ang de-color na mga mahahabang kuko.
Natatawa na lamang si Cara sa kakulitan ni Rucia. “I understood all too clearly, doc. Salamat sa mga tulong.”
“Just don’t lose hope, Cara. Ipagpatuloy mo pa rin ang normal na buhay mo. Right now you are the only one who can help yourself. Iwasan mo na makaramdam ng kung anu-ano dahil mas nakaka-triger ang mga iyon sa sakit mo. Tinanggap mo na ang pangyayaring ito sa buhay mo kaya dapat matutunan mo na na maging masaya kahit meron kang pinagdadaanan na ganyan. Isipin mo palagi na hindi ka nag-iisa.”
“Pak!” maiksing sang-ayon ni Rucia. Pinitik pa nito ang mga daliri sa ere at kumindat.
Napahiya namang nagbaba siya ng tingin dahil noong isang araw lang ay nagpadala na naman siya sa depression. Dahil do’n ay inatake tuloy siya ng sintomas na mas malala. Para siyang bata na paulit-ulit pinagsasabihan pero paulit-ulit naman niyang nakakalimutan at sinusuway.
“Ikaw lang ang mahihirapan, prend, kapag dinidibdib mo ang sakit mo. Enjoy-in mo lang ang life. Gusto mo sama ka sa bar mamayang gabi? Party-party tayo?” pilyang anyaya sa kanya ni Rucia.
“No, hindi siya puwede sa ganoong place,” ngunit ay pagsalungat ng doktor.
“Joke lang,” peace sign naman ni Rucia rito. “Alam ko naman na jujumbagin ako ni Evo kapag pinilit ko itong si Cara.”
Napahimas sa batok ang doktor.
“Kung gusto mo tayo na lang, doc? Sama ka sa bar sa akin? Don’t worry hindi ako tatanggap ng customer kapag ikaw ang kasama ko. I am all yours. Paliligayahin kita sa kama, doc.”
“Rucia!” Doon na sumabad ulit sa usapan si Cara. Sinaway niya ang pasaway na kaibigan. “Pasensya ka na, doc,” at saka nakangiwi niyang paumanhin sa doktor.
Pilit na ngiti ang tinugon sa kanya ng binata.
“Bakit? May masama ba sa sinabi ko?” mang-maangan ni Rucia.
“Alis na kami, doc. Babalik na lang ako ulit,” napilitan nang paalam ni Cara sa doctor bago pa man mapunta sa kung saan ang pagiging bulgar ni Rucia. Siya na ang nahihiya but at the same ay natatawa sa kapilyahan nito.
“Mauna ka na, prend. Dito muna ako kay doc,” at talagang pasaway pa na tutol ni Rucia sa pag-alis nila.
Kinunutan niya ito at pinandilatan ng mata.
“Sabi ko nga, alis na tayo. Bye, handsome doc. Sa Pegasus Bar pala ako nagtatrabaho. If gusto mo ulit akong makita ay punta ka lang do’n.” Walang nagawa si Rucia kundi ang sumama pa rin sa kanya sa paglisan sa clinic.
Paglabas nila roon ay tawang-tawa silang dalawa. Hindi na kasi mailarawan ang hitsura ni Doctor Lozada nang iniwan nila. Parang ngayon lang naka-encounter ng katulad ni Rucia.
“Namutla si doc, eh,” ani Rucia na tatatawa-tawa.
“Pasaway ka, eh,” sabi lang naman ni Cara. Ibang klase talaga itong bagong kaibigan niya. Ngayon lang ulit siya tumawa nang ganito kalakas simula nagkasakit siya……..